Library
Lesson 44: Lucas 2


Lesson 44

Lucas 2

Pambungad

Sina Jose at Maria ay naglakbay patungong Betlehem, kung saan isinilang si Jesus. Sinunod ng mga pastol ang tagubilin ng isang anghel na hanapin ang bagong silang na sanggol na si Jesus, at pagkatapos ay ipinahayag nila sa iba ang pagsilang ni Jesus. Binasbasan ni Simeon si Jesus sa templo, at nagpatotoo si Ana na isinilang na ang Manunubos. Si Jesus ay lumaki “sa karunungan at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 2:1–20

Isinilang si Jesus sa Betlehem

Maaari mong ipakanta sa klase ang “O Magsaya” (Mga Himno, blg. 121) o iba pang himnong Pamasko bilang bahagi ng debosyonal.

Naglalakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem

Ipakita ang larawang Naglalakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 29; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano ang nalalaman nila tungkol sa mga kaganapang nangyari sa pagsilang ng Tagapagligtas.

handout iconUpang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng Lucas 2:1–20, bigyan sila ng quiz na sasagutan ng tama o mali. (Bago magklase, maghanda ng kopya ng quiz para sa bawat estudyante.)

handout, quiz–tama o mali

Quiz–Tama o Mali (Lucas 2:1–20)

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 44

  • _____ 1. Nagpunta sina Maria at Jose sa Betlehem para magbayad ng buwis.

  • _____ 2. Kailangang maglakbay nina Maria at Jose ng 27 milya (44 kilometro) mula sa Nazaret patungo sa Betlehem.

  • _____ 3. Inihiga ni Maria ang sanggol na si Jesus sa sabsaban dahil wala nang bakante sa bahay-tuluyan (inn).

  • _____ 4. Sinundan ng mga pastol ang bituin hanggang sa sabsaban kung saan nakahiga si Jesus.

  • _____ 5. Bukod kina Maria at Jose, ang unang mga taong nakakita kay Jesus ayon sa mga banal na kasulatan ay ang mga pastol.

  • _____ 6. Sinabi ng anghel sa mga pastol na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa quiz habang pinag-aaralan nila ang Lucas 2.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:1–5 Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit naglakbay patungong Betlehem sina Jose at Maria.

  • Bakit naglakbay sina Jose at Maria patungong Betlehem? (Gusto ni Cesar na magparehistro, o mabilang, ang mga tao. Ginagawa ito para sa pagbubuwis.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Mapa ng Biblia, blg. 11, “Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Nazaret at Betlehem sa mapa at, gamit ang key o panukat, kalkulahin kung gaano kalayo ang nilakbay nina Jose at Maria. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang layong 85–90 milya (137–145 kilometro) mula Nazaret hanggang Betlehem ay hindi kukulangin sa apat hanggang limang araw na paglalakad, at marahil mas mahaba pa para kina Jose at Maria dahil sa kalagayan ni Maria.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano sa palagay nila ang nararapat na kalagayan para sa pagsilang ng Lumikha at Tagapagligtas ng daigdig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kalagayan ng pagsilang ni Jesus.

  • Sa kabila ng napakahalaga at natatanging katayuan ni Jesus bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, ano ang kalagayan ng Kanyang pagsilang?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 2:8–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ipinahayag ang pagsilang ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ipakita ang larawang Nagpakita ang Anghel sa mga Pastol (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 31; tingnan din sa LDS.org).

Nagpakita ang Anghel sa mga Pastol
  • Ayon sa talata 10, ano ang madarama natin dahil isinilang ang Tagapagligtas? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil isinilang ang Tagapagligtas sa mundo, makadarama tayo ng malaking kagalakan.)

Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Lucas 2, anyayahan sila na mag-isip ng mga halimbawa kung paano nagbibigay ng kagalakan sa iba ang kaalamang isinilang ang Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:15–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga pastol sa mensahe ng anghel.

  • Anong mga kataga ang nagpapakita kung paano tumugon ang mga pastol sa mensahe ng anghel? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang “magsiparoon nga tayo ngayon” sa talata 15 at “sila’y dalidaling nagsiparoon” sa talata 16.)

  • Ano ang nasaksihan o natanggap na patotoo ng mga pastol dahil sinunod nila ang mensaheng ito?

  • Ano ang ginawa ng mga pastol pagkatapos makatanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo?

  • Sa inyong palagay, bakit ibinahagi ng mga pastol sa ibang tao ang naranasan nila?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa mangyayari kapag nagkaroon tayo ng sariling patotoo kay Jesucristo? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nagkaroon tayo ng sariling patotoo tungkol kay Jesucristo, nais nating ibahagi ang ating patotoo sa iba.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataong ninais nilang ibahagi sa ibang tao ang kanilang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Hikayatin silang pag-isipan kung ano ang naghikayat sa kanila na naisin iyon. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Lucas 2:21–39

Inihayag nina Simeon at Ana na si Jesus ang Tagapagligtas ng daigdig

Ibuod ang Lucas 2:21–24 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng pagsilang ni Jesus, dinala Siya nina Maria at Jose sa templo alinsunod sa batas ng mga Judio (tingnan sa Exodo 13:2). Nakilala ng dalawang tao sa templo nang araw na iyon ang sanggol na si Jesus bilang Mesiyas. Ipabasa nang tahimik sa mga kabataang lalaki sa klase ang tala tungkol kay Simeon sa Lucas 2:25–32. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang mga katagang “nag-aantay ng kaaliwan ng Israel” sa talata 25 ay tumutukoy sa mga naghihintay sa pagdating ng Mesiyas.) Ipabasa nang tahimik sa mga kabataang babae ang tala tungkol kay Ana sa Lucas 2:36–38. Habang binabasa ng mga estudyante ang naka-assign na mga talata sa kanila, sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano nakapagdulot ng kagalakan sa taong ito ang kaalamang isinilang na ang Tagapagligtas?

  • Ano ang pinatotohanan niya tungkol kay Jesucristo?

Nagbigay-pitagan si Simeon sa Batang Cristo

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang isang binatilyo na tumayo at ibuod ang tala na kanyang binasa, at sabihin ang mga sagot niya sa mga tanong. Ipakita ang larawang Yumuyukod si Simeon sa Batang Cristo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 32; tingnan din sa LDS.org).

Ibuod ang Lucas 2:33–35 na ipinapaliwanag na binasbasan din ni Simeon sina Maria at Jose.

Anyayahan ang isang dalagita na tumayo at ibuod ang talang binasa niya, at sabihin ang kanyang mga sagot sa mga naunang tanong.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano makapagdudulot ng kagalakan sa atin ang kaalamang isinilang ang Tagapagligtas. Anyayahan ang mga gustong magpatotoo tungkol kay Jesucristo na ibahagi ito sa klase.

Ibuod ang Lucas 2:39 na ipinapaliwanag na pagkatapos ng mga kaganapang ito, sina Maria, Jose, at Jesus ay bumalik sa Nazaret.

Lucas 2:40–52

Nagturo ang batang si Jesus sa templo

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na gusto nilang pagbutihin pa. Anyayahan ang ilang estudyante na gustong ibahagi sa klase ang isinulat nila. (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

  • Paano makatutulong sa inyo bilang kabataan ang malaman ang tungkol kay Jesus noong Siya ay bata pa?

Ipaliwanag na kakaunti lang ang detalye natin tungkol sa kabataan ni Jesus, ngunit ang mga nakatala ay maaaring maging malaking pagpapala at gabay sa atin sa paghahangad nating mas mapagbuti pa ang ating sarili. Sa pag-aaral ng mga estudyante sa natitirang bahagi ng Lucas 2, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa atin na malaman kung anong mga aspeto sa ating buhay ang dapat pang pagtuunan habang sinisikap nating mas mapagbuti pa ang ating sarili.

Nananalangin si Jesus Kasama ang Kanyang Ina

Ipakita ang larawang Nananalangin si Jesus Kasama ang Kanyang Ina (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 33; tingnan din sa LDS.org). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Lucas ang kabataan ni Jesus. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng lumalakas ay lalo pang humuhusay o umuunlad. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 2:41–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Jesus noong Siya ay 12 taong gulang.

  • Bakit nagpaiwan ang batang si Jesus sa templo? (Ipabasa sa mga estudyante ang nakatala sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46 na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na inaalam kung paano nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang ginawa ni Jesus sa templo at kung paano mas akma ang paglilinaw na ito sa paglalarawan ng kaganapan sa Lucas 2:47.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:48–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ni Jesus kina Maria at Jose nang matagpuan Siya ng mga ito.

  • Ano ang sinabi ni Jesus kina Maria at Jose nang matagpuan Siya ng mga ito?

  • Ano ang inihahayag ng talang ito tungkol sa kaalaman ni Jesus sa Kanyang tunay na pagkatao at tungkol sa katangian Niya noong bata pa Siya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 2:51–52. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano lumaki si Jesus.

  • Ano ang ibig sabihin ng “lumalaki sa karunungan”? (Nagkakaroon ng karunungan.) Lumalaki sa “pangangatawan”? (Lumalakas ang pisikal na katawan.) Lumalaki sa “pagbibigay lugod sa Dios”? (Lumalakas ang espirituwalidad.) Lumalaki sa “pagbibigay lugod … sa mga tao”? (Nakikihalubilo sa tao.)

  • Batay sa talata 52, anong alituntunin ang mabubuo ninyo na maaaring gumabay sa atin sa pagtulad sa halimbawa ni Jesus? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungan at pagpapalakas ng katawan at espirituwalidad, at pagkatutong makihalubilo sa mga tao.)

  • Bakit mahalaga sa atin na lumakas o humusay sa bawat isa sa apat na aspetong ito? (Upang tayo ay maging matatag na tao.)

  • Paano kayo napagpapala habang sinisikap ninyong tularan ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapalakas o pagpapahusay ng inyong sarili sa mga aspetong ito?

Isulat sa pisara ang sumusunod na pamagat at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal: Intelektuwal, Pisikal, Espirituwal, at Sosyal. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mithiin sa ilalim ng bawat isa sa mga kategoryang ito para sa kanilang personal na pag-unlad. Hikayatin ang mga estudyante na tuparin ang mga mithiing ito. Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning natukoy sa lesson sa araw na ito.

(Narito ang mga sagot sa quiz: 1. Tama; 2. Mali; 3. Tama; 4. Mali; 5. Tama; 6. Mali.)

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Ang pag-uulit ay tumutulong sa mga estudyante na maalala ang lokasyon ng mga scripture mastery passage. Gamitin ang mga scripture mastery card, o pagawin ang mga estudyante ng sarili nilang mga card sa pamamagitan ng pagsulat ng mahahalagang salita o kahulugan sa harap ng mga blangkong notecard o papel at pagsulat naman ng mga reperensya sa likod nito. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na i-test ang nalalaman ng isa’t isa gamit ang mga card. Sabihin sa mga estudyante na gamitin nang madalas ang mga card para i-test ang sarili at isa’t isa. Maaari mong gamitin ang mga clue na nasa mga card para magawa ang scripture chase activity sa klase (tingnan sa “scripture chase” sa apendiks ng manwal na ito).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 2:7. “Kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake”

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kalagayan ng pagsilang ng Tagapagligtas:

“Kahamangha-mangha sa atin na ang mismong Anak ng Diyos, ang dakilang Jehova ng unang panahon, ay nararapat isilang sa mundong ito sa pinakahamak na kalagayan. Aba na ang bahay-tuluyan, ngunit hindi iyon isang bahay-tuluyan. Bagkus ay isang kuwadra iyon, at ang sanggol ay inihiga sa sabsaban kung saan kumakain ang mga hayop. Magkagayunman, ang mas dakilang pagpapakababa ay na pumayag si Jesus na pumarito sa mundo, kahit isilang pa Siya sa pinakamaganda at pinakamarangyang kalagayan. Tulad ni Pablo, namamangha tayo sa ‘pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin’ [Mga Taga Roma 8:3]—na nararapat siyang maging isang sanggol at isang bata at pagkatapos ay isang taong dumanas ng ‘mga tukso at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod’ [Mosias 3:7] at maging ng kamatayan.

“Paanong Siya na namamahala sa kaitaasan, ang mismong Lumikha ng daigdig, ay pumayag na isilang ‘ayon sa laman’ (1 Nephi 11:18) at lumakad sa Kanyang tuntungan (tingnan sa 1 Nephi 17:39) sa kahirapan, kinamuhian at pinagmalupitan at, sa huli ay ipinako sa krus?” (“The Condescension of God and of Man” [First Presidency’s Christmas devotional, Dis. 7, 2014], lds.org/broadcasts).

Lucas 2:19. “Iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso”

Bagama’t mahalagang ibinabahagi natin ang ating patotoo sa iba, itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na ibabahagi lang natin ang ating sagradong mga karanasan kapag hinikayat tayo ng Espiritu na gawin ito:

“Hindi makatutulong na patuloy na ikuwento ang mga kakaibang espirituwal na karanasan. Dapat pangalagaang mabuti ang mga ito at ibahagi lamang kapag ipinahiwatig ng Espiritu na gamitin ninyo ang mga ito para pagpalain ang iba. …

“Minsan ay narinig ko na nagpayo si Pangulong Marion G. Romney sa mga mission president at kanilang mga asawa … , ‘Nalaman ko na kapag binabanggit ko na parang karaniwan lang ang mga sagradong bagay, pagkatapos niyon ay hindi na ako pagkakatiwalaan ng Panginoon.’

“Naniniwala ako na dapat nating pahalagahan at pagnilayan ang mga bagay na ito sa ating puso, gaya ng sinabi ni Lucas na ginawa ni Maria sa mga kamangha-manghang kaganapan na nangyari sa pagsilang ni Jesus” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).

Lucas 2:47. “At ang lahat ng sa kaniya’y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot”

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa kabataan ni Jesucristo:

“Kahit bata pa lang ay taglay na Niya ang lahat ng katalinuhang kailangan upang mapamunuan at mapamahalaan Niya ang kaharian ng mga Judio, at kayang mangatwiran sa pinakamatatalino at pinakamahuhusay na mga dalubhasa sa batas at relihiyon, at nagmistulang kahangalan ang kanilang mga teorya at gawain kumpara sa taglay Niyang karunungan; ngunit Siya ay isang bata lamang, at kulang sa pisikal na lakas upang ipagtanggol ang Kanyang sarili; at daranas ng lamig, gutom at kamatayan” (History of the Church, 6:608).