Lesson 146
II Ni Pedro 1
Pambungad
Hinikayat ni Pedro ang mga Banal na hangaring maging tulad ni Jesucristo. Tiniyak ni Pedro sa kanila na ang espirituwal na pag-unlad na ito ay makatutulong na “mangapanatag [sila] sa pagkatawag at pagkahirang” (II Ni Pedro 1:10). Nagsalita rin si Pedro tungkol sa kanyang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at binigyang-diin na ang banal na kasulatan ay mula sa Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
II Ni Pedro 1:1–11
Itinuro ni Pedro kung paano makababahagi sa likas na kabanalan ni Jesucristo
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag (“The Will Within,” Ensign, Mayo 1987, 68):
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na basahin ang pahayag sa pisara at talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga kapartner:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Monson sa katagang “magpakahusay”?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang magpakahusay tayo?
-
Ano ang maaaring humadlang sa pagpapakahusay natin?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng II Ni Pedro 1 ang isang katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung paano sila magpapakahusay.
Ibuod ang II Ni Pedro 1:1–2 na ipinapaliwanag na sumulat si Pedro sa mga miyembro ng Simbahan na sumasampalataya kay Jesucristo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro para matulungan ang mga Banal na manatiling tapat sa kanilang patotoo sa Tagapagligtas.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang itinuro ni Pedro sa mga Banal?
-
Ano ang ibig sabihin ng “makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios”? (talata 4).
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Ni Pedro 1:5–7, na inaalam ang mga katangian ni Jesucristo na hinihikayat ni Pedro na taglayin ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga katangiang nalaman nila. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hanapin sa diksiyonaryo ang mga kahulugan ng alinman sa mga katangiang ito na gusto nilang maunawaan pa nang mas mabuti.
Sabihin sa mga estudyante na umisip ng mga halimbawa ng mga pagkakataong ipinakita ng Tagapagligtas ang isa sa mga banal na katangiang ito. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangian, maaari nating …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagpapalang matatanggap natin kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangian ng Tagapagligtas.
-
Anong pagpapala ang matatanggap natin kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangiang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara upang ganito ang kalabasan: Kapag nagkaroon tayo ng mga banal na katangian, maaari nating makilala si Jesucristo.)
-
Sa palagay ninyo, bakit makatutulong na magkaroon tayo ng mga banal na katangiang ito para makilala si Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Ni Pedro 1:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isa pang pagpapala na darating sa mga nagsisikap na magkaroon ng mga banal na katangian.
-
Anong pagpapala ang darating sa mga taong nagsisikap na magkaroon ng mga banal na katangian ni Jesucristo? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo” [talata 10] ay matanggap sa buhay na ito ang katiyakang ibinigay ng Diyos na makakamit ninyo ang buhay na walang hanggan. Tinukoy rin ito ni Pedro bilang “lalong panatag na salita ng hula” [II Ni Pedro 1:19. Tingnan din sa D at T 131:5].)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit dapat nating pagsikapang mapagbuti ang ating banal na potensyal? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig nating pagbubutihin ang ating banal na potensyal habang nasa buhay na ito, maaari nating matanggap ang katiyakang ibinigay ng Diyos na makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na ang pagkakaroon ng mga banal na katangian ay makatutulong sa atin na makilala si Jesucristo at inihahanda tayo sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang banal na katangian na pinakagusto nilang pagbutihin. Sabihin sa kanila na magsulat ng tiyak na mga gagawin nila para mapagbuti ang katangiang iyon.
II Ni Pedro 1:12–21
Ibinahagi ni Pedro ang kanyang patotoo kay Jesucristo at nagturo tungkol sa banal na kasulatan
Maaari mong isulat sa pisara ang mga edad ng ilan sa pinakamatatanda sa mga Apostol ngayon. Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sabi ng iba napakatanda na namin. Totoo na siyam sa mga Apostol ay lampas na sa 80 anyos! Ako’y 85” (“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [Church Educational System devotional, Mayo 4, 2014], broadcasts.lds.org).
-
Sa palagay ninyo, bakit pinupuna ng ilang tao ang mga edad ng ilan sa mga propeta at mga apostol?
-
Ano ang isasagot ninyo sa mga pumupuna na ang mga propeta at mga apostol ngayon ay napakatanda na para makapaglingkod nang mabuti?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa patuloy na pag-aaral nila ng II Ni Pedro 1 ang isang katotohanan tungkol sa mga propeta at mga apostol na mas mahalaga kaysa mga edad nila.
Ipaliwanag na ibinahagi ni Pedro sa II Ni Pedro 1:12–19 ang kanyang patotoo bilang saksi ni Jesucristo.
Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang II Ni Pedro 1:20–21, at matapos magbasa ang estudyante, ipaliwanag na ganito ang sinasabi sa Joseph Smith Translation ng 2 Peter 1:20: “Na malalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa kalooban ng tao.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pedro tungkol sa tungkulin ng “mga tao [ng Diyos],” na ibig sabihin sa pagkakataong ito ay mga propeta.
-
Ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa tungkulin ng mga propeta? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Tinatanggap ng mga propeta ang banal na kasulatan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang banal na kasulatan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“[Ang mga banal na kasulatan ay] kapwa isinulat at sinabi, ng mga banal na tao ng Diyos kapag pinakikilos ng Espiritu Santo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Kasulatan, Mga,” scriptures.lds.org; tingnan din sa D at T 68:2–4). Ang ilang banal na kasulatan ay ginawa nang kanoniko. Ang kanoniko ay “isang kinikilala, pinagsama-samang mga banal na talaan na nararapat sundin. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga kanonikong aklat ay tinatawag na mga pamantayang gawa at kabilang dito ang Luma at Bagong Tipan, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kanoniko,” scriptures.lds.org).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang kanyang patotoo na ang mga propeta ngayon ay patuloy pa ring nakatatanggap ng banal na kasulatan.
“Ang [mga propeta ay] ang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan noong unang panahon. At ang linyang ito ang paraan ng pakikipag-usap Niya ngayon sa pamamagitan ng mga turo at payo ng mga buhay na propeta at apostol at iba pang mga lider na binigyang-inspirasyon” (“Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 84).
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman na ginagamit pa rin ng Diyos ang huwarang ito sa pagbibigay ng banal na kasulatan para sa Kanyang mga anak?
-
Paano nagbibigay sa inyo ng mas malaking tiwala sa sinalita at isinulat na salita ng mga propeta noon at ngayon ang pagkaunawa sa huwarang ito?
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal.
-
Anong mga talata sa banal na kasulatan, sa mga propeta noon o sa mga propeta ngayon, ang nakaimpluwensya sa buhay ninyo? Paano kayo napagpala ng mga banal na kasulatang iyon?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa kung paano ka pinagpala sa pamamagitan ng banal na kasulatan.
Tingnan ang naunang pahayag ni Elder Oaks, at anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo sa iba ayon sa patnubay ng Espiritu tungkol sa katotohanan ng mga propeta at banal na kasulatan.