Kasaysayan ng Simbahan
Pag-alis sa Nauvoo


“Pag-alis sa Nauvoo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pag-alis sa Nauvoo”

Pag-alis sa Nauvoo

Sa pagitan ng Pebrero at Setyembre 1846, libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw ang umalis ng Nauvoo, Illinois. Noong nakaraang taglagas, ang mga lider ng Simbahan ay bumuo ng mga plano para sa malawakang paglisan, layong mag-organisa ng 25 grupo na may tig-100 bagon na aalis sa tagsibol ng 1846. Gayunpaman, ang tumitinding poot ang nag-udyok kay Brigham Young at sa iba pang mga lider na makipag-areglo ng isang kasunduan noong taglagas ng 1845, na nagsasaad na sisimulan ng mga miyembro ng Simbahan ang pag-alis sa taglamig na iyon. Sa pagitan ng Pebrero 4 at Marso 1, 1846, mga 400 bagon ang naghatid ng humigit-kumulang 2,000 mga Banal sa mga Huling Araw sa kahabaan ng Mississippi River patungo sa isang kampo sa Sugar Creek, Iowa. Karagdagang 12,000 mga Banal ang tumawid patungo sa Iowa noong tagsibol at tag-init, at ang natitirang ilang daang mga Banal ay sumama sa paglipat sa buwan ng Setyembre.1 Nakipagtipan ang mga miyembro ng Simbahan na tutulungan nila ang mga maralita na nasa kalipunan nila na magawa ang paglalakbay. Tinangka ng mga lider ng Simbahan na ibenta ang Nauvoo Temple at iba pang mga ari-arian ng Simbahan upang makatulong sa mahihirap, ngunit nabigo silang makahanap ng bibili ng templo.

Iminumungkahi ng ilang dating paglalarawan sa paglisan na pinilit ng mga mandurumog ang mga Banal na maglakad sa ibabaw ng yelo upang tawirin ang nagyeyelong Mississippi River. Bagamat ang mga unang pangkat ay umalis nang mas maaga kaysa sa unang naiplano, ang kasunduan na ginawa ng mga lider ng Simbahan sa nakaraang taglagas ay humadlang sa pagsalakay ng mga mandurumog. Karamihan sa mga pangkat ay payapang tumawid sa ilog gamit ang mga lantsa, subalit ang ilan ay tinawid ang yelo sa pagitan ng Pebrero 25 at Marso 1.2

Habang lumilipas ang tag-init, nagsimulang mawalan ng pasensya ang mga kaaway ng Simbahan sa lugar na iyon sa ilang Banal sa mga Huling Araw na nanatili sa Nauvoo. Ang tensyon sa pagitan ng mga lokal na anti-Mormon at mga mamamayan ng Nauvoo—kabilang na ang maraming hindi Mormon na sumusuporta sa kalagayan ng mga Banal—ay umabot sa sukdulan noong Setyembre 1846. Sinalakay ng isang grupo ng ilang daang armadong anti-Mormon ang mga Mormon at hindi-Mormon na tagapagtanggol ng lunsod. Ang dalawang panig ay nagpalitan ng ilang putok ng kanyon at baril, na nagbunga sa pagkamatay ng hindi bababa sa tatlong tao at ilang dosenang sugatan. Isang walang kinikilingang komite ang namagitan upang tapusin ang labanan, at ang natitirang mga Mormon at kanilang mga tagasuporta ay napilitang agad na lisanin ang lunsod.3

Halos lahat ng mga evacuee o bakwit na Banal sa mga Huling Araw noong 1846 ay nagpunta sa Council Bluffs, sa kanlurang bahagi ng Iowa, ngunit marami ang nanatiling nagkalat sa mga karatig na lugar nang ilang buwan o taon. Iilang pamilya lamang ang nanatili sa Illinois.

Mga Tala

  1. William G. Hartley, “The Nauvoo Exodus and Crossing the Ice Myths,” Journal of Mormon History, tomo 43, blg. 1 (Jan. 2017), 30–33; Matthew S. McBride, A House for the Most High: The Story of the Original Nauvoo Temple (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2007), 304–6.

  2. Hartley, “The Nauvoo Exodus and Crossing the Ice Myths,” 34–42, 45–46, 54–56.

  3. Kenneth W. Godfrey, “The Battle of Nauvoo Revisited,” John Whitmer Historical Association Journal, 2002 Nauvoo Conference Special Edition (2002), 133–46.