Lesson 13
Mateo 8–10
Pambungad
Sa paglalakbay ni Jesucristo papuntang Galilea, gumawa Siya ng maraming himala. Tumawag din Siya ng Labindalawang Apostol, na Kanyang pinagkalooban ng kapangyarihan at pinagbilinan, at pinaglingkod sa mga tao.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 8:1–9:34
Gumawa si Jesus ng maraming himala
Sa simula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang sumusunod na tanong:
-
Kung alam ninyo na darating ang Tagapagligtas para bisitahin ang inyong bayan o lungsod ngayon, sino ang dadalhin ninyo para ipagamot? Bakit?
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture references: Mateo 8:1–4; Mateo 8:5–13; Mateo 8:14–15; Mateo 8:23–27; Mateo 8:28–32; Mateo 9:1–8; Mateo 9:18–19, 23–26; Mateo 9:20–22; Mateo 9:27–31; at Mateo 9:32–33. Mag-assign ng isa sa mga scripture reference sa bawat estudyante. (Kung maliit lang ang klase, bigyan ng mahigit isang talata ang ilang estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang nakatalagang mga talata sa kanila at hanapin ang mga himalang ginawa ni Jesus. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi nang maikli ang nalaman nila. (Paalala: Ang mga himalang ito ay pag-aaralan ng mga estudyante nang mas detalyado sa Marcos 1–5.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 8:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang propesiya na tinupad ni Jesucristo sa paggawa Niya ng mga himalang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong katotohanan tungkol kay Jesucristo ang matututuhan natin mula sa bawat isa sa mga himalang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Mapagagaling ni Jesus ang ating mga sakit at karamdaman. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga sakit ay karamdaman o kahinaan.)
-
Paano tayo mapagagaling o mapalalakas ng Tagapagligtas kung hindi natin Siya kasamang nabubuhay ngayon sa mundo? (Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Tingnan sa Alma 7:11–13.)
Mateo 9:35–10:8
Tumawag si Jesus ng labindalawang Apostol
Magdispley ng larawan o mga larawan ng kasalukuyang mga Apostol ng Simbahan, kabilang ang Unang Panguluhan. (Makakakuha ng mga larawang iyan sa LDS.org [tingnan sa Meet Today’s Prophets and Apostles] at sa mga isyu ng pangkalahatang kumperensya sa Ensign o Liahona.)
-
Ano ang ipinagkaiba ng mga taong ito sa lahat ng tao sa mundo ngayon?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mateo 9–10 tungkol sa tungkulin ng mga Apostol at ang mga pagpapalang maidudulot nila sa buhay natin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 9:35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang ginawa ni Jesus bukod sa pagpapagaling sa iba.
-
Bukod sa pagpapagaling sa iba, ano ang ginawa ni Jesus noong Kanyang ministeryo?
Ipaliwanag na nang ipangaral ni Jesus ang ebanghelyo at gumawa ng mga himala sa buong Judea, dumami ang bilang ng mga taong sumunod at naghanap sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 9:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ayon sa Tagapagligtas ang mga taong kailangan Niya para makatulong sa paglilingkod sa mga sumusunod sa Kanya.
-
Ayon sa mga talata 37–38, kanino sinabi ni Jesus na kailangan Niya ng makakatulong sa pagkalinga sa mga nagsisunod sa Kanya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 10:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang ginawa ni Jesus para tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao.
-
Ano ang ginawa ni Jesus para tulungan ang maraming taong sumunod sa Kanya?
-
Anong doktrina ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa isang paraan ng pagmiministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa mundo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay tumawag ng mga Apostol at iginawad ang Kanyang awtoridad sa kanila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa tabi ng Mateo 10:1–4.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 10:5-8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang sinabi ng Tagapagligtas na ituturo ng Kanyang mga disipulo.
-
Ano ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga Apostol?
Ipaliwanag na ang salitang apostol ay mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “isinugo.” Noong una, ang mga Apostol ay isinusugo o ipinapadala lamang sa sambahayan ni Israel. Kalaunan, iniutos ng nabuhay na muling Tagapagligtas na ipangaral din ang ebanghelyo sa mga Gentil, o yaong mga hindi kabilang sa sambahayan ni Israel.
-
Anong mga pagkakatulad ang napansin ninyo sa mga ginawa ni Jesus at sa mga ipinagawa Niya sa Kanyang mga Apostol?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ipinapagawa ni Jesucristo sa mga Apostol? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang kahalintulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay tumatawag ng mga Apostol para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo at gawin ang Kanyang mga gawain. Maaaring isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Patingnan muli ang mga larawan ng mga kasalukuyang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng halimbawa kung paano nangangaral at naglilingkod ang mga Apostol ngayon na siya ring gagawin ni Jesus kung narito Siya sa mundo.
Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng katotohanang tinukoy nila sa itaas, basahin o magpakita ng bahagi ng mensahe na ibinigay kamakailan ng Apostol ngayon na mahalaga sa mga kabataan. Matapos basahin ang pahayag na ito o ipanood ang video clip, itanong:
-
Paano naiimpluwensiyahan ang pagtugon natin sa itinuturo at ipinapayo ng mga Apostol na gawin natin kapag alam nating sila ay tinawag ni Jesucristo?
-
Sa anong mga paraan naimpluwensyahan ng mga paglilingkod at mensahe ng mga Apostol ngayon ang inyong buhay?
Anyayahan ang mga estudyante na tapat na hangarin ang pagkakataong marinig, mapag-aralan, at maipamuhay ang mga salita ng mga napiling Apostol ng Panginoon.
Mateo 10:9–42
Tinagubilinan ni Jesus ang Labindalawang Apostol bago sila umalis para mangaral at maglingkod
Ibuod ang Mateo 10:9–16 na ipinapaliwanag na pinagbilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na magtiwalang ilalaan ng Ama sa Langit ang kanilang mga kailangan habang naglalakbay sila upang mangaral ng ebanghelyo. Itinuro rin sa kanila ng Tagapagligtas na basbasan ang mga taong tumatanggap at nagpapatuloy sa kanila.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na may isang taong hindi nila karelihiyon ang nagtanong sa kanila ng mahirap na tanong tungkol sa ebanghelyo o sa isang kontrobersyal na bagay tungkol sa Simbahan.
-
Gaano kayo katiwala na alam ninyo ang dapat sabihin sa ganoong sitwasyon? Bakit?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng alituntunin sa mga turo ni Jesus sa Kanyang mga Apostol sa natitirang bahagi ng Mateo 10 na makatutulong sa atin kapag kailangan nating ipaliwanag ang ebanghelyo o ibahagi ang ating patotoo.
Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 10:16–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga uri ng pagsubok na sinabi ni Jesus na daranasin ng mga Apostol sa kanilang paglalakbay at pangangaral.
-
Anong mga hamon ang sinabi ni Jesus na haharapin ng Kanyang mga Apostol sa pag-alis nila para ipangaral ang ebanghelyo?
-
Ayon sa mga talata 19–20, paano malalaman ng mga Apostol ang sasabihin sa ganitong mga mapanghamong sitwasyon? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “huwag ninyong ikabalisa” ay “huwag masyadong ipag-alala”.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan ninyo sa mga talatang ito tungkol sa pakikipag-usap sa iba kapag tayo ay naglilingkod sa Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, bibigyan Niya tayo ng inspirasyon na malaman ang sasabihin kapag kailangan.)
-
Kailan ninyo nadama na binigyan kayo ng Panginoon ng inspirasyon para malaman ninyo ang sasabihin sa isang tao? (Maaari mong bigyan ng ilang sandali na makapag-isip ang mga estudyante bago sila pasagutin sa tanong na ito.)
Ibuod ang Mateo 10:21–42 na ipinapaliwanag na patuloy na binigyan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol ng mga tagubilin, babala, at kapanatagan tungkol sa mga hamong kakaharapin nila. Para matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng mga salita ng Tagapagligtas sa Mateo 10:37–39, pagpartner-partnerin sila o hatiin sa maliliit na grupo at bigyan ang bawat magkakapartner o grupo ng kopya ng kalakip na handout. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa handout sa pamamagitan ng sama-samang pag-aaral ng mga talatang ibinigay sa kanila at pagtalakay sa mga isinagot nila sa mga tanong.
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, maaari mong sabihin sa ilan sa kanila na ibuod sa klase ang natutuhan nila.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning tinukoy ng mga estudyante tungkol sa pagsasakripisyo para kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang bagay na magagawa nila ngayon o sa malapit na hinaharap upang magsakripisyong paglingkuran si Jesucristo at ang iba. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin at pagsikapan iyon.