Mga Pangunahing Doktrina
Ang mga Pangunahing Doktrina ay dapat mabigyang-diin sa mga klase ng seminary at institute. Dapat tulungan ng mga titser ang mga estudyante na matukoy, maunawaan, mapaniwalaan, maipaliwanag, at maipamuhay ang mga doktrinang ito ng ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo at madagdagan ang kanilang pagpapahalaga para sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pag-aaral ng mga doktrinang ito ay makatutulong din sa mga estudyante na mas maging handa na ituro ang mahahalagang katotohanang ito sa iba.
Karamihan sa 100 scripture mastery passage na pinili ng Seminaries and Institutes of Religion ay pinili para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga Pangunahing Doktrina. Tumutukoy sa mga scripture mastery passage ang karamihan sa mga scripture reference na nakalista sa dokumentong ito. Isinama ang mga ito para ipakita kung paano nauugnay ang mga ito sa mga Pangunahing Doktrina.
1. Panguluhang Diyos
May tatlong magkakahiwalay na katauhan sa Panguluhang Diyos: ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan; ang Kanyang Anak na si Jesucristo; at ang Espiritu Santo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20). Ang Ama at ang Anak ay may mga katawang may laman at buto, at ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu (tingnan sa D at T 130:22–23). Iisa ang kanilang layunin at doktrina. Sila ay ganap na nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Diyos Ama
Ang Diyos Ama ang Pinuno ng sansinukob. Siya ang Ama ng ating mga espiritu (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:9). Siya ay perpekto, nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan, at alam Niya ang lahat ng bagay. Siya rin ay isang Diyos na lubos na maawain, mabait, at mapagmahal.
Jesucristo
Si Jesucristo ang Panganay na Anak ng Ama sa espiritu at ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang Jehova ng Lumang Tipan at ang Mesiyas ng Bagong Tipan.
Si Jesucristo ay namuhay nang walang kasalanan at isinakatuparan ang Pagbabayad-sala para sa kasalanan ng buong sangkatauhan (tingnan sa Alma 7:11–13). Ang Kanyang buhay ay perpektong halimbawa kung paano dapat mamuhay ang buong sangkatauhan (tingnan sa Juan 14:6; 3 Nephi 12:48). Siya ang unang tao sa daigdig na ito na nabuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:20–22). Siya ay darating muli sa kapangyarihan at kaluwalhatian at maghahari sa mundo sa Milenyo.
Ang lahat ng panalangin, pagbabasbas, at ordenansa ng priesthood ay dapat gawin sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:15, 20–21).
Mga kaugnay na reperensya: Helaman 5:12; D at T 19:23; D at T 76:22–24
Ang Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang personaheng espiritu at walang katawang may laman at mga buto. Madalas Siyang tinutukoy bilang ang Espiritu, ang Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu ng Panginoon, at ang Mang-aaliw.
Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, naghahayag ng katotohanan ng lahat ng bagay, at nagpapabanal sa mga nagsisisi at nagpapabinyag (tingnan sa Moroni 10:4–5).
Mga kaugnay na reperensya: Mga Taga Galacia 5:22–23; D at T 8:2–3
2. Plano ng Kaligtasan
Sa buhay bago ang buhay sa mundo, ipinakilala ng Ama sa Langit ang isang plano na magtutulot sa atin na maging katulad Niya at magtamo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Tinukoy ng mga banal na kasulatan ang planong ito bilang ang plano ng kaligtasan, ang dakilang plano ng kaligayahan, ang plano ng pagtubos, at ang plano ng awa.
Kabilang sa plano ng kaligtasan ang Paglikha, ang Pagkahulog, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang lahat ng mga batas, ordenansa, at doktrina ng ebanghelyo. Ang kalayaang moral—ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili—ay mahalaga rin sa plano ng Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Dahil sa planong ito, tayo ay magiging perpekto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, makatatanggap ng ganap na kagalakan, at mabubuhay nang walang hanggan sa piling ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 12:48). Ang ating mga ugnayang pamilya ay maaaring tumagal hanggang sa walang hanggan.
Mga kaugnay na reperensya: Juan 17:3; D at T 58:27
Buhay Bago ang Buhay sa Mundo
Bago tayo isinilang sa mundo, namuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak (tingnan sa Abraham 3:22–23). Sa buhay na ito bago tayo isinilang nakibahagi tayo sa isang kapulungan kasama ang iba pang mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Sa kapulungang iyon, ipinaalam ng Ama sa Langit ang Kanyang plano at nakipagtipan ang premortal na si Jesucristo na maging Tagapagligtas.
Ginamit natin ang ating kalayaang pumili para sundin ang plano ng Ama sa Langit. Naghanda tayo na pumarito sa mundo, kung saan magpapatuloy ang ating pag-unlad.
Ang mga sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay pinahintulutang pumarito sa mundo para makaranas ng mortalidad at pag-unlad tungo sa buhay na walang-hanggan. Si Lucifer, na isa pang espiritung anak ng Diyos, ay naghimagsik laban sa plano. Siya ay naging si Satanas, at siya at ang kanyang mga kampon ay itinaboy sa langit at pinagkaitan ng pribilehiyong tumanggap ng pisikal na katawan at makaranas ng buhay sa mundo.
Kaugnay na reperensya: Jeremias 1:4–5
Ang Paglikha
Nilikha ni Jesucristo ang langit at ang lupa sa ilalim ng pamamahala ng Ama. Ang mundo ay hindi nilikha mula sa wala; ito ay inorganisa mula sa mga materya [matter] na umiiral na. Si Jesucristo ay lumikha ng mga daigdig na hindi mabibilang (tingnan sa D at T 76:22–24).
Ang Paglikha ng mundo ay mahalaga sa plano ng Diyos. Naglaan ito ng isang lugar kung saan magkakaroon tayo ng pisikal na katawan, para masubukan, at magkaroon ng mga banal na katangian.
Dapat nating gamitin ang mga likas na yaman ng mundo nang may katalinuhan, mabuting pagpapasiya, at pasasalamat (tingnan sa D at T 78:19).
Si Adan ang unang tao na nilikha sa mundo. Nilikha ng Diyos sina Eva at Adan sa Kanyang sariling larawan. Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos (tingnan sa Genesis 1:26–27).
Ang Pagkahulog
Sa Halamanan ng Eden, iniutos ng Diyos kina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama; ang ibubunga ng paggawa nito ay espirituwal at pisikal na kamatayan. Ang espirituwal na kamatayan ay pagkawalay sa Diyos. Ang pisikal na kamatayan ay ang paghihiwalay ng espiritu at ng katawang mortal. Dahil lumabag sina Adan at Eva sa utos ng Diyos, sila ay pinaalis mula sa Kanyang kinaroroonan at naging mga mortal. Ang paglabag nina Eva at Adan at ang mga pagbabago na naranasan nila bilang resulta nito, kabilang na ang espirituwal at pisikal na kamatayan, ay tinatawag na Pagkahulog.
Bilang resulta ng Pagkahulog, sina Adan at Eva at ang kanilang mga inapo ay makararanas ng kagalakan at kalungkutan, malalaman ang tama at mali, at magkakaroon ng mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Bilang mga inapo nina Eva at Adan, minana natin ang nahulog na kalagayan sa mortalidad. Nawalay tayo sa piling ng Diyos at daranas ng pisikal na kamatayan. Tayo rin ay sinusubukan ng mga paghihirap ng mortal na buhay at ng mga tukso ng kaaway. (Tingnan sa Mosias 3:19.)
Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit. Ito ay isang pagkahulog, ngunit nagdulot din ito ng pag-unlad natin. Dagdag pa sa ibinunga nitong pisikal at espirituwal na kamatayan, binigyan tayo nito ng pagkakataong maisilang sa mundo at matuto at umunlad.
Buhay sa Mundo
Ang buhay sa mundo ay isang panahon ng pag-aaral upang makapaghanda tayo para sa buhay na walang hanggan at mapatunayan na gagamitin natin ang ating kalayaang pumili para gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon. Sa buhay sa mundong ito, dapat nating mahalin at paglingkuran ang iba (tingnan sa Mosias 2:17; Moroni 7:45, 47–48).
Sa mortalidad, magkasama ang ating espiritu at pisikal na katawan, na nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na lumago at umunlad sa mga paraan na hindi posible noon sa buhay bago ang buhay sa mundo. Ang ating mga katawan ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan at dapat igalang bilang kaloob mula sa ating Ama sa Langit (tingnan sa I Mga Taga Corinto 6:19–20).
Mga kaugnay na reperensya: Josue 24:15; Mateo 22:36–39; 2 Nephi 28:7–9; Alma 41:10; D at T 58:27
Kabilang-buhay
Kapag namatay tayo, mapupunta ang ating mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu at maghihintay sa Pagkabuhay na Mag-uli. Ang espiritu ng mabubuti ay tatanggapin sa isang kalagayan ng kaligayahan na tinatawag na paraiso. Marami sa matatapat ang mangangaral ng ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu.
Ang bilangguan ng mga espiritu ay isang pansamantalang lugar sa kabilang-buhay para sa mga namatay nang walang kaalaman sa katotohanan at para sa mga sumuway sa mortalidad. Doon, ituturo sa mga espiritu ang ebanghelyo at magkakaroon sila ng pagkakataong magsisi at matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan na isinagawa para sa kanila sa mga templo (tingnan sa I Ni Pedro 4:6). Ang mga yaong tumanggap ng ebanghelyo ay mananahan sa paraiso hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang pagsasamang muli ng ating katawang espiritu at ng ating perpektong pisikal na katawang may laman at mga buto (tingnan sa Lucas 24:36–39). Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, hindi na muling maghihiwalay ang ating espiritu at katawan at tayo ay magiging imortal. Bawat taong isinilang sa mundo ay mabubuhay na muli dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:20–22). Ang mabubuti ay mabubuhay na mag-uli bago ang masasama at babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang Huling Paghuhukom ay magaganap pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli. Hahatulan ni Jesucristo ang bawat tao upang matukoy ang walang-hanggang kaluwalhatian na matatanggap nila. Ang paghatol ay ibabatay sa pagsunod ng bawat tao sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 20:12; Mosias 4:30).
May tatlong kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42). Ang kahariang selestiyal ang pinakamataas sa mga ito. Ang matatapat sa kanilang patotoo kay Jesus at masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay mananahan sa kahariang selestiyal sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa D at T 131:1–4).
Ang pangalawa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian ay ang kahariang terestriyal. Ang mga yaong mananahan sa kahariang ito ay ang mararangal na lalaki at babae sa mundo na hindi matatag ang patotoo tungkol kay Jesus.
Ang kahariang telestiyal ang pinakamababa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian. Ang mga magmamana ng kahariang ito ay sila na pumili ng kasamaan sa halip na kabutihan sa buhay nila sa mundo. Tatanggapin ng mga taong ito ang kanilang kaluwalhatian matapos matubos mula sa bilangguan ng mga espiritu.
Kaugnay na reperensya: Juan 17:3
3. Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Ang magbayad-sala ay pagdusahan ang kaparusahan para sa kasalanan, sa gayon ay tinatanggal ang mga epekto ng kasalanan mula sa nagsisising makasalanan at nagtutulot sa kanya na makipagkasundo muli sa Diyos. Si Jesucristo ang tanging may kakayahang magbayad-sala para sa sangkatauhan. Kabilang sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pagdurusa para sa kasalanan ng sangkatauhan sa Halamanan ng Getsemani, ang pagtigis ng Kanyang dugo, ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus, at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa libingan (tingnan sa Lucas 24:36–39; D at T 19:16–19). Naisagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala dahil pinanatili Niyang malinis ang Kanyang sarili mula sa kasalanan at may kapangyarihan Siyang daigin ang kamatayan. Mula sa Kanyang mortal na ina, namana Niya ang katangiang mamatay. Mula sa Kanyang imortal na Ama, namana Niya ang kapangyarihang ialay ang Kanyang buhay at kunin itong muli.
Sa pamamagitan ng biyaya, na matatamo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, lahat ng tao ay mabubuhay muli at matatanggap ang imortalidad. Maaari din nating matanggap ang buhay na walang hanggan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 7:41). Upang matanggap ang kaloob na ito, dapat nating ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, na kinabibilangan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagpapabinyag, pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo, at tapat na pagtitiis hanggang wakas (tingnan sa Juan 3:5).
Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lang nagdusa si Jesucristo para sa ating mga kasalanan kundi dinala rin Niya sa Kanyang sarili ang mga pasakit, pagsubok, karamdaman, at kahinaan ng buong sangkatauhan (tingnan sa Alma 7:11–13). Nauunawaan Niya ang ating pagdurusa dahil naranasan Niya ito. Ang Kanyang biyaya, o kapangyarihang nagbibigay-kakayahan, ay pinalalakas tayo para makayanan ang mga pasanin at magawa ang mga gawain na hindi natin magagawa sa ating sarili (tingnan sa Mateo 11:28–30; Mga Taga Filipos 4:13; Eter 12:27).
Mga kaugnay na reperensya: Juan 3:5; Mga Gawa 3:19–21
Pananampalataya kay Jesucristo
Ang pananampalataya ay “[pag-]asa … sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21; tingnan din sa Eter 12:6). Ito ay isang kaloob mula sa Diyos.
Ang pananampalataya ay kailangang nakatuon kay Jesucristo upang ito ang umakay sa isang tao tungo sa kaligtasan. Ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na umasa sa Kanya at magtiwala sa Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, kapangyarihan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo at paniniwala na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga ito (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6; D at T 6:36).
Higit pa sa paniniwala nang walang ginagawa, naipapakita ang pananampalataya sa pamamagitan ng paraan ng pamumuhay natin (tingnan sa Santiago 2:17–18). Ang ating pananampalataya ay mapapalakas kapag tayo ay nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at sumusunod sa mga utos ng Diyos.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may pananampalataya rin sa Diyos Ama, sa Espiritu Santo, at sa kapangyarihan ng priesthood gayundin sa iba pang mahahalagang aspeto ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Tinutulungan tayo ng pananampalataya na matanggap ang espirituwal at pisikal na paggaling at lakas para magpatuloy, maharap ang ating mga paghihirap, at madaig ang tukso (tingnan sa 2 Nephi 31:19–20). Gagawa ng malalaking himala ang Panginoon sa ating buhay ayon sa ating pananampalataya.
Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, ang isang tao ay maaaring magtamo ng kapatawaran ng mga kasalanan at sa huli ay makapananahan sa piling ng Diyos.
Kaugnay na reperensya: Mateo 11:28–30
Pagsisisi
Ang pagsisisi ay pagbabago ng puso’t isipan at nagbibigay sa atin ng panibagong pananaw tungkol sa Diyos, sa ating sarili, at sa daigidig. Kabilang dito ang pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Diyos para sa kapatawaran. Nagagawa ito dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa tapat na hangaring sundin ang Kanyang mga kautusan.
Ginagawa tayong marumi ng ating mga kasalanan—hindi karapat-dapat na bumalik at manahan sa piling ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang ating Ama sa Langit ay naglaan ng tanging paraan para mapatawad tayo mula sa ating mga kasalanan (tingnan sa Isaias 1:18).
Kasama rin sa pagsisisi ang kalungkutang nadarama dahil sa nagawang kasalanan, pagtatapat sa Ama sa Langit at sa iba kung kinakailangan, pagtalikod sa kasalanan, paghahangad na ibalik at isaayos kung maaari ang lahat ng nawala at napinsala dahil sa nagawang kasalanan, at pamumuhay nang sumusunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa D at T 58:42–43).
Mga kaugnay na reperensya: Isaias 53:3–5; Juan 14:6; 2 Nephi 25:23, 26; D at T 18:10–11; D at T 19:23; D at T 76:40–41
4. Dispensasyon, Apostasiya, at Panunumbalik
Dispensasyon
Ang dispensasyon ay isang panahon kung kailan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga doktrina, mga ordenansa, at priesthood. Ito ay panahon na ang Panginoon ay may awtorisadong tagapaglingkod sa lupa na may banal na priesthood at may banal na tungkulin na ihayag ang ebanghelyo at pangasiwaan ang mga ordenansa nito. Nabubuhay tayo ngayon sa huling dispensasyon—ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, na nagsimula sa paghahayag ng ebanghelyo kay Joseph Smith.
Ang mga nakaraang dispensasyon ay nauugnay kina Adan, Enoc, Noe, Abraham, Moises, at Jesucristo. Dagdag pa rito, mayroon pang ibang mga dispensasyon, kabilang ang sa mga Nephita at mga Jaredita. Ang plano ng kaligtasan at ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinahayag at itinuro sa bawat dispensasyon.
Apostasiya
Kapag ang mga tao ay hindi sumusunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at hindi nagtataglay ng mga susi ng priesthood, sila ay nasa kalagayan ng apostasiya.
Nagkaroon ng maraming panahon ng pangkalahatang apostasiya sa buong kasaysayan ng mundo. Isang halimbawa ang Malawakang Apostasiya, na naganap matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3). Pagkamatay ng mga Apostol ng Tagapagligtas, iniba ang mga alituntunin ng ebanghelyo at binago ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood nang walang pahintulot. Dahil sa laganap na kasamaang ito, binawi ng Panginoon ang awtoridad at mga susi ng priesthood sa lupa.
Noong panahon ng Malawakang Apostasiya, walang banal na patnubay ang mga tao mula sa mga buhay na propeta. Maraming simbahang itinatag, ngunit wala silang awtoridad ng priesthood na maggawad ng kaloob na Espiritu Santo o magsagawa ng iba pang mga ordenansa ng priesthood. Iniba o nawala ang mga bahagi ng mga banal na kasulatan, at ang mga tao ay nawalan ng wastong pang-unawa tungkol sa Diyos.
Ang apostasiyang ito ay natapos lamang nang ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita kay Joseph Smith at pinasimulan ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo.
Panunumbalik
Ang Panunumbalik ay ang muling pagtatatag ng Diyos ng mga katotohanan at mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo sa Kanyang mga anak sa lupa (tingnan sa Mga Gawa 3:19–21).
Bilang paghahanda sa Panunumbalik, tumawag ang Panginoon ng mararangal na mga tao noong panahong tinatawag na Repormasyon. Sinubukan nilang ibalik ang mga doktrina, gawain, at organisasyon ng relihiyon sa paraang itinatag ang mga ito ng Tagapagligtas. Gayunman, hindi nila taglay ang priesthood o ang kabuuan ng ebanghelyo.
Nagsimula ang Panunumbalik noong 1820 nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith bilang tugon sa kanyang panalangin (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20). Ilan sa mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik ay ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, at ang organisasyon ng Simbahan noong Abril 6, 1830.
Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829. Ang Melchizedek Priesthood at ang mga susi ng kaharian ay ipinanumbalik din noong 1829, noong iginawad ito nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
Naipanumbalik na ang kaganapan ng ebanghelyo, at ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Ang Simbahan ay pupunuin kalaunan ang buong mundo at mananatili magpakailanman.
Mga kaugnay na reperensya: Isaias 29:13–14; Ezekiel 37:15–17; Mga Taga Efeso 4:11–14; Santiago 1:5–6
5. Mga Propeta at Paghahayag
Ang propeta ay isang tao na tinawag ng Diyos na mangusap para sa Kanya (tingnan sa Amos 3:7). Ang mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Inihahayag nila ang kalooban at tunay na pagkatao ng Diyos. Kinukondena nila ang kasalanan at nagbababala sa mga ibubunga nito. Minsan, nagpopropesiya sila tungkol sa mga magaganap sa hinaharap (tingnan sa D at T1:37–38). Maraming turo ng mga propeta ang matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Kapag pinag-aralan natin ang salita ng mga propeta, matututuhan natin ang katotohanan at makatatanggap ng patnubay (tingnan sa 2 Nephi 32:3).
Sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at ang tanging tao sa mundo na nakatatanggap ng paghahayag upang patnubayan ang buong Simbahan. Sinasang-ayunan din natin ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Kapag inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa Simbahan, nagsasalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ang mga banal na kasulatan—ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas—ay naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta noon at ngayon. Ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang propeta ng Diyos sa mundo ngayon.
Ang bawat tao ay makatatanggap ng paghahayag na tutulong sa kanilang partikular na mga pangangailangan, responsibilidad, at mga tanong at tutulong sa pagpapalakas ng kanilang mga patotoo. Karamihan sa paghahayag sa mga lider at miyembro ng Simbahan ay dumarating sa pamamagitan ng mga impresyon at pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa ating isipan at puso sa isang marahan at banayad na tinig (tingnan sa D at T 8:2–3). Ang paghahayag ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng mga pangitain, panaginip, at pagdalaw ng mga anghel.
Mga kaugnay na reperensya: Mga Awit 119:105; Mga Taga Efeso 4:11–14; II Kay Timoteo 3:15–17; Santiago 1:5–6; Moroni 10:4–5
6. Ang Priesthood at mga Susi ng Priesthood
Ang priesthood ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, nilikha at pinamamahalaan ng Diyos ang langit at lupa. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito tinutubos Niya at pinadadakila ang Kanyang mga anak, na isinasakatuparan ang “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ipinagkakaloob ng Diyos ang awtoridad ng priesthood sa mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan upang makakilos sila sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang mga susi ng priesthood ay ang karapatang mangulo, o ang kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang pamahalaan at pangasiwaan ang kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa Mateo 16:15–19). Sa pamamagitan ng mga susing ito, may awtoridad ang mga maytaglay ng priesthood na ipangaral ang ebanghelyo at pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan. Lahat ng naglilingkod sa Simbahan ay tinatawag sa ilalim ng pamamahala ng mayhawak ng mga susi ng priesthood. Sa gayon, may karapatan sila sa lakas na kailangan nila para makapaglingkod at magampanan ang mga responsibilidad sa kanilang mga tungkulin.
Kaugnay na reperensya: D at T 121:36, 41–42
Aaronic Priesthood
Ang Aaronic Priesthood ay kadalasang tinatawag na panimulang priesthood. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop. Sa Simbahan ngayon, maaaring tanggapin ng mga karapat-dapat na lalaking miyembro ang Aaronic Priesthood simula sa edad na 12.
Ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag” (D at T 13:1).
Melchizedek Priesthood
Ang Melchizedek Priesthood ay ang mas mataas, o mas dakila, na priesthood at nangangasiwa sa mga espirituwal na bagay (tingnan sa D at T 107:8). Ang mas dakilang priesthood na ito ay ibinigay kay Adan at nasa lupa tuwing inihahayag ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo.
Dati itong tinatawag na “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (D at T 107:3). Nakilala ito kalaunan bilang Melchizedek Priesthood, ipinangalan sa isang dakilang mataas na saserdote na nabuhay noong panahon ni propetang Abraham.
Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol. Ang Pangulo ng Melchizedek Priesthood ay ang Pangulo ng Simbahan.
Kaugnay na reperensya: Mga Taga Efeso 4:11–14
7. Mga Ordenansa at mga Tipan
Mga Ordenansa
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawain na may espirituwal na kahulugan. Ang bawat ordenansa ay ginawa ng Diyos para ituro ang mga espirituwal na katotohanan. Ang mga ordenansa ng kaligtasan ay isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at sa ilalim ng pangangasiwa ng mga may hawak ng mga susi ng priesthood. Ang ilang ordenansa ay kinakailangan sa kadakilaan at tinatawag na mga nakapagliligtas na ordenansa.
Ang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ay ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig na isinasagawa ng isang taong may awtoridad. Kailangan ang binyag para maging miyembro ng Simbahan ang isang tao at para makapasok sa kahariang selestiyal (tingnan sa Juan 3:5).
Ang salitang baptism o pagbibinyag ay mula sa isang salitang Griyego na ang ibig sabihin ay isawsaw o ilubog. Ang paglulubog ay simbolo ng kamatayan ng makasalanang buhay ng tao at muling pagsilang sa espirituwal na buhay, na nakalaan sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Simbolo rin ito ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.
Pagkatapos mabinyagan ang isang tao, isa o mahigit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang magkukumpirma sa kanya bilang miyembro ng Simbahan. Bilang bahagi ng ordenansang ito, na tinatawag na kumpirmasyon, ibibigay sa tao ang kaloob na Espiritu Santo.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay naiiba sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bago mabinyagan, maaaring madama ng isang tao ang impluwensya ng Espiritu Santo paminsan-minsan at makatanggap ng patotoo sa katotohanan sa pamamagitan ng impluwensyang iyon (tingnan sa Moroni 10:4–5). Pagkatapos matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, ang tao ay may karapatan na mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo kung sinusunod niya ang mga kautusan.
Kabilang sa iba pang mga nakapagliligtas na ordenansa ang pag-oorden sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), ang endowment sa templo, at ang pagbubuklod ng kasal (tingnan sa D at T 131:1–4). Lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan. Sa templo, ang mga nakapagliligtas na ordenansang ito ay maisasagawa rin para sa mga patay. Ang mga ordenansa para sa mga patay ay magkakabisa lamang kapag tinanggap ang mga ito ng mga pumanaw sa daigdig ng mga espiritu at iginalang ang mga kalakip na tipan.
Ang iba pang mga ordenansa, tulad ng pagbabasbas sa maysakit at pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata, ay mahalaga rin sa ating espirituwal na pag-unlad.
Kaugnay na reperensya: Mga Gawa 2:36–38
Mga Tipan
Ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ang Diyos ang nagbibigay ng mga kondisyon para sa tipan, at sumasang-ayon tayo na gagawin ang iniuutos Niya sa atin; pagkatapos ay nangangako ang Diyos sa atin ng mga pagpapala dahil sa ating pagsunod (tingnan sa D at T 82:10).
Lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan. Nakipagtipan tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng binyag at sinasariwa ang mga tipang iyon sa pakikibahagi sa sakramento. Ang mga kalalakihang tumatanggap ng Melchizedek Priesthood ay pumapasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Gumagawa tayo ng iba pang mga tipan sa templo.
Mga kaugnay na reperensya: Exodo 19:5–6; Mga Awit 24:3–4; 2 Nephi 31:19–20; D at T 25:13
8. Pag-aasawa at Pamilya
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos, at ang mag-anak ang sentro sa Kanyang plano ng kaligtasan at sa ating kaligayahan. Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.
Ang banal na kapangyarihang lumikha ay gagamitin lamang ng isang lalaki at isang babae na ikinasal nang ayon sa batas bilang mag-asawa. Ang mga magulang ay dapat magpakarami at kalatan ang lupa, palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, at tustusan ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng kanilang mga anak.
Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa. Ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at maglalaan para sa mga pangangailangan sa buhay. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.
Ang banal na plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mundo ay nilikha at ang ebanghelyo ay inihayag upang ang mga pamilya ay mabuo, mabuklod, at dakilain sa kawalang-hanggan. (Mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129; tingnan din sa LDS.org/topics/family-proclamation.)
Mga kaugnay na reperensya: Genesis 2:24; Mga Awit 127:3; Malakias 4:5–6; D at T 131:1–4
9. Mga Kautusan
Ang mga kautusan ay mga batas at mga kinakailangan na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15). Ang pagsunod sa mga kautusan ay magdudulot ng mga pagpapala mula sa Panginoon (tingnan sa D at T 82:10).
Ang dalawang pinakapangunahing kautusan ay “iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. … At … iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39).
Ang Sampung Utos ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo at ang mga ito ay mga walang-hanggang alituntunin na kailangan para sa ating kadakilaan (tingnan sa Exodo 20:3–17). Inihayag ng Panginoon ang mga ito kay Moises noong unang panahon at inihayag Niyang muli ang mga ito sa mga paghahayag sa mga huling araw.
Kabilang sa mga utos ng Diyos ang pananalangin araw-araw (tingnan sa 2 Nephi 32:8–9), pagtuturo ng ebanghelyo sa iba (tingnan sa Mateo 28:19–20), pagsunod sa batas ng kalinisang-puri (tingnan sa D at T 46:33), pagbabayad ng buong ikapu (tingnan sa Malakias 3:8–10), pag-aayuno (tingnan sa Isaias 58:6–7), pagpapatawad sa iba (tingnan sa D at T 64:9–11), pagkakaroon ng ugaling ng mapagpasalamat (tingnan sa D at T 78:19), at pagsunod sa Word of Wisdom (tingnan sa D at T 89:18–21).
Mga kaugnay na reperensya: Genesis 39:9; Isaias 58:13–14; 1 Nephi 3:7; Mosias 4:30; Alma 37:35; Alma 39:9; D at T 18:15–16; D at T 88:124
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga paksang ito, pumunta sa LDS.org, Teachings, Gospel Topics; o tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006).