Lesson 148
I Ni Juan
Pambungad
Inanyayahan ni Juan ang mga miyembro ng Simbahan na hangarin ang pakikisama sa Ama at sa Anak. Binigyang-diin niya na kinakailangang sundin ang mga utos ng Diyos upang maipakita ang ating pagmamahal sa Kanya. Ipinaalala rin ni Juan sa mga miyembro ng Simbahan na mahalin ang kanilang kapwa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Ni Juan 1–5
Ipinaliwanag ni Juan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan at pagmamahal sa isa’t isa
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Isulat sa pisara ang salitang apostasiya. Sabihin sa magkakapartner na pag-usapan nila ang kahulugan ng apostasiya. Pagkatapos ay papuntahin ang isang estudyante sa pisara at ipasulat ang ibig sabihin ng apostasiya. Ang ibig sabihin dapat ng apostasiya ay pagtalikod sa katotohanan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan,” scriptures.lds.org).
Ipaliwanag na isinulat ni Apostol Juan ang I Ni Juan sa panahong nagbabanta ang apostasiya sa Simbahan. Sa sulat na ito, nagbabala si Juan sa mga Banal tungkol sa mga anticristo (tingnan sa I Ni Juan 2:18–26; 4:3). Ang isang anti-Cristo ay ang “sinuman o anumang bagay na nanghuhuwad sa totoong ebanghelyo ng plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.lds.org). Itinuro ng ilang anticristo noong panahon ni Juan na si Jesucristo ay hindi nagkaroon ng pisikal na katawan habang narito sa lupa ngunit nagpakita lamang na parang may pisikal na katawan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Juan 1:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang pinatotohanan ni Juan upang pabulaanan ang maling turong ito. Ipaliwanag na ang mga katagang “salita ng buhay” (talata 1) ay tumutukoy kay Jesucristo.
-
Anong mga salita ang ginamit ni Juan upang pabulaanan ang maling ideya na si Jesucristo ay hindi nagkaroon ng pisikal na katawan?
-
Ayon sa talata 3–4, bakit ibinahagi ni Juan sa mga miyembro ng Simbahan ang kanyang sagradong patotoo kay Jesucristo? (Gusto niyang magkaroon sila ng pakikisama sa mga lider ng Simbahan, na may pakikisama sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nais din niyang makadama sila ng lubos na kagalakan.)
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng may pakikisama ay magkaroon ng ugnayang may pagtitiwala, pakikipag-isa, at iisang layunin. May pakikisama tayo sa mga lider ng Simbahan kapag tinatanggap at sinusunod natin ang kanilang mga turo at payo.
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung tatanggapin at susundin natin ang mga turo ng mga propeta at mga apostol, magagawa nating …
-
Batay sa mga itinuro ni Juan sa Juan 1:3, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito para makabuo ng isang alituntunin? (Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara upang mailahad nito ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin at susundin natin ang mga turo ng mga propeta at mga apostol, magagawa nating magkaroon ng pakikisama sa Ama at sa Anak.)
Magdispley ng mga larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan at ng iba pang mga propeta at mga apostol.
-
Paano nakatutulong ang pagsunod sa mga turo ng propeta at mga apostol sa pagtatamo natin ng pakikisama sa ating Ama sa Langit at sa kanyang Anak na si Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Ni Juan 1:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nakahahadlang sa atin na magkaroon ng pakikisama o pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.
-
Ano ang makahahadlang sa atin na magkaroon ng pakikisama o pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit?
Ipaliwanag na ang paggamit ni Juan ng salitang kadiliman ay tumutukoy sa espirituwal na kadiliman.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nagsisilakad sa espirituwal na kadiliman?
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 1 Ni Juan 1:7–10; 2:1–6, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ni Juan na makatutulong sa atin kung paano lumakad sa liwanag ng ebanghelyo. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pangpalubag-loob sa I Juan 2:2 ay nagbabayad-salang sakripisyo na tumutugon sa katarungan ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang mga talatang ito nang mag-isa o may kapartner o sa maliliit na grupo.
-
Anong mga katotohanan ang natukoy ninyo sa mga talatang ito? (Maaaring isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang dito ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos, ang ating pagmamahal sa Diyos ay nagiging ganap.)
-
Sa palagay ninyo, bakit nagiging ganap, o lubos, ang pagmamahal natin sa Diyos kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan?
-
Kailan kayo nakaranas ng matinding pagmamahal sa Diyos habang sinisikap ninyong sundin ang Kanyang mga kautusan?
Basahin nang malakas ang mga sumusunod na pahayag ng dalawang kabataang Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang partikular na kautusan na nahihirapan ang dalawang kabataang ito na sundin.
-
Isang binatilyo ang nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw at tapat na ginagawa ang marami niyang tungkulin sa priesthood, pero madalas siyang masungit sa nakababata niyang kapatid.
-
Isang dalagita ang regular na dumadalo sa mga miting sa Simbahan at nakamit ang kanyang Young Womanhood Recognition. Gayunman, madalas siyang mag-post sa social media ng mga di-magagandang komento tungkol sa ilan sa kanyang mga kaklase at mga guro.
-
Anong kautusan ang nahihirapan ang dalawang kabataang ito na sundin?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan nahihirapan silang magpakita ng pagmamahal sa iba.
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Ni Juan 2:9–11; 4:7–11, 19–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Juan tungkol sa pag-ibig o pagmamahal. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga turo sa mga talatang ito na makabuluhan sa kanila.
-
Alin sa mga turo ni Juan tungkol sa pag-ibig o pagmamahal ang makabuluhan sa inyo? Bakit?
-
Anong alituntunin mula sa mga talatang ito ang matutukoy natin tungkol sa dapat nating gawin kapag iniibig o mahal natin ang Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag mahal natin ang Diyos, mamahalin natin ang ating kapwa.)
-
Sa palagay ninyo, bakit maipapakita natin ang ating pagmamahal sa iba kapag talagang mahal natin ang Diyos?
Ipaliwanag na bagama’t ginamit ni Juan ang salitang napopoot sa I Ni Juan 4:20, maraming paraan para hindi natin maipakita ang ating pagmamahal o kabaitan sa iba maliban sa pagkapoot sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano sa palagay nila ang ilan sa mga paraang ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Juan 3:17–18, at sabihin sa klase na alamin kung paano natin dapat ipakita ang ating pagmamahal sa iba. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila. Dapat malaman ng mga estudyante ang kahalagahan ng pagmamahal hindi lamang “sa salita” ngunit maging “sa gawa.”
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga gawa at hindi lamang sa ating mga salita?
-
Sino ang kilala ninyo na nagpakita ng mabuting halimbawa ng pagpapakita ng pagmamahal sa iba? Ano ang ginawa ng taong ito na nagpakita ng kanyang pagmamahal sa iba?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao sa buhay nila na mapagpapakitaan nila ng higit na pagmamahal. Ipasulat sa kanila ang pangalan ng taong ito sa isang papel pati ang mga partikular na bagay na gagawin nila na magpapakita ng pagmamahal o kabaitan sa taong iyon. Ipaliwanag na hindi nila kailangang ipakita ang kanilang pagmamahal sa magarbong paraan at na ang maliliit at simpleng mga paglilingkod at kabaitan ay kadalasang ang pinakamakahulugan. Hikayatin sila na dalhin ang papel sa kanilang tahanan at gawin ang isinulat nila.
Ipaliwanag na kapag ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng ating mga kilos, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo (tingnan sa I Ni Juan 2:6; 3:1–3). Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng I Ni Juan. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.