Kasaysayan ng Simbahan
Pag-iimprenta at Paglalathala ng Aklat ni Mormon


“Pag-iimprenta at Paglalathala ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pag-iimprenta at Paglalathala ng Aklat ni Mormon”

Pag-iimprenta at Paglalathala ng Aklat ni Mormon

Isang maliit na grupo ng mga mananampalataya ang sumuporta kay Joseph Smith sa proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ngunit wala ni isa sa kanila ang may karanasan sa paglalathala. Natututo habang patuloy sila sa paggawa, si Joseph Smith at ang kanyang mga kasama ay naghanap ng paraan para makakuha ng serbisyo ng tagalimbag, pondohan ang proseso ng paglilimbag, at tugunan ang lokal na oposisyon na ilathala ang sagradong talaan. Ang plano nila para sa unang pag-imprenta ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon ay hindi madaling gawin—iyon ay mahigit doble ng karaniwang laki ng isang aklat noong panahong iyon.1

tanawin sa lansangan na may mga tindahan

Gusali ng E. B. Grandin, Palmyra, New York

Pagkuha ng Karapatang-Sipi

Nanatili kay Joseph Smith ang kontrol sa pag-iimprenta at pamamahagi ng Aklat ni Mormon sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagkuha ng isang pederal na karapatang-sipi o federal copyright para sa teksto. Sinunod niya ang mga kahilingan ng batas sa pagkuha ng copyright o karapatang-sipi sa pamamagitan ng paglalagak ng kopya ng pahina ng pamagat sa klerk ng isang federal district court at pagbabayad ng sertipiko ng karapatang-sipi.

Paghahanap ng Tagalimbag

Tinanggihan ng mga tagalimbag sa lugar ang panukalang aklat, at hindi lamang dahil sa paghihinala ukol sa relihiyon. Ang pag-imprenta ng isang aklat na kasinglaki at kasingmahal ng Aklat ni Mormon ay mangangailangan ng kahusayan at ng pamumuhunan sa bagong printing type at mga suplay sa pag-iimprenta. Binisita nina Joseph Smith at Martin Harris ang ilang tagalimbag tungkol sa proyekto. Tatlong tagalimbag sa Palmyra at Rochester—Egbert Grandin, Jonathan Hadley, at Thurlow Weed—ang tumanggi sa kanila, at sinubukan pang kumbinsihin ni Grandin ang mga kaibigan ni Harris na pigilan si Harris sa pamumuhunan ng pag-imprenta ng aklat. Nang ang tagalimbag ng Rochester na si Elihu Marshall ay pumayag na ilathala ang aklat, bumalik sina Joseph at Martin kay Grandin sa Palmyra, umaasang maimprenta ang aklat nang mas malapit sa kanila. Inalok ni Harris na isangla ang bahagi ng kanyang bukirin bilang kolateral, at pinag-usapan ng mga lalaki ang mga kondisyon. Noong Agosto 1829, pinirmahan ni Harris ang sangla kay Grandin, at nagsimula na ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon.

Pagbabantay sa mga Manuskrito

Ang naunang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon pati na ang lumalawak na oposisyon sa lugar ng Palmyra ang nakahikayat kay Joseph at sa kanyang mga tagasunod na bantayan ang teksto habang iniimprenta ito. Si Oliver Cowdery ay gumawa ng isang manuskrito ng tagalimbag, isang kopya ng orihinal na gagamitin sa proseso ng pag-imprenta. Inihatid ni Hyrum Smith ang mga pahina ng manuskrito ng tagalimbag sa kompositor o nagsasaayos ng imprenta na si John Gilbert, isa sa mga empleyado ni Grandin, nang baha-bahagi, kung minsan ay itinatago ang mga pahina sa kanyang nakabutones na tsaleko upang maingatan ito. Sina Martin Harris, Oliver Cowdery, Hyrum Smith, at Peter Whitmer Jr. ay may mga pagkakataong dumalaw noon sa palimbagan ni Grandin upang pangasiwaan ang paghawak sa manuskrito.

Ang manuskrito ng tagalimbag ay walang bantas, kung kaya’t si Gilbert mismo ang nagsisingit ng mga ito. Noong una, ayaw ipagkatiwala ni Hyrum kay Gilbert ang mga pahina sa magdamag, ngunit nahikayat ni Gilbert si Hyrum na ang pagkakaroon ng sapat na panahon para maisulat ang mga bantas sa mga pahina ay malaking kabawasan sa oras na kailangan para sa typesetting.

Pagharap sa Oposisyon at Boykot

Bagamat nanatiling ligtas ang mga pahina ng manuskrito, isang mapanuyang tao (satirist) na nagngangalang Abner Cole ang nagsamantala sa walang bantay na mga proof sheet sa palimbagan ni Grandin para gawan ng kopya ang mga talata mula sa Aklat ni Mormon sa kanyang sariling pahayagan. Kahit bago pa inilathala ang Aklat ni Mormon, kinailangang igiit ni Joseph ang awtoridad sa karapatang magpalathala upang pigilan ang di-awtorisadong paglalathala ni Cole sa mga sipi. Nang mapabalitang malapit nang lumabas at mabibili na ang Aklat ni Mormon, iniulat na ang mga tagaroon ay nag-boycott. Nag-alala si Martin Harris na baka mawala ang kanyang pag-aaring bukirin at humiling kay Joseph ng bagong kasunduan na binibigyan siya ng bahagi ng mapagbebentahan ng aklat hanggang sa matubos ang isinanglang ari-arian.

Nag-aalala tungkol sa pinansiyal na pantustos sa simbahan na di magtatagal ay kanilang io-organisa, si Joseph at ang iba pa ay naghanap ng karagdagang paraan upang makatipon ng pondo mula sa Aklat ni Mormon. Iminungkahi ni Hyrum Smith kay Joseph na isaalang-alang nila ang pagbebenta ng karapatang gumawa ng kopya at ipamahagi ang Aklat ni Mormon (sa kanilang salita, “ibenta ang karapatang-sipi”) sa Canada. Si Hiram Page, na tumulong sa pagtatangkang ito, ay nagsabi kalaunan na umasa ang magkapatid na ang pagbebenta ay sa halagang $8,000. Nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag na nangangako sa kanya na ang mga problemang ito ay hindi makapipigil sa paglalathala at pinapayagan siyang ibenta ang karapatang-sipi sa Canada “kung hindi patitigasin ng Mga Tao ang kanilang puso laban sa mga pahiwatig ng aking espiritu at ng aking salita.” Ang mga ahenteng kumakatawan kay Joseph Smith ay naglakbay papuntang Kingston, Upper Canada, ngunit bigong bumalik.2

Pagbebenta ng mga Aklat

Nang maimprenta at nabigkis, ang Aklat ni Mormon ay maaari nang mabili sa palimbagan ni Grandin. Sina Oliver Cowdery, Martin Harris, Samuel Smith, at iba pa ay nagpunta sa iba’t ibang lugar upang maipakilala ang aklat. Noong una ay hindi bumenta ang mga kopya sa lugar sa paligid ng Palmyra, at isang taon makalipas ang paglalathala, ang ari-arian ni Harris ay naibenta sa isang mamumuhunan na bumili ng sangla mula kay Grandin.3 Ngunit dumami ang mga nagkaroon ng interes sa aklat nang sumunod na mga taon dahil nagdala ang mga missionary ng mga kopya nito sa iba’t ibang panig ng bansa. Kalaunan ay nabayaran nang buo si Harris, at marami na ang bumibili ng aklat kung kaya’t nakipag-ayos na si Joseph para sa ikalawang imprenta noong 1837.

Pagpreserba sa mga Manuskrito

Kadalasan ay itinatapon na ng mga awtor ang mga manuskrito pagkatapos malathala ang kanilang mga teksto, ngunit itinabi nina Joseph Smith at Oliver Cowdery kapwa ang orihinal at mga manuskrito ng tagalimbag sa loob ng ilang panahon. Noong 1841, inilagay ni Joseph ang orihinal na manuskrito sa walang laman na batong panulok ng Nauvoo House. Sa paglipas ng panahon, karamihan sa manuskritong ito ay nangasira dahil sa tubig na pumasok sa loob ng batong panulok. Ang nalalabing mga pahina—mga 28 porsiyento ng manuskrito—ay nakalagak sa Church History Library sa Salt Lake City. Ang manuskrito ng tagalimbag ay naipreserba ng mga pamilya Cowdery at Whitmer at nanatiling buo pa rin. Nakalagay ngayon sa archives ng Community of Christ, ang manuskrito ng tagalimbag ay nagbibigay ng kakaibang pananaw sa pagsasalin at produksyon ng Aklat ni Mormon.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Kritiko ng Aklat ni Mormon, Palmyra at Manchester, Pagsasalin ng Aklat ni Mormon

Mga Tala

  1. Royal Skousen at Robin Scott Jensen, mga pat., Revelations and Translations, Tomo 3, Bahagi 1: Printer’s Manuscript of the Book of Mormon, 1 Nephi 1–Alma 35, facsimile ed., tomo 3 ng Revelations and Translations series ng The Joseph Smith Papers, pat. Ronald K. Esplin at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2015), xxvi–xxviii.

  2. Revelation, circa Early 1830,” sa Revelation Book 1, 31, josephsmithpapers.org; tingnan din sa “Revelation, circa Early 1830,” Historical Introduction.

  3. Revelation, circa Summer 1829 [DC 19],” Historical Introduction, footnote 4, josephsmithpapers.org.