Library
Lesson 32: Mateo 27:1–50


Lesson 32

Mateo 27:1–50

Pambungad

Bilang bahagi ng pagsasabwatan na patayin si Jesucristo, dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Poncio Pilato, ang gobernador ng Roma. Pinahintulutan ni Pilato si Jesus na hampasin o hagupitin at ipako sa krus. Tiniis ni Jesus ang pagdurusa at tinanggap ang kamatayan upang gawin ang kagustuhan ng Kanyang Ama.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 27:1–25

Dinala si Jesus kay Pilato upang mahatulan ng pagpapako sa krus

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Kung isa kayo sa magiging saksi sa isang pangyayari sa banal na kasulatan, alin ang pipiliin ninyo?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Ipaliwanag na sa lesson na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nasaksihan nila ang pangyayari.

Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Ngayon ay nakita at nadama ko …

Ituro ang di-kumpletong pahayag sa pisara, at ipaliwanag na magkakaroon ng oportunidad ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag ayon sa naranasan nila sa kanilang pag-aaral ng Mateo 27:1–50.

Ipaalala sa mga estudyante na nang dakpin si Jesus, “iniwan siya ng lahat ng mga alagad, at nagsitakas” (Mateo 26:56). Ang mataas na saserdoteng si Caifas at ang Sanedrin ay inakusahan si Jesus ng paglapastangan sa Diyos—isang mabigat na kasalanan na may parusang kamatayan sa ilalim ng batas ng mga Judio; gayunpaman, sa ilalim ng batas ng Romano, ang mga Judio ay walang kapangyarihang ipapatay ang isang tao dahil sa paglapastangan sa Diyos. Dahil dito, ang mga pinunong Judio ay naghanap ng kasalanan sa ilalim ng batas ng Roma kung saan mapaparusahan ng kamatayan si Jesus.

Ibuod ang Mateo 27:1–10 na ipinapaliwanag na dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Judea. Nang makita ito ni Judas, pinagsisihan niya ang kanyang pasiya na ipagkanulo si Jesus, ibinalik ang perang tinanggap niya mula sa mga pinunong Judio, at nagpatiwakal. Dahil ang mga piraso ng pilak ay “halaga ng dugo” (Mateo 27:6) at samakatwid ay hindi dapat idagdag sa kabang-yaman, ginamit ng mga pinunong Judio ang pera na pambili ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga-ibang bayan (o mga dayuhan). Binanggit ni Mateo ang pangyayaring ito bilang katuparan ng propesiyang matatagpuan sa Zacarias 11:12–13.

Sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 27:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga ipinaratang ng mga pinunong Judio kay Jesus sa harap ni Pilato.

  • Ayon sa talata 11, ano ang itinanong ni Pilato kay Jesus?

Ipaliwanag na pinaratangan si Jesus ng mga pinunong Judio ng pagtataksil, o pagtatangkang pabagsakin ang pamahalaan ng Roma, at sinabing ipinahahayag ni Jesus na Siya ay hari at naghahangad na magtatag ng Kanyang sariling kaharian.

  • Ayon sa talata 14, bakit nanggilalas o namangha si Pilato?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang sasabihin nila kay Pilato para ipagtanggol ang Tagapagligtas kung mayroon silang pagkakataong magsalita. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga iniisip.

Ibuod ang Mateo 27:15–16 na ipinapaliwanag na bawat taon tuwing Pista ng Paskua, kaugalian na ng gobernador ng Roma na patawarin ang sinumang nahatulang kriminal. Ang mga tao ay pinapahintulutang pumili ng isang bilanggo na palalayain. Isang kilalang bilanggo noong oras na hinahatulan si Jesus ay isang lalaking nagngangalang Barrabas, na hinatulan dahil sa pagnanakaw, pagrerebelde sa awtoridad ng Roma, at pagpatay.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 27:17–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinanong ni Pilato sa mga taong nagtipon sa palasyo ng gobernador.

  • Ayon sa talata 17 at 21, ano ang itinanong ni Pilato sa mga tao?

  • Ano kaya ang mga dahilan kung bakit iminungkahi ni Pilato na palayain si Jesus sa halip na si Barrabas?

  • Bakit sa bandang huli ay pinalaya ni Pilato si Barabbas at ipinapako si Jesus?

Mateo 27:26–50

Si Jesus ay hinampas, kinutya, at ipinako sa krus

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 27:26, at sabihin sa klase na alamin ang ginawa kay Jesus bago Siya ipinako sa krus.

  • Ano ang ibig sabihin ng hampasin? (Latiguhin nang paulit-ulit.)

Maaari kang magpakita ng maliit na bato na may matalim o matutulis na gilid at ipaliwanag na ang latigo na ginagamit na panghampas ay kadalasang may matutulis na bagay (gaya ng mga bato, metal, o buto) na ikinakabit sa mga hibla ng latigo. Ang ganitong uri ng pagpaparusa ay karaniwang ipinapataw sa mga alipin, samantalang ang mga dugong maharlika o malalayang tao ay hinahampas ng pamalo. Maraming tao ang namatay matapos malatigo dahil sa matinding sakit na dulot nito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 27:27–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng mga kawal na Romano kay Jesus.

  • Ano ang ginawa ng mga kawal na Romano kay Jesus?

  • Sa palagay ninyo, bakit humanap ang mga kawal ng magbubuhat ng krus para kay Jesus? (Tiyak na nanghina na si Jesus matapos maranasan ang napakatinding sakit na di-kayang ilarawan ng isip at ang pagkawala ng maraming dugo dulot ng pagdurusa sa Getsemani at habang nilalatigo.)

  • Batid na si Jesus ay Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng mundo, ano kaya ang madarama ninyo kung kayo ay sapilitang pinagdala ng krus ni Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 27:33–34, at sabihin sa klase na alamin ang bagay na ayaw gawin ni Jesus bago siya ipako sa krus.

  • Ano ang ayaw gawin ni Jesus? (Inumin ang alak na inalok sa Kanya.)

Ang pag-alok sa inuming ito ay katuparan ng propesiyang matatagpuan sa Mga Awit 69:21. Maaari mong ipaliwanag na ang suka na “may kahalong apdo” (Mateo 27: 34), o tulad ng nakatala sa Marcos, na, “alak na hinaluan ng mirra” (Marcos 15:23), ay nakaugalian nang ibinibigay bilang pampamanhid para mabawasan nang kaunti ang paghihirap ng taong naghihingalo. Sa pagtangging uminom, sinadya ni Jesus na huwag pamanhidin ang Kanyang mga pandamdam at magpakita ng determinasyong manatiling may malay sa nalalabing sandali ng Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 27:35–45, at sabihin sa klase na alamin ang iba pang mga bagay na ginawa ng mga tao para kutyain o tuksuhin si Jesus.

  • Paano kinutya o tinukso ng mga tao si Jesus?

  • Batid na si Jesus ay may kapangyarihang iligtas ang Kanyang sarili, bakit sa palagay ninyo hindi Siya bumaba mula sa krus?

Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 27:46, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus habang nakapako sa krus.

  • Ano ang sinabi ni Jesus? (“Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nangyari sa sandaling ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Taglay ang matibay na pananalig ng aking kaluluwa pinatototohanan ko na … hindi pinabayaan ng perpektong Ama ang Kanyang Anak sa oras na iyon. Tunay nga, ito ang personal kong paniniwala na sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa maaaring sa huling sandaling ito ng napakatinding paghihirap naging napakalapit ng Ama sa Kanyang Anak. Gayunman, … saglit na [inilayo] ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya “(“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 87–88).

  • Sa palagay ninyo, bakit inilayo ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu kay Jesus sa sandaling ito?

Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan sa talata 46, basahin ang nalalabing bahagi ng pahayag ni Elder Holland:

“Kailangan iyon; tunay ngang mahalaga iyon sa bisa ng Pagbabayad-sala, na ang perpektong Anak na ito na hindi kailanman nagsalita ng masama, ni gumawa ng mali, o humipo ng maruming bagay, ay kailangang malaman kung ano ang mararamdaman ng sangkatauhan—tayo, nating lahat—kapag nakagawa ng gayong mga kasalanan. Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” 88).

  • Batay sa Mateo 27:46 at sa pahayag ni Elder Holland, paano ninyo ibubuod ang naranasan ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Pagbabayad-sala? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Bilang bahagi ng Pagbabayad-sala, nadama ni Jesucristo ang paglayo ng Espiritu ng Ama sa Langit.)

  • Ayon kay Elder Holland, bakit naranasan ni Jesucristo ang paglayo ng Espiritu? (Para madama kung ano ang pakiramdam ng espirituwal na mamatay.)

Ipaliwanag na nakararanas tayo ng espirituwal na kamatayan, o paglayo ng Espiritu ng Ama sa Langit, kapag nagkakasala tayo. Magpatotoo na dahil naranasan ni Jesucristo ang espirituwal na kamatayan sa Halamanan ng Getsemani, matututulungan Niya tayo kapag nalayo tayo sa Espiritu ng Ama sa Langit dahil sa mga mali nating pagpili. Matutulungan din Niya tayo kapag nadarama natin na nag-iisa lang tayo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 27:50 at ang hango (o excerpt) mula sa Joseph Smith Translation, Matthew 27:50 na binago ang talata at naging ganito, “At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, sinasabing, Ama, naganap na, nagawa na ang Inyong kalooban, at nalagot ang Kaniyang hininga,” na inaalam kung ano pa ang sinabi ng Tagapagligtas habang nakapako sa krus.

  • Ayon sa Joseph Smith Translation ng talatang ito, bakit kailangang pagdusahan ni Jesus ang lahat ng iyon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay nagdusa upang gawin ang kagustuhan ng Ama sa Langit.)

Ipaalala sa mga estudyante ang naunang lesson, kung saan pinag-aralan nila ang Mateo 26 at nalaman ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang kahandaan Niyang sumunod sa kagustuhan ng Ama. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang Mateo 26:39 bilang cross-reference sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 27:50 upang tulungan silang maalala na ginawa ni Jesus ang ipinangako Niyang gawin.

  • Bakit ang kagustuhan ng Ama na maranasan ni Jesus ang mga pagdurusang iyon, ay nagsimula sa Getsemani at natapos sa pagpapako sa krus?

Ipaliwanag na isa sa mga pinakamainam na paraan para maipakita natin sa Panginoon ang pasasalamat at pagpapahalaga natin sa pagdurusang tiniis Niya para sa atin ay ang mamuhay nang matwid. Balikan ang di-kumpletong pahayag na isinulat mo sa pisara sa simula ng klase: “Ngayon ay nakita at nadama ko …” Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 27:15–21. Si Barrabas o si Jesus?

Ang kahulugan ng pangalang Barrabas na “anak ng ama” ay kabalintunaan. Ang mga tao, na karamihan ay inudyukan ng mga punong saserdote at matatanda, ay hininging palayain si Barrabas at itinatwa ang tunay na Anak ng Ama. Masasabing, tulad ni Barrabas—tayo ay mga makasalanang anak na pinalaya dahil ang tunay na Anak ng Ama ay hinatulang mamatay. Si Barrabas ay isang magnanakaw, mamamatay-tao, at traydor, samantalang si Jesus ay ganap na mabuti at perpekto. Ang mga taong hinangad na patawan ng hatol na kamatayan ang Tagapagligtas ay malinaw na pinapili, at pinili nila ang masama.

Ibinadya sa batas ni Moises ang pagpapalaya kay Barrabas ilang siglo bago nangyari ito. Itinuro sa batas ni Moises na minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay pipili ng dalawang kambing. Ang isang kambing ay kay Azazel at patatakasin sa ilang, samantalang ang isa ay ‘sa Panginoon’ at papatayin bilang handog para sa kasalanan ng mga tao (tingnan sa Levitico 16:8–10). Pagkatapos ay kukuha ng dugo ang mataas na saserdote mula sa pinatay na kambing at dadalhin sa Dakong Kabanal-banalan ng tabernakulo. Iwiwisik ito sa ibabaw ng panakip ng kaban ng tipan (na tinatawag na luklukan ng awa), na sagisag ng pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng Israel.

Ipinaliwanag ni Gerald N. Lund, na kalaunan ay naging miyembro ng Pitumpu, kung paano ibinadya ng mga pangyayari sa Araw ng Pagbabayad-sala ang pag-aalay ng Tagapagligtas ng Kanyang dugo: “Si Cristo, bilang kordero ni Jehova at bilang Mataas na Saserdote, ay nagtigis ng kanyang sariling dugo upang makapasok sa makalangit na dakong kabanal-banalan kung saan ang dugong iyon ay tumubos sa mga kasalanan ng mga taong magsisisunod sa kanyang mga utos. (Tingnan sa Heb. 9:11–14, 24–28; 10:11–22; D at T 45:3–5.)” (Jesus Christ, Key to the Plan of Salvation [1991], 67).

Mateo 27:26. Ano ang ibig sabihin ng mahampas o mahagupit?

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ibig sabihin ng hampasin:

“Sa malupit na parusang ito, na ginagawa bago ang pagpapako sa krus, ang biktima ay hinuhubaran ng damit, iginagapos sa poste o haligi, at pinapalo ng latigo na may maraming hibla na gawa sa katad na nilagyan ng matatalim na tingga at matutulis na buto. Iiwan nito ang pinahirapan na duguan, nanghihina, at kung minsan ay isa nang patay, (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:807.

Sa ibang pagkakataon, binanggit muli ni Elder McConkie na “marami ang namatay sa paghampas lamang, ngunit natagalan Niya ang paghampas nang sa gayon ay mamatay siya sa isang [kalait-lait na] kamatayan sa malupit na krus ng Kalbaryo” (“Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Getsemani,” Liahona, Abril 2011, 18).