Kasaysayan ng Simbahan
Palmyra at Manchester


“Palmyra at Manchester,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Palmyra at Manchester”

Palmyra at Manchester

Mula noong huling bahagi ng 1700s, ang mga taga-New Englad ay lumipat sa kanlurang New York nang grupu-grupo, naakit sa matatabang lupa at murang presyo nito. Ang pagtapos sa paggawa ng Erie Canal noong 1825 ay nagdagdag sa pag-unlad, at ang maliit na nayon ng Palmyra ay mabilis na naging isang sentro ng kalakalan. Sa paglaki ng populasyon ay dumami rin ang mga relihiyon tulad ng mga Baptist, Methodist, Presbyterian, at mga Quaker na nagtipon-tipon at nagsimulang magpaligsahan para sa mga bagong miyembro.1 Nakibahagi ang mga residente sa buong rehiyon sa pagtitipong pang-relihiyon, kasama na ang mga revival meeting.

labas ng bahay ng mga Smith

Itinayong muli na tahanang yari sa troso sa bukid ng mga Smith sa Manchester, New York

Ang Pamilya Smith sa Palmyra at Manchester

Ang pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith ay lumipat sa kanlurang New York noong 1816 at 1817, pagkatapos ng masamang ani at suliraning pinansyal na sumira sa kanilang kabuhayan. Una silang nanirahan sa nayon ng Palmyra at umupa ng isang bahay sa loob ng dalawang taon, nabubuhay sa suweldo na kinita mula sa arawang paggawa at pagpapatakbo ng isang maliit na tindahan. Noong 1820 bumili ang pamilya ng isang 100-acre na bukid ilang milya sa timog ng Palmyra sa Manchester Township.

Ilang mahahalagang pangyayari sa unang bahagi ng Panunumbalik ay naganap sa lugar na ito. Isinalaysay ni Joseph Smith Jr. na sa panahong lumipat ang kanyang pamilya sa dakong kanluran ng New York, ang kanyang “isipan ay lubhang humanga” sa mga tanong na panrelihiyon.2 Ang mga espirituwal na mga problemang ito ang humantong sa kanyang Unang Pangitain, na naganap sa isang makahoy na lugar sa bukid ng pamilya. Una siyang binisita ng anghel na si Moroni sa isang bahay na yari sa troso sa bukid. Pagkaraan ng apat na taon, nakuha ni Joseph ang mga laminang ginto mula sa isang burol na malapit sa nayon ng Manchester, at noong 1830, ang Aklat ni Mormon ay inilimbag sa Palmyra.

Sa kanyang kasaysayan, sinabi ni Lucy Mack Smith na si Joseph ay nakatanggap ng paghahayag noong taglagas ng 1830 na nag-aatas sa pamilya ni Joseph Sr. na lumipat sa Waterloo, New York. Noong Oktubre nilisan ng pamilya ang Manchester at nagtungo sa Waterloo, kung saan sila nanatili hanggang sa nagtipon ang mga Banal sa Ohio noong unang bahagi ng sumunod na taon. Noong 1907 nabili ng Simbahan ang sakahan sa Manchester mula sa anak ng kaibigan sa pagkabata ni Joseph Smith.3

Debate tungkol sa mga Revival sa Palmyra

pag-uukit na nagpapakita ng kalye na may mga gusali

Main Street, Palmyra, New York

Ang ilang mga mananaliksik ay pinagdudahan kung Palmyra nga ang tunay na pinangyarihan ng kakaibang pananabik na pang-relihiyon at pagtatalo sa pagitan ng mga simbahan noong 1820, tulad ng inilarawan sa kasaysayan ni Joseph Smith.4 Gayunman, ang salaysay ni Joseph ay hindi tinutukoy ang Palmyra ngunit sa halip ay isinasaad na ang kaguluhan ay naganap sa “buong distrito ng County.”5 Sang-ayon ang mga mananalaysay na ang pinaigting na kasabikan sa relihiyon, kabilang na ang kompetisyon sa pagitan ng mga simbahan para sa mga bagong miyembro, ay karaniwan sa dakong kanluran ng New York noong nanirahan ang mga Smith sa Palmyra.6 Noong Hunyo 1818, halimbawa, isang Methodist camp meeting ang naganap sa Palmyra. Noong sumunod na tag-init, ang mga Methodist ay nagtipon muli 15 milya lamang ang layo mula sa sakahan ng pamilya Smith, sa Vienna (ngayon ay Phelps), New York. Isang naglalakbay na mangangaral na Methodist ang nagtala sa kanyang journal ng mga revival malapit sa Palmyra at Manchester noong 1819 at 1820.7 Para sa batang si Joseph Smith, na nasaksihan ang mga pagkakaiba ng mga relihiyon sa loob ng sarili niyang pamilya, iyon ay tiyak na panahon ng kasabikan sa relihiyon, tulad ng sinasabi niya sa kanyang kasaysayan.

Mga Kaugnay na Paksa: Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith, Pag-iimprenta at Paglilimbag ng Aklat ni Mormon, Mga Awakening at Revival, Pulong sa Pagtatagtag ng Simbahan ni Cristo

Mga Tala

  1. Donald Enders, “Palmyra and Manchester, 1816–1830,” in Brandon S. Plewe, ed., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2012), 16–17.

  2. Joseph Smith, “History, circa Summer 1832,” 1, josephsmithpapers.org, ginawang makabago ang pagbabaybay.

  3. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 178, 186–89, josephsmithpapers.org; Don Enders, “The Sacred Grove,” Mayo 19, 2014, history.lds.org.

  4. Tingnan sa Milton V. Backman, Joseph Smith’s First Vision: Confirming Evidences and Contemporary Accounts (Salt Lake City: Deseret Book Company, 1971), 195–210.

  5. Joseph Smith, “History, circa June 1839–circa 1841 [Draft 2],” 1, josephsmithpapers.org.

  6. Whitney R. Cross, The Burned-over District: The Social and Intellectual History of Enthusiastic Religion in Western New York, 1800–1850 (Ithaca: Cornell University Press, 1950); Paul E. Johnson, A Shopkeeper’s Millennium: Society and Revivals in Rochester, New York, 1815–1837 (New York: Hill and Wang, 1983); Nathan O. Hatch, The Democratization of American Christianity (New Haven: Yale University Press, 1989).

  7. Benajah Williams diary, Hulyo 15, 1820, Church History Library, Salt Lake City.