Library
Lesson 8: Mateo 4


Lesson 8

Mateo 4

Pambungad

Pagkatapos mabinyagan, si Jesus ay nag-ayuno at nakipag-ugnayan sa Ama sa Langit nang 40 araw sa ilang. Matapos ang pangyayaring ito, si Jesus ay tinukso ng diyablo. Gamit ang banal na kasulatan, nilabanan ni Jesus ang bawat tukso. Ang Tagapagligtas ay pumunta sa Galilea, at sinabihan Niya roon si Pedro at ang iba na sumunod sa Kanya at Siya ay naglibot upang magturo, mangaral, at magpagaling.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 4:1–11

Nilabanan ni Jesus ang mga tukso ng diyablo

Magpapunta ng volunteer sa harap ng klase. Sabihin sa estudyante na magpokus sa isang bagay sa silid nang 30 segundo nang hindi inaalis ang tingin. Kapag nagsimula na ang estudyante, subukang istorbohin siya para maalis ang tingin niya sa bagay na iyon. Halimbawa, maaari kang magpakita ng mga bagay na matingkad ang kulay, mag-ingay, o alukin ng pagkain ang estudyante. Pagkalipas ng 30 segundo, itanong sa estudyante:

  • Gaano ka nakapagpokus? Bakit mo nagawa, o hindi nagawa, na manatiling nakapokus?

  • Ano ang inisip mo sa loob ng 30 segundong iyon?

Itanong sa klase:

  • Paano natin maipaghahambing ang karanasang ito at ang pagsisikap nating magpokus sa pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit? Anong sitwasyon ang maaaring itulad sa ginawang pang-iistorbo sa estudyanteng ito? (Mga panunukso sa atin na magkasala.)

  • Bakit tayo tinutukso ni Satanas na magkasala? (Tingnan sa 2 Nephi 2:17–18, 27.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan na tinutukso sila ni Satanas. Sabihin sa kanila na sa pag-aaral nila ng Mateo 4 ay maghanap sila ng alituntunin na maipapamuhay nila para matulungan silang mapaglabanan ang tukso.

Ipaliwanag na matapos mabinyagan, nakaranas ang Tagapagligtas ng isang pangyayari na nakatulong na maihanda Siya sa Kanyang ministeryo sa mundo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith Translation para sa Mateo 4:1–2, na pinapansin ang pagkakaiba ng Joseph Smith Transalation sa orihinal na teksto: “Pagkatapos ay inihatid si Jesus ng Espiritu, sa ilang, upang makasama ang Diyos. At nang siya’y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, at nakipag-ugnayan sa Diyos, ay nagutom siya, at naiwan upang siya’y tuksuhin ng diyablo.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naranasan ni Jesus sa ilang. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang makasama ay magkaroon ng espirituwal na pakikipag-ugnayan.)

  • Paano nakatulong kay Jesus ang pag-aayuno at pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa Kanyang paghahanda para sa Kanyang ministeryo sa mundo?

  • Matapos mag-ayuno at makipag-ugnayan si Jesus sa Kanyang Ama, ano ang hinangad gawin ni Satanas?

handout iconPagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magkapartner ng kopya ng sumusunod na chart o ipakopya ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal:

handout, mga panunukso kay Cristo

Mateo 4:1–11

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 8

Ang inudyok ni Satanas na gawin ni Jesus

Ang itinugon ni Jesus sa tukso

Mateo 4:3–4

Mateo 4:5–7

Mateo 4:8–11

Sabihin sa magkakapartner na basahin ang mga nakalistang talata at punan ang chart. Bago nila simulan ang aktibidad na ito, ipaliwanag na itinama ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga pahayag sa Mateo 4:5, 8 para ipakita na ang Espiritu, hindi ang diyablo, ang nagdala sa Tagapagligtas sa iba’t ibang lugar na inilarawan sa mga talatang ito (tingnan din sa Joseph Smith Translation, Luke 4:5).

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang chart, anyayahan ang ilang magkakapartner na sabihin ang isinulat nila sa bawat kahon. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Anong matinding pagnanais ng tao ang sinamantala ni Satanas para tuksuhin si Jesus, na matagal na nag-ayuno, na gawing tinapay ang bato? (Sinubukan niyang samantalahin ang matinding pagnanais ng tao na pawiin ang gutom.)

  • Ano ang mali sa alok ni Satanas na ibigay kay Jesus ang mga kaharian sa sanglibutan? (Ipinangako ni Satanas ang mga gantimpala na hindi naman kanya at hindi niya maibibigay.)

  • Ano pa ang inilalarawan ng tala na ito tungkol sa mga estratehiya ng diyablo na tuksuhin tayong magkasala? (Pinupuntirya ni Satanas ang mga kahinaan natin at paulit-ulit tayong tinutukso.)

Ipaliwanag na kalaunan ay tutugunan ni Jesus ang Kanyang gutom at gagawing pagkain ang isang karaniwang bagay (tingnan sa Juan 2:1–11). Siya rin ay patototohanan at tutulungan ng langit sa Kanyang ministeryo (tingnan sa Mateo 17:1–5; Lucas 22:41–44), at paghaharian Niya balang araw ang mundo (Zacarias 14:9; Apocalipsis 11:15). Gayunman, kung piniling tugunan ni Jesus ang mga pagnanais na ito dahil sa panunukso ni Satanas—sa halip na hintayin ang tamang panahon at tamang paraan—lalabas na ito ay mapang-abusong paggamit ng kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ipapakita ni Jesus ang Kanyang banal na pagkatao bilang Anak ng Diyos sa paraang nakaayon sa kalooban ng Ama sa Langit, hindi dahil sa utos ni Satanas. (Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “The Inconvenient Messiah,” Ensign, Peb. 1984, 68–73.)

  • Sa mga itinugon ng Tagapagligtas sa bawat tukso, ano ang karaniwan Niyang binabanggit? (Tinugon ni Jesus ang bawat tukso ni Satanas sa pagbanggit sa mga banal na kasulatan.)

Sabihin sa magkakapartner na sumulat ng alituntuning natutuhan nila mula sa paglaban ng Tagapagligtas sa mga tukso ng diyablo. Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang mga alituntuning natukoy nila. Habang ibinabahagi ng ilang estudyante ang mga alituntuning natukoy nila, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag inaalala at ipinamumuhay natin ang mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan, malalabanan natin ang mga tukso ng diyablo. Kung ang katotohanang ito ay hindi malinaw na naipakita sa mga alituntuning isinulat ng mga estudyante, idagdag ito sa mga pahayag sa pisara.

Ipaliwanag na hindi lamang nagbanggit ang Tagapagligtas ng mga banal na kasulatan na malinaw na nagsasasad ng tamang pagtugon sa bawat tukso, kundi ipinamuhay rin Niya ang mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatang iyon.

  • Kung iisipin natin ang mga alituntuning natukoy natin tungkol sa epekto ng pag-alala at pagpapamuhay ng mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan, bakit mahalagang pag-aralan nang regular ang mga banal na kasulatan?

Bigyan ng papel ang bawat magkapartner at sabihin sa kanila na gumawa sila rito ng tatlong column. Pasulatin sila sa unang column ng tatlong kasalanan na maaaring matuksong gawin ng mga kaedad nila. Sabihin sa kanila na isulat sa pangalawang column ang isang paraang ginagawa ni Satanas para akitin ang isang tao na gawin ang bawat kasalanang isinulat nila sa unang column. Sabihin sa magkapartner na makipagpalitan ng papel sa isa pang magkapartner. Pagkatapos ay paghanapin sila ng isang scripture reference na nagtuturo ng mga katotohanang maaalala at maipamumuhay ng isang tao kapag siya ay tinutuksong gawin ang bawat kasalanang nakalista sa papel na natanggap nila. (Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang scripture mastery passages, tulad ng Genesis 39: 9; Juan 14:15; o Doktrina at mga Tipan 10:5.) Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pangatlong column ang scripture references.

Makalipas ang ilang minuto, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat magkapartner na ibahagi ang scripture reference na nahanap nila para sa isa sa mga tukso na nasa kanilang papel. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang banal na kasulatan na iyan kapag naharap tayo sa ganyang tukso.

  • Kailan kayo nakatanggap ng lakas at kakayahang mapaglabanan ang tukso dahil inalala at ipinamuhay ninyo ang mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasan na masyadong personal o pribado.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang scripture reference na iisipin at ipapamuhay nila sa susunod na matukso silang magkasala. Hikayatin silang isaulo ang banal na kasulatan na pinili nila.

Mateo 4:12–17

Nanirahan si Jesus sa Galilea

Ibuod ang Mateo 4:12–15 na ipinapaliwanag na kasunod ng Kanyang karanasan sa ilang, nagtungo ang Tagapagligtas sa Galilea at nanirahan sa lungsod ng Capernaum. Itinala ni Mateo na ang ministeryo ng Tagapagligtas sa Galilea ay katuparan ng propesiyang ginawa ni Isaias (tingnan sa Isaias 9:1–2). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 4:16. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang ipinropesiya ni Isaias na mangyayari. Ipaliwanag na nalaman natin mula sa mga propesiyang ito na si Jesucristo ay naghahatid ng liwanag sa buhay ng mga taong nasa kadiliman. Hikayatin ang mga estudyante na alamin kung paano ito ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang buong ministeryo.

Ibuod ang Mateo 4:17 na ipinapaliwanag na ang Tagapagligtas ay nagsimulang mangaral ng pagsisisi bilang paghahanda sa pagtatatag ng kaharian ng langit sa mga tao.

Mateo 4:18–22

Sinabi ni Jesus kay Pedro at sa iba na sumunod sa Kanya

Pagtawag sa mga Mangingisda

Idispley ang larawang Pagtawag sa mga Mangingisda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 37; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na ang dalawang lalaki sa harapan ng bangka ay si Pedro at ang kanyang kapatid na si Andres.

  • Ano ang ginagawa nila sa lambat?

Ipaliwanag na kung ang tingin ng mga tao kina Pedro at Andres ay ordinaryong mga mangingisda, ang nakita ni Jesucristo sa kanila ay ang kanilang malaking potensyal at ang maaaring maging kahinatnan nila.

  • Sa paanong paraan tayo nakakatulad nina Pedro at Andres?

Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Mateo 4, hikayatin silang alamin kung ano ang dapat nating gawin para maging klase ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 4:18–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pinag-usapan ng Tagapagligtas at ilang mangingisda.

  • Ano ang ipinagawa ng Tagapagligtas kina Pedro, Andres, Santiago, at Juan? Ano ang “mamamalakaya ng mga tao”? (talata 19).

  • Ano ang isasakripisyo ng mga lalaking ito para masunod ang Tagapagligtas at tumulong sa Kanyang gawain? Bakit maaaring mahirap ito para sa kanila?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano kaya ang itutugon nila kung nagkataong isa sila sa mga lalaking ito.

  • Ano ang napansin ninyo sa itinugon ng mga lalaking ito? Anong klaseng pag-uugali ang ipinakita nila nang kaagad silang tumugon sa paanyaya ng Tagapagligtas?

  • Mas marami bang kabutihang magagawa ang mga taong ito bilang mangingisda kaysa bilang “mga mamamalakaya ng tao”? Bakit?

  • Tulad ng inilarawan sa talang ito, ano ang maaaring mangyari kung kaagad tayong tutugon sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya? (Maaaring iba-iba ang mga gagamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung kaagad tayong tutugon sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya, mas marami Siyang magagawa sa buhay natin kaysa magagawa natin sa ating sarili.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano mas maraming magagawang tulong sa buhay natin ang Tagapagligtas kung susunod tayo sa Kanya.

Pangulong Ezra Taft Benson

“Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng ipinapaubaya ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang hanggan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4)

  • Kailan kayo, o ang isang kakilala ninyo, nakaranas ng gayunding mga pagpapala dahil tinalikuran ninyo ang mga alalahanin ng mundo para sundin ang Tagapagligtas?

  • Sa mga pagpapalang natatanggap ninyo sa pagsunod sa Tagapagligtas, bakit sa palagay ninyo mahalagang tumugon kaagad sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya?

Hikayatin ang mga estudyante na sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng sagot sa sumusunod na tanong:

  • Paano kayo makatutugon nang mas mabuti sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya?

Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang isinulat nila.

Mateo 4:23–25

Pumunta si Jesus sa Galilea para magturo, mangaral, at magpagaling

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mateo 4:23–25 at ipahanap ang mga ginawa ng Tagapagligtas. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang nakita nila. Ipaliwanag na ang mga pagtuturo, pangangaral, at pagpapagaling ng Tagapagligtas ay pag-aaralan sa apat na Ebanghelyo.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinukoy ng mga estudyante sa lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 4:2–10. Ang mga tukso ng diyablo

Iniisip ng ilang tao na ang pangyayaring ito sa disyerto ng Judea ang tanging pagkakataon na tinukso ni Satanas si Jesus at na napaglabanan ito ng Tagapagligtas. Ngunit sa Lucas 4:13 nalaman natin na matapos ang mga tuksong ito iniwan ni Satanas si Jesus nang “ilang panahon” lamang. Patuloy na sinalungat at tinukso ni Satanas ang Tagapagligtas, at gumamit pa siya ng masasamang tao tulad ng mga umusig kay Jesus (halimbawa, tingnan sa Mateo 27:41–43).

Tinutukoy ang mga panunukso sa Tagapagligtas sa ilang, sinabi ni Pangulong David O. McKay:

“Uriin ang mga ito, at makikita ninyo na isa sa bawat isa sa tatlong tuksong iyon na nagpaparumi sa inyo at sa akin ay … dumarating sa atin bilang (1) tukso sa hilig o pita; (2) pagpapatangay sa kapalaluan at uso at karangyaan ng mga taong malayo ang loob sa mga bagay na ukol sa Diyos; o (3) pagbibigay-kasiyahan sa silakbo ng damdamin, o sa paghahangad sa mga kayamanan ng mundo, o kapangyarihan sa mga tao” (sa Conference Report, Okt. 1911, 59).

Mateo 4:4, 7, 10. Alalahanin ang mga banal na kasulatan at ipamuhay ang mga katotohanang itinuturo ng mga ito sa mga oras ng tukso

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay kinakailangan para maalala ang mga ito sa oras ng tukso. Maaaring isama natin sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang pagsaulo ng mga talata. Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa atin ang isinaulong mga banal na kasulatan:

“Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasaulo ng isang talata ay pagbuo ng bagong pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6).

Ibinigay ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo tungkol sa pagsasaulo ng mga talata sa banal na kasulatan:

“Maging matalino sa paggamit ng teknolohiya. Markahan ang mahahalagang talata sa inyong device at sumangguni sa mga ito nang madalas. Kung pag-aaralan ninyong mga kabataan ang isang talata sa banal na kasulatan nang kasindalas ng pagte-text ng ilan sa inyo, di-magtatagal at daan-daang talata ang maisasaulo ninyo. Ang mga talatang iyon ay mapapatunayang mabisang pagkunan ng inspirasyon at patnubay ng Espiritu Santo sa oras ng pangangailangan” (“Para sa Kapayaan sa Tahanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 30)

Mateo 4:4, 7, 10. Huwag pansinin ang tukso

Heto ang sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa halimbawa ng Tagapagligtas sa paglaban sa tukso:

“Kapag tinularan natin ang Panginoon, na dumanas ng tukso ngunit ‘hindi nagpadaig sa mga ito,’ tayo man ay makapamumuhay sa mundo na puno ng tukso na ‘matitiis ng tao’ (I Mga Taga Corinto 10:13). Totoong napansin ni Jesus ang matitinding tuksong dumating sa Kanya, pero hindi Niya ito paulit-ulit na inisip. Sa halip, kaagad Niyang tinanggihan ito. Kung papansinin natin ang mga tukso, hindi na tayo lalayuan nito!” (“Overcome … Even As I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 71).