Library
Lesson 6: Mateo 1–2


Lesson 6

Mateo 1–2

Pambungad

Ang talaangkanan o genealogy ni Jesucristo ay itinala ni Mateo, at isang anghel ang nagpahayag kay Jose na si Jesus ay literal na Anak ng Diyos. Ang mga pantas na lalake mula sa Silangan ay naglakbay upang hanapin at sambahin ang batang si Jesus. Sinabihan si Jose sa panaginip na dalhin ang kanyang pamilya sa Egipto upang makaiwas sa malupit na pagpapatay ni Herodes ng mga sanggol sa Betlehem.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 1:1–17

Ang talaangkanan ni Jesus

Magdispley ng larawan ng iyong mga magulang at itanong sa mga estudyante kung may napapansin silang anumang katangiang namana mo sa kanila. Maaari mo ring pagdalhin ang ilang estudyante ng mga larawan ng kanilang mga magulang at pahulaan sa klase kung kaninong mga magulang sila. Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan ang anumang katangiang namana nila sa kanilang mga magulang (tulad ng kulay ng mata, kulay ng buhok, o taas).

Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanang ipinahayag tungkol sa mga magulang ng Tagapagligtas at ang mga katangiang namana Niya sa kanila sa pag-aaral nila ng Mateo 1–2. Ang aktibidad na ito ay dapat maghanda sa mga estudyante na maunawaan ang katotohanan na si Jesucristo ang banal na Anak ng Ama sa Langit at ni Maria at Siya ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman.

Ipaliwanag na nakatala sa Mateo 1:1–17 ang mga ninuno ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na binanggit sa talata 1 na si Jesucristo ay inapo ni David at ni Abraham.

Ipaliwanag na ipinahayag sa mga propesiya sa Lumang Tipan na ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David (tingnan sa II Samuel 7:12–13; Isaias 9:6–7; Jeremias 23:5–6) at pagpapalain ng binhi ni Abraham “ang lahat ng bansa sa lupa” (Genesis 22:18; tingnan din sa Abraham 2:11). Gusto ni Mateo na malaman ng mga mambabasa na tinupad ni Jesus ang mga propesiya ng Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas (tingnan sa Mateo 1:22–23; 2:5, 15, 23; 26:55–56). Ang talaangkanan na nakatala sa Mateo 1:1–17 ay nagpapakita na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas at Siya ang may karapatang magmana ng trono ni David.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 1:16. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang titulong ibinigay kay Jesus at ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na ang salitang Cristo ay ang wikang Griyego ng salitang Aramaic na Mesiyas, na ang ibig sabihin ay “ang pinahiran ng langis” o hinirang.

  • Sa buhay bago ang buhay na ito, ano ang hinirang na gawin ni Jesucristo? (Hinirang siya ng Ama sa Langit na maging ating “Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.lds.org; tingnan din sa Bible Dictionary, “Anointed One”].)

Mateo 1:18–25

Isang anghel ang nagpahayag kay Jose na si Jesus ay literal na Anak ng Diyos

Ipaliwanag na binanggit din sa Mateo 1:16 na si Maria ang asawa ni Jose. Ayon sa Mateo 1:18, si Maria ay magaasawa kay Jose. Ibig sabihin nito ay magkatipan sila, o may kasunduan nang magpapakasal, at nakatali na sa isa’t isa pero hindi pa nagsasama bilang mag-asawa. Gayunman, bago ang kasal, nalaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 1:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang gustong gawin ni Jose.

  • Ano ang gustong gawin ni Jose nang matuklasan niyang nagdadalang-tao si Maria? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “hiwalayan siya ng lihim” ay pinlano ni Jose na kanselahin nang lihim ang pagpapakasal upang hindi danasin ni Maria ang paghamak ng madla o ang pagbabatuhin hanggang mamatay bilang posibleng kaparusahan.)

  • Ano ang itinuturo sa atin ng talatang ito tungkol sa pagkatao ni Jose?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 1:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari kay Jose habang pinag-iisipan niyang itigil ang balak na pagpapakasal kay Maria.

  • Bakit sinabi ng anghel kay Jose na huwag matakot na ituloy ang pagpapakasal kay Maria?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng mga salitang “sa Espiritu Santo” (Mateo 1:18, 20), ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Tulad ng si Jesus ay literal na Anak ni Maria, Siya rin ay personal at literal na anak ng Diyos ang Amang Walang Hanggan. … Ang pahayag ni Mateo na, ‘ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo,’ kung isasalin nang wasto ay dapat na ganito, ‘siya ay nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.’ (Mat. 1:18.) … Nailarawan nang lubos ni Alma ang paglilihi at pagsilang sa Panginoon sa propesiya na: Si Cristo ‘ay isisilang ni Maria, … siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at maglilihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.’ (Alma 7:10.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:82).

  • Ano ang natutuhan natin sa mga turong ito tungkol sa pagiging literal na Anak ng Diyos ni Jesus? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang banal na Anak ng Ama sa Langit at ni Maria. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 1:18–25.)

Patingnan ang larawan ng iyong mga magulang at sabihing muli ang ilan sa mga katangiang namana mo sa kanila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung bakit mahalagang maunawaan na si Jesus ang banal na Anak ng Ama sa Langit at ni Maria.

Elder James E. Talmage

“Ang batang isisilang ni Maria ay bugtong na Anak ni Elohim, ang Amang walang Hanggan. … Ang Kanyang mga katangian ay kakikitaan ng pinagsamang kapangyarihan ng Pagkadiyos at ng kakayahan at mga posibilidad ng pagiging mortal. … Ang Batang si Jesus ay magmamana ng pisikal, mental at espirituwal na pag-uugali, gawi, at kapangyarihan na siyang katangian ng Kanyang mga magulang—ang isa ay imortal at niluwalhati—Diyos, at ang isa ay mortal na—babae” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 81).

  • Ano ang mga katangiang minana ni Jesus mula sa Kanyang Ama? Ano ang mga katangiang minana Niya mula sa Kanyang ina?

Ipaliwanag na dahil si Jesus ay Anak ng isang imortal na Ama at isang mortal na ina, may kakayahan Siyang mabuhay nang walang hanggan kung pipiliin Niya, gayundin ng katangiang mamatay. Ang banal na katangiang ito ang nagpamarapat sa Kanya na magdusa para sa ating mga kasalanan, mamatay sa krus, at mabuhay na muli.

Mateo 2:1–12

Ang mga Pantas na Lalake ay ginabayan patungo kay Jesus

3 kahon na nakabalot

Magdispley ng tatlong nakabalot na regalo sa harap ng klase o magdrowing sa pisara ng tatlong regalo.

  • Sino ang nagdala ng mga regalo sa Tagapagligtas matapos Siyang isilang?

handout iconIpaliwanag na ang Ebanghelyo ni Mateo ang kaisa-isang Ebanghelyo na nagsalaysay tungkol sa mga Pantas na Lalake. Ibigay ang sumusunod na quiz bilang handout o isulat sa pisara ang mga tanong bago magklase. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para basahin ang mga tanong at isulat ang kanilang mga sagot.

handout, Mga Pantas na Lalake

Gaano ang alam ninyo tungkol sa mga Pantas na Lalake?

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 6

  1. Paano nalaman ng mga Pantas na Lalake na isinilang na ang Mesiyas?

  2. Bakit gustong hanapin ng mga Pantas na Lalake ang Mesiyas?

  3. Paano nalaman ng mga punong saserdote at mga eskriba kung saan isisilang ang Mesiyas?

  4. Ano ang gusto ni Herodes na gawin ng mga Pantas na Lalake kapag natagpuan nila si Jesus?

  5. Sa halip na sundin si Herodes, ano ang ginawa ng mga Pantas na Lalake?

Pagkatapos ng sapat na oras, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 2:1–12, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong sa quiz.

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang anumang natutuhan nila tungkol sa mga Pantas na Lalake. Ang mga detalye sa mga talata 11 at 16 ay nagpapahiwatig na maaaring mga dalawang taon na mula nang isilang si Jesus nang makarating ang mga Pantas na Lalake sa banal na pamilya (nakita ng mga Pantas na Lalake si Jesus sa isang bahay, hindi sa isang sabsaban, at Siya ay isang batang musmos, hindi bagong silang na sanggol). Ipaliwanag na ang dahilan kung bakit gusto ni Herodes na sabihin sa kanya ng mga Pantas na Lalake kung saan nila natagpuan ang Mesiyas ay upang Siya ay kanyang mapatay (tingnan sa Mateo 2:13).

  • Paano nalaman ng mga Pantas na Lalake kung saan hahanapin ang Mesiyas?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng mga Pantas na Lalake na naghahanap sa Tagapagligtas? (Ang mga sagot ng mga estudyante ay maaaring magkaiba-iba, ngunit tulungan mo silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung hahanapin natin nang tapat at masigasig ang Tagapagligtas, gagabayan tayo patungo sa Kanya.)

  • Paano natin masigasig na mahahanap ang Tagapagligtas?

  • Ano ang kaagad na ginawa ng mga Pantas na Lalake nang mahanap nila ang Tagapagligtas? Bakit? (Ang isang layunin ng paghahandog sa Tagapagligtas ay upang sambahin Siya.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng mga Pantas na Lalake na naghandog sa Tagapagligtas? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Sinasamba natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang handog sa Kanya.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo makapagbibigay ng makabuluhang handog sa Tagapagligtas, ipabasa nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Noong unang panahon kapag gustong sumamba ng mga tao at humingi ng biyaya sa Panginoon, kadalasa’y nagdadala sila ng handog. …

“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag tinaglay at ginawa ninyo itong bahagi ng inyong pagkatao, naghahandog kayo sa Panginoon. Kung minsa’y mahirap itong gawin, ngunit ang mga handog bang pagsisisi at pagsunod ay marapat ihandog kung hindi ninyo pinaghirapan?” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 12).

  • Ano ang makabuluhang maihahandog natin sa Tagapagligtas?

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang pahayag ni Elder Christofferson at pag-isipan kung anong handog ang sa palagay nila ay dapat ibigay sa Tagapagligtas. Bigyan sila ng papel na pagsusulatan ng kanilang mga ideya. Hikayatin silang magplano kung paano nila ibibigay ang mga handog na ito kay Jesucristo.

Mateo 2:13–23

Tumakas sina Jose, Maria, at Jesus papuntang Egipto

Ipaliwanag na ayon sa Mateo 2:13–23, nagalit si Herodes nang ang mga Pantas na Lalake ay “nangagsiuwi … sa kanilang sariling lupain” (Mateo 2:12) nang hindi sinasabi sa kanya kung saan naroon ang Mesiyas. Dahil gusto niyang patayin ang Mesiyas, iniutos niya na patayin ang lahat ng bata na dalawang taon at pababa na nasa Betlehem at sa mga karatig na lugar.

Basahin nang malakas ang Mateo 2:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nalaman ni Jose ang dapat gawin para manatiling ligtas ang kanyang pamilya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Saan dinala ni Jose sina Maria at Jesus?

Ibuod ang Mateo 2:15–23 na ipinapaliwanag na nanatili sa Egipto sina Jose, Maria, at Jesus hanggang sa mamatay si Herodes. Iniutos ng Diyos kay Jose sa panaginip na dalhin ang kanyang pamilya pabalik sa Israel, at nanirahan sila sa lungsod ng Nazaret.

  • Paano napagpala ang buhay ng iba ng pagiging madaling makahiwatig ni Jose sa mga bagay na espirituwal?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula kay Jose? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung madali tayong makaramdam sa pahiwatig ng Espiritu, makatatanggap tayo ng paghahayag at patnubay.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas madaling makaramdam sa pahiwatig ng Espiritu. Hikayatin sila na mithiing sundin ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 1:1–17. Ang talaangkanan ni Jesus

“Si Jesus ay hindi anak ni Jose, ngunit ang talaangkanan ni Jose ay talaangkanan din ni Maria , dahil sila ay magpinsan; namana ni Jesus sa kanyang inang si Maria, ang dugo ni David at samakatwid ay may karapatan sa trono ni David. Isinilang si Jesus sa maharlikang angkan, at tulad ng ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage, ‘Kung ang Judah ay naging isang malayang bansa, na pinamamahalaan ng matwid na pinuno, si Jose na karpintero sana ang naputungang hari nito; at ang may karapatang humalili sa kanya bilang hari ay si Jesus ng Nazaret, ang Hari ng mga Judio’ [Jesus the Christ, Ika-3 ed. (1916), 87; tingnan din sa Jesus the Christ, 83–86, 89–90; Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 1:94–95]” (The Life and Teachings of Jesus and His Apostles, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 1979], 22).

Mateo 1:18. “Si Maria ay magaasawa kay Jose”

Sa sinaunang Israel, ang kasal sa pagitan ng isang kabataang lalaki at kabataang babae ay inaayos at pinagkakasunduan ng mga namumuno sa kani-kanilang pamilya—karaniwan ay mga ama. Sa sandaling matukoy ng ama ng lalaking ikakasal o ng namumuno sa pamilya ang babaeng papakasalan, magsisimula na ang pag-uusap at pagkakasunduan. Kabilang sa pinagtutuunan nila ang ‘halaga ng babaeng pakakasalan,’ isang uri ng dote, na babayaran ng ama ng lalakeng ikakasal o namumuno sa pamilya sa pamilya ng babaeng pakakasalan. Sa sandaling napagkasunduan na ang pag-aasawa, may dalawang bahagi ang kasal: kasunduang pagpapakasal (na tinawag ding pag-aasawa; tingnan sa Mateo 1:18) at ang seremonya ng kasal.

Ang pangakong pagpapakasal ay legal at mas sagrado kaysa sa kasunod na seremonya ng kasal, kung kailan magsisimula nang mamuhay bilang mag-asawa ang lalaki at babae. Ang pangakong pagpapakasal ay itinuturing na huling bahagi ng sagradong pakikipagtipan. Taglay nito ang bisa ng tipan na dapat igalang ng magkabilang panig na may takot sa Diyos (tingnan sa Genesis 2:24; Ezekiel 16:8; Mga Taga Efeso 5:21–33). Bagama’t ang magkatipan na nangakong magpakasal ay legal nang maituturing na mag-asawa (tingnan sa Deuteronomio 22:23–24), sa panahon ng pangakong pagpapakasal at seremonya ng kasal, mahigpit na ipinapatupad ng batas ang kalinisang-puri (tingnan sa Mateo 1:18, 25).

Mateo 1:18–25. Ang pagiging espirituwal ni Jose

“Nang malamang nagdadalang-tao si Maria, si Jose, na nababatid na hindi siya ang ama, ay may ilang opsiyon. Una, maaari niyang piliing ihayag sa madla ang pakikipaghiwalay kay Maria o hayaan itong mapatawan ng parusa, dahil iisipin ng mga tao na nagkasala si Maria ng pakikiapid—isang krimen na may parusang kamatayan sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 20:10); Juan 8:5). Pangalawa, maaari ding lihim na ipawalang-bisa ni Jose sa harap ng dalawang saksi ang kasunduang pagpapakasal kay Maria. Ang pangatlong opsiyon ay ang ituloy ang pagpapakasal. Naawa si Jose kay Maria kaya nagpasiya ito na lihim na ipawalang-bisa ang kasunduang pagpapakasal (tingnan sa Mateo 1:19). Gayunman, nang tiyakin ng anghel na ang anak ni Maria ay ang Anak ng Diyos, pinili ni Jose na pakasalan si Maria, kahit na maaaring magdulot ito ng kahihiyan sa kanya at pagkutya ng mga tao (tingnan sa Mateo 1:20–25; Lucas 3:23; Juan 8:41).

“Tinalakay ni Gerald N. Lund, na naging miyembro ng Pitumpu kalaunan, ang mga pangitain at ang pagiging espirituwal ni Jose: ‘Sinasabi sa atin ni Mateo na [si Jose] ay nagmula sa angkan ni Haring David, na siya ay matwid at mapagsaalang-alang, na sa isang panaginip ay sinabi sa kanya ng anghel kung sino si Jesus, na siya ay masunurin, at ang ipapangalan niya sa sanggol ay Jesus, na ang ibig sabihin ay tagapagligtas. (Tingnan sa Mat. 1.) Alam natin na dinala niya si Maria sa Betlehem, kung saan ipinanganak si Jesus. (Tingnan sa Lucas 2:4–6.) Wala pang dalawang taon kalaunan, dinala ni Jose ang kanyang pamilya sa Egipto upang takasan si Herodes, matapos mabigyang-babala sa panaginip. Sa Egipto, sinabing muli sa kanya sa panaginip na bumalik, at isa pang panaginip ang nagsabi sa kanya na pumunta sa Galilea. (Tingnan sa Mat. 2:13–15, 19–22.) Apat na panaginip mula sa Diyos! Tunay ngang pambihira ang pagiging mapangitain at pagiging espirituwal ni Jose’ (Jesus Christ, Key to the Plan of Salvation [1991], 51–52)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 13–14).