Lesson 81
Alma 17
Pambungad
Bilang paghahanda sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita, ang mga anak ni Mosias ay humingi ng patnubay sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Sila ay pinanatag ng Panginoon at ipinangako sa kanila na sila ay magiging kasangkapan sa Kanyang mga kamay “tungo sa kaligtasan ng maraming tao” (Alma 17:11). Bago iyon ay nangako Siya sa kanila, sa pamamagitan ng kanilang ama, na Kanyang “ililigtas [sila] mula sa mga kamay ng mga Lamanita” (Mosias 28:7). Taglay ang lakas na dulot ng mga pangako ng Panginoon at ang tiwala na magkikita silang muli balang-araw, naghiwa-hiwalay sila upang ibahagi ang ebanghelyo sa iba’t ibang lugar. Nagtungo si Ammon sa lupain ng Ismael, kung saan naghanda siya na turuan ang mga tao sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanilang hari.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 17:1–16
Ang mga anak ni Mosias ay nagsaliksik ng mga banal na kasulatan, nagdasal, at nag-ayuno upang malaman nila ang salita ng Diyos at makapagturo nang may kapangyarihan
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: “Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod [sa misyon] ay …” (Babalikan ninyo ito maya-maya sa lesson.)
Itanong sa mga estudyante kung naroon ba sila nang nakabalik na mula sa misyon ang mga kamag-anak o kaibigan nila matapos maglingkod nang tapat. Sabihin sa ilang estudyante na ilarawan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na taglay ng mga misyonerong ito sa pagbalik nila.
-
Anong magagandang pagbabago ang nakita ninyo sa kanila matapos silang magmisyon? Ano sa palagay ninyo ang dahilan ng mga pagbabagong ito?
Ipaliwanag na matapos na ipangaral ang ebanghelyo nang 14 na taon sa lupain ng Nephi, ang mga anak ni Mosias ay bumalik na sa Zarahemla at nakasamang muli si Alma. Kung kailangan ng mga estudyante ng maikling rebyu ng kwento tungkol kay Alma at sa mga anak na lalaki ni Mosias, itanong:
-
Ano ang kaugnayan ni Alma at ng mga anak ni Mosias? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang chapter summary para sa Mosias 27.)
Ipaliwanag na habang si Alma ay nangangaral ng pagsisisi at nagtatatag ng Simbahan sa mga Nephita sa lupain ng Zarahemla at sa iba pang lupain, ang mga anak naman ni Mosias ay nangangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita sa lupain ng Nephi. (Maaari mong patingnan ang bookmark ng Aklat ni Mormon bilang bahagi ng paliwanag na ito.) Ang mga pangalan ng mga anak ni Mosias ay Ammon, Aaron, Omner, at Himni (tingnan sa Mosias 27:34). Ang Alma 17–26 ay nagsasalaysay ng ilan sa mga naranasan nila bilang mga misyonero.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 17:1–2.
-
Ano ang nadama ni Alma nang makita niyang muli ang kanyang mga kaibigan? Sa palagay ninyo, bakit ganoon ang nadama niya?
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa hindi kumpletong pahayag na isinulat mo sa pisara bago magklase. Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga sagot na kukumpleto sa pahayag. Pagkatapos ay ibahagi sa kanila kung paano kinumpleto ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pahayag na: “Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo para makapaghanda sa tawag na maglingkod [sa misyon] ay maging misyonero bago pa man kayo magpunta sa misyon” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob 2005, 45). Kumpletuhin ang pahayag sa pisara.
Ipaliwanag na ang isang paraan na malalaman natin kung paano maging misyonero ay ang malaman kung paano naglingkod ang matatapat na misyonero sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang Alma 17:2–4 at alamin ang mga dahilan kung bakit nagtagumpay ang mga anak ni Mosias na dalhin ang mga tao sa kaalaman ng katotohanan.
-
Ano ang ginawa ng mga anak ni Mosias na nakatulong sa kanila na maging matagumpay na mga misyonero? (Maaaring kasama sa sagot ang “sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan,” nanalangin, at nag-ayuno.)
-
Anong mga pagpapala ang natanggap nila dahil sa kanilang pag-aaral, pag-aayuno, at panalangin? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa mga tanong na ito, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pagsasaliksik natin ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pag-aayuno, matatanggap natin ang Espiritu Santo at makapagtuturo nang may kapangyarihan.)
Sabihin sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar na binigyang-diin ang magagawa natin bilang mga misyonero:
“Madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos (tingnan sa D at T 4:3), at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga misyonero, basahin ang binabasa ng mga misyonero, manalangin na tulad ng mga misyonero, at madama ang nadarama ng mga misyonero. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa mga espirituwal na paramdam. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, unti-unti kayong magiging misyonerong pinapangarap ninyo at misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas. …
“Ang paghahandang tinutukoy ko ay hindi lamang tungkol sa paglilingkod ninyo bilang misyonero na 19 o 20 o 21-taong gulang. … Naghahanda kayo para sa habambuhay na gawaing misyonero. …Tayo’y mga misyonero palagi” (“Pagiging Misyonero,” 46).
Para matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga alituntuning itinuro ni Elder Bednar at ang nasa Alma 17:2–4, sabihin sa kanila na isulat sa notebook o scripture study journal ang gagawin nila para maging misyonero bago pa man sila tawaging maglingkod.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 17:9 at alamin ang ipinagdasal ng mga anak ni Mosias at ng kanilang mga kasama. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na basahin ang Alma 17:10–12 at alamin ang isinagot ng Panginoon sa kanilang mga panalangin.
-
Sa palagay ninyo bakit “nagkalakas-loob” ang kanilang mga puso nang matanggap nila ang sagot ng Panginoon sa kanilang mga panalangin?
-
Ang Alma 17:11 ay naglalaman ng pangako ng Panginoon na gagawin Niyang mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay ang mga misyonerong ito. Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Sa paanong paraan tayo magiging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon?
-
Tinagubilinan ng Panginoon ang mga misyonerong ito na “[magpakita] … ng mabubuting halimbawa” (Alma 17:11). Sa palagay ninyo, bakit mahalagang bahagi ng kanilang gawaing misyonero ang pagpapakita ng mabuting halimbawa? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga sagot, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagpapakita tayo ng mabuting halimbawa, magagamit tayo ng Panginoon na mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
-
Ano ang ilang bagay na matututuhan ng mga tao tungkol sa ebanghelyo kapag nakita nila ang ating mabubuting halimbawa?
-
Kailan nakatulong sa inyo ang mabubuting halimbawa ng iba?
Magpatotoo na mahalagang magpakita ng mabuting halimbawa, at hikayatin ang mga estudyante na maging mabubuting halimbawa sa mga nakapaligid sa kanila. Kung may maiisip ka na mga pagkakataon na nakitaan mo ng mabuting halimbawa ang mga estudyante, maaari mong purihin ang mga estudyante sa ginawa nila. Gayunman, huwag kang magsabi ng papuri na parang karaniwan lang at mababaw, dahil lalabas na hindi ito taos-puso.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 17:13–16 at isipin kung gaano kahirap turuan ang mga Lamanita sa panahong iyon.
-
Bakit handang dumanas ng mga paghihirap ang mga anak ni Mosias at magtungo sa mga Lamanita? (Tingnan sa Alma 17:16; tingnan din sa Mosias 28:1–3.)
Alma 17:17–39
Si Ammon ay naging tagapagsilbi ni Haring Lamoni at pinangalagaan ang mga kawan nito
Ibuod ang Alma 17:18–20 na ipinapaliwanag na bago magkahiwalay ang mga misyonerong ito para magturo ng ebanghelyo sa iba’t ibang lugar, sila ay tinuruan at binasbasan ni Ammon. Pagkatapos ay nagtungo siya sa lupain na tinatawag na Ismael. Nang pumasok siya sa lupaing iyon, siya ay dinakip at dinala sa harapan ng hari. Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 17:21–25.
-
Sa palagay ninyo, ano ang kahalagahan ng pagsasabi ni Ammon sa hari ng “magiging tagapagsilbi ninyo ako”? (Alma 17:25).
-
Kailan kayo nakasaksi na naging daan ang paglilingkod para maibahagi ang ebanghelyo?
Ibuod nang maikli ang Alma 17:26–27 na ipinapaliwanag na habang binabantayan ni Ammon ang mga kawan ng hari, isang grupo ng mga Lamanita ang nagkalat ng mga kawan.
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatlong estudyante. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Alma 17:28–32; Alma 17:33–35; Alma 17:36–39. Sabihin sa mga estudyante sa bawat grupo na paghati-hatian ang mga scripture passage na ito. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang naka-assign na scripture passage sa kanila at alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)
-
Ano ang nangyari sa bahagi ng kuwento na binasa ninyo?
-
Paano ito maaaring makatulong para maihanda ang mga tao sa pagtanggap sa ebanghelyo?
-
Anong mga katangian ang ipinakita ni Ammon?
Bigyan ang mga grupo ng oras na pag-usapan ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Halimbawa, maaari nilang sabihin na sa pamamagitan ng paglilingkod, matutulungan natin ang iba na maghanda na tanggapin ang ebanghelyo o kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, magkakaroon tayo ng tapang at magagalak. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal ang magagawa nila upang maipakita ang mabubuting halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo. Para sa mga kabataang babae, ang mithiing ito ay makatutulong sa kanila na makakumpleto ng karagdagang karanasan sa pinahahalagahan sa Pansariling Pag-unlad sa ilalim ng “Mabubuting Gawa.” Para sa mga priest, ang mithiing ito ay makatutulong sa kanila na malaman at magampanan ang kanilang mga tungkulin na nakalista sa buklet na Tungkulin sa Diyos sa ilalim ng “Mga Tungkulin sa Priesthood” at “Anyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo.”