Lesson 76
Alma 11
Pambungad
Habang patuloy na nagtuturo sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas, isang abugadong nagngangalang Zisrom ang nag-alok ng salapi kay Amulek para itatwa nito na may Diyos. Tinangka ring baluktutin ni Zisrom ang mga salita ni Amulek at pinasinungalingan ang kanyang mga turo tungkol kay Jesucristo. Para mahadlangan ang pagtatangka ni Zisrom na mabitag siya, nagpatotoo si Amulek na ang kaligtasan mula sa kasalanan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo. Pinatotohanan din ni Amulek na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na muli at dadalhin upang “litisin sa harapan ng hukuman ni Cristo, ang Anak, at Diyos Ama, at ng Banal na Espiritu” sa Araw ng Paghuhukom (Alma 11:44).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 11:1–25
Tumanggi si Amulek sa pang-uudyok ni Zisrom na ikaila na mayroong Diyos
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na pag-aari nila na napakahalaga sa kanila kaya hindi nila ito ipagbibili kahit kailan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang naisip nila at bakit mahalaga ang mga iyon sa kanila.
Ipaliwanag na ipinagpatuloy sa Alma 11 ang tala tungkol sa pagtuturo nina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas. Habang nagtuturo si Amulek, kinausap siya ng isang abugadong nagngangalang Zisrom, na nag-alok ng salapi kapalit ng isang bagay na napakahalaga kay Amulek.
Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Alma 11:21–22 at alamin kung gaano kalaki ang halagang inalok ni Zisrom kay Amulek, at sa anong dahilan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ituro na ang paliwanag ni Mormon sa paraan ng pananalapi ng mga Nephita sa Alma 11:4–19 ay makatutulong sa atin na malaman kung gaano kalaking halaga ang isinuhol ni Zisrom. Tulungan ang mga estudyante na maintindihan na ang isang onti ay isang piraso ng pilak na may pinakamataas na halaga (tingnan sa Alma 11:6, 11–13). Ang isang onti ay katumbas ng halos isang linggong sweldo ng isang hukom (tingnan sa Alma 11:3, 11–13), na ibig sabihin ang anim na onti ay katumbas ng anim na linggong sweldo ng isang hukom.
-
Bakit maaaring maakit ang ilang tao sa alok ni Zisrom?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 11:23–25.
-
Anong klaseng pagkatao ang naipakita ni Amulek dahil sa sagot niya?
-
Ayon sa Alma 11:25, ano ang balak gawin ni Zisrom kung tinanggap ni Amulek ang alok niya? Ano ang pagkakatulad nito sa ginagawa ni Satanas kapag nagpapatangay sa panunukso niya ang mga tao?
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy kung paano tinanggihan ni Amulek ang alok ni Zisrom, isulat sa pisara ang sumusunod: Wala akong anumang … na salungat sa Espiritu ng Panginoon.
Ipabasa sa isang estudyante ang Alma 11:22. Sabihin sa klase na alamin ang salitang ginamit ni Amulek para makumpleto ang pahayag na ito.
-
Ano pang ibang mga salita ang mailalagay natin sa patlang na makatutulong sa atin na umasa sa Espiritu Santo para mapaglabanan ang tukso? (“Gagawin,” “iisipin,” o “titingnan.”)
Sabihin sa mga estudyante na magpahayag ng isang alituntunin batay sa Alma 11:22 na makatutulong sa kanila na maalala kung paano nila mapaglalabanan ang tukso. Iba-iba man ang isagot ng mga estudyante, dapat kakitaan ito ng sumusunod na alituntunin: Kapag umaasa tayo sa Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang tukso. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 11:22.)
-
Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa atin ang pagiging sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo para mapaglabanan natin ang tukso?
Basahin ang sumusunod na payo ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kung nakagawa kayo ng mga bagay na hindi ninyo dapat ginawa, o kung nakikisama kayo sa mga taong humihila sa inyo sa maling direksyon, panahon na para gamitin ang inyong kalayaang pumili. Makinig sa tinig ng Espiritu, at hindi kayo maliligaw ng landas.
“… Bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kung pakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 18).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ilang sitwasyon na maaaring matukso ang mga kabataan na kumilos nang salungat sa kanilang mga patotoo?
-
Ano ang ginagawa ninyo para makaasa sa Espiritu Santo? Paano ito nakatutulong sa inyo?
-
Kailan kayo tinulungan ng Espiritu Santo na mapaglabanan ang tukso?
Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pag-alaala sa halimbawa ni Amulek sa susunod na matukso sila na bale-walain ang kanilang mga paniniwala. Magpatotoo na kapag namuhay sila nang karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo, mas magkakaroon sila ng higit na tiwala na manindigan sa katotohanan at paglabanan ang tukso.
Alma 11:26–40
Nagpatotoo si Amulek tungkol sa Anak ng Diyos at nahadlangan ang pagtatangka ni Zisrom na pasinungalingan ang kanyang salita
Itanong sa mga estudyante kung mayroon bang tao na nagtangkang kuwestiyunin o salungatin ang kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng pakikipagtalo o panlilinlang. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Ipaliwanag na matapos mabigo si Zisrom na himukin si Amulek na itatwa na mayroong Diyos, binago niya ang kanyang mga taktika at sinimulang kutyain ang pananampalataya ni Amulek kay Jesucristo.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 11:26–35. Sabihin sa klase na alamin kung paano tinangkang baluktutin ni Zisrom ang mga salita ni Amulek. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 11:36–37. Sabihin sa klase na tingnan kung paano iwinasto ni Amulek ang mga kasinungalingang itinuro ni Zisrom. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang footnote 34a. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang footnote 34a sa kanilang banal na kasulatan.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 5:10–11.
-
Bakit imposibleng maligtas tayo sa ating mga kasalanan? Ano ang kaibhan ng maligtas sa ating mga kasalanan at maligtas mula sa ating mga kasalanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 11:40. Ipaliwanag na ang talatang ito ay naglalaman ng isang alituntunin na dapat nating sundin upang maligtas mula sa ating mga kasalanan. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag naniniwala tayo kay Jesucristo, matutubos tayo mula sa ating mga kasalanan.
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maniwala kay Jesucristo?
-
Bakit kailangan nating maniwala kay Jesucristo para maligtas mula sa ating mga kasalanan?
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nauuwi ang pananampalataya kay Jesucristo sa pagtubos sa pamamagitan ng pagsisisi, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Kailangan natin ang malakas na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi. Dapat kasama sa ating pananampalataya ang ‘wastong ideya tungkol sa katauhan, pagiging perpekto, at mga katangian [ng Diyos]’ (Lectures on Faith [1985], 38). Kung naniniwala tayo na alam ng Diyos ang lahat ng bagay, na Siya ay mapagmahal, at maawain, magtitiwala tayo sa Kanya para sa ating kaligtasan nang hindi nag-aalinlangan. Mababago ng pananampalataya kay Cristo ang ating mga iniisip, paniniwala, at pag-uugali na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100).
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magsalitan sa pagpapaliwanag kung ano ang isasagot nila kapag may isang tao na mas bata sa kanila ang nagtanong ng tulad ng sumusunod. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)
-
Bakit kailangan kong maniwala kay Jesucristo para makapagsisi at maligtas mula sa aking mga kasalanan?
-
Paano nakatulong sa inyo ang pananampalataya kay Jesucristo para magsisi kayo?
Magpatotoo na kapag may pananampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay makapagsisisi, maliligtas mula sa ating mga kasalanan, at tatanggap ng buhay na walang hanggan.
Alma 11:41–46
Itinuro ni Amulek ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghatol sa buong sangkatauhan
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung bakit mahalagang malaman na sa huli ay mabubuhay tayo muli at hahatulan, itanong:
-
Paano maiiba ang pamumuhay ng isang tao kung naniniwala siya na walang kabilang buhay matapos ang kamatayan?
Isulat sa pisara ang mga salitang Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Alma 11:41–45 at hanapin ang lahat ng impormasyon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghatol. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ilista sa pisara ang kanilang mga sagot. Tiyakin na isa sa mga pahayag sa pisara ay naglalahad ng katotohanan na lahat ng tao na nabuhay sa mundo ay mabubuhay na muli kalaunan. Ituro ang simpleng kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli sa Alma 11:45: “Sila ay hindi na mamatay muli; ang kanilang mga espiritu ay sasamang muli sa kanilang mga katawan, at hindi na maghihiwalay pa kailanman.” (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pahayag na ito.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong imungkahi na isulat nila ang sumusunod na katotohanan sa itaas ng pahina ng kanilang banal na kasulatan: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ay mabubuhay na mag-uli at hahatulan ayon sa kanilang mga gawa.
-
Alin sa mga katotohanang nakasulat sa pisara ang naghihikayat sa inyo na maghanda sa pagharap sa Diyos?
-
Bakit nagdudulot ng kapayapaan at pag-asa sa mabubuti ang mga katotohanan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 11:46 at alamin ang epekto ng mga itinuro ni Amulek kay Zisrom.
-
Sa palagay ninyo, bakit ganito ang maaaring maging reaksyon ng isang tao sa turo ni Amulek?
-
Alin sa mga itinuro sa Alma 11:41–45 ang sa palagay ninyo ay nakaligalig kay Zisrom? Bakit?
Magpatotoo na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na muli at tatayo sa harapan ng Diyos “upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (Alma 11:44). Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang natutuhan nila ngayon at paano ito naaakma sa kanila. Pagkatapos ay ipasulat sa kanila ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa notebook o sa scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)
-
Ano ang nadarama mo kapag naiisip mo na mabubuhay kang muli at hahatulan?
-
Ano ang kailangan mong gawin para makapaghanda sa pagharap sa Diyos?
-
Paano nakakaapekto ang paniniwala mo na mabubuhay kang muli at hahatulan sa mga desisyon mo bawat araw?