Lesson 143
Eter 1
Pambungad
Pinaikli ni Moroni ang aklat ni Eter mula sa 24 na laminang ginto na natagpuan ng pangkat na inutusan ni Limhi para hanapin ang lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 8:7–11). Ang mga laminang ito ay naglalaman ng kasaysayan ng mga Jaredita. Ang tala ng mga Jaredita ay nagsimula kay Jared at sa kanyang kapatid na nagsumamo na kahabagan at patnubayan ng Panginoon ang kanilang mga pamilya at kaibigan nang lituhin ng Panginoon ang wika ng mga tao sa Tore ng Babel (tingnan sa Genesis 11). Dahil nanalangin nang taimtim sa Panginoon ang kapatid ni Jared, hindi nilito o iniba ng Panginoon ang wika ni Jared, ng kanyang mga kapatid, at ng kanilang mga pamilya at kaibigan. Ipinahayag ng Panginoon na aakayin Niya sila patungo sa isang lupang pangako, kung saan sila ay magiging isang dakilang bansa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Eter 1:1–32
Itinala ni Moroni ang talaangkanan ni Eter magmula kay Jared sa Tore ng Babel
Para matulungan ang mga estudyante na maalala kung saan nanggaling ang aklat ni Eter, rebyuhin ang buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24 sa apendiks ng manwal na ito. Sabihin sa kanila na tingnan ang paglalakbay 4: pagsisikap na matagpuan ang Zarahemla. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na alamin ang natagpuan ng mga tao ni Limhi sa paglalakbay na ito. Pagkatapos ay ipabuklat sa kanila ang unang pahina ng aklat ni Eter. Ang buod sa ibaba ng pamagat ay nagpapaliwanag na ang aklat ni Eter ay kinuha mula sa 24 na lamina na natagpuan ng mga tao ni Limhi.
Ipaliwanag na nang matapos na ni Moroni ang talaan ng kanyang ama, gumawa siya ng pagpapaikli, o mas maikling bersyon ng tala na nasa 24 na laminang ginto. Ang talaang ito ay naglalaman ng kasaysayan ng mga Jaredita, na nanirahan sa lupalop ng Amerika bago ang mga Nephita at mga Lamanita. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Eter 1:1–5 at alamin ang piniling isama ni Moroni sa pagpapaikli niya ng talaan ng mga Jaredita. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Kung mayroon kang larawan ng Tore ng Babel, maaari mong idispley ito. Sabihin sa mga estudyante na ibuod kung ano ang nalaman nila tungkol sa tore na tinukoy sa Eter 1:5 at kung ano ang nangyari sa mga taong nagtangkang itayo ito. (Tinatawag itong Tore ng Babel. Nilito o iniiba-iba ng Panginoon ang wika ng mga taong nagtangkang itayo ito at ikinalat sila dahil sa kanilang kasamaan; tingnan sa Genesis 11:1–9.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ng kasaysayan ng mga Jaredita at ng kasaysayan ng mga Nephita, maaari mong patingnan sa kanila ang cronolohiya sa bookmark ng Aklat ni Mormon (aytem bilang 32336 893). Ipaliwanag na sinimulan ni Moroni ang kanyang talaan ng kasaysayan ng mga Jaredita sa pagtatala ng talaangkanan ng propetang si Eter, na siyang sumulat ng kasaysayan na nasa 24 na laminang ginto. Itinala ni Moroni ang talaangkanan ni Eter magmula sa isang taong nagngangalang Jared, na nabuhay noong panahon ng Tore ng Babel.
Eter 1:33–43
Dahil sa mga panalangin ng kapatid ni Jared, ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay kinaawaan at pinatnubayan
Itanong sa mga estudyante kung sino sa kanila ang nakapunta na sa isang lugar kung saan hindi nila maintindihan ang wikang sinasalita ng mga tao sa paligid nila. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nadama nila sa sitwasyong iyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isipin kung ano kaya ang nadama ng mga taong nakapaligid sa Tore ng Babel nang matanto nila na ang wika nilang lahat ay nilito o iniba-iba. Sabihin sa kanila na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Kung kayo ay nasa gayong sitwasyon, sino ang pinakagusto ninyong makausap? Bakit?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Eter 1:33–34. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na alamin (1) kung sino ang gusto ni Jared na makausap at (2) kung ano ang iminungkahi niya para malutas ang problema. (Gusto niyang magkausap-usap at magkaintindihan sila ng kanyang pamilya, at sinabi niya sa kanyang kapatid na manalangin ito na hindi lituhin ang kanilang wika.) Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ano ang kahulugan sa inyo ng katagang “magsumamo ka sa Panginoon”?
-
Mula sa Eter 1:33–34, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa nadama ni Jared tungkol sa kanyang kapatid at tungkol sa mga panalangin ng kanyang kapatid?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sa bawat magkapartner, sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 1:35–42. Sabihin sa kanila na alamin ang mga idinalangin ng kapatid ni Jared at ang isinagot ng Panginoon sa mga panalanging iyon. Matapos ang sapat na oras na makapagbasa ang mga estudyante, itanong:
-
Ano ang nakaantig sa inyo sa panalangin ng kapatid ni Jared?
-
Paano sinagot ng Panginoon ang mga panalangin ng kapatid ni Jared?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa paraan ng pagdarasal ng kapatid ni Jared at sa paraan ng pagsagot ng Panginoon sa kanyang mga panalangin? (Kapag nagbahagi ng mga ideya ang mga estudyante, hikayatin sila na isiping mabuti ang pagkahabag at pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag patuloy tayong nagsumamo sa Diyos nang may pananampalataya, kahahabagan Niya tayo.)
Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. (O maaari mong gawin itong handout o basahin sa kanila nang malakas at dahan-dahan para maisulat ng mga estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito sa notebook o scripture study journal. Maaari mo silang bigyan ng pagkakataon na ibahagi ang isinulat nila. Patotohanan na alam mo na mahal tayo ng Ama sa Langit at nais na pagpalain tayo kapag patuloy tayong sumasamo sa Kanya.
Ipaliwanag na ang nakatala sa Eter 1 ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang kaalaman tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa atin at sa mga pagpapala na dumarating sa pamamagitan ng panalangin. Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Eter 1:34, 36, 38 at alamin ang sinabi ni Jared na idalangin ng kanyang kapatid. Sabihin sa isang estudyante na isulat niya sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase. Maaari mong imungkahi sa nagsusulat na isulat ang mga sagot na ito sa ilalim ng mga salitang “magsumamo sa Ama sa Langit” sa alituntuning isinulat mo sa pisara.
Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang pariralang “tayo ay maging tapat sa Panginoon” sa huling pangungusap ng Eter 1:38. Bigyang-diin na ang ginawa ni Jared at ng kanyang kapatid ay nagpapakita ng kanilang pananampalataya at kahandaang sumunod sa Panginoon. Hiniling nila nang may pananampalataya ang mga pagpapalang kailangan nila.
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Eter 1:35, 37, 40–42 at alamin kung paano pinagpala ng Diyos si Jared at ang kanyang kapatid at ang kanilang pamilya at mga kaibigan. Maaari mong sabihin sa tagasulat na estudyante na isulat sa pisara ang mga nalaman ng kanyang mga kaklase sa ilalim ng salitang kahahabagan sa alituntuning isinulat mo. Tiyakin na nakita ng mga estudyante ang kaugnayan ng mga kahilingan ng kapatid ni Jared at ng mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Eter 1:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kahit hindi ito partikular na hiniling ng kapatid ni Jared.
-
Anong mga karagdagang pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga tao? (Hiniling ni Jared sa kanyang kapatid na tanungin ang Panginoon kung saan sila dapat magtungo. Naisip ni Jared na maaari silang patnubayan ng Panginoon patungo sa isang “piling lupain sa buong mundo” [Eter 1:38]. Ipinangako nga ng Panginoon na papatnubayan sila patungo sa isang lupang pangako. Bukod pa rito, binigyan Niya sila ng mga espesipikong instruksyon tungkol sa una nilang ihahanda para sa kanilang paglalakbay. Ipinangako rin Niya na Siya ay magbabangon ng isang dakilang bansa mula sa kanilang mga pamilya at hindi magkakaroon ng higit na dakilang bansa sa mundo.)
Ipabuklat sa mga estudyante ang 2 Nephi 4:35. (Maaari mong imungkahi sa kanila na isulat ang 2 Nephi 4:35 sa tabi ng Eter 1:43 sa kanilang banal na kasulatan.) Pagkatapos ay sabihin sa kanila na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 4:35 at Eter 1:43 at alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa atin bilang sagot sa ating mga panalangin.
-
Sa 2 Nephi 4:35, ano ang itinuro ni Nephi tungkol sa mga sagot ng Diyos sa panalangin? (Ang Diyos ay magkakaloob nang sagana sa mga humihingi sa Kanya sa panalangin. Paano pinatunayan sa Eter 1:43 ang ipinahayag ni Nephi sa 2 Nephi 4:35?
-
Ayon sa Eter 1:43, ano ang dahilang ibinigay ng Panginoon sa pangangako ng mga pagpapala nang higit pa sa mga hiningi ng mga Jaredita? (Ang Panginoon ay nangako ng mga karagdagang pagpapala dahil nanalangin sila nang taos-puso. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang sumusunod na parirala sa Eter 1:43: “dahil sa mahabang panahong ito ay nagsumamo ka sa akin.”)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Eter 1:43? (Iba-ibang salita man ang gamitin ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay palaging mananalangin sa Diyos nang may pananampalataya, makatatanggap tayo ng mga pagpapala nang higit pa sa hiniling natin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Kailan ninyo nakita ang alituntuning ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang kakilala ninyo?
Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng mga halimbawa mula sa iyong sariling buhay o sa buhay ng iba. Si Propetang Joseph Smith ay magandang halimbawa ng alituntuning ito. Tumanggap siya ng mga pagpapalang higit pa sa mga hiniling niya nang manalangin siya upang malaman kung aling simbahan ang totoo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–20) at nang manalangin siya upang malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Panginoon (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–47).
Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na magsikap na lalo pang manalangin nang taos-puso. Hikayatin din sila na alalahanin na ang Ama sa Langit ay puspos ng pagkahabag at sasagutin Niya ang kanilang mga panalangin ayon sa kanilang katapatan at ayon sa alam Niya na higit na magdadala ng pinakamalalaking pagpapala sa kanilang buhay.