Lesson 10
1 Nephi 6 at 9
Pambungad
Ipinahayag ni Nephi, “Ang kaganapan ng aking hangarin ay mahikayat ko ang mga tao na lumapit sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob, at maligtas” (1 Nephi 6:4). Nag-ingat siya ng dalawang uri ng talaan: ang maliliit na lamina ni Nephi at ang malalaking lamina ni Nephi. Inutos ng Panginoon sa kanya na gumawa ng pinaikling talaan ni Lehi sa maliliit na lamina (tingnan sa 2 Nephi 5:28–31). Kalaunan, si Mormon ay nabigyan ng inspirasyon na isama ang maliliit na lamina sa mga talang tinipon niya sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:6–7). Hindi alam ni Nephi o Moroni ang dahilan, ngunit kapwa nila sinunod ang utos ng Panginoon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 6
Nagsulat si Nephi upang hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo
Magdispley ng ilang angkop na aklat o pelikula na popular sa mga kabataan ngayon. Tanungin ang mga estudyante kung ano sa palagay nila ang layunin ng awtor o manunulat sa bawat isa sa mga aklat o pelikula. Ipakita ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na sa 1 Nephi 6, ipinaliwanag ni Nephi ang layunin sa pagsulat ng kanyang talaan, na kalaunan ay naging bahagi ng Aklat ni Mormon.
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 6:3–6 at ipahanap ang mga salita o parirala na nagpapahayag ng layunin ni Nephi sa pag-iingat ng kanyang talaan. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang ito.)
-
Bakit mahalaga na nagsulat si Nephi ng mga bagay “na nakasisiya sa Diyos” at hindi ng mga bagay “na nakasisiya sa sanlibutan”?
-
Paano ninyo ipahahayag ang layunin ni Nephi gamit ang inyong sariling salita? (Makatutulong na ipaliwanag na ang pariralang “sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob” ay tumutukoy kay Jesucristo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang Jesucristo sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 6:4. Maaari mo ring ipaliwanag na ang pangalang Jehova ay tumutukoy rin kay Jesucristo. [Tingnan sa 1 Nephi 19:10; 2 Nephi 11:4, 6–7; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo,” ])
Para matulungan ang mga estudyante na pahalagahan na ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo, sabihin sa kanila na buklatin ang indeks at basahin ang lahat ng heading na nauugnay kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na tukuyin ang ilan sa mga paraan na itinuturo sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa misyon ng Tagapagligtas.
Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang isang layunin ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo.
-
Paano makaiimpluwensya sa inyong paraan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ngayong taon ang inyong pag-unawa sa layunin ng pagsulat ni Nephi?
Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang Aklat ni Mormon para mas mapalapit ka pa sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang Aklat ni Mormon at nakatulong sa kanila na lalo pang mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hikayatin sila na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Aklat ni Mormon at ang patotoo nila kay Jesucristo sa isang kaibigan o kapamilya sa susunod na ilang araw.
1 Nephi 9
Nag-ingat si Nephi ng dalawang uri ng mga lamina
Magpakita sa klase ng isang aklat ng kasaysayan, at sabihin ang sakop na panahon ng aklat. Pagkatapos ay magpakita sa klase ng personal na kasaysayan, diary, o journal na isinulat sa loob ng panahong iyon. (Kung angkop, magbasa ng isang espirituwal na kasaysayan mula sa journal.)
-
Paano nagkaiba ang dalawang aklat sa paraan ng pagtatala ng kasaysayan?
-
Mas mahalaga ba ang isang aklat kaysa sa isang aklat? Paano? (Ang bawat isa ay mahalaga sa magkakaibang mga dahilan.)
-
Paano maihahalintulad ang mga aklat na ito sa Aklat ni Mormon?
Ipaliwanag na sa 1 Nephi 9:1–5, ikinuwento ni Nephi ang kanyang pagsisikap na magsulat sa dalawang uri ng mga lamina.
Sa isang uri ng mga lamina, na kilala ngayon bilang malalaking lamina ni Nephi, itinala niya ang “kasaysayan ng [kanyang] mga tao” (1 Nephi 9:2). Kabilang sa kasaysayang ito “ang ulat ng paghahari ng mga hari, at ang mga digmaan at alitan ng [kanyang] mga tao” (1 Nephi 9:4). Ito ang unang talaan na ginawa ni Nephi, ngunit hindi ito kasama sa Aklat ni Mormon na nasa atin ngayon.
Sa isa namang uri ng mga lamina, na kilala ngayon bilang maliliit na lamina ni Nephi, itinala niya ang “mga ministeryo ng [kanyang] mga tao” (1 Nephi 9:3). Maaaring kinakailangan mong ipaliwanag na ang salitang ministeryo ay tumutukoy sa mga pagtuturo at gawain na pangrelihiyon. Ang isinulat ni Nephi sa maliliit na lamina ay matatagpuan ngayon sa 1 Nephi at 2 Nephi.
Para tulungan ang mga estudyante na malaman kung alin ang maliliit na lamina at alin ang malalaking lamina kapag binasa nila ang 1 Nephi 9, isulat sa pisara ang sumusunod: “mga laminang ito” = maliliit na lamina at “iba pang mga lamina” = malalaking lamina. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga salitang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng angkop na mga talata.) Sa 1 Nephi 9, ang pariralang “mga laminang ito” ay palaging tumutukoy sa maliliit na lamina. Ang pariralang “iba pang mga lamina” ay palaging tumutukoy sa malalaking lamina.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 9:3, 5–6.
-
Ano ang mga dahilang ibinigay ni Nephi sa paggawa ng maliliit na lamina bukod pa sa malalaking lamina? Paano ipinapakita sa mga paliwanag na ito ang pananampalataya ni Nephi sa Panginoon?
Ipaliwanag na makalipas ang halos 1,000 taon, pinaikli ng propetang si Mormon ang lahat ng talaan na isinulat ng kanyang mga tao. Kilala natin ito ngayon bilang ang Aklat ni Mormon. Sa paggawa niya ng pinaikling ulat, natagpuan niya ang maliliit na lamina ni Nephi at isinama ito sa kanyang talaan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:3–7. Ipaliwanag na isinulat ni Mormon ang mga salitang ito noong mga A.D. 385, sa panahon ng huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Habang binabasa ng mga estudyante ang mga talatang ito, ipahanap sa kanila ang mga dahilang ibinigay ni Mormon kaya niya isinama ang maliliit na lamina ni Nephi sa pagpapaikli niya ng ulat.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kung minsan kapag sinabi sa atin na sumunod sa utos, hindi natin alam ang dahilan, maliban sa iniutos ito ng Panginoon. … Sumunod si Nephi kahit hindi niya lubos na nauunawaan ang matalinong layunin ng Panginoon. Ang kanyang pagsunod ay nagdulot ng mga pagpapala sa mga tao sa buong mundo” (“Who Will Forfeit the Harvest?” Ensign, Nob 1978, 51).
Bigyang-diin na mula sa mga halimbawa nina Nephi at Mormon, natutuhan natin na dapat nating sundin ang mga kautusan ng Diyos at mga pahiwatig ng Espiritu kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito.
-
Bakit mahalagang sundin ang mga kautusan ng Panginoon at mga pahiwatig ng Espiritu kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito?
-
Kailan ninyo sinunod ang Panginoon o ang isang pahiwatig nang hindi lubos na nauunawaan ang mga dahilan para dito?
-
Paano tayo magkakaroon ng mas malaking tiwala at tapang na maging tapat sa iniuutos ng Diyos?
Magpatotoo na kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos at ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, mas mauunawaan natin ang mga layunin nito, at pagpapalain tayo ng Panginoon sa ating pagsunod.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag. (Maaari mong bigyan ng maliit na kopya ang bawat estudyante para tahimik silang makasunod sa pagbasa at mailagay ito sa kanilang banal na kasulatan para magamit balang-araw.)
Naging malinaw kahit paano ang “matalinong layunin” (1 Nephi 9:5; Mga Salita ni Mormon 1:7) ng Panginoon sa pag-uutos Niya kay Nephi na gumawa ng dalawang uri ng mga talaan nang isalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon. Isinalin ni Joseph ang pinaikling ulat ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi. Si Martin Harris, na tumutulong kay Joseph, ay naghangad na ipakita ang naisalin sa kanyang asawa at pamilya. Atubiling ipinahiram ng Propeta kay Martin ang 116 na pahina ng manuskrito na natapos sa panahong iyon. Ang 116 na pahina ay ninakaw kay Martin, at, dahil dito, ang mga lamina, ang Urim at Tummim, at ang kaloob na magsalin ay pansamantalang binawi kay Joseph Smith (tingnan sa D at T 3:14).
Matapos magsisi ni Joseph Smith (tingnan sa D at T 3:10), inutos ng Panginoon sa kanya na huwag nang isaling muli ang nawalang bahagi (tingnan sa D at T 10:30). Sa halip ay iniutos Niya na isalin ni Joseph ang maliliit na lamina ni Nephi (tingnan sa D at T 10:41), na may gayon ding sakop na panahon. Sinabi Niya kay Joseph na binago ng mga kumuha ng 116 na pahina ang mga ito at planong gamitin ang mga ito upang pasinungalingan o siraan ang gawain (tingnan sa D at T 10:10–19). Nakita ng Panginoon ang mga pangyayaring ito maraming daang taon bago pa man ito mangyari at naglaan ng pangalawang talaan upang hadlangan ang balak ni Satanas. (Tingnan sa History of the Church, 1:20–23; D at T 10:38–46.)
Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 9:6. Ipatukoy sa kanila ang doktrinang itinuturo ni Nephi sa talatang ito. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay at naghahanda Siya ng paraan upang maisakatuparan ang lahat ng Kanyang gawain.
-
Bakit makatutulong na alam natin na “nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay mula sa simula”? (1 Nephi 9:6; tingnan din sa 2 Nephi 9:20; Mga Salita ni Mormon 1:7.)
-
Paano makakaimpluwensya ang doktrinang ito sa paraan ng pamumuhay ninyo? (Kapag nasagot na ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong ibahagi kung paano napalakas ng doktrinang ito ang iyong pananampalataya, pag-asa, at pagtitiwala sa Diyos.)
-
Paano makatutulong ang doktrinang ito sa inyo kapag nahaharap kayo sa mga pagsubok? (Ang isang posibleng sagot ay makadarama tayo ng kapanatagan sa katiyakang nakikita ng Diyos ang kahihinatnan ng mga pagsubok at mga hamon sa atin, kahit hindi natin alam kung ano ang kalalabasan nito. At sa pamamagitan ng Espiritu Santo, bibigyan Niya tayo ng lakas, kapanatagan, at patnubay na makayanan o mapagtiisan ang mga pagsubok o problema sa buhay.)
Ipahayag na naniniwala ka na nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay, pati na ang pinakamabuti para sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa buong buhay nila, may matatanggap sila na mga kautusan at inspirasyon mula sa Diyos na maaaring sa una ay hindi nila lubos na nauunawaan. Ang kanilang pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon at mga pahiwatig ng Banal na Espiritu ay magpapala sa sarili nilang buhay at sa buhay ng ibang tao.