Pambungad sa Ang Ikalawang Aklat ni Nephi
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang aklat ng 2 Nephi ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo, gaya ng Pagkahulog nina Adan at Eva, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang kalayaan o karapatang pumili. Bukod pa riyan, ang aklat na ito ay puno ng mga propesiya nina Nephi, Jacob, at Isaias, na mga natatanging saksi ng Tagapagligtas. Ipinropesiya nila ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, ang pagkalat at pagtitipon ng mga pinagtipanang tao ng Diyos, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang paglabas ng Aklat ni Mormon, at ang Milenyo. Ang aklat ng 2 Nephi ay naglalaman din ng paliwanag ni Nephi tungkol sa doktrina ni Cristo at nagtatapos sa patotoo ni Nephi tungkol sa Tagapagligtas.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Nephi na anak ni Lehi ang sumulat ng aklat na ito. Si Nephi ay isang propeta at ang unang dakilang pinuno ng mga Nephita matapos silang humiwalay sa mga Lamanita. Ipinahayag sa kanyang mga isinulat na nadama niya ang mapagtubos na kapangyarihan ng Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 4:15–35; 33: 6) at hinangad niya nang buong kaluluwa na magdala ng kaligtasan sa kanyang mga tao (tingnan sa 2 Nephi 33:3–4). Para maisakatuparan ang layuning ito, itinuro niya sa kanyang mga tao na maniwala kay Jesucristo at magtayo ng templo.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Nagsulat si Nephi na isinasaisip ang tatlong grupo ng mga tao na magbabasa nito: ang mga inapo ng kanyang ama, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa mga huling araw, at lahat ng tao sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 33:3, 13). Isinulat ang aklat ng 2 Nephi sa maliliit na lamina ni Nephi, na itinalaga ng Panginoon na maging talaan ng “ministeryo at ng mga propesiya” ni Nephi at ng kanyang mga inapo (1 Nephi 19:3–5). Sa mga laminang ito, itinala ni Nephi, “ang mga bagay ng [kanyang] kaluluwa, at [ang] maraming banal na kasulatan [na] nakaukit sa mga laminang tanso.” Ipinaliwanag niya na nagsulat siya “para sa ikatututo at kapakinabangan ng [kanyang] mga anak” (2 Nephi 4:15). Ipinahayag niya, “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26). Tinapos niya ang kanyang talaan sa pag-anyaya sa lahat ng tao na “makinig sa [kanyang mga salita] at maniwala kay Cristo” (2 Nephi 33:10).
Kailan at saan ito isinulat?
Sinimulang isulat ni Nephi ang 2 Nephi noong mga 570 B.C., 30 taon matapos nilang lisanin ng kanyang pamilya ang Jerusalem. Isinulat niya ito noong siya ay nasa lupain ng Nephi (tingnan sa 2 Nephi 5:8, 28–34).
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Bagama’t si Nephi ang may-akda ng 2 Nephi, ang aklat ay isang koleksyon ng mga turo mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Tulad ng makikita sa sumusunod na listahan, maraming kabanata sa aklat ang kinabibilangan ng mga mensaheng nagmula sa iba pang mga propeta. Dahil nakita nina Lehi, Jacob, at Isaias si Jesucristo at naging Kanyang mga saksi, isinama ni Nephi ang ilan sa mga itinuro nila sa pagsisikap na hikayatin ang mga mambabasa na maniwala kay Jesucristo. Binanggit din nina Lehi at Jacob ang mensahe ng iba pang mga propeta sa kanilang mga sermon.
-
Ang mga turo ni Lehi ay nakatala sa 2 Nephi 1–4. Sa 2 Nephi 3:6–21, binanggit ni Lehi ang sinabi ni Jose ng Egipto.
-
Ang mga turo ni Nephi ay nakatala sa 2 Nephi 4–5 at 2 Nephi 11–33. Maraming mensahe mula kay Isaias ang binanggit ni Nephi sa 2 Nephi 12–24 at 2 Nephi 27.
-
Ang mga turo ni Jacob ay nakatala sa 2 Nephi 6–10. Sa 2 Nephi 6:6–7 at 2 Nephi 7–8, binanggit ni Jacob ang mga sinabi ni Isaias.
Binanggit din sa aklat ng 2 Nephi ang kamatayan ni Lehi (tingnan sa 2 Nephi 4:12) at ang pagkakahati ng mga inapo ni Lehi sa dalawang pangkat ng mga tao—ang mga Lamanita at ang mga Nephita (tingnan sa 2 Nephi 5).
Outline
2 Nephi 1–4 Bago siya namatay, pinayuhan at binasbasan ni Lehi ang kanyang angkan.
2 Nephi 4–8 Si Nephi ay nagpuri sa Panginoon. Pinamunuan niya ang kanyang mga tagasunod sa isang lupain na tinawag nilang Nephi. Itinala niya ang mga turo ni Jacob tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel.
2 Nephi 9–10 Itinuro ni Jacob ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinropesiya rin niya ang hindi pagtanggap ng mga Judio kay Jesucristo at ang pagtitipon ng mga Judio at mga Gentil sa lupang pangako na mangyayari sa hinaharap.
2 Nephi 11–24 Ipinahayag ni Nephi na nalulugod siya sa pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Binanggit niya ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel, ang pagpapababa sa mga palalo at masasama bago ang Ikalawang Pagparito, at ang pagsilang, misyon, at paghahari sa milenyo ng Mesiyas.
2 Nephi 25–27 Ipinropesiya ni Nephi ang Pagpapako sa Krus, Pagkabuhay na Mag-uli, at pagdalaw sa mga Nephita ng Tagapagligtas; ang pagkalat at pagtitipon ng mga Judio; ang pagkalipol ng mga Nephita; ang Apostasiya; ang paglabas ng Aklat ni Mormon; at ang Panunumbalik.
2 Nephi 28–30 Nagbabala si Nephi laban sa kasamaan sa mga huling araw, ipinaliwanag ang gagampanan ng Aklat ni Mormon, at nagpropesiya tungkol sa pagtitipon ng mga tao sa tipan.
2 Nephi 31–33 Pinayuhan tayo ni Nephi na sundin si Cristo, magpakabusog sa Kanyang mga salita, at magtiis hanggang wakas. Pinatotohanan niya na kanyang isinulat ang mga salita ni Cristo.