“Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon”
Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon
Bago pa man inilabas sa publiko ang Aklat ni Mormon noong 1830, pinuna ng mga lathalain sa pahayagan ang aklat at ang tagapagsalin nito, si Joseph Smith. Tumugon si Joseph sa ganitong mga pagpuna sa pamamagitan ng pagpapatibay na isang anghel ang gumabay sa kanya sa isang sinaunang talaan, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Maraming mga Amerikano noon ang naniniwala na ang Bibliya ang kumakatawan sa natatanging salita ng Diyos, at ang paglabas ng bagong banal na kasulatan ay nagbigay-daan sa matinding debate. Hindi kumbinsido sa tala ni Joseph ukol sa banal na pinagmulan ng aklat, ang ilang manunulat ay hayagang nilabanan ang Aklat ni Mormon.
Tatlong sinaunang kritiko ang nagtakda ng mga adyenda para sa unang napapanatiling pagpuna sa aklat. Sina Abner Cole, Alexander Campbell, at Howe Eber D. ay kapwa nagsabi na ginamit ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon bilang bahagi ng isang masalimuot na pamamaraan upang dayain ang publiko. Naglathala si Cole (sa ilalim ng pangalan na Obadiah Dogberry) ng mga sipi ng Aklat ni Mormon sa kanyang pahayagan bago matapos ng palimbagan na maiprenta ang aklat. Bagama‘t sinunod ni Cole ang mga kahilingan ni Joseph na itigil ang paglilimbag ng mga sipi, patuloy siyang sumulat ng mga artikulo na nangungutya sa Aklat ni Mormon at tinutuligsa ang sa tingin niya ay relihiyosong panatisismo. Makalipas ang dalawang taon, ang ministrong restorationist na si Alexander Campbell ay nagdagdag pa, naglathala ng “pagsusuri ng Aklat ni Mormon,” kung saan sinuri ang aklat para sa mga hindi pagkakatugma sa Biblia. Ikinatwiran ni Campbell na hinalaw ni Joseph ang mga bukod-tanging bahagi ng Aklat ni Mormon mula sa kanyang kultura, kung saan inuulit lamang ang mga relihiyosong ideya mula sa kanyang sariling panahon.1 Inakala ng mamamahayag mula sa Ohio na si Eber Howe na ang aklat ay higit pa sa likas na talino ni Joseph at nakipagtalo na ilegal na kinopya ni Joseph ang ilang kuwento mula isang hindi pa nailathalang manuskrito na isinulat ng isang lalaking nagngangalang Solomon Spaulding.2 Bilang patunay sa teoryang ito, inilathala niya ang mga kuwento mula sa mga hindi nasiyahan na Banal sa mga Huling Araw at mga patotoo mula sa mga residente ng Palmyra na handang manumpa ng pahayag laban kay Joseph Smith.3
Ang teorya tungkol sa ilegal na pagkopya sa gawa ni Spaulding ay nakakuha ng napakaraming atensyon kung kaya’t ang mga missionary na tulad ni Parley P. Pratt ay walang patid na nagtrabaho upang mangaral at maglathala ng mga sagot. Nang ang aktuwal na manuskrito ni Spaulding ay natagpuan noong 1880s, nakita ng mga mambabasa ang napakaliit na pagkakahawig nito sa Aklat ni Mormon.4 Gayunpaman, iginiit ng mga kritiko na malamang na ilegal na kinopya ni Joseph Smith ang mga pangunahing ideya ng aklat. Noong 1902, sinabi ni I. Woodbridge Riley na sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay ginamit ang aklat ni Ethan Smith na View of the Hebrews, isang aklat na tinalunton ang mga pinagmulan ng mga Amerikanong Indian sa mga nawalang lipi ni Israel.5 Subalit, matapos ang mga dekada ng debate, nabigo ang mga kritiko na magpakita ng matibay na ugnayan sa pagitan ng View of the Hebrews at ng Aklat ni Mormon. Bagama’t tumira si Cowdery nang maikling panahon malapit kay Ethan Smith at nauna ang aklat ng pitong taon bago ang Aklat ni Mormon, walang katibayan na nagkukumpirma na si Cowdery o Joseph Smith ay may anumang kaalaman tungkol sa likhang ito.6
Noong 1920s, ang isang General Authority ng mga Banal sa Huling Araw at awtor na si B. H. Roberts, ay naudyukan ng teorya ni Riley, at nagsimula ng samasamang pag-aaral ng mga pagpuna sa Aklat ni Mormon. Hinikayat ni Roberts ang mga Banal sa mga Huling Araw na sagutin ang mga tanong ng mga kritiko nang mabuti at seryoso.7 Ang kanyang gawain ay nagpahayag ng mas masinsinang pagsisikap ng mga mananampalataya upang ipagtanggol ang aklat at hanapin ang tunay na sagot sa pagpupuna. Humantong ito sa bagong pananaliksik sa mga sinaunang kapaligiran ng Amerika at kumplikadong istrukturang pampanitikan ng Aklat ni Mormon. Ang debate sa pagitan ng mga kritiko at tagapagtanggol ng Aklat ni Mormon ay patuloy hanggang sa kasalukuyan.8
Sa huling bahagi ng ika-20 siglo, ang akademya ay nagsimulang seryosong pansinin ang kalidad ng panitikan at pangrelihiyong impluwensiya ng Aklat ni Mormon. Simula noong 2003, ang mga palimbagan ng mga unibersidad at komersyal na palimbagan ay naglathala ng kanilang sariling edisyon ng Aklat ni Mormon.9 Ilang mga pampanitikang kritiko, na isinasantabi ang paksa hinggil sa paniniwalang relihiyon, ay kinikilala ang kumplikadong pananalita at kamangha-manghang estilo ng aklat. Ang mga pag-aaral na ito ay maaaring magpahiwatig na ang mga gagawing akademikong pagsusuri sa Aklat ni Mormon sa hinaharap ay hindi na masyadong mapanalungat.10
Mga Kaugnay na Paksa: Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito, Pag-iimprenta at Paglilimbag ng Aklat ni Mormon, Mga Laminang Ginto