Library
Lesson 130: 3 Nephi 21–22


Lesson 130

3 Nephi 21–22

Pambungad

Sa patuloy na pagtuturo ni Jesucristo sa mga Nephita, ipinaliwanag Niya na ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw ay magiging palatandaan na sinimulan na Niyang tipunin ang Israel at tuparin ang Kanyang tipan sa Kanyang mga tao. Binibigyang-diin ang Kanyang dakilang pagmamahal para sa Kanyang mga pinagtipanang tao, binanggit ng Tagapagligtas ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa panunumbalik ng mga pinagtipanang tao.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 21:1–11

Itinuro ni Jesucristo na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay magiging palatandaan ng pagtitipon ng Israel sa mga huling araw

Bago magklase, idrowing sa pisara ang mga sumusunod na sign o palatandaan (o gumamit ng ibang mga sign o palatandaan na karaniwan sa lugar kung saan kayo nakatira).

wheel man sign
crosswalk sign
exit sign
two-way sign

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang ibig sabihin ng bawat sign o palatandaan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit gumagamit ng mga sign o palatandaan? (Para ihanda, balaan, at tagubilinan tayo.)

  • Bakit mahalagang nakapaskil nang tama ang isang sign o palatandaan at ang mensahe nito ay madaling maunawaan?

Ipaalala sa mga estudyante na madalas mabanggit sa mga banal na kasulatan ang mga palatandaan na naghahanda, nagbababala, at nagtatagubilin sa atin hinggil sa katuparan ng plano ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 21:1–2, 7, at hanapin ang salitang palatandaan. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang salitang ito kapag nakita nila sa mga talatang iyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin nang mabuti at tahimik ang talata 1.

  • Bakit sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya ang partikular na palatandaang ito? (Upang malaman ng mga tao na tinitipon na Niya ang sambahayan ni Israel.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 21:1–7, at sabihin sa kanila na pansinin ang mga pariralang “ang mga bagay na ito” at “ang mga gawaing ito” at isipin kung ano ang tinutukoy ng mga pariralang iyon.

  • Sa pagsasalita sa mga Nephita, nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa “mga bagay na ito na ipinahahayag ko sa inyo” (3 Nephi 21:2). Saan itatala ang mga sinabi Niya sa mga Nephita? (Sa Aklat ni Mormon.)

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang isang palatandaan na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga tipan sa mga huling araw? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan [isulat ito sa pisara]: Ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na tinutupad na ng Diyos ang Kanyang tipan na titipunin ang Israel sa mga huling araw.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan kung paano tumutulong ang Aklat ni Mormon para matipon ang mga tao sa gawain ng Panginoon.

Elder Russell M. Nelson

“Ang Aklat ni Mormon ang sentro ng gawaing ito. Ipinahahayag nito ang doktrina ng pagtitipon. Dahil dito nalalaman ng mga tao ang tungkol kay Jesucristo, naniniwala sa Kanyang ebanghelyo, at sumasapi sa Kanyang Simbahan. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap” (“Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 80).

  • Paano kayo natulungan ng Aklat ni Mormon sa ganitong mga paraan? Kailan ninyo nakita na natulungan ng Aklat ni Mormon ang ibang tao sa ganitong mga paraan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 21:9, at sabihin sa klase na pansinin ang pariralang “dakila at kagila-gilalas na gawa.” Ipaliwanag na ang pariralang ito ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng paglabas ng Aklat ni Mormon.

  • Ano ang dakila at kagila-gilalas sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Brother Joseph

Ituro na ang 3 Nephi 21:9 ay tumutukoy sa “isang tao.” Sabihin sa mga estudyante na isipin kung sino ang taong ito. Pagkatapos ay idispley ang larawan ni Joseph Smith (maaaring ang larawang Brother Joseph o ang larawang Ang Unang Pangitain [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 87 o blg. 90]). Sabihin sa mga estudyante na tinukoy ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang taong iyon bilang si Joseph Smith (tingnan sa Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 287–88). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 21:10–11 at pakaisipin kung paano tumutugma kay Propetang Joseph Smith ang paglalarawan sa mga talatang ito.

  • Paano ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith na ang Kanyang “karunungan ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo”?

  • Ayon sa 3 Nephi 21:11, ano ang mangyayari sa mga hindi maniniwala sa mga salita ni Cristo na ipinahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith? (Sila ay “mahihiwalay” mula sa pagpapala na darating sa pamamagitan ng mga tipan.)

3 Nephi 21:12–22:17

Nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa pagkawasak ng mga hindi magsisisi at sa panunumbalik ng Kanyang mga tao na magsisisi at babalik sa Kanya

Ibuod ang 3 Nephi 21:12–21 na ipinapaliwanag na ang Panginoon ay nagbigay ng babala sa mga tao sa mga huling araw na hindi maniniwala sa Kanya at magsisisi. Sinabi Niya na ang kanilang mga pag-aari, mga lunsod, mga muog, at masasamang gawain ay wawasakin. Sinabi rin Niya na sila ay ihihiwalay mula sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 21:22, 25–28 at alamin ang mga pagpapala at responsibilidad na darating sa mga tao sa huling araw na magsisisi at makikinig sa mga salita ng Tagapagligtas.

Itanong sa mga estudyante kung paano nila ibubuod ang mga turo sa 3 Nephi 21:12–22, 25–28. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay ibuod ang lahat ng sagot na nasa pisara na ipinapaliwanag na kapag nagsisi tayo at nakinig sa mga salita ng Tagapagligtas, tayo ay matitipon bilang bahagi ng Kanyang mga pinagtipanang tao. (Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Magdrowing sa pisara o sa poster ng isang tolda (maaari mo itong gawin bago magklase). Ipaliwanag na binanggit ni Jesucristo ang isang propesiya na ipinasulat Niya kay Isaias maraming siglo na ang nakakaraan. Sa propesiyang ito, inihalintulad ni Isaias ang Simbahan, kabilang ang mga tipan at pagpapala nito, sa isang tolda.

tolda
  • Ano ang ilang kapakinabangan na nasa loob kayo ng isang tolda? (Maaaring kabilang sa mga sagot ay nagbibigay ng proteksyon ang tolda mula sa mga bagyo at init ng araw.)

  • Paano natutulad ang Simbahan sa isang tolda?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 22:2.

  • Bakit kailangang palakihin at patibayin ang “tolda” na ito sa mga huling araw? (Dahil maraming tao ang sasapi sa Simbahan o babalik sa kanilang mga tipan sa Panginoon.) Ano ang maaari ninyong gawin para mapalaki ang tolda at mapatibay ang mga istaka? (Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang kanilang mga sagot sa tanong na ito.)

Ipaliwanag na sa propesiya ring ito, gumamit si Isaias ng iba pang metapora. Tinukoy niya ang sambahayan ni Israel bilang isang babae na ang asawa ay ang Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 22:4–5 at sabihin sa klase na hanapin ang mga salitang nagbibigay ng kapanatagan sa asawa.

  • Anong mga salita ng kapanatagan ang nakita ninyo sa 3 Nephi 22:4? (Maaaring kabilang sa sagot ang “hindi ka malalagay sa kahihiyan” at “hindi [mo] maaalaala ang kadustahan [kahihiyan] ng iyong kabataan.”) Bakit nakapapanatag na malaman na ang “asawa” ay ang “Manunubos, ang Banal ng Israel”? (3 Nephi 22:5).

  • Paano natutulad ang mga talatang ito sa tugon ng Tagapagligtas kapag nagkakasala tayo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 22:7–10 at alamin ang mga pangakong ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga pinagtipanang tao na babalik sa Kanya.

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga babalik sa Kanya?

  • Ano ang ilang katotohanan tungkol sa Panginoon ang nalaman natin sa mga talatang ito? (Maaaring magbigay ng ilang iba-ibang sagot ang mga estudyante sa tanong na ito. Tiyaking mabanggit nila ang sumusunod na katotohanan: Magpapakita ng walang hanggang kabutihan ang Panginoon sa mga taong babalik sa Kanya. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat nila ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 22:7–10.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang 3 Nephi 22:4–10, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Bagama’t walang bunga at kung minsan ay hindi tapat, gayunpaman babawiin at tutubusin ng asawa (si Cristo) ang kanyang asawa (ang Israel). Si Jehova bilang kasintahang lalaki at ang Israel bilang kasintahang babae ay isa sa madalas gamiting metapora sa banal na kasulatan, na ginagamit ng Panginoon at ng kanyang mga propeta upang ilarawan ang ugnayan ng Diyos at ng mga anak ng tipan.

“… Si Cristo, kung minsan, ay nagalit nang may katwiran sa mga suwail na Israelita ngunit iyan ay sandali at pansamantala lamang—‘sa maikling sandali.’ Ang pagkahabag at awa ay palaging bumabalik at nananaig sa pinaka-nakapapanatag na paraan. Ang mga bundok at mga burol ay maaaring maglaho. Ang tubig sa malalawak na karagatan ay maaaring matuyo. Ang mga pinaka-hindi inaasahang bagay ay maaaring mangyari sa mundo, ngunit ang kabutihan at kapayapaan ng Panginoon ay hindi kailanman aalisin sa kanyang mga pinagtipanang tao. Sumumpa siya sa langit na hindi siya mapopoot sa kanila magpakailanman” (Christ and the New Covenant, 290).

  • Anong mga katibayan ng awa at kabutihan ng Tagapagligtas ang nakita ninyo sa inyong buhay? (Ipaunawa sa mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal o napakapribado.)

  • Paano nakaiimpluwensya sa ating katapatan sa mga tipan ang kaalaman natin tungkol sa awa at kabutihan ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na patuloy na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa mga pagpapala na naghihintay sa mabubuti. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 22:13–17 at maghanap ng isang ipinangakong pagpapala na higit na makabuluhan sa kanila. Ipaliwanag na kapag binasa natin ang mga ipinangakong pagpapalang ito, makikita natin na matatatag ang mga tao ng Panginoon sa kabutihan at magtatagumpay sa kasamaan.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo mo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng tatlo o apat na pangungusap sa notebook o scripture study journal tungkol sa isang bagay na magagawa nila ngayon para maging karapat-dapat sa mga pagpapalang nais ipagkaloob sa kanila ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 21:12–13. “Kagaya ng isang leon sa mga hayop sa gubat”

Tinutukoy ang mga turo sa 3 Nephi 20:16, sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kasunod na pahayag. Ang pahayag niya ay maaari ding iangkop sa 3 Nephi 21:12–13.

“Ang mga salitang ito ng ating Panginoon sa mga Nephita ay mula sa Mikas 5:8–9 at tumutukoy sa kapanglawan at pagkasunog na lilipol sa masasama sa Ikalawang Pagparito. Maliban sa ilan na mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo, ang mga Gentil ay hindi magsisisi. Sila ay magpapakalulong sa kanilang mga karumal-dumal na gawain at magkakasala laban sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at sila ay masusunog sa liwanag ng pagparito ng ating Panginoon samantalang ang mabubuti —tinawag dito na mga labi ni Jacob—ay mananatili sa araw na iyon. At pagkatapos, sa matalinghagang paglalarawan ng propeta, ito ay magiging parang paggapi ng mga labi ni Israel sa kanilang mga kaaway kagaya ng isang batang leon sa mga kawan ng tupa” (The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 248).

3 Nephi 21:22. “Itatatag ko ang aking simbahan sa kanila”

Ang pagtitipon ng Israel ay mangyayari kapag naniwala ang mga tao kay Jesucristo at naging miyembro ng Kanyang Simbahan (tingnan sa 1 Nephi 15:14–16; 2 Nephi 9:1–2; 3 Nephi 5:20–26; 21:22; Mormon 9:36–37). Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie:

“Walang matitipon sa Israel hangga’t hindi nila tinatanggap ang Ipinako. … Ang kasalukuyang pagtitipon ng mga Judio sa Palestina ay pulitikal, at hindi espirituwal, at hindi ito pagtitipon ng Israel na nakasaad sa mga propesiya.

“Ang pagtitipon ng Israel ay kinapapalooban ng pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang tanging totoo at buhay na simbahan sa balat ng lupa” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 564, 565; tingnan sa mga pahina 511, 519–20 at The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man [1982], 229).

3 Nephi 21:22–25. Ang Bagong Jerusalem

Nilinaw ni Daniel H. Ludlow kung sino ang magtatayo ng lunsod ng Bagong Jerusalem:

“Ang ‘Bagong Jerusalem’ sa mga huling araw ay itatayo sa kontinente ng Amerika sa pamamagitan ng (1) ‘labi ni Jacob,’ (2) mga Gentil na ‘makikipagtipan at ibibilang sa … labi ni Jacob,’ at (3) ‘kasindami ng sambahayan ni Israel na darating.’ (3 Nephi 21:22–25. Basahin din ang 3 Nephi 20:22; Eter 13:1–12.)” (A Companion to Your Study of the Book of Mormon [1976], 281).

3 Nephi 22:2. “Patibayin mo ang iyong mga istaka”

Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kahulugan ng salitang istaka ayon sa gamit nito sa 3 Nephi 22:2 at sa iba pang mga scripture passage:

“Ang salitang istaka ay may sinisimbolo. Ilarawan sa inyong isipan ang isang malaking toldang nasusuportahan ng mga lubid na nakatali sa maraming tulos o istaka na matibay na nakabaon sa lupa.

“Inihalintulad ng mga propeta ang Sion sa huling araw sa isang malaking toldang nakapalibot sa daigdig. Ang tolda ay sinusuportahan ng mga lubid na nakatali sa mga istaka. Ang mga istakang iyon, mangyari pa, ay iba’t ibang organisasyong nakakalat sa buong daigdig. Sa kasalukuyan ay tinitipon ang Israel sa iba’t ibang istaka [stake] ng Sion” (“Strengthen Thy Stakes,” Ensign, Ene. 1991, 2).