“Mga Laminang Ginto,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Laminang Ginto”
Mga Laminang Ginto
Nang kumalat ang balita na nakuha ni Joseph Smith ang karapatang magpalathala para sa Aklat ni Mormon, nagdulot ito ng kaguluhan sa mga lokal na mamamahayag. Ang mga pahayagan ay nagsimulang maglathala ng mga impormasyon tungkol sa lalabas na aklat at sa salin nito, mula sa mga haka-haka na lumaganap nang “matagal-tagal na panahon,” ayon sa pahayagan ng Palmyra na Wayne Sentinel. Ang sinaunang artifact o bagay na gawa ng tao na natagpuan ni Joseph ay “karaniwang kilala at pinag-usapan na,” ayon sa ulat ng Sentinel “bilang ang ‘Gintong Biblia.’” Bagama’t sinabi ng patnugot na ang salita ay naging pangkaraniwan sa lugar, ang kanyang pagtukoy sa ginintuang anyo ng mga lamina ay kumakatawan sa pinaka-naunang naitala.1
Dahil ng mga kuru-kurong umiikot tungkol sa mga lamina, hinangad ni Joseph na iwasto ang mga balita sa pamamagitan ng paglalathala ng mga opisyal na pahayag sa unang edisyon ng Aklat ni Mormon. Ang paunang salita at patotoo ni Joseph na isinulat ng isang grupo ng walong saksi ay inilarawan ang mga lamina na may “anyong ginto.”2 Ang mga may-akda ng Aklat ni Mormon ay sinabi lamang na kanilang inukit ang kanilang mga isinulat sa mga “lamina.”3 Sa kanilang mga paglalarawan, si Joseph Smith at ang mga saksi ay nagbigay-diin sa kalumaan ng mga lamina at sa mga kakaibang ukit,4 ngunit ang ginintuang kinang ng mga lamina ang umakit sa popular na imahinasyon.5 Hinukay ni Joseph ang mga lamina noong Setyembre 1827 sa utos ng isang anghel na nagngangalang Moroni, na nagbigay ng karagdagang utos kay Joseph na isalin ang sinaunang talaan.6 Ginawa niya ang pagsasalin sa pagitan ng unang bahagi ng 1828 at Hunyo 1829 kung saan pagkatapos nito ay ibinalik niya ang mga lamina sa anghel.7
Kalaunan ay nag-iwan ng mga salaysay ang mga saksi na nagdedetalye ng uri ng materyal, timbang, sukat, kapal, at pagkakabigkis ng mga lamina. Ang mga lamina ay tinatayang tumitimbang ng “apatnapu hanggang animnapung” libra,8 at kapag magkakasama ay nasa pagitan ng apat at anim na pulgada ang kapal.9 Ang mga pahina ay may sukat na mga “anim” o “pitong pulgada ang lapad at walong pulgada ang haba”10 at bawat isa ay may kapal na tulad “ng mga lamina ng lata”11 at, ayon kay Emma Smith, ay kumakaluskos na may tunog metal kapag ang mga gilid ay ginalaw gamit ang hinlalaki, na siyang ginagawa ng isang tao kapag binubuklat ang isang aklat gamit ang hinlalaki.”12 Tatlong hugis-D na anilyo (ring) ang nagtatali sa mga pahina “na tumatagos sa likod”13 upang maging isang aklat. Ayon sa isang saksi, mayroong isang sealant (mahigpit na pangsara) na nagpoprotekta sa “halos kalahati ng aklat” para hindi ito mapakialaman. Ang bahaging mahigpit na nakasara ay imposibleng mapaghiwalay ang mga pahina at “tila kasing-tigas ng kahoy.”14 Nakuha ni Joseph Smith ang kanyang salin mula sa hiwa-hiwalay na mga pahina ng mga lamina.15
Batay sa mga impormasyong ito, tinataya ng mga makabagong mananaliksik na ang mga laminang yari sa purong ginto ay may timbang na hindi bababa sa 45 kilo (100 libra) at maaaring maging masyadong malambot upang ukitan ng mga titik.16 Ang mga tagapag-ingat ng tala ng Aklat ni Mormon ay maaaring gumamit ng alloy o haluang metal upang pandayin ang mga laminang metal, na ginagawang ginintuan ang hitsura ngunit hindi ganap na ginto sa kabuuan. Naniwala si William Smith, nakababatang kapatid ni Joseph, na “pinaghalong tanso at ginto” ang bumubuo sa mga lamina.17
Mga Kaugnay na Paksa: Angel Moroni, Pagsasalin ng Aklat ni Mormon