Home-Study Lesson
Helaman 10–16 (Unit 23)
Pambungad
Binigyang-diin sa Helaman 10–16 ang tungkulin ng mga propeta na ipangaral ang pagsisisi. Sa buong linggong ito, ang mga estudyante ay nagkaroon ng pagkakataong pag-aralan ang katapatan ng mga propetang sina Nephi at Samuel ang Lamanita. Kapwa natanggap ng dalawang lalaking ito ang mga espirituwal na pagpapamalas at may awtoridad na maglingkod sa mga Nephitang nalihis ng landas. Sa kabila ng katigasan ng mga puso ng mga tao, kapwa ipinangaral nilang dalawang ang pagsisisi. Itinuro nila na matatagpuan ang kaligayahan sa pamumuhay ng mga alituntuning inilahad ni Jesucristo at hindi sa paggawa ng kasamaan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Helaman 10–16
Sina Helaman at Samuel ay naglingkod nang tapat sa mga tao
Itanong sa mga estudyante kung naranasan na ba nila na mapintasan ng mga kaibigan nila dahil sinusunod nila ang mga pamantayang itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at sabihin kung ano ang nadama at natutuhan nila.
Sabihin sa mga estudyante na ang Helaman 10–16 ay nagbibigay ng mga halimbawa ng dalawang lalaki na pinanindigan ang mga pamatayan ng Panginoon kahit hindi ito tanggap ng mga tao. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang matututuhan nila mula sa mga halimbawa ni Nephi at ni Samuel ang Lamanita na makatutulong sa kanila sa ganoon ding mga sitwasyon.
Idrowing ang sumusunod na chart sa pisara o sa isang papel:
Mga pagkakatulad ni Nephi at ni Samuel ang Lamanita | ||
---|---|---|
Nephi (Helaman 10:1–5, 12, 15–16) |
Samuel (Helaman 13:1–6; 16:1–2) |
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang nakalista sa chart, na hinahanap ang mga pagkakatulad nina Nephi at Samuel. Sabihin sa ilang estudyante na ilista ang mga pagkakatulad na ito sa chart. Maaaring isama sa listahan ang mga sumusunod: hindi tinanggap ng mga tao; narinig ang tinig ng Panginoon; kaagad na sinunod ang mga tagubilin ng Panginoon; sinabi ang mensaheng inilagay ng Panginoon sa kanilang mga puso; binalaan ang mga Nephita na kung hindi sila magsisisi, sila ay lilipulin; pinangalagaan ng kapangyarihan ng Diyos upang maipabatid ang Kanyang mensahe.
Matapos ilista ng mga estudyante ang mga pagkakatulad na nahanap nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 10:4. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ilang posibleng dahilan ng kawalang kapaguran ni Nephi?
-
Paano rin ipinakita ni Samuel na siya ay walang kapaguran? Ano ang gagawin natin upang tayo rin ay magkaroon din ng gayong kawalan ng kapaguran?
Sabihin sa isang estudyante na basahin sa klase ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan itinuro niya kung paano tayo magkakaroon ng ganitong katangian:
“Kung nakatuon tayo kay Jesus at sa Kanyang gawain, parehong madaragdagan ang ating kagalakan at ang kakayahan nating magtiis. … Hindi inalintana ni Nephi ang kanyang ‘sariling buhay,’ at sa halip ay ginawa ang kagustuhan ng Diyos. Ito ay nagbigay sa kanya ng karagdagan at lubos na lakas para magsumigasig nang walang kapaguran. Alam ni Nephi kung saang direksyon siya tutungo: nakaharap sa Diyos” (If Thou Endure It Well [1996], 116).
Itanong:
-
Ayon kay Elder Maxwell, ano ang magagawa ninyo para makapaglingkod nang walang kapaguran?
-
Anong mga parirala sa Helaman 10:4 ang nagpapakita na si Nephi ay “nakaharap sa Diyos,” o sa ibang salita, nakatuon sa paggawa ng kagustuhan ng Diyos?
-
Anong mga parirala sa Helaman 13:3–5 ang nagpapakita na inuna ni Samuel ang kagustuhan ng Diyos kaysa sa kanyang sariling kagustuhan?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga karanasan nina Nephi at Samuel? (Ang isang posibleng sagot ay maaaring magpakita ng katotohanang natutuhan ng mga estudyante sa kanilang personal na pag-aaral sa linggong ito: Ipinagkakatiwala sa atin ng Panginoon ang mga pagpapala at responsibilidad kapag inuuna natin ang Kanyang kalooban kaysa sa kagustuhan natin.)
Basahin ang sumusunod na kuwento, na isinalaysay ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa 12-taong-gulang na batang babae na inuna ang kagustuhan ng Diyos kaysa sa kanyang sariling kagustuhan:
“Hindi tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Panginoon nang hindi lubos na nananalig sa kagustuhan ng Panginoon at sa itinakdang panahon ng Panginoon. Kapag taglay natin ang ganyang pananampalataya at tiwala sa Panginoon, may tunay na kapanatagan sa ating buhay. …
“Nabasa ko ang kuwento tungkol sa isang kabataang babae na nanampalataya at nagtiwala nang gayon. Ilang buwan nang malubha ang karamdaman ng kanyang ina. Sa huli, tinipon ng matapat na ama ang kanyang mga anak sa tabi ng kama ng kanilang ina at sinabi sa kanila na magpaalam sa kanilang ina dahil malapit na itong pumanaw. Tumutol ang labindalawang-taong gulang na anak na babae:
“‘Papa, ayokong mamatay si mamma. Kasama ko siya sa ospital … nang anim na buwan: maraming beses … mo siyang binasbasan, at gumagaan ang pakiramdam niya at payapang nakakatulog. Gusto ko pong ipatong ninyo ang inyong mga kamay sa ulunan ni mamma at pagalingin siya.’
“Sinabi ng ama, si Elder Heber J. Grant, sa kanyang mga anak na nararamdaman na niya na dumating na ang oras ng kanilang ina. Umalis ang mga anak, at lumuhod siya sa tabi ng kama ng kanyang asawa. Kalaunan binanggit niya ang kanyang idinalangin: ‘Sinabi ko sa Panginoon na tinatanggap ko ang kanyang kapangyarihan sa lupa [at] sa kamatayan. … Ngunit sinabi ko sa Panginoon na kulang ako ng lakas para matanggap na mamamatay na ang aking asawa at ang magiging epekto nito sa pananampalataya ng aking maliliit na anak.’ Nagsumamo siya sa Panginoon na ibigay sa kanyang anak na babae ‘ang kaalaman na ang kanyang isipan at kalooban ang nagpasya na kailangang pumanaw na ang kanyang mamma.’
“Pagkaraan ng isang oras ay namatay na ang ina. Nang pabalikin ni Elder Grant ang mga bata sa silid at sinabi ang nangyari, ang kanyang anim-na-taong gulang na anak [na ang pangalan ay Heber] ay biglang humagulgol. Niyakap siya ng kanyang labindalawang-taong gulang na kapatid at sinabi: ‘Tahan na, Heber; mula nang lumabas tayo sa silid, sinabi sa akin ng tinig ng Panginoon mula sa langit na, Sa kamatayan ng iyong mamma ang kalooban ng Panginoon ay mangyayari’ (Bryant S. Hinckley, Heber J. Grant: Highlights in the Life of a Great Leader, Salt Lake City: Deseret Book Co., 1951, p. 243–44).
“Kapag taglay natin ang uri ng pananampalataya at tiwala na ipinakita ng batang babaeng iyon, taglay natin ang lakas na tutulong sa atin sa bawat mahalagang pangyayari sa ating buhay” (“Faith in the Lord Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1994, 100).
Itanong:
-
Ano ang nakatulong kay Pangulong Heber J. Grant at kanyang pamilya na unahin ang kagustuhan ng Panginoon kaysa sa kanilang sariling kagustuhan?
-
Nakaranas na ba kayo ng pagkakataon na kinailangan ninyong magtiwala sa Diyos at unahin ang Kanyang kagustuhan kaysa sa inyong sariling kagustuhan? (Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa klase. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)
Tiyakin sa mga estudyante na kapag nagtiwala tayo sa Diyos at inuna ang Kanyang kagustuhan kaysa sa ating sariling kagustuhan, palalakasin Niya tayo sa panahong nahihirapan tayo.
Ipaliwanag na ang mahalagang bahagi ng ministeryo ni Nephi ay tulungan ang mga tao na maalaala ang Diyos at magsisi ng kanilang mga kasalanan. Gayunpaman, patuloy nilang pinatigas ang kanilang mga puso at ayaw na itinatama sila.
Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa sa isang grupo ang Helaman 10:15–18; 11:3–10 at ipabasa naman sa isa pang grupo ang Helaman 11:30–37; 12:1–3. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.) Sabihin sa bawat grupo na maghandang talakayin ang mga dahilan kung bakit pinaparusahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao. Maaaring magbanggit ang mga estudyante ng ilang magkakaibang dahilan, ngunit tiyakin na naipahayag nila na pinarurusahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang pukawin sila sa pag-alaala sa Kanya.
-
Anong uri ng pagpaparusa ang ginagamit ng Panginoon para makuha ang pansin ng mga tao?
-
Ayon sa Helaman 12:3, maraming tao ang hindi nakakaalala sa Panginoon maliban kung parurusahan Niya sila. Sa palagay ninyo bakit ganoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 15:3.
-
Bakit itinuturing na pagpapakita ng pagmamahal ang pagpaparusa ng Panginoon?
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa assignment 5 sa day 2 ng linggong ito. Maaari mong banggiting muli na sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagsisisi, maiiwasan natin ang kapalaluan at pagkalipol at kung hindi tayo maingat, baka makalimot tayo sa Panginoon dahil sa ating pag-unlad.
Susunod na Unit (3 Nephi 1–11)
Sa susunod na assignment ng mga estudyante, babasahin nila ang tungkol sa pagtitipon ng buong bayan ng mga Nephita upang makipaglaban sa mga tulisan ni Gadianton sa isang napakalaking digmaan. Paano natalo ng mga Nephita ang masasamang tulisan? Mababasa rin ng mga estudyante ang tungkol sa malaking pagkalipol na naganap sa lupain ng Amerika sa panahon ng kamatayan ni Jesucristo sa Jerusalem. Sa kadiliman, narinig ng mga tao ang tinig ni Jesucristo. Pagkatapos ay dumating ang Tagapagligtas upang personal na magministeryo sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang madarama nila kung naroon sila.