Lesson 50
Lucas 10:1–37
Pambungad
Si Jesus ay tumawag, nagturo, at nagsugo ng Pitumpu. Ipinangaral nila ang ebanghelyo, pinagaling ang mga maysakit, nagpaalis ng mga demonyo, at bumalik upang magbigay ng ulat tungkol sa kanilang mga ginawa. Itinuro ni Jesus sa isang tagapagtanggol ang talinghaga ng mabuting Samaritano.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 10:1–24
Ang Panginoon ay tumawag ng Pitumpu, at sila ay binigyan Niya ng awtoridad at tagubilin
Magdala sa klase ng isang lalagyan na puno ng iba’t ibang bagay (tulad ng mga bola na iba’t iba ang laki). Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase. Sabihin sa estudyante na hawakan ang mga bagay na ibibigay mo sa kanya at huwag ihuhulog o ilalapag ang kahit isa sa mga ito. Bigyan ng mga bagay ang estudyante hanggang sa hindi na niya kayang mahawakan ang lahat ng ito at ang ilan ay nalalaglag na. Pagkatapos ay itanong sa estudyante:
-
Ano ang magagawa mo para hindi malaglag ang mga bagay na hawak mo?
Kung kailangan, imungkahi sa estudyante na humingi ng tulong sa mga kaklase niya. Patuloy na ibigay ang mga bagay sa estudyante, at hayaan siyang ipasa ang ilan sa mga ito sa iba pang mga estudyante. Pagkatapos ay paupuin ang mga estudyante.
-
Paano ninyo maikukumpara ang aktibidad na ito sa paraang ginagawa ng mga lider ng Simbahan sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad?
Ipaalala sa mga estudyante na tumawag ng labindalawang Apostol ang Tagapagligtas at isinugo sila upang tumulong sa Kanyang gawain. Gayunman, kakailanganin ng mga Apostol ang tulong ng iba pa sa pagtuturo at pagmiministeryo upang ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay maiparating sa lahat ng tao.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang itinalaga ng Panginoon para tulungan ang mga Apostol na magawa ang Kanyang gawain.
-
Sino ang itinalaga ng Panginoon para tulungan Siya sa Kanyang gawain? Ano ang kanilang tungkulin?
Ipaliwanag na ang salitang pitongpu sa Lucas 10:1 ay tumutukoy sa isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood. Ang katungkulan ding ito ay nasa ipinanumbalik na Simbahan ngayon. (Kung maaari, ipakita ang mga pahina na may pamagat na “Mga General Authority at Pangkalahatang Pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” sa pinakahuling isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona.) Maraming korum ng Pitumpu sa kasalukuyan, bagama’t ang mga miyembro lamang ng unang dalawang korum ang tinatawag na mga General Authority. Bawat korum ay maaaring magkaroon ng hanggang 70 miyembro. Ang gawain nila na mangaral ng ebanghelyo at tumulong sa pangangasiwa ng Simbahan ay pinamamahalaan ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Panguluhan ng Pitumpu (tingnan sa D at T 107:25–26, 34; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pitumpu,” scriptures.lds.org).
-
Ayon sa talata 2, ano ang sinabi ng Panginoon na kakaunti para sa pag-ani ng mga kaluluwa?
-
Anong katotohanan ang malalaman natin tungkol sa gawain ng Panginoon mula sa mga talatang ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay tumatawag ng manggagawa bukod pa sa mga Apostol upang kumatawan sa Kanya at tulungan Siya sa Kanyang gawain.)
-
Bukod pa sa mga Apostol at Pitumpu, sino pa ang may responsibilidad na tulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain sa panahong ito? (Lahat ng miyembro ng Simbahan.)
Ipaliwanag na tulad ng ipinahayag ng Tagapagligtas na nangangailangan pa ng mas maraming manggagawa upang maisakatuparan ang pag-aani ng kaligtasan, ang mga propeta sa mga huling araw ay palagi ring nananawagan na nangangailangan pa ng mas maraming missionary. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. …
“Para sa inyong mga kabataang babae: samantalang wala kayong gayong resposibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari rin kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero; at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 5–6).
-
Bukod pa sa pagmimisyon, paano pa natin matutulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo o ng isang taong kakilala ninyo sa pagtulong sa Panginoon sa Kanyang gawain?
Ibuod ang Lucas 10:3–24 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang Pitumpu kung paano gawin ang kanilang mga responsibilidad. Pinagsabihan din Niya ang mga tao sa iba’t ibang lungsod na hindi tumanggap ng Kanyang mga turo. Kalaunan ay nag-ulat ang Pitumpu ng kanilang mga gawa kay Jesus, at nagbigay Siya sa kanila ng karagdagang tagubilin at nagalak kasama nila.
Lucas 10:25–37
Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng mabuting Samaritano
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Ang mga tao sa paligid natin ay hindi perpekto. Ang mga tao ay nakakagawa ng mga bagay na nakakayamot, nakakalungkot, at nakakagalit. Lagi itong mangyayari sa mortal na buhay na ito” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 77).
Sabihin sa klase na pag-isipang mabuti kung may kilala sila na isang taong gumagawa ng mga bagay na nakakayamot, nagpapalungkot, at nakakagalit sa kanila.
-
Bakit parang mahirap mahalin ang isang taong gumagawa ng ganitong mga bagay?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan na gagabay sa kanilang pakikihalubilo sa mga taong maaaring mahirap mahalin sa pag-aaral nila ng Lucas 10:25–37.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng isang tagapagtanggol sa Tagapagligtas.
-
Ano ang itinanong ng tagapagtanggol sa Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sagot ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Anong alituntunin ang malalaman natin sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, dapat nating ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ayon sa talata 27, paano natin dapat iibigin ang Diyos?
-
Ano ang ibig sabihin ng iibigin mo ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip?
Ituro ang mga katagang “ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili” sa pisara. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang maaaring ibig sabihin ng ibigin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, sabihin sa kanila na maglista sa pisara ng mga bagay na ginagawa nila sa isang karaniwang araw. (Maaaring kasama sa mga ito ang paghahanda para sa maghapon, pagkain, pagtulog, paggawa ng homework, at iba pa.)
Pagkatapos maglista sa pisara, sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ilan sa kanilang mga aktibidad ang nakapokus sa kanilang sarili.
-
Ano ang matututuhan natin sa aktibidad na ito?
-
Ano ang ilang paraan na maaari nating mas madalas na pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng iba at naising ibigin o mahalin sila, gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili?
-
Ano ang ilan sa mga paraan na magagawa natin ito maging sa mga aktibidad na ginagawa natin para sa ating sarili? (Maaaring kasama sa mga halimbawa ang pagkain ng pananghalian kasalo ang mga taong tila nalulungkot o pagpuri sa iba sa ating mga aktibidad sa paaralan.)
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa pagsulong natin sa buhay na walang hanggan ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangalawang tanong ng tagapagtanggol kay Jesus.
-
Ano ang pangalawang tanong ng tagapagtanggol?
Ihanda ang ilang estudyante na maisadula ang talinghaga ng mabuting Samaritano sa Lucas 10:30–35. Anyayahan ang isang estudyante na maging narrator at ang iba sa papel na sugatang lalaking Judio, dalawang magnanakaw, isang saserdote, isang Levita, at ang Samaritano. (Kung kakaunti lang ang estudyante mo, maaari silang gumanap sa maraming tauhan.) Maaari kang maghanda ng ilang props, maaaring isama rito ang mga name tag, ekstrang damit na kukunin sa lalaking Judio, dalawang lalagyan na gagamitin kunwari para sa langis at alak, isang upuang may gulong para kunwari ay hayop, at dalawang barya bilang dalawang denario. (Paalala: Maaaring pumili ka ng gaganap sa dula-dulaan at bigyan sila ng espesipikong mga instruksyon bago magklase para matiyak na magiging epektibo, angkop, at maayos ang dula-dulaan.)
Ipabasa nang malakas sa narrator ang Lucas 10:30–35, at sabihin sa mga kasali na isadula ang talinghaga. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kung sino ang ating kapwa-tao. Pagkatapos magdula-dulaan, paupuin ang mga estudyante.
-
Alin sa mga ginawa ng Samaritano ang higit na nagpahanga sa inyo?
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang maaaring asahan sa isang saserdote, Levita, at Samaritano, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag:
Ang mga saserdote at Levita ay mayhawak ng Aaronic priesthood at inatasang maglingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa-tao, kapwa sa loob ng templo at bilang mga guro at halimbawa ng pagsunod sa batas ng Diyos. Alam ng mga mayhawak na ito ng priesthood ang tungkol sa kautusang “iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili” (Levitico 19:18) at kalingain ang mga taga ibang bayan at mga naglalakbay (tingnan sa Levitico 19:34; 25:35). Sa kabilang banda, “Bahagyang Israelita at bahagyang Gentil ang mga Samaritano. Ang kanilang relihiyon ay pinaghalong mga paniniwala at kaugalian ng Judio at pagano. … Nabuo [ang pagkamuhi ng mga Judio] … sa mga Samaritano dahil ang mga Samaritano ay tumalikod mula sa relihiyon ng Israelita” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga,” scriptures.lds.org). Ang mga Judio at Samaritano ay talagang iniiwasan ang bawat isa.
-
Sa talinghaga, bakit kaya nakakagulat ang mga ginawa ng saserdote, Levita, at Samaritano?
-
Ano ang maaaring maging dahilan ng Samaritano para hindi tulungan ang sugatang Judio?
-
Ayon sa talata 33, bakit naantig ang Samaritano na tumulong nang makita niya ang sugatang lalaki?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nagdalang habag ay ang pagpansin sa pangangailangan o problema ng ibang tao at pagdama ng pagnanais na gawin ang anumang magagawa natin upang tulungan ang taong iyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 10:36–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kasunod na itinuro ng Tagapagligtas sa tagapagtanggol.
-
Paano nasagot ng talinghagang ito ang tanong sa talata 29, “Sino ang aking kapuwa tao?”
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang paggamit ng Tagapagligtas sa Samaritano sa talinghagang ito ay nagpapahiwatig na hindi lamang ang mga taong nakatira malapit sa atin ang ating kapuwa tao kundi ang sinuman sa mga anak ng Ama sa Langit—kabilang na ang mga taong nahihirapan tayong mahalin.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Kailangan nating alalahanin na bagama’t makakapili tayo ng mga kaibigan, ang Diyos ang pumipili ng mga taong ilalapit sa atin—saan man. Ang pagmamahal ay hindi dapat limitahan. … Sabi ni Cristo, ‘Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?’ (Mateo 5:46)” (“The Lord’s Touchstone,” Ensign, Nob. 1986, 35).
-
Ayon sa talata 37, ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat gawin ng tagapagtanggol?
Sabihin sa mga estudyante na isipin muli ang mga tao na sa akala nila ay mahirap para sa kanila na mahalin.
-
Ano ang magagawa natin para mahalin at kahabagan ang mga taong mahirap para sa atin na mahalin?
-
Isipin ang panahon na kayo o ang isang kakilala ninyo ay sinunod ang payo ng Tagapagligtas na “iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Lucas 10:27). Ano ang naging resulta?
Magpatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag at ipakumpleto ito sa mga estudyante sa kanilang notebook o scripture study journal: Tutularan ko ang halimbawa ng mabuting Samaritano sa pamamagitan ng …