Library
Lesson 63: Juan 4


Lesson 63

Juan 4

Pambungad

Habang naglalakbay patungong Galilea, dumaan si Jesus sa Samaria at nagturo sa isang babae sa tabi ng isang balon. Ang babae ay nagpatotoo sa iba na si Jesus ang Cristo. Kalaunan, pinagaling ni Jesus ang anak ng isang maharlika.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 4:1–42

Tinuruan ni Jesus ang isang Samaritana

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Ano ang pinakamahalagang likas na yaman sa mundo?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang tanong sa pisara. Maaaring magpakita ng mga larawan ng mga likas na yaman tulad ng lupa, bakal, karbon o charcoal, langis, ginto, o mga diyamante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Marahil ang una nating maiisip na pinakamahalaga ay ginto, langis, o mga diyamante. Ngunit sa lahat ng mineral, metal, hiyas, o likido na matatagpuan sa ibabaw o ilalim ng lupa, ang pinakamahalaga ay tubig” (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 1, lds.org/broadcasts).

Magpakita ng isang basong malinis na tubig.

  • Bakit mahalaga ang malinis na tubig? (Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbahagi ng karanasan na nakatulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng tubig.)

Sabihin sa mga estudyante na alamin kung saan inihambing ni Jesus ang tubig habang pinag-aaralan nila ang Juan 4.

Ibuod ang Juan 4:1–3 na ipinapaliwanag na si Jesus ay umalis sa Judea at naglakbay patungong Galilea.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:4, at sabihin sa klase na alamin ang lugar kung saan dumaan si Jesus habang naglalakbay patungong Galilea. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Judea, Samaria, at Galilea sa chart na “Ang Buod ng Buhay ni Jesucristo sa Mundo” (matatagpuan sa lesson 5), o sabihin sa kanila na tingnan ang Mga Mapa sa Biblia sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, blg. 11 “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan” upang makita ang tatlong rehiyon.

  • Bakit mahalagang dumaan si Jesus sa Samaria sa halip na umikot dito? (Ang mga Judio ay karaniwang naglalakbay paikot ng Samaria sa halip na dumaan dito dahil sa pagkapoot na nadarama ng mga Judio at mga Samaritano sa isa’t isa [tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, Ika-3 ed. (1916), 172]).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:6–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang hiningi ni Jesus sa isang babae nang huminto Siya sa Samaria.

  • Ano ang hiningi ni Jesus sa babaeng ito?

  • Bakit siya nagulat nang humingi si Jesus ng maiinom mula sa kanya?

Si Jesus at ang Samaritana

Ipakita ang larawang Si Jesus at ang Samaritana (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg.36; tingnan din sa LDS.org).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ni Jesus sa babae.

  • Ayon sa talata 10, ano ang ibibigay ng Tagapagligtas sa babae? (Ipaliwanag na ang katagang “kaloob ng Dios” ay tumutukoy kay Jesus bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.)

  • Ayon sa talata 11, ano ang itinanong ng babae kay Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa tubig na ibinibigay Niya.

  • Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa tubig na ibinibigay Niya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang isinasagisag ng tubig na buhay.

Elder David A. Bednar

“Ang tubig na buhay na tinutukoy sa talatang ito ay sumasagisag sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. At tulad ng tubig na mahalaga para mabuhay, gayon din ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga doktrina, alituntunin, at ordenansa ay mahalaga para sa buhay na walang hanggan. Kailangan natin ang Kanyang tubig na buhay araw-araw at sapat na suplay nito na tutulong sa patuloy na paglakas at pag-unlad natin sa espirituwal” (“A Reservoir of Living Water,” 2).

  • Ayon kay Elder Bednar, ano ang sinasagisag ng tubig na buhay?

Sa baso ng tubig na ipinakita mo, lagyan ito ng label na nagsasaad ng Ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo.

  • Bakit angkop ang tubig na simbolo ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo?

  • Paano mo ibubuod ang mga salita ng Tagapagligtas sa talata 14 bilang isang alituntunin? (Ang mga estudyante ay maaaring gumamit ng sariling mga salita ngunit dapat matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay lalapit kay Jesucristo at tapat na makikibahagi sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang hiniling ng babae kay Jesus at kung paano tumugon ang Tagapagligtas.

  • Ayon sa talata 15, ano ang hiniling ng babae kay Jesus?

Ipaliwanag na ang itinugon ni Jesus ay nakatulong sa babae na maunawaan ang kanyang pangangailangan sa tubig na buhay na ibinibigay Niya.

  • Ayon sa mga talata 17–18, ano ang inihayag ni Jesus tungkol sa babaeng ito? (Ipaliwanag na makikita sa sagot ni Jesus na alam Niya na ang babaeng ito ay nahirapang makahanap ng masaya at walang-hanggang pagsasama ng mag-asawa at sa pakikisama sa isang lalaki na hindi niya asawa, siya ay hindi sumusunod sa batas ng kalinisang puri.)

  • Ano kaya ang naisip o naramdaman ng babaeng ito nang ihayag ni Jesus ang mga detalye tungkol sa kanya na maaaring hindi malaman ng isang karaniwang estranghero?

  • Paano nakatulong sa babae ang sinabi ng Tagapagligtas upang mapagtanto niya ang kanyang pangangailangan sa tubig na buhay na ibibigay Niya?

  • Anong katotohanan tungkol sa Tagapagligtas ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Alam ni Jesucristo ang ating mga kasalanan at ibinibigay sa atin ang Kanyang ebanghelyo upang tulungan tayong madaig ang mga ito.)

  • Bakit mahalagang maunawaan ang katotohanang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ng babae kay Jesus.

  • Ano ang sinabi ng babae na nagpapakita na nagbago ang kanyang pananaw tungkol kay Jesus?

Ipaliwanag na sa Samaria ay may bundok na nagngangalang Bundok Gerizim. Ilang siglo bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, ang mga Samaritano ay nagtayo ng templo roon bilang isang lugar ng pagsamba. Hindi tulad ng mga Judio, ang mga Samaritano ay walang awtoridad ng priesthood upang magsagawa ng mga ordenansa, at hindi nila tinanggap ang marami sa mga turo ng mga propeta ng Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 4:21–23, kasama ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Jesus sa babae tungkol sa pagsamba sa Diyos.

  • Paano sinasamba ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa Langit?

  • Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, anong pagpapala ang darating sa kanila na sumasamba sa Diyos “sa espiritu at sa katotohanan”?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung sasambahin natin ang Ama sa espiritu at sa katotohanan, pagpapalain Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na alamin at markahan kung ano ang kahulugan ng pagsamba sa Ama sa espiritu at sa katotohanan.

Elder Bruce R. McConkie

“Ang layunin natin ay sambahin ang tunay at buhay na Diyos at gawin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu at sa paraan na inorden niya. Ang pinahintulutang pagsamba sa tunay na Diyos ay aakay patungong kaligtasan; ang debosyon na ibinibigay sa mga huwad na diyos at hindi nakatatag sa walang hanggang katotohanan ay walang katiyakan.

“Ang kaalaman tungkol sa katotohanan ay mahalaga sa tunay na pagsamba. …

“… Ang tunay at ganap na pagsamba ay binubuo ng pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos; ito ay binubuo ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa nais ng Ama sa paraan na tayo ay umuunlad nang biyaya sa biyaya hanggang tayo ay maluwalhati kay Cristo tulad niya na niluwalhati sa kanyang Ama. Higit pa ito sa panalangin at pangangaral at pagkanta. Ito ay pamumuhay at paggawa at pagsunod. Ito ay pagtulad sa buhay ng dakilang Huwaran [si Jesucristo]” (How to Worship,” Ensign, Dis. 1971, 129, 130).

  • Ayon kay Elder McConkie, ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa Diyos sa espiritu at sa katotohanan?

  • Kailan kayo nabiyayaan nang naisin ninyong sambahin ang Ama sa espiritu at sa katotohanan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang kanilang magagawa upang mapagbuti ang kanilang pagsamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.

  • Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:25–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang inihayag ni Jesus sa babae tungkol sa Kanyang Sarili.

  • Ano ang inihayag ni Jesus sa babae tungkol sa Kanyang Sarili?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:27–30. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ng babae matapos makipag-usap sa Tagapagligtas.

  • Ano ang ginawa ng babae matapos niyang makipag-usap sa Tagapagligtas?

  • Ano ang sinabi niya na nagpapakita na nagkaroon siya ng patotoo kay Jesucristo?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa kung ano ang mangyayari kapag nagkaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagkaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo, tayo ay napupuspos ng hangaring ibahagi ito sa iba.)

Ibuod ang mga talata 31–37 na ipinapaliwanag na bumalik ang mga disipulo ni Jesus na may dalang pagkain. Nang yayain Siya ng mga disipulo na kumain, itinuro Niya sa kanila na Siya ay nabubusog hindi dahil sa pagkain kundi dahil sa paggawa ng nais ng Ama. Pagkatapos ay inanyayahan Niya sila na hanapin ang mga pagkakataong iyon na lubos na maipangaral ang ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:39–42. Sabihin sa klase na alamin ang epekto ng patotoo ng babae sa mga tao sa kanyang lungsod.

  • Ano ang epekto ng patotoo ng babae sa mga tao sa kanyang lungsod?

  • Ayon sa talata 42, ano ang sinabi ng mga tao sa babae?

Magpatotoo na kapag nakilala natin ang Tagapagligtas at nakibahagi sa Kanyang tubig na buhay, tayo ay mapupuspos ng hangaring ibahagi sa iba ang ating patotoo sa Kanya.

Juan 4:43–54

Pinagaling ni Jesus ang anak ng isang maharlika

Ibuod ang Juan 4:43–45 na ipinapaliwanag na pagkatapos turuan ni Jesus ang babaeng taga Samaria, dumating Siya sa Galilea, kung saan tinanggap Siya ng mga tao.

handout iconBigyan ang mga estudyante ng mga kopya ng sumusunod na handout. Ipabasa nang tahimik sa kanila ang Juan 4:46–54 at sagutin ang mga tanong sa handout.

handout, Juan 4

Juan 4:46–54

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 63

  1. Sino ang nakatagpo ni Jesus at anong tulong ang hiningi niya mula sa Tagapagligtas?

  2. Ayon sa sinabi ni Jesus, bakit hindi Niya agad ibinigay ang hinihinging tulong ng lalaking ito?

  3. Paano ipinakita ng lalaking ito na hindi niya kailangan ng palatandaan upang maniwala?

  4. Ayon sa mga talata 51–53, paano napagtibay ang paniniwala ng lalaking ito kay Jesucristo?

  5. Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan ng lalaking ito?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Kapag naibahagi na nila ang mga alituntuning natutuhan nila mula sa karanasan ng lalaking maharlika, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag naniniwala tayo kay Jesucristo nang hindi nangangailangan ng mga palatandaan, pagtitibayin ng Panginoon ang ating paniniwala.

  • Bakit mahalaga na maniwala kay Jesucristo nang hindi nangangailangan ng mga palatandaan?

  • Ano ang ilang paraan na pinagtitibay ng Panginoon ang ating paniniwala kapag nananampalataya tayo sa Kanya?

Magtapos sa pagpapatotoo na kapag nagsumamo tayo sa Panginoon nang may pananampalataya, pagkakalooban Niya tayo ng mga katibayan na magpapalakas sa ating paniniwala.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 4:4. “At kinakailangang magdaan siya sa Samaria”

Ipinaunawa ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mahalagang dumaan sa Samaria si Jesus: “Ang madali at diretsong daan mula Judea patungong Galilea ay papasok sa Samaria; ngunit maraming Judio, lalo na ang mga taga Galilea, ang pinipiling tahakin ang isang hindi diretso at mas mahabang daan kaysa dumaan sa bansa ng mga taong kinapopootan nila, gayundin ang mga Samaritano. Ang pagkapoot sa isa’t isa ng mga Judio at Samaritano ay tumindi sa pagdaan ng mga siglo, at lalo pang tumindi noong panahon ng ministeryo ng Panginoon sa buhay na ito” (Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 172).

Juan 4:10–14. Ang Tagapagligtas ay nagbibigay ng tubig na buhay

Binanggit ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sinabi ng Tagapagligtas sa Juan 4:14 at itinuro na ang pag-inom “nang sagana sa tubig na buhay” ay lubos na magpapaligaya sa atin. Pagkatapos ay tinanong niya:

“Nais ba ninyong makibahagi rito sa tubig na buhay at madama ang banal na balong iyon na bumubukal sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan?

“Kung gayon ay huwag matakot. Maniwala nang buong puso. Magkaroon ng matatag na pananalig sa Anak ng Diyos. Hayaang manalangin nang taimtim ang inyong puso. Puspusin ang inyong isipan ng kaalaman tungkol sa Kanya. Talikuran ang inyong mga kahinaan. Mabuhay sa kabanalan at sundin ang mga utos” (“Ang Masaganang Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 100).

Juan 4:10–14 Ang mga banal na kasulatan ay isang paraan upang makainom ng tubig na buhay ni Cristo

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang isang paraan upang makainom tayo ng tubig na buhay ni Cristo ay ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan:

“Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ni Cristo at ang mga ito ay imbakan ng tubig na buhay na nasa atin na at makaiinom tayo nang marami at sagana. Dapat tayong umasa at lumapit kay Cristo, na siyang ‘bukal ng mga tubig na buhay’ (1 Nephi 11:25; ikumpara sa Eter 8:26; 12:28), sa pamamagitan ng pagbabasa (tingnan sa Mosias 1:5), pag-aaral (tingnan sa D at T 26:1), pagsasaliksik (tingnan sa Juan 5:39; Alma 17:2), at pagpapakabusog (tingnan sa 2 Nephi 32:3) sa mga salita ni Cristo na nakapaloob sa mga banal na kasulatan. Sa paggawa nito, tayo ay makatatanggap ng espirituwal na paggabay at pangangalaga habang tayo ay naglalakbay sa buhay na ito” (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007], 2, lds.org/broadcasts).

Juan 4:46–54 Pagpapagaling sa anak ng maharlika

Binigyang-diin ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng himalang ito:

“Ito ang unang himala sa pagpapagaling na inilahad nang detalyado sa mga Ebanghelyo. Ang mga himalang ginawa sa Kapistahan ng Paskua at sa buong Judea ay hindi inilarawan o ipinaliwanag. Ang himalang ito—ang pangalawang ginawa sa Cana—ay nagdagdag ng isang bagong aspeto sa ministeryo ni Jesus na hindi pa natin nakikita hanggang sa puntong ito. Ito sa katunayan ay dalawang himala: isang pagpapagaling sa katawan ng anak na wala roon, at isa pang pagpapagaling sa kawalang-paniniwala at pagtatanim ng pananampalataya sa puso ng naroroong ama” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 2:12).