Pambungad sa Ang Aklat ni Enos
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang Aklat ni Enos ay naglalarawan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na malinis ang mga tao mula sa kasalanan at mapagaling sila. Si Enos ay nakipagtunggali sa harapan ng Diyos sa mataimtim na panalangin bago siya napatawad sa kanyang mga kasalanan. Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang espirituwal na kapakanan ng mga Nephita at mga Lamanita, at iniukol ang nalalabi sa kanyang buhay sa pagtulong na matamo nila ang kaligtasan. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng aklat ni Enos, malalaman nila ang mahahagang aral tungkol sa panalangin, pagsisisi, at paghahayag. Malalaman din nila na kapag nakatatanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ang mga tao, nanaisin nilang ibahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Enos, na anak ni Jacob at apo nina Lehi at Saria, ang sumulat ng aklat na ito. Itinala ni Enos na tinuruan siya ng kanyang ama “sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon” (Enos 1:1). Nang malapit nang matapos ang kanyang buhay, isinulat ni Enos na ipinahayag niya ang “katotohanan na na kay Cristo” (Enos 1:26) sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay. Bago siya namatay, ipinasa niya ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang anak na si Jarom (tingnan sa Jarom 1:1). Tinapos ni Enos ang kanyang talaan na sinasabing magsasaya siya sa araw na tatayo siya sa harapan ng kanyang Manunubos. Ipinahayag niya, “Sa gayon, makikita ko ang kanyang mukha nang may katuwaan, at sasabihin niya sa akin: Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala, may isang pook na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng aking Ama” (Enos 1:27).
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Nang matanggap ni Enos ang maliliit na lamina mula sa kanyang ama, nangako siya na ang iuukit lamang niya dito ay ang mga bagay na itinuturing niyang pinakamahalaga, na kinabibilangan ng mga sagradong turo, paghahayag, at propesiya (tingnan sa Jacob 1:1–4; 7:27). Alam ni Enos na ang kanyang mga tao, ang mga Nephita, ay malilipol kalaunan. Ipinagdasal niya na pangalagaan ng Panginoon ang talaan ng mga Nephita “nang ito ay madala sa mga darating na araw sa mga Lamanita, na baka sakali, sila ay madala sa kaligtasan” (Enos 1:13).
Kailan at saan ito isinulat?
Tinapos ni Enos ang kanyang talaan na sinasabing 179 na taon na ang lumipas mula nang lisanin ni Lehi ang Jerusalem (tingnan din sa Enos 1:25). Kung gayon malamang na isinulat niya ang kanyang tala sa pagitan ng 544 B.C. (nang tapusin ni Jacob ang kanyang talaan) at 421 B.C. Isinulat ni Enos ang talang ito habang naninirahan sa lupain ng Nephi.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Ang aklat ni Enos ay nagsisimula sa isang huwaran na nagpapakita kung paano matatanggap ng mga tao ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at paano maibabahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba. Una, itinuro kay Enos ang ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Enos 1:1, 3). Kasunod nito, nalaman niya na kailangan niya ng Tagapagligtas at nanalangin na patawarin siya (tingnan sa Enos 1:2–4). Pagkatapos, nang matanggap ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan, nanalangin siya at masigasig na gumawa upang madala ang iba sa kaligtasan (tingnan sa Enos 1:5–27). Ang huwaran na ito ay makikita sa buong Aklat ni Mormon. Kabilang sa mga halimbawa si Alma (tingnan sa Mosias 17:1–2; 18:1–2), ang Nakababatang Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias (tingnan sa Mosias 27–28), at si Lamoni at ang kanyang mga tao (tingnan sa Alma 18–19).
Bukod pa rito, ang aklat ni Enos ang unang nagpaliwanag nang detalyado sa lubusang pagtalikod sa Diyos ng mga inapo nina Laman at Lemuel (tingnan sa Enos 1:20). Nabanggit din dito na “lubhang maraming propeta” sa mga Nephita, kahit karamihan sa mga Nephita ay “matitigas ang leeg” na kailangang patuloy na pukawin “upang manatili sila sa pagkatakot sa Panginoon” (Enos 1:22–23).
Outline
Enos 1:1–8 Si Enos ay nanalangin para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at tumanggap ng kapatawaran dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo.
Enos 1:9–18 Ipinagdasal ni Enos ang mga Nephita at mga Lamanita at hiniling sa Panginoon na pangalagaan ang mga talaan ng mga Nephita.
Enos 1:19–24 Inilarawan ni Enos ang kasamaan ng mga Lamanita at ang katigasan ng leeg ng mga Nephita. Siya at ang iba pang mga propeta ay patuloy na gumawa at nangaral para sa kanilang kaligtasan.
Enos 1:25–27 Tinapos ni Enos ang kanyang talaan at isinulat ang katiyakang natanggap niya na magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang Manunubos.