Library
Lesson 17: Mateo 14


Lesson 17

Mateo 14

Pambungad

Matapos malaman ang kamatayan ni Juan Bautista, gusto ni Jesus na mapag-isa ngunit sinundan Siya ng maraming tao. Siya ay nahabag sa kanila, pinagaling ang kanilang maysakit, at mahimalang pinakain ang mahigit limang libo sa kanila. Nang gabing iyon, lumakad sa ibabaw ng dagat si Jesus papunta sa Kanyang mga disipulo na nahihirapang maglayag sa Dagat ng Galilea dahil sa napakalakas na bagyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 14:1–21

Ginustong mapag-isa ni Jesus at pagkatapos ay nagpakain ng mahigit limang libong tao

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataong nakadama sila ng matinding lungkot. Anyayahan silang isipin ang ginawa nila para mapagtiisan at makayanan ang kanilang kalungkutan.

  • Ano ang ilan sa iba’t ibang paraang ginagawa ng tao para matiis at makaya ang lungkot?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mateo 14 ang mga paraan na mapagtitiisan at makakayanan nila ang mga kalungkutan, pagsubok, at alinlangan.

Ibuod ang Mateo 14:1–11 na ipinapaliwanag na sa pang-uudyok ng kanyang bagong asawa (si Herodias), di-makatarungang ibinilanggo ni Haring Herodes si Juan Bautista. Matapos magsayaw sa kanyang harapan si Salome na anak na babae ng kanyang asawa, nangako si Herodes sa harap ng mga tao na ibibigay niya rito ang “ang anomang hingin niya” (Mateo 14:7). Kinausap ng anak na babae ang kanyang ina tungkol dito at sinabi nito na hingin niya ang ulo ni Juan Bautista, at dahil dito, pinapugutan ni Herodes si Juan.

Ipaalala sa mga estudyante na si Juan Bautista ay kaibigan at kamag-anak ni Jesucristo at ang propetang pinili ng Diyos na maghahanda ng daan para sa Mesiyas.

  • Isipin na kunwari ay malapit kayong kaibigan ni Juan Bautista. Paano ninyo tatanggapin ang balitang pinatay siya nang di-makatarungan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:12–13, at ipahanap sa klase ang ginawa ni Jesus nang malaman Niya ang tungkol sa pagkamatay ni Juan.

  • Ano ang ginawa ni Jesus nang malaman niya ang pagkamatay ni Juan? (Maaari mong ipaliwanag na ang “dakong ilang” ay tumutukoy sa isang lugar na malayo sa maraming tao .

  • Ano ang nangyari nang sinubukan ni Jesus na mapag-isa?

  • Ano ang madarama ninyo kung gusto ninyong mapag-isa, pero may mga taong gustong pag-ukulan ninyo sila ng atensyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa ni Jesus nang makita Niyang sinusundan Siya ng maraming tao.

  • Anong halimbawa ang ipinakita sa atin ng Tagapagligtas na dapat nating tularan kapag nalulungkot tayo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag kinahahabagan natin ang iba kahit malungkot tayo, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo.)

  • Bakit mahirap magpakita ng habag sa iba kapag nagdurusa tayo?

  • Paano nakatutulong sa atin na magpakita ng habag sa iba kung tayo mismo ay nagdurusa rin?

  • Kailan kayo o ang isang taong kilala ninyo nakadama ng matinding kalungkutan pero sa kabila nito ay nagpakita pa rin ng habag sa iba? Sa anong mga paraan makatutulong ang paglilingkod sa iba?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 14:15–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano patuloy na nagpakita ng habag si Jesus sa maraming tao. (Paalala: Ang himalang nakatala sa Mateo 14:15–21 ay ituturo nang mas detalyado sa lesson para sa Marcos 6:35–44.)

  • Paano patuloy na nagpakita ng habag si Jesus sa mga taong sumunod sa Kanya?

Mateo 14:22–36

Naglakad si Jesus sa ibabaw ng dagat habang bumabagyo

Para matulungan ang mga estudyante sa pag-iisip ng mga sitwasyon na maaari silang makadama ng pag-aalinlangan at takot kapag sinunod nila si Jesucristo, ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang sumusunod na mga sitwasyon:

  1. Isang dalagita ang pinanghihinaan ng loob habang nakikitang naghihirap ang kanyang ina dahil sa malubhang sakit. Nagsimula na siyang magtanong kung alam ba ng Ama sa Langit ang pagdurusa ng kanyang pamilya. Gustung-gusto niyang maniwala sa Diyos, pero unti-unti na siyang pinangingibabawan ng pag-aalinlangan.

  2. Isang binatilyo ang kasasapi lang sa Simbahan. Marami sa mga dati niyang kaibigan ang hayagang inaayawan ang desisyon niyang sumapi sa Simbahan. Iniisip na niya kung ipagpapatuloy ba niya ang pagiging aktibo at matapat na miyembro ng Simbahan.

  • Ano ang iba pang mga paraan na maaaring makadama ng alinlangan o takot ang mga tao habang hinahangad nilang sundin si Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang ito sa pag-aaral nila ng nalalabing bahagi ng Mateo 14 na makatutulong sa kanila na madaig ang takot, alinlangan, at panghihina ng loob.

Ibuod ang Mateo 14:22 na ipinapaliwanag na iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maglakbay sakay ng daong (barko) patungo sa kabilang ibayo habang pinayayaon Niya ang mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan nagpunta si Jesus pagkatapos Niyang mapayaon ang mga tao. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:24–25, at ipahanap sa klase ang nangyari habang tumatawid ang mga disipulo sa Dagat ng Galilea.

  • Ano ang nangyari sa mga disipulo habang tinatawid nila ang Dagat ng Galilea?

  • Ano ang ibig sabihin ng “pasalungat sa hangin”? (talata 24). (Ito ay umiihip na kasalungat sa direksyon ng kanilang destinasyon.)

Ayon sa talata 23, gabi noon nang nag-iisa sa bundok si Jesus at tumatawid naman sa Dagat ng Galilea ang mga disipulo. Ang distansya para matawid ang dagat ay mga limang milya (halos walong kilometro) at dapat matawid nang dalawa hanggang tatlong oras kung maganda ang panahon.

  • Ayon sa talata 25, kailan pinuntahan ng Tagapagligtas ang mga disipulo sa dagat? (Ang ikaapat na pagpupuyat ay mula alas-3:00 n.u. hanggang alas-6:00 n.u.)

  • Mga gaano na katagal sumasagupa sa hangin ang mga disipulo sa pagtawid sa dagat? (Mga 9 hanggang 12 oras.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Marcos 6:47–48, na inaalam ang ilang karagdagang detalye na ibinigay ni Marcos tungkol sa pangyayaring ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Maaari bang mas maagang natulungan ni Jesus sa kanilang paghihirap ang mga disipulo? Ano kaya ang dahilan kung bakit hinayaang maghirap muna ang mga disipulo bago sila iligtas?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa ating sariling paghihirap mula sa mga tala na ito tungkol sa mga disipulong nagsusumigasig na tawirin ang dagat? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kahit hindi tayo laging ililigtas ng Diyos mula sa mga paghihirap, alam Niya ang nararanasan natin at, sa Kanyang takdang panahon, ay tutulungan tayo.)

  • Anong kabutihan ang maidudulot sa atin ng mahaba-habang paghihirap sa halip na tulungan tayo kaagad ng Panginoon sa ating mga pagsubok?

  • Paano nakakapagpalakas ng pananampalataya natin sa Panginoon ang malaman na alam Niya ang mga paghihirap natin kahit hindi Niya tayo kaagad tinutulungan?

Sabihin sa mga estudyante na i-visualize na nakasakay sila sa bangka sa kalagitnaan ng gabi at maraming oras nang sinasagupa ang malakas na hangin at alon, at nakita nila na may taong naglalakad sa ibabaw ng tubig.

  • Ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo kung nalagay kayo sa ganitong sitwasyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:26–27, at tanungin sa klase kung ano ang naging reaksyon ng mga disipulo nang makita nila si Jesus.

  • Ano ang reaksyon ng mga disipulo nang makita nila si Jesus?

  • Paano pinawi ni Jesus ang kanilang takot?

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Mateo 14:28, at ipahanap sa klase ang gustong gawin ni Pedro nang marinig niya ang tinig ng Panginoon.

  • Ano ang gustong gawin ni Pedro nang marinig niya ang tinig ng Panginoon?

Magpakita ng larawan ni Jesus sa harap ng klase, at sabihin sa klase na isipin na kunwari ay sila si Pedro na nakasakay sa bangka. Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 14:29–30 Matapos mabasa ang bawat talata, itanong sa mga estudyante kung ano kaya ang maiisip o mararamdaman nila kung sila si Pedro.

  • Bakit nagsimulang lumubog si Pedro?

  • Ano ang sinasagisag sa buhay natin ng hangin at alon sa tala na ito na maaaring magpadama sa atin ng takot o alinlangan?

  • Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Pedro tungkol sa pag-iwas na madaig ng takot at alinlangan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na maipapahayag na kung itutuon natin ang ating mga mata kay Jesucristo at mananatiling nananampalataya sa Kanya, hindi tayo madaraig ng ating takot at pag-aalinlangan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter, at sabihin sa klase na pakinggan ang panganib kapag tumigil tayo sa pagsampalataya sa ating Panginoon:

Pangulong Howard W. Hunter

“Matibay ang paniniwala ko na kung magagawa natin bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa, gaya ni Pedro, na ipako ang ating tingin kay Jesus, baka tayo man ay tagumpay na makalakad sa ibabaw ng ‘napakalalaking alon ng kawalan ng pananampalataya’ at ‘hindi masindak sa gitna ng paparating na mga hangin ng pag-aalinlangan.’ Ngunit kapag inalis natin ang ating paningin sa kanya na dapat nating paniwalaan, na madaling gawin at natutukso ang mundo na gawin, kung titingnan natin ang puwersa at poot ng nakasisindak at mapaminsalang mga elementong nakapalibot sa atin sa halip na tumingin sa kanya na makatutulong at makapagliligtas sa atin, kung gayon tiyak na lulubog tayo sa dagat ng pagtatalo at kalungkutan at kawalan ng pag-asa” (“The Beacon in the Harbor of Peace,” Ensign, Nob. 1992, 19)

  • Ano ang mga paraan na “maitutuon natin ang ating mga mata” kay Jesucristo, tulad ng unang ginawa ni Pedro?

  • Kailan kayo nakakita ng pangyayari na naiwasan ng isang tao na magpadaig sa takot o pag-aalinlangan dahil may pananampalataya siya kay Jesucristo?

Magpatotoo na kung “itutuon natin ang ating mga mata” kay Jesucristo at mananatiling nananampalataya sa Kanya, magkakaroon tayo ng pag-asa at tapang na harapin ang ating mga pagsubok. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga babaguhin nila sa buhay upang mas maituon o mapanatili nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at magtakda ng mithiin na gawin ang mga pagbabagong iyon.

Ipaliwanag na tulad ni Pedro, maaaring kung minsan ay hindi natin napapanatili ang pananampalataya kay Jesucristo at maaaring magpadala sa takot, pag-aalinlangan, at panghihina ng loob.

Lumakad si Cristo sa ibabaw ng tubig

Magdispley ng larawan ni Jesucristo na naglalakad sa tubig (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebangelyo [2009], blg. 43; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:30–32.

  • Ayon sa talata 30, ano ang ginawa ni Pedro nang matanto niya na papalubog na siya?

  • Ano ang matututuhan natin sa tala na ito tungkol sa gagawin ng Panginoon kung hihingi tayo ng tulong sa Kanya kapag nanghihina ang ating pananampalataya? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hihingin natin ang tulong ng Diyos kapag nanghihina ang ating pananampalataya, mapapawi Niya ang ating mga takot at alinlangan.)

  • Sa anong mga paraan mapapawi ng Diyos ang ating mga takot at alinlangan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 14:33, at ipahanap sa klase ang ginawa ng mga disipulo matapos makalulan sa bangka sina Jesus at Pedro.

Ibuod ang Mateo 14:33–36 na ipinapaliwanag na matapos ang pangyayaring ito, nagpatuloy sa kanilang paglalakbay sina Jesus at Kanyang mga disipulo at narating ang malalayong dalampasigan ng Galilea. Nang malaman ng mga tao na naroon si Jesus, dinala nila sa Kanya ang mga taong may karamdaman. Marami sa kanila ang napagaling sa paghawak lamang sa laylayan ng Kanyang damit.

Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa lesson na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang impresyon na natanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 14:25. “At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon [si Jesus] sa kanila”

Kapag umaasa tayo na bibigyan tayo ng Panginoon ng mabilis na solusyon sa ating mga problema, hindi natin makikita ang mas malaking dahilan ng pagkaantala ng Kanyang tulong. Ikinuwento ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagsubok na naranasan niya nang hindi kaagad nakatanggap ng solusyon mula sa Panginoon:

“Bagaman nahirapan ako noon, nagpapasalamat ako ngayon na walang agarang solusyon sa aking problema noon. Ang katotohanan na halos araw-araw akong napilitang humingi ng tulong sa Diyos sa napakatagal na panahon ay talagang nagturo sa akin kung paano manalangin at masagot ang mga dalangin at naturuan ako sa napakapraktikal na paraan na manampalataya sa Diyos. Nakilala ko ang aking Tagapagligtas at aking Ama sa Langit sa paraan at sa antas na hindi sana nangyari sa ibang paraan o mas matagal ko sanang nakamit. … Natuto akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso. Natuto akong sumunod sa Kanya sa araw-araw” (“Give Us This Day Our Daily Bread” [Church Educational System fireside, Ene. 9, 2011], LDS.org).

Heto ang sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagkabatid ng Tagapagligtas sa paghihirap ng Kanyang mga disipulo sa pagtawid sa Dagat ng Galilea sa gitna ng bagyo:

“Mula sa ituktok ng bundok kung saan nanalangin siya … , nakita ni Jesus ang mga panganib at paghihirap na nararanasan ng Kanyang pinakamamahal na mga kaibigan habang sinisikap nilang marating ang kanlurang dalampasigan ng lawa ng Galilea. … Ang pagkabatid Niya sa kanilang kalagayan ay tiyak na nagmula sa kapangyarihan ng Espiritu at hindi dahil sa nakita ito ng likas na mata, sapagkat sila ay mahigit apat—baka nga lima o anim pa—na milya ang layo. …

“… Sa walo o sampung oras wala pang apat na milya ang nalakbay nila mula sa dalampasigan.

“Nanganganib sila. Kahit matipunong mga lalaki ay hindi kayang sagupain ang paghampas ng mga alon at nag-aalimpuyong unos sa dagat. Iyon na ang ikaapat na pagpupuyat ng gabi, sa pagitan ng ikatlo at ikaanim ng umaga. Hinayaan sila ni Jesus na maghirap at mapagod hanggang masaid ang kanilang lakas. Ngayon ay dumating siya upang tumulong” (The Mortal Messiah, 4 na tomo. [1979–81], 2:358–59).