Kasaysayan ng Simbahan
Ang Female Relief Society ng Nauvoo


“Ang Female Relief Society ng Nauvoo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Ang Female Relief Society ng Nauvoo”

Ang Female Relief Society ng Nauvoo

Noong unang bahagi ng Marso 1842, nang napansin ng mananahi na si Margaret Cook na ang mga trabahador sa Nauvoo Temple ay nangangailangan ng mga polo, iminungkahi niya sa kanyang amo na si Sarah Kimball ang pagbuo ng isang grupo ng mga mananahi. Ang matinding hangarin ng kababaihan na bumuo ng mga mapagkawanggawang samahan upang itaguyod ang mga panlipunan at panrelihiyong adhikain at bigyang-pansin ang kahirapan at iba pang mga pangangailangan ng komunidad ay karaniwan sa Amerika noong ika-19 na siglo.1 Inanyayahan ni Sarah ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay na sumama sa kanilang “Ladies Society” at hiniling kay Eliza R. Snow na sumulat ng saligang batas, isang gabay ng organisasyon na karaniwan sa iba pang mga samahan noong panahong iyon. Inilahad ni Eliza ang kanyang dokumento kay Joseph Smith, na nagsabing ito ang pinakamahusay na kanyang nakita ngunit nasasaisip ng Panginoon ang “isang bagay na mas mainam” para sa kababaihan. Nais Niyang iorganisa sila “alinsunod sa mga huwaran, o kaayusan, ng priesthood” at bigyan ang samahan ng mahalagang lugar sa Simbahan ng Diyos.2 Naalala ni Sarah Kimball na sinabi ni Joseph, “Ang organisasyon ng Simbahan ni Cristo ay hindi ganap hanggang sa ang babae ay natitipon.”3

panlabas na hitsura ng dalawang palapag na gusali na yari sa pulang laryo

Ang tindahan ni Joseph Smith sa Nauvoo kung saan binuo ang Relief Society noong Marso 17, 1842.

Noong Marso 17, 1842, nagtipon ang dalawampung kababaihan sa malaking silid ng pagtitipon sa itaas ng Red Brick Store ni Joseph Smith. Sa pulong ng pagtatag na ito, iminungkahi ni Joseph Smith sa kababaihan na maghalal ng pangulo, na pagkatapos ay pipili ng dalawang tagapayo.4 Si Emma Smith ay nahalal na pangulo nang buong pagkakaisa, at pinili niya sina Sarah M. Cleveland at Elizabeth Ann Whitney bilang mga tagapayo. Matapos ang pagpili, binasa ni Joseph Smith ang paghahayag na natanggap niya para kay Emma Smith noong 1830 na nagdeklara sa kanya bilang isang “Hinirang na Babae.” Itinuro ni Joseph na may responsibilidad si Emma, “na ipaliwanag ang mga banal na kasulatan sa lahat; at magturo sa kababaihan ng komunidad; at hindi lamang siya mag-isa, ngunit ang iba, ay maaaring matamo ang gayunding mga pagpapala.”5

“Tayo ay gagawa ng isang bagay na hindi karaniwan,” sabi ni Emma Smith sa unang pulong na ito. “Umaasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”6 Naghirang din ang nagtitipong kababaihan ng sekretarya at ingat-yaman. Ang kababaihang ito ay “naordenan,” o itinalaga, alinsunod sa mga tagubilin ni Joseph Smith, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Mabalis na lumaki ang samahan at, noong Marso 1844, mahigit 1,300 kababaihan ang tinanggap bilang mga miyembro.

Sa pamamagitan ng Relief Society, ibinigay ng Panginoon sa kababaihan ang isang institusyonal na lugar at awtoridad sa Simbahan. “Ipinagkakaloob ko ngayon sa inyo ang susi sa ngalan ng Diyos,” pahayag ni Joseph noong Abril 28, 1842, “at ang Society na ito ay magagalak, at ang kaalaman at katalinuhan ay dadaloy mula sa oras na ito.” Ang Relief Society ay naging kasangkapan sa paghahanda sa kababaihan ng Simbahan na tumanggap ng mga ordenansa sa templo.7 Bahagyang tinutukoy ang kanilang pakikilahok sa mga ordenansang ito sa hinaharap, itinuro ni Joseph na hindi magtatagal ang mga babae ay “magkakaroon ng mga pribilehiyo at pagpapala at kaloob ng priesthood.”8

Ang mga miyembro ng Relief Society ng Nauvoo ay nakatuon sa dalawang pangunahing mga layunin ayon sa itinuro ni Joseph Smith: “ang Society ay hindi lamang para magbigay-ginhawa sa mga dukha, kundi para magligtas ng mga kaluluwa.”9 Nakatala sa mga talaan ng kanilang mga pagpupulong, halimbawa, kung paano inalagaan ng kababaihan ang mahihirap na nandarayuhan mula sa Missouri at sa British Isles. Isinasagawa ng mga miyembro ang pagtugon sa mga pangangailangan ng kapwa nila mga Banal sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga serbisyo sa mga miyembro ng Relief Society, pangongolekta ng mga donasyon para sa mga nangangailangan, at pagtukoy sa mga pangangailangan ng mga pamilya sa pamayanan. Ang Relief Society ay naging aktibo rin sa pulitika, na naghahatid ng mga petisyon sa gobernador ng Illinois na si Thomas Carlin.10

Bukod sa mga pagkakawanggawa at iba pang gawaing pansibiko, ginampanan ng Relief Society ang mahahalagang espirituwal na layunin. Binigyan sila ni Joseph Smith ng mga karagdagang tagubilin tungkol sa kanilang responsibilidad at awtoridad na pangrelihiyon, nangungusap sa kanila sa anim sa siyam na beses na dumalo siya sa pulong ng Relief Society noong 1842.11 Nagbigay din ang kababaihan ng payo sa isa’t isa sa oras ng mga pulong at nagdaos ng mga talakayan tungkol sa teolohiya, tulad ng ginawa ng kalalakihan sa School of the Elders sa Kirtland. Ginamit ng mga babae ang mga espirituwal na kaloob at nagpatotoo sa isa’t isa. Si Lucy Mack Smith, halimbawa, ay nagsabi sa mga babaing nagtipon na “alalahanin ang mga salita ni Alma” at “labis na manalangin sa umaga, tanghali at gabi.” Natatakot siya na “hindi [na niya] magagawang makipagpulong sa Society nang ilang beses pa,” sinabi niya sa kanila, dahil sa kanyang katandaan. Ngunit “gusto niyang iwan ang kanyang patotoo na ang Aklat ni Mormon ay ang aklat ng Diyos.”12

Ang Relief Society ay unang nagtipon noong mga buwan ng tagsibol at tag-init ng 1842 at 1843. Noong Marso 1844, nang unang nagtipon para sa taong iyon ang society, nagsalita si Emma Smith sa apat na pulong tungkol sa pangangailangan ng kalinisang puri, malamang bilang paraan upang labanan sa hindi halatang paraan ang awtorisadong maramihang pag-aasawa.13 Pagkatapos ng mga pulong na ito, hindi na muling nagtipon sa Nauvoo ang Relief Society.14 Pormal na sinuspinde ni Brigham Young ang mga pagpupulong ng samahan noong Marso 1845.

Dinala ni Eliza R. Snow ang minute book o talaan ng mga pulong ng Nauvoo Relief Society sa Utah at, nang hiniling sa kanya ni Pangulong Brigham Young na tumulong sa muling pagtatatag ng Relief Society, ginamit niya ito bilang huwaran sa pagtulong sa mga bishop at kababaihan sa buong teritoryo noong huling bahagi ng 1860s. Ang mga samahang ito sa Utah ay bumaling sa Female Relief Society ng Nauvoo para sa inspirasyon, nag-iingat ng kanilang sariling mga minute book at madalas nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa kanilang pagtatatag at pagsasama ni Joseph Smith sa kababaihan sa pagpapanumbalik ng Simbahan.15

pahina ng pamagat ng manuskrito ng Nauvoo Relief Society minute book

Pahina ng pamagat ng Nauvoo Relief Society minute book.

Mga Tala

  1. Nancy A. Hardesty, Women Called to Witness: Evangelical Feminism in the 19th Century (Nashville: Abingdon Press, 1984), 113.

  2. Relief Society Record, “First Organization,” w.p., ca. Hunyo 1880, 5, Relief Society Record, 1880–1892, Church History Library; tingnan din sa Sarah M. Kimball, “Early Relief Society Reminiscence,” Mar. 17, 1882, sa Relief Society Record, 1880–1892, 29–30, Church History Library, Salt Lake City, sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, eds., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 495; tingnan din sa Jill Mulvay Derr at Carol Cornwall Madsen, “‘Something Better’ for the Sisters: Joseph Smith and the Female Relief Society of Nauvoo,” sa Joseph Smith and the Doctrinal Restoration (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2005), 123–43. Sinabi ni Sarah Cleveland na ang Relief Society ay “binuo ayon sa orden ng langit” (Nauvoo Female Relief Society Minutes, Apr. 19, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 50; Jennifer Reeder at Kate Holbrook, eds., At the Pulpit: 185 Years of Discourses by Latter-day Saint Women [Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017], 16).

  3. Kimball, “Early Relief Society Reminiscence,” 29–30, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 495, ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan. Sinabi rin ni Joseph Smith na “gagawin niya ang Society na ito na isang kaharian ng mga saserdote tulad noong panahon ni Enoc—tulad noong panahon ni Pablo” (Nauvoo Female Relief Society Minutes, Mar. 31, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 43). Sinabi ni Newel K. Whitney sa kababaihan: “Kung wala ang babae ang lahat ng bagay ay hindi maaaring maipanumbalik sa lupa na kailangan ng lahat upang ipanumbalik ang Priesthood” (Nauvoo Female Relief Society Minutes, May 27, 1842, sa Derr Madsen, Holbrook at Grow, First Fifty Years, 75–76). Sa isang pulong noong Agosto 13, 1843, sinabi ni Reynolds Cahoon: “Magkakaroon ng kakulangan sa Simbahan at ang Orden ng Priesthood ay hindi kumpleto kung wala ang [Relief Society]” (Nauvoo Female Relief Society Minutes, Aug. 13, 1843, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 116).

  4. Sarah M. Kimball, “Early Relief Society Reminiscence,” Mar. 17, 1882, sa Relief Society Record, 1880–1892, 29–30, Church History Library, Salt Lake City; Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 495–96.

  5. Nauvoo Female Relief Society Minutes, Mar. 17, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 32. Ang paghahayag para kay Emma ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 25.

  6. Nauvoo Female Relief Society Minutes, Mar. 17, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 35.

  7. Tingnan sa “Joseph Smith’s Teachings about Priesthood, Temple, and Women,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org; Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 9–10. Noong Agosto 13, 1843, si Reynolds Cahoon, isang miyembro ng komite sa templo, ay nagsabi na, “ang Society na ito ay ibinangon ng Panginoon upang ihanda tayo para sa dakilang pagpapala na para sa atin sa Bahay ng Panginoon sa Templo” (Nauvoo Female Relief Society Minutes, Ago. 13, 1843, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 116, ang pagbabaybay ay iniayon sa pamantayan).

  8. Joseph Smith, Journal, December 1841–December 1842, 94, josephsmithpapers.org; Nauvoo Female Relief Society Minutes, Apr. 28, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 53–59.

  9. Nauvoo Female Relief Society Minutes, June 9, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 79.

  10. Nauvoo Female Relief Society petition to Thomas Carlin, circa July 1842, 8 pahina, Church History Library, Salt Lake City; Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 136–41.

  11. Nauvoo Female Relief Society Minutes, March 17, March 31, April 28, May 26, June 9, at August 31, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 28–37, 42–46, 52–62, 68–72, 77–83, 92–96.

  12. Nauvoo Female Relief Society Minutes, March 31, 1842, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 44–45, iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan.

  13. Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 13–14.

  14. Tingnan sa Brigham Young, diskurso, Mar. 9, 1845, Nauvoo High Priests Quorum Record, 1841–1845, Church History Library, Salt Lake City; Brigham Young, Discourse, Mar. 9, 1845, Record of Seventies, Book B, 1844–1848, 77–78, First Council of the Seventy Records, Church History Library, Salt Lake City, sa Derr, Madsen, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 168–71.

  15. Jill Mulvay Derr at Carol Cornwall Madsen, “Preserving the Record and Memory of the Female Relief Society of Nauvoo, 1842–92,” Journal of Mormon History, tomo 35, blg. 3 (Tag-araw 2009), 89–95.