Kasaysayan ng Simbahan
Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito


“Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito”

Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito

Noong 1823, binalaan ni anghel Moroni si Joseph Smith na ang kanyang “pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa.”1 Dumanas ng pangungutya si Joseph at ang kanyang pamilya bago pa man niya sinimulan ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at nang mga sumunod na buwan matapos ang pulong na nagtatag sa Simbahan, nagsimulang gambalain ng mga kalaban ang mga pulong ng mga Mormon. Tumindi ang oposisyon sa simbahan noong mga sumunod na ilang taon at kung minsan ay may kaakibat na karahasan. Ang mga kalaban ng Simbahan ay bumuo rin ng pulitikal na pagtitipon at naglunsad ng mga lokal, estado, at pambansang kampanya laban sa mga Banal sa mga Huling Araw. Karaniwang kilala ang mga grupong ito sa pangalang “laban sa mga Mormon (anti-Mormon).”2

Pinuna ng mga lider ng oposisyon ang Simbahan sa mga dahilang pang-relihiyon, pulitikal, at sosyo-ekonomiko. Ang mga beteranong ministro ay madalas mangaral laban sa mga bagong kilusan sa relihiyon upang maprotektahan ang kanilang kongregasyon mula sa inaakala nilang mga radikal na paniniwala. Ang tingin ng mga kritiko sa mga Banal—sa kanilang mga paniniwala sa bagong banal na kasulatan at sa ipinanumbalik na priesthood—ay mga nalinlang, panatiko, o hindi karapat-dapat na ituring bilang isang lehitimong relihiyon.3 Ang ilan ay nagsabing ang mga Banal ay tamad, hindi kumikilos, at mahirap at inilalarawan sila bilang pabigat sa komunidad.4 Ang iba ay pinuna ang mga ginagawa ng mga Mormon sa kooperatibang pang-ekonomiya o inireklamo na hindi sila lumalahok sa malayang merkado. Ang gawi ng mga Banal na magtipon ay nagsanhi rin ng pulitikal na pagsalungat: noong bago pa lamang ang Estados Unidos, madalas alalahanin ng mga pulitiko na ang mga minoriyang grupo ay maaaring makaimpluwensya sa halalan sa pamamagitan ng magkakatulad na pagboto, na madalas ay ginagawa ng mga naunang Banal. Bukod dito, maraming mga Amerikano noon ang naghihinala kung paano pinagsasama nina Joseph Smith at kalaunan ay ni Brigham Young ang awtoridad sa pulitika at relihiyon.

Gumamit ang mga katunggali ng mga legal na panliligalig, karahasan ng mga mandurumog, pananakot, at paglilimbag ng mga pagtuligsa sa Simbahan. Sa ilang pagkakataon, nagmula ang mga panliligalig sa mga taong kumikilos mag-isa, ngunit ang mga kalaban ng Simbahan ay madalas bumuo ng mga pagkilos na laban sa mga Mormon. Sa Jackson County, Missouri, halimbawa, isang lupon ng mga mamamayan ang nagtipon at nagbalangkas ng mga dokumento bilang batayan para sa organisadong karahasan laban sa mga Banal. Sa Illinois, isang panandaliang partidong pampulitika na tinatawag na “Partidong Laban sa mga Mormon” ang itinatag noong 1841 upang kontrahin ang boto ng mga Mormon sa estado. Ang mga miyembro ng Partidong Laban sa mga Mormon ay sumulat ng mga editoryal sa mga pahayagan na nagpaparatang sa mga Mormon sa pagtatangkang makontrol ang lokal na halalan. Sa Great Britain, dumanas ang mga missionary ng organisadong oposisyon sa anyo ng mga pampublikong pagsasalita, aklat, polyeto, at lathalain sa pahayagan.

Matapos ibalita sa publiko ng mga Banal ang pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa noong 1852, agad itong naging sentro ng organisadong oposisyon sa Simbahan. Itinuturing ng mga Amerikanong Protestante ang poligamya bilang barbariko at naglunsad ang mga ito ng legal at pulitikal na kampanya upang pilitin ang mga Banal sa mga Huling Araw na talikuran ang gawaing ito.5

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tumugon sa mga pag-atake ng mga pagkilos ng oposisyon sa iba’t ibang paraan. Marami ang nagsabuhay ng pagtitiyaga bilang Kristiyano, nagsusumamo sa itinuro ni Jesucristo na ang matiyagang pagtitiis sa pang-uusig ay tanda ng isang tunay na disipulo. Tinuruan ng mga paghahayag ang mga Banal na umapela rin sa batas para sa bayad-pinsala kapag nasaktan o naperwisyo, at ang mga lider ng Simbahan ay naghanap ng legal na takbuhan kapag kailangan. Ang nakakalungkot, sa ilang pagkakataon, hinarap ng mga tao o grupo ng mga Banal ang mga pinaghihinalaang kaaway gamit ang karahasan o galit na kumikilos laban sa mga hindi nasisiyahang miyembro ng Simbahan.6 Sa pagharap sa pederal na batas laban sa poligamya, maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang nagsagawa ng mga sibil na pagsuway, patuloy na ginagawa ang pinaniniwalaan nilang alituntunin ng kanilang relihiyon kahit na kung minsan ay nauuwi ito sa pagkakabilanggo. Sa ilang pagkakataon—tulad ng mga pang-uusig na hinarap ng mga Banal sa Missouri—ang oposisyon sa Simbahan ang nag-udyok sa mga mabisang paghahayag na nagbigay ng bagong direksyon sa Simbahan o mas malalim na kahulugan sa paghihirap na naranasan ng mga miyembro ng Simbahan.7

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon, Karahasan sa Jackson County, Mormon-Missouri War of 1838