Library
Lesson 35: 2 Nephi 25


Lesson 35

2 Nephi 25

Pambungad

Upang patuloy na mabigyang-diin ang kahalagahan ng mga propesiya ni Isaias, ipinaliwanag ni Nephi na ang sinumang may diwa ng propesiya ay mauunawaan at mapahahalagahan ang mga salita ni Isaias. Inihayag niya ang layunin ng kanyang mga isinulat: “upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” (2 Nephi 25:23). Inanyayahan niya ang lahat na maniwala kay Jesucristo at “sambahin siya nang buo [nilang] kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo [nilang mga] kaluluwa” (2 Nephi 25:29).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 25:1–8

Itinuro ni Nephi na mauunawaan natin ang mga salita ni Isaias kapag mayroon tayong diwa ng propesiya

Magpakita ng kandado na hindi mabubuksan nang walang susi (o magdrowing sa pisara ng kandado at susi). Ipaliwanag na kapag gusto ng mga tao na huwag mawala ang kanilang mahahalagang pag-aari, kadalasang ikinakandado nila ang mga ito. Maaari nilang itago ang nag-iisang susi sa kandado, o maaaring bigyan nila ng duplicate ng susi ang isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya.

kandado at susi

Ipaliwanag na alam ni Nephi na ang mga propesiya ni Isaias ay “labis na mahalaga” (2 Nephi 25:8). Gayunman, hindi niya inilihim ang mga ito. Itinuro pa niya ang tungkol sa isang susi para sa sinumang gustong malaman ang kahulugan ng mga salita ni Isaias. Ipabasa sa isang estudyante ang unang pangungusap sa 2 Nephi 25:4. Sabihin sa klase na alamin ang susi na magpapaunawa sa mga salita ni Isaias.

  • Anong susi ang nakita ninyo? (“Ang diwa ng propesiya.”)

Para maipaunawa sa mga estudyante ang ibig sabihin ng magkaroon ng “diwa ng propesiya,” basahin ang sumusunod na pahayag mula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan:

“Ang isang propesiya ay naglalaman ng banal na mga salita o kasulatan, na tinatanggap ng isang tao sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo. Ang patotoo ni Jesus ay diwa ng propesiya (Apoc. 19:10). Ang propesiya ay maaaring nauukol sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap. Kapag ang isang tao ay nagpopropesiya, siya ay nangungusap o sumusulat ng mga yaong nais ng Diyos na malaman niya, para sa kanyang sariling kabutihan o sa kabutihan ng iba. Bawat tao ay maaaring makatanggap ng propesiya o paghahayag para sa kanilang sariling buhay” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpopropesiya,” scriptures.lds.org).

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na madaragdagan ang pang-unawa nila sa mga salita ni Isaias kapag kanilang (1) hiningi ang patnubay ng Espiritu Santo at (2) may patotoo tungkol kay Jesucristo at may hangaring matuto sa Kanya. Kapag inuunawa nila ang mga salita ni Isaias sa ganitong paraan, na laging inaalam kung paano nagpapatotoo sa Tagapagligtas ang kanyang mga propesiya, malalaman nila ang gustong ipaalam ng Diyos sa kanila, para sa sarili nilang kabutihan o para sa kabutihan ng iba.

Ipaliwanag na nagbahagi si Nephi ng iba pang mga ideya na lalong magpapaunawa sa atin sa mga salita ni Isaias. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 25:1, at alamin ang dahilan kung bakit marami sa mga tao ni Nephi ang nahihirapang unawain ang mga propesiya ni Isaias.

  • Ano ang nalaman ninyo? (Hindi nila alam ang “hinggil sa paraan ng pagpopropesiya sa mga Judio.”)

  • Batay sa nabasa ninyo sa mga salita ni Isaias, ano ang ilan sa mga katangian ng mga propesiya ng mga sinaunang Judio? (Maaaring kabilang sa sagot ay gumamit si Isaias at ang ibang mga propeta ng simbolismo at matalinghagang pananalita.)

  • Kapag binasa ninyo ang mga salita ni Isaias, bakit makatutulong na alam ninyo ang paraang ito ng pagpopropesiya?

Ipaliwanag na ang isa pang nakatutulong na ideya ay matatagpuan sa 2 Nephi 25:5–6. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na alamin ang mga naging karanasan ni Nephi na nakatulong sa pag-unawa niya ng mga salita ni Isaias.

  • Sa palagay ninyo, bakit nakatulong kay Nephi ang pagtira niya noon sa Jerusalem? Batay sa nabasa ninyo sa mga salita ni Isaias, bakit sa palagay ninyo ay kalamangan para kay Nephi na “namasdan [niya] ang mga bagay ng mga Judio” at “[nalaman] ang hinggil sa mga lugar sa paligid” ng Jerusalem?

  • Ano ang magagawa natin para may malaman sa mga bagay na ito? (Maaari nating pag-aralan ang kultura, kasaysayan, at heograpiya ng sinaunang Israel.)

Basahin ang 2 Nephi 25:7–8 sa mga estudyante. Habang nagbabasa ka, ipaliwanag na magiging mahalaga sa atin ang mga propesiya ni Isaias kapag nakikita nating natutupad ang mga ito. Para ilarawan ang katotohanang ito, itanong:

  • Sa nakaraang ilang araw, anong mga propesiya na napag-aralan natin ang natupad na? (Maaaring maalala ng mga estudyante ang mga propesiya tungkol sa Salt Lake Temple [tingnan sa 2 Nephi 12:2–3], ang pagsilang ni Jesucristo [tingnan sa 2 Nephi 19:6], at ang tungkol kay Joseph Smith [tingnan sa 2 Nephi 21:1, 10].) Sa anong mga paraan naging mas makabuluhan sa inyo ang mga propesiyang ito kapag nakikita ninyong natutupad ang mga ito?

Sa pagtapos ng bahaging ito ng lesson, sabihin sa mga estudyante na naniniwala ka na mas mauunawaan nila ang mga salita ni Isaias kapag hinangad nila ang diwa ng propesiya. Ipaliwanag na mapag-iibayo nila ang kanilang pang-unawa sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga paraan ng pagpopropesiya ng mga Judio at ng kultura, kasaysayan, at heograpiya ng sinaunang Israel.

2 Nephi 25:9–19

Ipinropesiya ni Nephi ang pagkalat at pagtitipon ng mga Judio

Ibuod ang 2 Nephi 25:9–19 na inilalahad ang propesiya ni Nephi tungkol sa mga Judio at sa kanilang sinilangang bayan sa Jerusalem at sa mga karatig-pook. Sinabi niya na ang mga Judio na nadalang bihag sa Babilonia matapos ang pagkawasak ng Jerusalem ay magbabalik sa “lupaing kanilang mana” (tingnan sa 2 Nephi 25:9–11). Si Jesucristo, ang Mesiyas, ay maninirahang kasama nila, ngunit marami ang hindi tatanggap sa Kanya at ipapako Siya sa krus (tingnan sa 2 Nephi 25:12–13). Matapos ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, wawasaking muli ang Jerusalem, at ang mga Judio ay ikakalat at pahihirapan ng iba pang mga bansa (tingnan sa 2 Nephi 25:14–15). Sa bandang huli ay maniniwala sila kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at ipanunumbalik sila ng Panginoon “mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan” (tingnan sa 2 Nephi 25:16–19).

2 Nephi 25:20–30

Nagpatotoo si Nephi tungkol kay Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang isang taong nagsasabi na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi naniniwala kay Jesucristo. Maaari mong hilingan ang isa o dalawang estudyante na maikling magkuwento ng mga pagkakataong tinanong sila ng ibang tao tungkol sa mga paniniwala nila kay Jesucristo. Habang binabasa at tinatalakay ng mga estudyante ang 2 Nephi 25:20–30, ipahanap sa kanila ang mga scripture passage na maibabahagi nila sa gayong mga sitwasyon.

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang “ tamang landas” sa 2 Nephi 25:28–29. Kapag nalaman na nila na “ang tamang landas ay maniwala kay Cristo, at hindi siya itatwa,” isulat sa pisara Bakit tamang landas ang maniwala kay Jesucristo. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na hanapin sa 2 Nephi 25:20, 23–26, ang mga dahilan kung bakit tamang landas ang maniwala kay Jesucristo. Sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng titulong isinulat mo. Maaaring kasama sa mga sagot ang mga sumusunod:

Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan lamang ni Jesucristo.

Dahil kay Jesucristo, maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya sa kabila ng lahat ng ating magagawa.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 25:23 at 2 Nephi 10:24. Ipaliwanag na binanggit sa mga talatang ito ang salitang makipagkasundo na ang ibig sabihin ay pagkasunduin ang mga tao o mga bagay-bagay.

  • Sa dalawang talatang ito, hinikayat tayo ng mga propeta na makipagkasundo sa Diyos. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito?

Ipaliwanag na makikita rin sa mga talatang ito ang salitang biyaya. Ang biyaya ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang salitang biyaya, tulad ng gamit nito sa mga banal na kasulatan, ay tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na naibibigay sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo.

  • Ano ang itinuturo ng 2 Nephi 10:24 at 25:23 tungkol sa pagkakaugnay ng biyaya at ng ating mga pagsisikap?

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagsulat ng mga sagot sa sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal o class notebook. Maaari mong isulat sa pisara ang tanong.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maligtas sa pamamagitan ng biyaya?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ipinahayag ni Nephi sa 2 Nephi 25:24–25 na ang batas ay nawalang-saysay sa kanyang mga tao, ipaliwanag na ang tinutukoy niya ay ang mga batas ni Moises. Ang batas na iyan, na kinapapalooban ng mga sistema ng seremonya, ritwal, simbolo, at mga kautusan, pati na mga pag-aalay ng mga hayop, ay ipinapatupad pa rin noong panahon ni Nephi. Alam ni Nephi at ng iba pa na matutupad ang batas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Matapos ang Pagbabayad-sala, ang mga disipulo ng Tagapagligtas ay hindi na kailangang sundin ang batas ni Moises. Ngunit ang matatapat na Nephita ay patuloy pa ring sinunod ang batas ni Moises, kahit alam na nila na mapapalitan ang kasalukuyang batas balang-araw.

Nang sabihin ni Nephi na nawalan na ng saysay sa kanya at sa iba ang batas, ang ibig niyang sabihin ay hindi sila maililigtas ng batas. Sinunod nila ang batas dahil gusto nilang maging masunurin at dahil alam nila na inaakay sila ng batas kay Jesucristo, na magbibigay sa kanila ng kaligtasan.

  • Ano ang matututuhan natin sa 2 Nephi 25:23–26 tungkol sa mga dahilan kung bakit natin dapat sundin ang mga kautusan?

  • Ano ang gagawin ninyo para “[mangusap] tungkol kay Cristo” at “[magalak] kay Cristo”? (2 Nephi 25:26). Ano ang gagawin ninyo para tulungan ang iba na maniwala kay Cristo?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga scripture passage na nakita nila na makatutulong sa kanila na sagutin ang mga pahayag na hindi naniniwala kay Jesucristo ang mga Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa kanila na ibahagi kung bakit gusto nila ang mga scripture passage na iyon.

Magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Maaari mo ring bigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na magpatotoo tungkol sa mga katotohanang ito.

scripture mastery iconScripture Mastery—2 Nephi 25:23, 26

Paalala: Maaari mong gamitin ang sumusunod na ideya sa pagtuturo sa huling bahagi ng lesson na ito. Kung wala kang oras para gamitin ang ideyang ito sa lesson na ito, maaari mo itong gamitin sa ibang lesson para magbalik-aral.

Para matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang 2 Nephi 25:26, isa sa mga talata sa scripture mastery passage na ito, isulat sa pisara ang sumusunod:

Nangungusap

Nagagalak

Nangangaral

Nagpopropesiya

Sumusulat

Upang malaman ng ating mga anak …

Kung kanino sila aasa …

Para sa kapatawaran …

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga word cues sa pisara para mabigkas ang 2 Nephi 25:26. Matapos ulitin ang talata nang ilang beses, itanong kung sino sa klase ang gustong sumubok na bigkasin ang talata nang walang kopya. Pagkatapos ay anyayahan ang iba pang mga estudyante na bigkasin ang talatang ito nang sabay-sabay nang hindi tumitingin sa pisara. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapaliwanag na mahalagang makinig na mabuti kapag hinihikayat tayo ng ating mga magulang, lider, at titser na umasa sa Tagapagligtas.

Bigyan ng tig-iisang papel ang bawat estudyante. Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa kanilang mga magiging anak, na hihinikayat silang isentro ang kanilang buhay kay Jesucristo. Maaaring ilagay ng mga estudyante ang kanilang mga liham sa kanilang banal na kasulatan upang maingatan para sa hinaharap.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 25:23. Ang doktrina ng biyaya

“Ang pangunahing ideya ng salita [biyaya] ay dakilang tulong o lakas na ibinigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo.

“Sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na nagawa dahil sa kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mabubuhay nang walang hanggan ang sangkatauhan, matatanggap ng bawat tao ang kanyang katawan mula sa libingan na mayroong buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan din ng biyaya ng Panginoon na ang bawat tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang kapangyarihang tumutulong sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng makakaya nila.

“Ang banal na biyaya ay kailangan ng bawat kaluluwa dahil sa pagkahulog ni Adan at dahil din sa mga kahinaan at pagkukulang ng tao. Gayunpaman, hindi sapat ang biyaya kung walang lubos na pagsisikap mula sa tumatanggap ng biyaya. Samakatwid, ‘Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa’ (2 Ne. 25:23). Tunay ngang ang biyaya ni Jesucristo ang nagdudulot ng kaligtasan” (Bible Dictionary, “Grace”).

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Pinatototohanan ko sa inyo na ang kaligtasan, kapayapaan, kagalakan, at kapanatagang hangad natin ay matatagpuan lamang sa pagtanggap at taimtim na paniniwala sa buhay at misyon ni Jesucristo, ang Anak ng Makapangyarihang Diyos. Kapag tinanggap natin ang Kanyang mga turo, tinatalikuran natin ang lahat ng ating mga kasalanan, nagsisisi tayo, at ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya na lumapit sa Kanya sa tunay na diwa ng pagiging disipulo, lubos na nalalaman na sa pamamagitan ng Kanyang biyaya tayo maliligtas, maging matapos ang lahat ng ating magagawa. At kapag ibinibigay natin ang ating sarili kay Jesucristo, nang lubos at ganap, magkakaroon tayo ng kaligtasan, kapayapaan, kagalakan, at kapanatagan sa Kanya” (sa “Latter-day Counsel,” Ensign, Hunyo 2001, 74).

2 Nephi 25:26. “Nagagalak tayo kay Cristo”

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang kaalaman na natatamo natin sa pamamagitan ng Panunumbalik ay nagtutulot sa atin na totoong magalak sa ating Tagapagligtas:

“May mga kritikong bumabatikos sa Simbahan, marami sila. Sinasabi nila na hindi tayo naniniwala sa tradisyonal na Cristo ng mga Kristiyano. May kaunting totoo sa kanilang sinasabi. Ang pananampalataya at kaalaman nati’y hindi nababatay sa mga makalumang tradisyon, mga paniniwala na nagmula sa makitid na isipan at sa halos walang katapusang mga talakayan ng tao na nagtatangkang ipaliwanag ang kahulugan ng nagbangon na Cristo. Ang ating pananampalataya at kaalaman ay nagmumula sa pagsaksi ng propeta sa dispensasyong ito na nakakita sa dakilang Diyos ng sansinukob at sa Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo na nabuhay na mag-uli. Nakipag-usap Sila sa kanya. Nakipag-usap siya sa Kanila. Siya’y nagpatotoo nang hayagan, tahasan, at may katiyakan hinggil sa dakilang pangitaing iyon. Pangitain ito hinggil sa Makapangyarihang Diyos at sa Manunubos ng daigdig, na lubhang maluwalhati para maunawaan natin, ngunit tiyak at walang alinlangan sa kaalamang hatid nito. Mula sa kaalamang iyon, na matibay na naitatag bunga ng makabagong paghahayag, na tayo, ayon sa mga salita ni Nephi, ay “nangungusap tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman [natin at] ng ating mga anak kung kanino [tayo] aasa para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan” (2 Ne. 25:26)” (“We Look to Christ,” Ensign, Mayo 2002, 90–91).