Library
Lesson 151: Apocalipsis 1


Lesson 151

Apocalipsis 1

Pambungad

Habang nasa pulo ng Patmos, gumawa si Juan ng sulat ng panghihikayat sa pitong kongregasyon ng Simbahan na inilalarawan ang paghahayag na natanggap niya. Nagpatotoo si Juan tungkol sa mga bagay na ipinahayag sa kanya ng isang anghel at ni Jesucristo. Itinala rin ni Juan ang mga detalye ng kanyang pangitain tungkol sa Panginoong Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 1:1–11

Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanyang pangitain

Bago magklase, maglagay ng isang bagay sa ibabaw ng mesa o upuan sa harapan ng klase. Takpan ito para hindi malaman ng mga estudyante kung ano ito. Kapag nagsimula ang klase, pahulaan sa mga estudyante kung ano ito. Pagkatapos ng ilang paghula, papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase at sabihin sa kanya na iangat nang bahagya ang takip para siya lang ang makakita ng bagay na ito. Sabihin sa estudyanteng ito na ilarawan sa klase ang bagay.

  • Paano ipinakita ng estudyante na naglarawan sa bagay ang isang gawain ng mga propeta at mga apostol?

Paupuin ang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na buksan ang aklat ng Apocalipsis. Ipaliwanag na ang Apocalipsis ay salitang Griyego na ang ibig sabihin ay paghahayag, pagbubunyag, o paglalantad ng yaong mga nakatago. Sa aklat na ito, itinala ni Apostol Juan ang mga katotohanang inihayag o inilantad sa kanya tungkol sa Panginoong Jesucristo, ang Kanyang bahaging gagampanan sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, ang mga pangyayaring hahantong sa Kanyang Ikalawang Pagparito, at Kanyang paghahari sa Milenyo.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang inihayag kay Juan sa pag-aaral nila ng aklat ng Apocalipsis.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 1:1–3, sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Juan tungkol sa paghahayag na natanggap niya.

  • Bakit ibinigay kay Juan ang paghahayag na ito?

  • Ano nais ni Juan na gawin ng mga Banal sa paghahayag na ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit parehong binanggit ni Juan ang mga taong nakikinig at ang mga taong nagbabasa ng kanyang mga salita, ipaliwanag na sa panahon ni Juan ay maraming Banal ang hindi nakakabasa, kaya nalalaman nila ang nakapaloob sa aklat ng Apocalipsis sa pakikinig sa iba na nagbabasa nito nang malakas.

  • Ano ang sinabi ni Juan tungkol sa mga taong magbabasa, maghahangad ng pag-unawa, at susunod sa mga turong nakatala sa aklat ng Apocalipsis?

  • Paano ninyo ibubuod ang mga turo ni Juan sa Apocalipsis 1:3 bilang isang alituntunin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay nagbasa, naghangad na makaunawa, at sumunod sa mga salita ng Panginoon, tayo ay pagpapalain.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 1:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung para kanino ang sulat ni Juan.

  • Para kanino ang sulat ni Juan? (Ipaliwanag na ang “pitong iglesia na nasa Asia” ay tumutukoy sa pitong kongregasyon ng Simbahan, tulad ng mga ward at mga branch ngayon, na nasa kanlurang bahagi ng Turkey sa panahong ito. Ang “pitong Espiritu” ay tumutukoy sa mga lider ng mga kongregasyong iyon.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 1:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nais ni Juan na malaman ng pitong kongregasyon tungkol kay Jesucristo. Maaaring pamarkahan sa mga estudyante ang nalaman nila.

  • Ano ang nais ni Juan na malaman ng pitong kongregasyon tungkol kay Jesucristo?

  • Alin sa mga katagang ito tungkol sa Tagapagligtas na nasa mga talatang ito ang lubos na makahulugan sa inyo? Bakit? (Maaari mo ring ipaliwanag na ang Alpha at Omega ay ang una at huling letra sa alpabeto ng mga Griyego. Ang titulong ito ay nagpapahiwatig na ang gagampanan ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ay sumasaklaw sa lahat mula sa simula hanggang wakas. [Tingnan din sa Apocalipsis 22:13.])

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 1:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan naroon si Juan nang matanggap niya ang paghahayag na ito at kung saan matatagpuan ang pitong simbahan.

  • Nasaan si Juan nang matanggap niya ang paghahayag na ito? Saan matatagpuan ang pitong kongregasyon?

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero,” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para matagpuan kung nasaan ang Patmos at ang ilan sa pitong lungsod na nakatala sa Apocalipsis 1:11.

Para mautulungan ang mga estudyante na malaman kung ano ang itsura ng Patmos, kung maaari, ipabuklat sa kanila ang Mga Larawan sa Biblia, blg. 32, “Pulo ng Patmos.”

Ipaliwanag na natanggap ni Juan ang paghahayag na ito sa isang panahon na mahirap para sa mga miyembro ng Simbahan. Sa panahong ito, may matinding pag-uusig sa mga Banal at apostasiya at pagkakahati-hati sa mga miyembro ng Simbahan. Bukod pa rito, lahat ng Apostol maliban kay Juan ay napatay na. Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat marahil noong panahon ng Romanong emperador na si Domitian, na nagpasimula muli sa pagsamba sa emperador sa buong Imperyo ng Roma at ipinatapon o ipinapatay ang mga hindi sasamba sa mga diyos-diyosan na inaprubahan ng pamahalaang Romano. Maraming tao ang naniniwala na si Juan ay ipinatapon sa pulo ng Patmos dahil sa kadahilanang ito.

  • Ayon sa Apocalipsis 1:10, paano inilarawan ni Juan ang kanyang kalagayan nang matanggap niya ang paghahayag na ito?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng mga katagang “ako’y nasa Espiritu”?

  • Ayon sa talata 11, ano ang iniutos ni Jesucristo kay Juan?

Ipaliwanag na nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon na si Nephi ay may pangitaing tulad ng kay Juan. Nakita ni Nephi ang mga pangyayari sa mga huling araw (kabilang ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang Milenyo, at ang pagtapos ng gawain ng Diyos sa mundo), ngunit siya ay inutusang huwag isulat ang mga bagay na ito dahil si Juan ang inorden na gawin ito (tingnan sa 1 Nephi 14:24–29).

  • Bakit mahalagang pag-aralan natin ang mga salita ni Juan sa Apocalipsis?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa kanilang patuloy na pag-aaral ng aklat na Apocalipsis ang mga katotohanang tungkol sa mga huling araw, sa Ikalawang Pagparito, sa Milenyo at sa pagtapos sa gawain ng Diyos sa lupa.

Apocalipsis 1:12–20

Nakita ni Juan ang Panginoong Jesucristo sa isang pangitain

Upang maipaalam ang ideya ng simbolismo, magdispley (o magdrowing sa pisara) ng mga larawan ng ilang karaniwang sign o tanda sa inyong kultura na maaaring madaling maunawaan nang walang mga salita. Halimbawa, maaari kang magdispley ng mga traffic sign o warning sign. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang layunin ng mga tanda o sign na ito.

Ipaliwanag na gumamit si Juan sa aklat ng Apocalipsis ng mga simbolo at imahe upang ituro ang mahahalagang mensahe tungkol sa ebanghelyo. Ang mga simbolo ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa pagtuturo dahil nakakaugnay ang mga ito sa mga tao sa iba’t ibang henerasyon at kultura. Naipararating din ng mga ito ang ilang iba’t ibang mensahe.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin nang malakas ang Apocalipsis 1:12–18, na inaalam ang mga simbolong ginamit ni Juan para ilarawan ang kanyang paghahayag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga simbolong nabasa nila.

  • Anong mga simbolo ang ginamit ni Juan upang ilarawan ang kanyang paghahayag?

handout iconBigyan ang mga estudyante ng handout ng sumusunod na chart (o isulat ito sa pisara). Ipabasa sa magkakapartner ang mga scripture reference sa kanang column ng chart at isulat sa hanay na iyon ang maaaring kahulugan ng bawat simbolong ginamit ni Juan.

handout, Apocalipsis 1

Simbolismo sa Apocalipsis 1

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 151

Simbolo

Mga Posibleng Kahulugan

Apocalipsis 1:12—Pitong Kandelerong Ginto

Apocalipsis 1:20; 3 Nephi 18:24

Apocalipsis 1:16–17—Kanang kamay

Marcos 16:19

Apocalipsis 1:16—Pitong Bituin

Ang pitong bituin ay ang mga tagapaglingkod sa pitong simbahan (Joseph Smith Translation, Revelation 1:20)—

Apocalipsis 1:16—Isang matalas na tabak na may dalawang talim

Sa Mga Hebreo 4:12

Apocalipsis 1:18—Ang mga susi ng kamatayan at ng Hades

2 Nephi 9:10–13

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang posibleng kahulugan ng bawat simbolong ginamit ni Juan. Kung kinakailangan, tulungan silang matukoy na ang pitong kandelero ay sumasagisag sa pitong simbahan na magtataas ng liwanag ng ebanghelyo; ang kanang kamay ay sumasagisag sa banal na kapangyarihan at pagsang-ayon; ang pitong bituin ay sumasagisag sa mga tagapaglingkod o lider sa pitong simbahan na tinawag ng Panginoon; ang tabak ay sumasagisag sa salita ng Diyos, nagpapahayag ng paghatol sa masasama at pagpapalaya sa mabubuti; at ang mga susi ng kamatayan at Hades o impiyerno ay sumasagisag sa kapangyarihan ng Panginoon na daigin ang espirituwal at pisikal na kamatayan.

  • Ayon sa mensahe na ipinahayag ng Panginoon sa Kanyang mga Banal sa pamamagitan ni Juan, anong katotohanan ang malalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa Kanyang matatapat na disipulo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ginagabayan at pinangangalagaan ni Jesucristo ang Kanyang matatapat na disipulo.)

Ipaalala sa mga estudyante ang mga hamon at mga pagsubok na naranasan ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Juan.

  • Bakit mahalagang malaman ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Juan na patuloy silang ginagabayan at pinangangalagaan ni Jesucristo?

  • Bakit mahalagang maunawaan natin ang katotohanang ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nadama nilang ginabayan at pinangalagaan sila ni Jesucristo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang karanasang ito sa klase. Maaari mo ring ibahagi ang isa sa iyong mga karanasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 1:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kay Juan.

  • Anong doktrina ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo batay sa sinabi Niya kay Juan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay isang niluwalhating nabuhay na mag-uling nilalang na may kapangyarihang daigin ang kamatayan at impiyerno.)

  • Anong pag-asa ang idinulot ng doktrinang ito sa mga Banal noong panahon ni Juan?

  • Anong pag-asa ang ibinibigay ng doktrinang ito sa atin?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng doktrinang ito tungkol sa kahihinatnan sa huli ng digmaan ng mabuti at masama na umiiral sa buong mundo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag tungkol sa aklat ng Apocalipsis:

“Ang mensahe ng Apocalipsis ay katulad ng mensaheng nakasaad sa buong banal na kasulatan: mananaig sa huli ang Diyos sa daigdig na ito laban sa diyablo; isang walang katapusang tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, ng mga Banal laban sa mga mang-uusig, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas” (Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Revelation of John”).

Ipaliwanag na dahil alam natin na mananaig sa huli ang mabuti laban sa masama, ang gagawin na lamang natin ay piliin kung kanino tayo papanig, kay Satanas o sa Diyos. Maaari mong patotohanan ang tagumpay ng Tagapagligtas sa kamatayan at impiyerno at ang katotohanan na dahil sa Kanya ay maaari nating piliing pumanig sa Diyos sa digmaan ng mabuti at masama.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas lubos na piliin na pumanig sa Diyos. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na maaaring matanggap nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 1:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat isulat ni Juan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na nakatala sa Apocalipsis 1 ang isinulat ni Juan tungkol sa kanyang pangitain sa Tagapagligtas. Tulad ng nakatala sa Apocalipsis 2–3, isinulat ni Juan ang tungkol sa “mga bagay ngayon” (Apocalipsis 1:19), o ang kalagayan ng Simbahan noong kanyang panahon. Nakatala sa Apocalipsis 4–22 ang isinulat ni Juan tungkol sa “mga bagay na mangyayari sa darating” (Apocalipsis 1:19), o sa hinaharap.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 1:12. Pitong kandelerong ginto

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pitong kandelerong ginto na nakita ni Juan:

“Ang mga kandelero ay nagdadala ng liwanag; hindi lumilikha nito. Ang gawain nila ay ipakita ito, hindi ang likhain ito. Kaya sa paggamit ng pitong kandelero upang ilarawan ang pitong simbahan na kailangang payuhan ni Juan, ipinapakita ng Panginoon na dapat dalhin ng kanyang mga kongregasyon sa lupa ang kanyang liwanag sa buong mundo. Si Cristo ang Ilaw ng sanglibutan. (Juan 8:12.) ‘Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa’ (3 Ne. 18:24; Mat. 5:14–16.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:442).