Library
Lesson 152: Apocalipsis 2–3


Lesson 152

Apocalipsis 2–3

Pambungad

Sumulat si Juan sa pitong anghel, o tagapaglingkod, sa mga kongregasyon ng Simbahan sa Asia Minor at ipinarating ang pagpuri, pagwawasto, at babala ng Panginoon sa mga Banal. Isinama rin ni Juan ang mga pangako ng kadakilaan sa mga yaong makapagtitiis hanggang wakas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Apocalipsis 2–3

Isinulat ni Juan ang mga salita ni Jesucristo sa mga lider ng pitong Simbahan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Sister Sydney S. Reynolds, dating miyembro ng Primary general presidency. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang matututuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa kuwentong ito.

Sydney S. Reynolds

“Si Sister Gayle Clegg ng general presidency ng Primary at ang kanyang asawa ay nanirahan sa Brazil sa loob ng maraming taon. Kamakailan nagkaroon siya ng tungkulin sa Primary sa Japan. Sa pagpasok niya sa kapilya noong Linggo, napansin niyang sa gitna ng mga banal na Hapones ay may isang pamilyang taga-Brazil. … Isang minuto pa lamang niyang binabati sila ay napansin niyang puno ng sigla ang ina at mga anak, subalit tahimik ang ama. ‘Puwede ko silang kausapin pagkatapos ng miting,’ ang nasaisip niya habang naglalakad papunta sa pulpito. Ibinigay niya ang kanyang mensahe sa wikang Ingles, na isinalin sa wikang Hapon, at naisip niya na magpatotoo sa wikang Portuguese. Nag-alinlangan siya sa dahilang walang mga tagapagsalin sa Portuguese at 98% ng tao ang hindi maiintindihan ang kanyang sasabihin.

“Pagkatapos ng miting lumapit sa kanya ang amang taga-Brazil at sinabing, ‘“Sister, ibang iba ang mga kaugalian dito, at nalulungkot ako. Mahirap ang magsimba at di makaintindi ng kahit ano. Minsan, iniisip kong mas matututo ako kung sa bahay ako magbabasa ng banal na kasulatan. Sinabi ko sa asawa ko “Isang beses na lang,” at dumalo ako ngayon sa pag-aakalang ito na ang huli kong pagsisimba. Nang magpatotoo ka sa Portuguese, naantig ng Espiritu ang puso ko, at nalaman kong dito ako nabibilang. Alam ng Diyos na narito ako, at tutulungan Niya ako’” (“Kilala Niya Tayo; Mahal Niya Tayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 76).

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa karanasang ito?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong mga kataga: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin … Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 2–3 na tutulong sa kanila na maunawaan ang magagawa ng Panginoon para sa kanila dahil sila ay kilala Niya.

Ipaliwanag na ang Apocalipsis 2–3 ay naglalaman ng tala ni Apostol Juan tungkol sa mga sinabi ni Jesucristo sa pitong kongregasyon ng Simbahan sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:1–3, 6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalalaman ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso.

  • Ano ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso? (Ipaliwanag na ang salitang Nicolaita [talata 6] ay tumutukoy sa isang grupo na ang mga miyembro ay nagsasabing maaari silang gumawa ng kasalanang seksuwal nang hindi mapaparusahan dahil ililigtas sila ng biyaya ng Diyos [tingnan sa Bible Dictionary, “Nicolaitans”].)

Ipaliwanag na nakatala sa mga talatang ito ang pagpuri ng Panginoon sa mga Banal dahil sa mabubuti nilang gawa. Idagdag ito sa pahayag na nasa pisara para mabasa nang ganito: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin, mapupuri Niya ang bawat isa sa atin …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso.

  • Ano pa ang alam ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Efeso?

Ipaliwanag na iniwawasto ng Panginoon ang mga Banal dahil sa kanilang mga kasalanan. Kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para maituro ang sumusunod na katotohanan: Dahil kilala ng Panginoon ang bawat isa sa atin, mapupuri at maiwawasto Niya ang bawat isa sa atin.

  • Ano ang ilang paraan na makatatanggap tayo ng pagpuri at pagwawasto mula sa Panginoon?

  • Paano nakaiimpluwensya ang kaalamang pinupuri at iniwawasto ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa paraan ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan at pagdarasal? Paano ito nakaiimpluwensya sa paraan ng pagtugon natin sa mga payo ng ating mga lider sa Simbahan at ng ating mga magulang?

  • Bakit dapat nating sikaping makatanggap ng pagpuri at pagwawasto mula sa Panginoon?

  • Kailan ninyo naranasan na pinuri at iniwasto kayo ng Panginoon? Paano nakatulong ang karanasang ito na malaman ninyo na personal kayong kilala ng Panginoon? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano sa palagay nila ang ginawa nila na mapupuri ng Panginoon at ano naman ang mga naisip o ginawa nila na iwawasto sila ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiing magsisi kapag iniwasto sila ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 2:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay, o makapagtitiis hanggang wakas.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay, o makapagtitiiis hanggang wakas?

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “pakakanin ng punong kahoy ng buhay”? (talata 7).

  • Paano makatutulong sa mga Banal sa Efeso ang narinig na pangakong pagpapalang ito matapos silang iwasto o pagsabihan?

Ipaalala sa mga estudyante na bukod pa sa kongregasyon sa Efeso, nangusap din ang Panginoon sa iba pang mga kongregasyon sa Asia Minor.

Hatiin ang klase sa limang grupo, at i-assign sa bawat grupo ang mga sumusunod na scripture reference:

  1. Apocalipsis 2:8–11

  2. Apocalipsis 2:12–17

  3. Apocalipsis 2:18–29; (Bigyan ang grupong nakatanggap ng scripture reference na ito ng kopya ng Joseph Smith Translation ng Apocalipsis 2:26–27: “At siya na nagtagumpay, at sinunod ang aking mga kautusan hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa maraming kaharian; at sila’y paghaharian niya sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sila’y mapapasakanyang mga kamay tulad ng sisidlang lupa sa mga kamay ng magpapalyok; at sila’y pamamahalaan niya sa pamamagitan ng pananampalataya, pagkakapantay-pantay at katarungan, maging tulad sa natanggap ko sa aking Ama.”)

  4. Apocalipsis 3:1–6; (Bigyan ang grupong nakatanggap ng scripture reference na ito ng kopya ng Joseph Smith Translation ng Apocalipsis 3:1–2: “At sa tagapaglingkod ng simbahan sa Sardis, isulat mo; Ang mga bagay na ito ay sinasabi niya na may pitong bituin, na pitong tagapaglingkod ng Diyos; Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. Kung gayo’y magpuyat ka, at pagtibayin mo ang mga yaong natira, na handa nang mamatay: sapagka’t wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng Diyos.”)

  5. Apocalipsis 3:7–13

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga talata sa kanilang grupo, na inaalam ang ipinayo ng Panginoon na gawin ng mga Banal at ang mga pagpapalang ipinangako Niya na matatanggap nila kung gagawin nila ito.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang miyembro mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara (sa ilalim ng ipinangakong pagpapala mula sa Apocalipsis 2:7) ang ipinangakong pagpapala na natukoy ng bawat grupo (tingnan sa Apocalipsis 2:11, 17, 26; 3:5, 12). Kapag nakumpleto na ang listahan, ipaliwanag na ang bawat isa sa mga pangakong ito ay tumutukoy sa pagtanggap ng mga pagpapala ng kadakilaan, kung magtitiis tayo hanggang wakas.

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa dapat nating gawin para matanggap ang mga pagpapala ng kadakilaan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magtatagumpay tayo, matatanggap natin ang mga pagpapala ng kadakilaan.)

  • Ano sa inyong palagay ang kailangan nating pagtagumpayan upang matanggap ang mga pagpapala ng kadakilaan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 3:14–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kalagayan ng mga miyembro ng Simbahan sa Laodicea na kailangan nilang pagtagumpayan para makatanggap ng kadakilaan.

  • Anong kalagayan ang kailangang pagtagumpayan ng mga miyembro ng Simbahan sa Laodicea?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga miyembrong ito ng Simbahan ay mga disipulo ni Jesucristo na hindi malamig o mainit man? (talata 15). (Ang salitang mainit ay ginagamit upang ilarawan ang isang tao na lubos na tapat o aktibo sa ebanghelyo, at ang salitang malamig ay ginagamit upang ilarawan ang isang tao na lubos na binabalewala ang mga turo at mga tipan ng ebanghelyo. Ang hindi malamig o mainit na disipulo ay tumutukoy sa isang tao na naniniwala na totoo ang ebanghelyo pero hindi ito lubos na ipinamumuhay.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ilang bagay na maaaring gawin o hindi gawin ng hindi malamig o mainit na mga disipulo ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nagawa nila sa nakalipas na ilang araw para masunod si Jesucristo at kung sila ba ay mainit, malamig, o hindi malamig o mainit na disipulo ni Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 3:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dahilan ng Panginoon kung bakit Niya iniwawasto ang mga Banal sa Laodicea.

  • Batay sa sinabi ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea, bakit Niya tayo iwinawasto? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dahil mahal tayo ng Panginoon, iwinawasto o pinagsasabihan Niya tayo upang magsisi tayo.)

Si Jesus sa May Pintuan

Ipakita ang larawang Si Jesus sa May Pintuan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 65; tingnan din sa LDS.org).

  • Ano ang ginagawa ng Tagapagligtas sa larawang ito?

Basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot:

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo kapag may narinig kayong kumakatok sa pintuan ng inyong tahanan at malaman na ang kumakatok ay ang Tagapagligtas?

  • Bubuksan ba ninyo ang pinto?

Ipaliwanag na inilalarawan nito ang sinabi ng Panginoon sa Simbahan sa Laodicea. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 3:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pagpapalang ibibigay ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea at kung ano ang dapat nilang gawin para matamo ito.

  • Anong pagpapala ang ibibigay ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea?

  • Ano ang dapat nilang gawin para matamo ang pagpapalang iyon?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talata 20? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag binuksan natin ang ating pintuan sa Tagapagligtas, Siya ay papasok at hahapong kasalo natin.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng hahapong kasalo ang Tagapagligtas, ipaliwanag na sa sinaunang kultura ng mga bansang nasa Near Eastern, ang pagkain na kasalo ang isang tao ay tanda ng pagkakaibigan. Ipinapakita nito na may pagkakaibigan at kapayapaang naroon o ibinibigay ito.

  • Sa inyong palagay, ano ang isinasagisag ng pagbubukas ng pinto na binanggit sa talata 20?

Ipaliwanag na ang mga taong nagbukas ng pinto sa Tagapagligtas at kumaing kasalo Niya ay ang mga taong nagsisi ng kanilang mga kasalanan at nakisama sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isinasagisag ng pagbubukas ng pinto, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Isang araw ay ipinakita [ng isang pintor na nagngangalang Holman Hunt] ang kanyang larawang ‘Si Cristo na Kumakatok sa Pintuan’ sa isang kaibigan nang bigla nitong sinabi: ‘May mali sa ipininta mo.’

“‘Ano?’ tanong ng pintor.

“‘Walang hawakan ang pintuang kinakatok ni Jesus,’ sagot ng kanyang kaibigan.

“‘Ah,’ sagot ni G. Hunt, ‘hindi mali iyan. Alam mo, ito ang pintuang papasok sa puso ng tao. Sa loob lang ito maaaring buksan.’

“At totoo ito. Si Jesus ay tatayo at kakatok, ngunit tayo ang magpapasiya kung pagbubuksan natin Siya” (The Miracle of Forgiveness [1969],212).

  • Sa inyong palagay, paano natin mabubuksan ang ating puso sa Tagapagligtas?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Apocalipsis 3:21–22, na inaalam ang ipinangako at ipinayo ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea.

  • Ayon sa talata 22, ano ang ipinayo ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na “makinig sa sinasabi ng Espiritu” (talata 22) sa pamamagitan ng pagninilay sa mga natutuhan nila sa araw na ito. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 2:1–3:22. Ang mga tagubilin ng Panginoon sa pitong iglesia

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon sa pitong kongregasyon ng Simbahan, tingnan sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 531–32.

Apocalipsis 2:11. “Ikalawang kamatayan”

“Itinuro sa Apocalipsis 2:11 na ang matatapat ay ‘hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan.’ Ang masasama, gayunman, ay ‘[magkakaroon ng bahagi sa] dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan’ (Apocalipsis 21:8). Habang naglilingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, ipinaliwanag ni Elder Earl C. Tingey na ‘ang pangalawang kamatayan ay espirituwal. Ito’y pagkahiwalay sa piling ng Diyos’” (‘Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,’ Ensign o Liahona, Mayo 2006, 73).

“Sa isang pakahulugan nito, lahat tayo ay nakaranas ng espirituwal na kamatayan nang lisanin natin ang kinaroroonan ng Diyos upang pumarito sa lupa. Ang unang pagkahiwalay na ito, gayunpaman, ay hindi ang ‘ikalawang kamatayan’ na binanggit sa Apocalipsis 2:11. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapagtatagumpayan ng lahat ng anak ng Diyos ang unang espirituwal na kamatayang ito at sila ay ibabalik sa kinaroroonan ng Diyos upang hatulan, (tingnan sa Helaman 14:16–17)), pagkatapos niyon ay halos lahat ng tao ay magmamana ng kaharian ng kaluwalhatian. Ang pangalawang espirituwal na kamatayan ay ihahayag sa Araw ng Paghuhukom sa mga yaong hindi nagsisi ng kanilang mga kasalanan at sinadyang naghimagsik laban sa liwanag at katotohanan ng ebanghelyo, tulad ni Satanas [tingnan sa D at T 29:44–45; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ‘Kamatayan, Espirituwal na,’ scriptures.lds.org]. Sila ay mahihiwalay magpakailanman mula sa Diyos at magiging mga anak ng kapahamakan (tingnan sa D at T 76:30–37, 44)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 534).

Apocalipsis 2:14. “Aral ni Balaam”

“Si Balaam ay isang propeta sa Lumang Tipan, na ang mga ginawa ay nakatala sa Mga Bilang 22–24; 31:16. Sa simula ay tapat siya sa Panginoon at sa Kanyang mga tao, na paulit-ulit na tinanggihan si Balac sa kahilingan nito na isumpa ang Israel. Gayunpaman, tinanggap kalaunan ni Balaam ang alok na kayamanan ni Balac at tinuruan si Balac kung paano pahihinain ang mga hukbo ng Israel sa pamamagitan ng kasalanang seksuwal at pagsamba sa diyos-diyusan (tingnan sa Mga Bilang 25:1–5; 31:13–16). Kasama sa plano ang pag-akit ng mga babaeng Moabita sa mga kalalakihan ng Israel at udyukan sila na mag-alay ng mga hain sa mga diyus-diyusan, sa gayon ay espirituwal silang mawawasak” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 534).

Apocalipsis 2:17. “Manang natatago” at “isang puting bato”

“Ang Panginoon ay naglaan ng mana na kakainin ng mga anak ni Israel para hindi sila mamatay sa gutom sa kanilang 40-taong paglalakbay sa ilang (tingnan sa Exodo 16:15, 35). Tulad ng mana na naglaan ng pisikal na buhay, si Jesucristo ang ‘tinapay ng kabuhayan’ na naglalaan ng espirituwal na buhay (Juan 6:35, 48). Ang ‘manang natatago’ na binanggit sa Apocalipsis 2:17 ay tumutukoy kay Jesucristo. Si Jesus ay ‘natatago’ mula sa masasama. Ngunit, tulad ng itinuro Niya sa Juan 6, ang mga yaong simbolikong kumakain ng Kanyang laman ay tatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 6:47–58). …

“… Para sa inihayag na kaalaman tungkol sa kahulugan ng puting bato, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:8–11” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 535).

Apocalipsis 2:28. “Sa kaniya’y ibibigay ko ang tala sa umaga”

“‘Ang tala sa umaga’ ay isang simbolo ni Jesucristo (Apocalipsis 2:28; 22:16). Ang pangakong ‘tala sa umaga’ ay ibibigay sa kanya na ‘[n]agtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan’ (Apocalipsis 2:26)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 535).

Apocalipsis 3:14. “Siya Nawa”

“Ang ibig sabihin sa Hebreo at sa Griyego ng salitang ‘amen’ (o siya nawa) ay tunay, tiyak, o tapat. Sa Apocalipsis 3:14, ang katapatan at pagiging tunay ni Cristo bilang dakilang ‘Siya Nawa’ ay ikinukumpara sa ugaling hindi malamig o mainit ng mga taga-Laodicea (tingnan sa Apocalipsis 3:15–16). Kapag binigkas sa katapusan ng isang panalangin o mensahe, ang pagsasabi ng ‘siya nawa’ ay isang taimtim na pagsang-ayon sa sinabi o ipinahayag. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na ang titulo ng Tagapagligtas na ‘Siya Nawa’ ay nagpapakita rin ‘na ang tatak ng banal na pagpapatibay ay inilagay sa lahat ng pangako ng Ama sa kanya at sa pamamagitan niya’ (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 32)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 536).