Library
Lesson 78: Juan 18–19


Lesson 78

Juan 18–19

Pambungad

Pagkatapos dakpin at tanungin ng mga pinunong Judio si Jesus, dinala nila Siya kay Pilato upang mahatulan at maparusahan. Pumayag si Pilato sa Pagpapako sa Krus ni Jesus, kahit alam niyang walang kasalanan si Jesus. Habang nakapako sa krus, ibinilin ng Tagapagligtas ang Kanyang ina kay Apostol Juan. Pagkatapos maipako sa krus si Jesus, inihimlay ang Kanyang katawan sa isang libingan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 18:1–32

Si Jesus ay dinakip at tinanong ng mga pinunong Judio, na nagdala sa Kanya kay Pilato upang hatulan

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Kailan pinakamahirap na magmalasakit sa kapakanan ng iba?

Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung paano nila sasagutin ang tanong sa pisara.

Ipaliwanag na magkaibang bagay ang piniling unahin, o pahalagahan, ni Jesucristo at ng Romanong gobernador na si Pilato sa mga pangyayaring inilarawan sa Juan 18–19. Isulat ang Mga alalahanin ni Jesucristo at Mga alalahanin ni Pilato sa magkabilang panig ng pisara. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Juan 18–19 na makatutulong sa kanila na malaman ang mga alalahaning dapat nilang unahin sa mga buhay nila.

Ibuod ang Juan 18:1–3 na ipinapaliwanag na matapos magdusa ni Jesus sa Halamanan ng Getsemani, dumating si Judas Iscariote kasama ang mga punong kawal mula sa mga punong saserdote at mga Fariseo upang dakpin si Jesus.

  • Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo kung alam ninyong may paparating na mga armadong tao na dadakipin kayo at kalaunan ay papatayin kayo?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 18:4–11 at Lucas 22:50–51. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Jesus nang dumating ang grupong ito.

  • Ano ang sinabi ni Jesus sa mga dumating upang dakpin Siya? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga salitang mga ito sa Juan 18:8 at sa mga sa Juan 18:9 ay tumutukoy sa mga Apostol na kasama ni Jesus.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang inaalala ni Jesus? (Habang sumasagot ang mga estudyante, itala ang mga sumusunod na mga kataga sa pisara sa ilalim ng “Mga alalahanin ni Jesucristo”: protektahan ang Kanyang mga Apostol; pagpapagaling sa tainga ng alipin; paggawa sa nais ipagawa ng Ama sa Langit.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod ng Juan 18:12–32:

Hinayaan ni Jesus na dakpin Siya ng mga punong kawal. Dinala nila Siya kay Anas, isa sa mga pinunong Judio, at pagkatapos kay Caifas, ang punong saserdote na nagnais na maparusahan si Jesus ng kamatayan. Sinundan ni Pedro at ng isa pang disipulo si Jesus. Nang tanungin ng tatlong magkakaibang tao si Pedro kung isa ba siya sa mga disipulo ni Jesus, ikinaila ni Pedro na kilala niya si Jesus sa bawat pagkakataon. Matapos tanungin ni Caifas si Jesus, dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Pilato, ang Romanong gobernador ng lalawigan ng Judea, upang mahatulan at maparusahan. Ang mga Romano lamang ang may awtoridad na magpataw ng kamatayan sa Jerusalem.

Ipaliwanag na maaaring naganap ang paglilitis na ito sa Muog ng Antonia na malapit sa templo. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Mapa sa Biblia blg. 12 “Jerusalem Noong Kapanahunan ni Jesus,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang Muog ng Antonia [bilang 3 sa mapa].)

Juan 18:33–19:16

Si Jesucristo ay nilitis ni Pilato

Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang mga sinabi ng Tagapagligtas at ni Pilato, na nakatala sa Juan 18:33–37. (Bago magklase, maaari mong sabihin sa mga estudyanteng ito na hanapin ang mga linyang babasahin nila.) Maaari kang gumanap bilang narrator, o sabihin sa isa pang estudyante na maging narrator. Habang binabasa ng mga estudyante ang kanilang bahagi, sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais malaman ni Pilato tungkol kay Jesus.

  • Ayon sa Juan 18:33, ano ang nais malaman ni Pilato tungkol kay Jesus?

Ipaliwanag na pinaratangan si Jesus ng mga pinunong Judio na sinabi raw Niya na Siya ang hari ng mga Judio dahil kung sinabi nga ni Jesus na hari Siya, maihahabla Siya ng sedisyon, o pagtataksil, laban sa gobyernong Romano (tingnan sa Juan 19:12), isang krimen na kamatayan ang parusa.

  • Ano ang ipinaliwanag ni Jesus kay Pilato? (Ang Kanyang kaharian “ay hindi sa sanglibutang ito” [Juan 18:36], at naparito Siya sa mundo upang “bigyang patotoo ang katotohanan” [Juan 18:37].)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 18:38–40, na inaalam ang pasiya ni Pilato tungkol kay Jesus.

  • Ano ang pasiya ni Pilato tungkol kay Jesus? (Sinabi niya na “wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya” [talata 38].)

  • Ayon sa talata 39, ano ang ginawa ni Pilato upang masubukang mapalaya si Jesus?

Ibuod ang Juan 19:1–5 na ipinapaliwanag na hinagupit at kinutya ng mga sundalong Romano si Jesus. Pagkatapos ay iniharap ni Pilato si Jesus sa mga tao.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 19:4, 6, na inaalam ang inuulit-ulit ni Pilato sa mga Judio (“Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya”).

  • Batay sa paggigiit ni Pilato na wala siyang nasumpungang kasalanan kay Jesus, ano kaya ang pinaniniwalaan niyang tamang gawin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 19:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga pinunong Judio kay Pilato tungkol kay Jesus.

Sabihin sa mga estudyante na nagbasa ng mga sinabi ni Pilato, ni Jesus, at ng narrator na magpatuloy at basahin nang malakas ang Juan 19:8–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging reaksyon at tugon ni Pilato nang marinig niyang sinabi ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos.

  • Ano ang reaksyon at tugon ni Pilato pagkatapos na sabihin sa kanya ng mga pinunong Judio na sinabi ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos?

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Pilato, ano ang maaari ninyong maramdamam pagkatapos marinig ang sinabi ni Jesus tungkol sa inyong kapangyarihan bilang gobernador? Bakit?

Ipaliwanag na ang sinabi ni Jesus na nakatala sa talata 11 tungkol sa pagkakaroon ng mga pinunong Judio ng “lalong malaking kasalanan” ay nagpapahiwatig na kapag sumang-ayon si Pilato sa kahilingan ng mga tao at iniutos na maipako sa krus si Jesus, magkakasala si Pilato, ngunit hindi kasing bigat ng kasalanan ng mga taong gustung-gusto na maipapatay si Jesus.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 27:19, na inaalam ang ipinayo ng asawa ni Pilato na gawin niya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 19:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais gawin ni Pilato kay Jesus at paano tumugon ang mga Judio.

  • Ayon sa talata 12, ano ang nais gawin ni Pilato?

  • Ano ang sinabi ng mga pinunong Judio kay Pilato nang malaman nilang nais niyang pakawalan si Jesus?

Ipaalala sa mga estudyante na si Cesar ang Romanong emperador na nagbigay kay Pilato ng kanyang posisyon bilang gobernador ng Judea. Sa maraming pagkakataon, iniutos ni Pilato sa mga sundalong Romano na lipulin ang mga Judio, at nilapastangan niya ang ilan sa kanilang mga banal na kaugalian. Isinumbong kay Cesar ang mga ginawa ni Pilato at pinagsabihan ni Cesar si Pilato (tingnan sa chapter 34, note 7 sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 648–49).

  • Ano ang maaaring mangyari kay Pilato kung isumbong ng mga Judio na hindi siya “kaibigan” ni Cesar (talata 12)? (Kapag pinaghinalaan ni Cesar na hindi matapat si Pilato sa kanya, maaaring tanggalan ni Cesar si Pilato ng katungkulan at kapangyarihan bilang gobernador.)

Ipaliwanag na kailangang pumili ni Pilato, pipiliin ba niya ang kanyang sariling kapakanan o pakakawalan ang Tagapagligtas, na alam niyang walang kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 19:16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang piniling gawin ni Pilato.

  • Ano ang piniling gawin ni Pilato?

  • Ano ang ipinapakita ng pagpiling ito tungkol sa higit na pinahahalagahan ni Pilato? (Habang sumasagot ang mga estudyante, itala ang sumusunod na mga kataga sa pisara sa ilalim ng “Mga alalahanin ni Pilato”: ang kanyang sarili; ang kanyang posisyon at kapangyarihan.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pasiya ni Pilato na unahin ang kanyang sariling kapakanan kaysa sa pagpapakawala sa Tagapagligtas, na alam niyang walang kasalanan? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-uuna sa sarili nating kapakanan kaysa sa paggawa ng tama ay hahantong sa pagkakasala natin.)

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan maaari tayong matukso na unahin ang sarili nating kapakanan kaysa sa paggawa ng tama?

  • Ano ang magagawa natin upang madaig ang tuksong unahin ang sarili nating kapakanan kaysa sa paggawa ng tama?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang maaari nilang malaman tungkol sa pagkatao ni Cristo kumpara sa pagkatao ni Pilato habang pinag-aaralan nila ang mga huling sandali ng buhay ni Jesucristo sa mundo.

Juan 19:17–42

Si Jesus ay ipinako sa krus, at ang Kanyang katawan ay inihimlay sa isang libingan

Ibuod ang Juan 19:17–24 na ipinapaliwanag na pinasan ni Jesus ang krus Niya patungo sa Golgota, kung saan Siya ipinako sa krus.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 19:25–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang naroroon nang nakapako na sa krus si Jesus.

  • Sino ang nakatayo malapit sa krus na pinagpakuan kay Jesus? (Matapos sumagot ng mga estudyante, ipaliwanag na ang mga katagang “alagad na … iniibig [ni Jesus] [talata 26] ay tumutukoy kay Apostol Juan, na kilala rin bilang si Juan ang Pinakamamahal.)

  • Ayon sa mga talata 26–27, sino ang inaalala ni Jesus habang nakapako Siya sa krus? Ano ang ipinagawa ni Jesus kay Juan? (Alagaan ang Kanyang ina na parang sariling ina rin siya ni Juan. Sa ilalim ng “Mga alalahanin ni Jesucristo” sa pisara, isulat ang ang kapakanan ng Kanyang ina.)

Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag.

Elder David A. Bednar

“Naipapakita ang ating tunay na pagkatao … sa kakayahang mapansin ang pagdurusa ng ibang mga tao kapag nagdurusa rin tayo; sa kakayahang maramdaman na nagugutom ang iba habang nagugutom din tayo; at sa kakayahang tumulong sa iba at magpakita ng pagkahabag sa mga taong dumaraan sa mga espirituwal na pagsubok kapag tayo rin ay nasa ganitong kalagayan. Samakatwid, naipapakita ang tunay na pagkatao sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong kahit ang natural at likas na reaksyon ay magtuon lamang sa sarili at sa sariling problema. Kung ang gayong pag-uugali ang talagang pinakadakilang pamantayan ng mabuting pagkatao, samakatwid ang Tagapagligtas ng mundo ang pinakadakilang halimbawa ng gayong hindi pabagu-bago at matulungin at mapagmahal na pag-uugali” (“The Character of Christ” [Brigham Young University–Idaho Religion Symposium, Ene. 25, 2003], 2–3).

  • Batay sa nalaman natin tungkol sa pag-uugali ng Tagapagligtas mula sa Juan 18–19, ano ang magagawa natin upang matularan ang Kanyang halimbawa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Matutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpiling tumulong sa iba kahit nangangailangan din tayo.)

  • Paano natin mapaglalabanan ang hangaring unahing alalahanin ang ating sarili at piliing tumulong sa iba kahit maaaring nangangailangan din tayo?

  • Kailan kayo nakakita ng isang taong tinularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpili na tumulong sa iba kahit nangangailangan din siya?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kay Jesucristo at sa perpektong halimbawang ipinakita Niya sa pag-una sa pangangailangan ng iba kaysa sa Kanyang sarili. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang gagawin nila upang matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.

Ibuod ang Juan 19:28–42 na ipinaliliwanag na pagkatapos mamatay ni Jesus, hiniling ni Jose ng Arimatea kay Pilato ang katawan ni Jesus. Inihanda nina Jose at Nicodemo ang katawan ng Tagapagligtas at inihimlay ito sa isang libingan, na ipinagkaloob ni Jose.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 18:5–8. “Ako nga”

“Ang mga salitang ito [‘Ako nga’] ay isinalin mula sa mga katagang Griyego na egō eimi, na ginamit sa maraming talata sa Juan bilang pagtukoy sa pagkadiyos at kabanalan ni Jesucristo. … Pagkatapos sabihin ng Tagapagligtas ang mga salitang ito, ang mga tao at mga punong kawal ay ‘nagsiurong, at nangalugmok sa lupa’ (Juan 18:6), ‘na tila hindi magamit ang kanilang kapangyarihan kay Jesus maliban kung pahihintulutang gawin iyon’ (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 1:780). ‘Ang simpleng dignidad at magiliw ngunit malakas na presensya ni Cristo ay napatunayang mas makapangyarihan kaysa sa malalakas na bisig at sandata ng karahasan’ (James E. Talmage, Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 615). Ipinapakita sa pangyayaring ito na kayang madaig ng Tagapagligtas ang mga dumakip sa kanya ngunit kusang-loob Siyang nagpadakip at nagpapako sa krus” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 256).

Juan 19:12, 16. Bakit gumawa ng desisyon si Pilato na alam naman niyang mali?

Ibinigay ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nakatutulong na kaalamang ito kung bakit gumawa ng desisyon si Pilato na alam naman niyang mali:

“Ano ang sanhi ng kahinaan ni Pilato? Kinatawan siya ng emperador, ang imperyal na prokurator na may kapangyarihang magpako sa krus o magligtas; isa siyang autocrat o magagawa niya kahit anong gustuhin niya. Hindi mapag-aalinlanganan ang paniniwala niya na walang kasalanan si Cristo at ang kanyang pagnanais na iligtas Siya na hindi maipako sa krus. Bakit natinag, nag-atubili, nag-alangan si Pilato, at sa huli ay hindi sinunod ang ibinubulong ng kanyang konsensya at kalooban? Dahil, kung tutuusin, siya ay mas alipin kaysa isang malayang tao. Bihag siya ng kanyang nakaraan. Alam niya na papanagutin siya kapag may nagsumbong sa kanya sa Roma, tungkol sa kanyang katiwalian at kabagsikan, pangingikil at walang katuturang pagpatay. Siya ang pinunong Romano, ngunit ikinagagalak na makita ng mga taong nasasakupan niya na manginig siya sa takot, nang sabihin nila na siya ay isusumbong nila sa kanyang emperador na si Tiberius” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 641).

Sinabi pa ni Elder Talmage na “alam ni Pilato kung ano ang tama ngunit kulang ang lakas ng loob na gawin ito” (chap. 34, note 7 sa Jesus the Christ, 648)

Juan 19:31–36. “Ang mga Judio … ay hiniling kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita“

Kadalasang nagdurusa nang ilang araw ang mga biktima ng pagpapako sa krus bago mamatay. Matapos mamatay ng mga taong ipinako sa krus, ugali na ng mga Romano na iwan ang mga katawan sa krus upang takutin ang mga taong may balak gumawa ng masama. Gayunman, ipinagbabawal ng batas ni Moises ang pag-iiwan ng mga katawan ng kriminal na nakabitin sa isang puno nang buong gabi (tingnan sa Deuteronomio 21:22–23). Gayundin, sa kaso ng pagpapako kay Jesus sa krus, ang kinabukasan ay araw ng Sabbath. Samakatwid, hinangad ng mga pinunong Judio, na nagnanais na maialis ang mga katawan sa krus bago magsimula ang Sabbath sa dapit-hapon, na pabilisin ang kamatayan ng tatlong lalaki sa krus sa pamamagitan ng paghiling na baliin ang kanilang mga binti. Magdudulot ito ng paninikip ng dibdib at hindi paghinga ng mga biktima dahil hindi na nila magagamit ang kanilang mga binti upang alalayan ang kanilang bigat. Matapos baliin ang mga binti ng dalawang iba pang lalaking ipinako sa krus, nakita ng mga sundalong Romano na patay na si Jesus at hindi na kailangang baliin pa ang Kanyang mga binti.

Ang mahalagang sandaling ito ay katuparan ng isang propesiya sa Lumang Tipan: “Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali” (Mga Awit 34:20). Dagdag pa rito, itinuro ng Panginoon sa Israel na ang mga tupa ng Paskua, na simbolo ng sakripisyo ni Jesus bilang ang Kordero ng Diyos, ay hindi dapat binabalian ng mga buto (tingnan sa Exodo 12:46).