Home-Study Lesson
Helaman 1–9 (Unit 22)
Pambungad
Sa gitna ng tumitinding alitan at kasamaan, itinuro ni Nephi sa kanyang mga anak na ang saligan ng kanilang pananampalataya ay dapat na si Jesucristo. Ang itinuro ni Nephi tungkol sa pagsisisi at pakikinig sa mga salita ng mga propeta ng Panginoon ay mahalaga sa ikaliligaya ng mga tao.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 1–5
Ang mga Nephita ay nakaranas ng pagkatalo dahil sa alitan at kasamaan; marami sa mga Lamanita ang nagbalik-loob nang ipangaral nina Nephi at Lehi ang ebanghelyo
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit may mga gusali na nananatiling nakatayo sa mahabang panahon samantalang ang iba ay nagiba na. Pagkatapos ay itanong: Bakit mahalagang matibay ang pundasyon ng gusali?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 5:12. Dahil ito ay isang scripture mastery verse, anyayahan ang ilang estudyante na subukang bigkasin ito nang walang kopya. Hikayatin silang subukang bigkasin ito kahit hindi pa nila ito gaanong saulado. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ipinangako sa talatang ito kung isasalig natin ang ating buhay kay Jesucristo? (Dapat maipahayag sa mga sagot ng mga estudyante na kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin.)
-
Ano ang ginawa ninyo para maisalig ang inyong buhay kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante ikuwento ang mga pagkakataon na natulungan sila ng kanilang mga patotoo sa Tagapagligtas na mapaglabanan ang mga tukso o matiis ang mga pagsubok. Magpatotoo tungkol sa espirituwal na lakas na natanggap mo dahil isinalig mo ang iyong buhay kay Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng isa o mahigit pang paraan para mas mapagsikapan nilang maisalig ang buhay nila kay Cristo.
Helaman 6–7
Ang mga Lamanita ay lalong naging mabuti samantalang ang mga Nephita ay lalong naging masama; nangaral si Nephi sa masasamang Nephita at iniutos sa kanila na magsisi
Ipaalala sa mga estudyante na marami sa mga Lamanita ang nagsisi at naging matatag sa ebanghelyo, ngunit ang mga Nephita ay namuhay sa kasamaan at ang Banal na Espiritu ay lumayo sa kanila. Sabihin sa mga esudyante na isipin ang pagkakataon sa kanilang buhay na nadama nilang lumayo sa kanila ang Espiritu dahil sa kanilang mga piniling gawin.
Ipaliwanag na nang makita ni Nephi ang kalagayan ng kanyang mga tao, “napuspos ng kalungkutan ang kanyang puso” (Helaman 7:6). Umakyat siya sa tore sa kanyang halamanan upang manalangin at magdalamhati sa kasamaan ng mga tao. Nagtipon ang maraming tao sa paligid niya, at ginamit ni Nephi ang pagkakataong ito para turuan sila.
Anyayahan ang isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase para katawanin si Nephi na nasa kanyang tore. Ipabasa nang malakas sa estudyante ang Helaman 7:15–22, 26–28 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Bago siya magbasa, hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa isang grupo na alamin kung ano ang itinuro ni Nephi na mga kasalanan ng mga Nephita, at sabihin sa isa pang grupo na alamin ang mga sinabi ni Nephi na mangyayari sa mga Nephita kung hindi sila magsisisi. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Matapos sumagot ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ilahad ang mga alituntunin na natutuhan nila sa talang ito. Maaaring iba-iba ang mga alituntuning ibahagi ng mga estudyante, ngunit dapat maipahayag nila na kung hindi tayo magsisisi sa ating mga kasalanan, mawawala sa atin ang pangangalaga ng Panginoon at ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na ipaliwanag ang maaaring kahinatnan ng mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon: (1) Isang binatilyo ang ayaw pagsisihan ang pagkalulong sa pornograpiya, (2) Ang pinakaunang prayoridad ng isang dalaga ay maging sikat at popular, kahit hindi ito ang itinuturo ng kanyang mga magulang; (3) Kahit narinig ng isang binatilyo ang mga turo ng mga propeta na magsaliksik ng mga banal na kasulatan at magdasal, hindi ito niya sinunod ang mga ito.
Hikayatin ang mga estudyante na isiping mabuti kung may mga bagay ba sila na dapat pagsisihan upang mas maramdaman nila ang lakas ng Panginoon sa kanilang buhay.
Helaman 8
Itinuro ni Nephi na lahat ng propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo
Isulat sa pisara ang mga salitang tanggapin at itatwa. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang pagkakaiba ng dalawang salitang ito. Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Helaman 8:13 habang inaalam ng klase ang sinabi ni Nephi na itinatwa ng mga tao. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang mga nalaman nila.
Ipakita sa mga estudyante ang larawang Si Moises at ang Ahas na Tanso (62202; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 16). Ipabasa sa kanila ang Helaman 8:14–15 at tukuyin ang itinuro ni Moises tungkol sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ilang paraan na makatitingin ang isang tao sa Tagapagligtas nang may pananampalataya?
-
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “nagsisising espiritu”? (Ang maging mapagkumbaba at masunurin sa kagustuhan ng Panginoon.) Bakit mahalaga ang ganitong pag-uugali kapag tumitingin at umaasa tayo sa Tagapagligtas?
-
Paano nakatutulong ang pagkaalam natin sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para malabanan ang kasamaan at magsisi kapag nagkakasala tayo?
Sabihin sa mga estudyante na maglahad ng isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga talatang ito. Maaaring iba-iba ang mga gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw nilang maipapahayag na kung magtutuon tayo kay Jesucristo at mananampalataya sa Kanya, magtatamo tayo ng buhay na walang hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 8:16, at sabihin sa klase na alamin kung sino pa ang nagturo tungkol sa misyon ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mabilis na hanapin sa Helaman 8:17–22 ang mga pangalan ng iba pang mga propeta na nagpatotoo kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano pinatotohanan ng mga propeta noon at ngayon ang misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kahulugan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong patotoo.
Susunod na Unit (Helaman 10–16)
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nangako sa kanila ang Panginoon na gagawin Niya ang lahat ng hilingin nila sa Kanya. Dahil sa lubos na katapatan ni Nephi, ipinangako ito sa kanya ng Panginoon at pinagkalooban siya ng kapangyarihang magbuklod. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang Helaman 10–11 ngayong linggong ito, na inaalam kung paano ginamit ni Nephi ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon upang matulungan niya ang kanyang mga tao. Sabihin din sa kanila na alamin kung ilang palatandaan ng pagsilang at pagkamatay ni Jesucristo ang matutukoy nila sa kanilang pag-aaral ng propesiya ni Samuel ang Lamanita sa Helaman 13–16.