Lesson 101
Alma 45–48
Pambungad
Matapos ibigay ni Alma ang kanyang mga huling tagubilin sa kanyang anak na si Helaman, nilisan niya ang mga tao ni Nephi at wala nang narinig pa tungkol sa kanya. Si Helaman ay naging mahalagang espirituwal na pinuno at si Kapitan Moroni ay naging isang mahalagang pinuno ng mga hukbo sa mahirap na panahon ng mga Nephita. Si Amalikeo, na pinuno ng isang pangkat ng mga Nephita na tumiwalag, ay gumawa ng isang tusong plano para magkaroon ng kapangyarihan sa mga Nephita. Tinulungan ni Kapitan Moroni ang mga Nephita na patatagin ang kanilang sarili laban sa pagsalakay ng kanilang mga kaaway upang kanilang mapanatili ang kanilang kalayaan at ang kanilang kalayaan sa pagsamba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 45
Naniwala si Helaman sa mga salita ni Alma at nagsimulang maglingkod
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang interbyu sa kanila ng kanilang magulang o priesthood leader.
-
Anong klaseng mga tanong ang karaniwang itinatanong ng mga magulang at priesthood leader sa interbyu?
Matapos ang maikling talakayan, ipaliwanag na bago ihabilin ni Alma sa kanyang anak na si Helaman ang mga sagradong talaan at lumisan sa lupain (tingnan sa Alma 45:18–19), binigyan niya si Helaman ng sunud-sunod na tanong. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 45:2–8, at ipahanap ang mga tanong ni Alma at ang mga sagot ni Helaman.
-
Naganap ang pag-uusap na ito nina Alma at Helaman sa panahong may digmaan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita. Sa palagay ninyo, paano nakatulong kay Helaman ang pananampalataya niya sa panahon ng digmaan at sa kanyang buong paglilingkod?
-
Kailan kayo nakatanggap ng lakas mula sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa mga salita ng mga propeta at sa inyong katapatan sa pagsunod sa mga kautusan?
Ibuod ang Alma 45:9–19 sa pagsasabi sa mga estudyante na pagkatapos magpropesiya ni Alma tungkol sa mangyayaring pagkawasak sa bansang Nephita sa huli, nilisan niya ang lupain at wala nang narinig pa tungkol sa kanya. Bago siya lumisan, ibinigay niya ang kanyang huling propesiya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 45:16.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa propesiyang ito? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng ilang mga alituntunin, ngunit tiyaking makitang naunawaan nila na ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang.)
Ipaliwanag na sinimulan ni Helaman ang kanyang paglilingkod sa paghihirang ng mga saserdote at guro sa Simbahan sa buong lupain. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 45:23–24, at alamin kung paano tumugon ang mga tao sa mga lider na ito ng Simbahan.
-
Paano tumugon ang mga tao sa mga lider nila sa Simbahan? Bakit hindi pinakinggan ng ilang tao ang mga lider ng Simbahan?
Alma 46
Sama-samang tinipon ni Kapitan Moroni ang mabubuting tao para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kanilang relihiyon
Ibuod ang Alma 46:1–3 na ipinapaliwanag na ang mga hindi sumusunod sa mga lider ng Simbahan ay pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Amalikeo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 46:4–5, at alamin kung ano ang hangarin ni Amalikeo at ng kanyang mga tagasunod. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 46:6–7, at alamin ang mga ibinunga ng impluwensya ni Amalikeo sa mga sumunod sa kanya.
-
Ano ang ibinunga ng impluwensya ni Amalikeo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 46:8–10, at alamin ang mga aral na nais ni Mormon na matutuhan natin mula sa mga ginawa ni Amalikeo. Maaari mong ituro na ang ilan sa mga aral na ito ay sinimulan sa mga salitang “sa gayon nakikita natin” o “nakikita natin.” (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga aral na ito sa kanilang banal na kasulatan.) Maaaring mahanap ng mga estudyante ang mga sumusunod na aral:
Maraming tao ang madaling makalimot sa Panginoon at makagawa ng kasamaan.
Ang isang masamang tao ay maaaring magpasimula at makagawa ng maraming kasamaan.
Para maikumpara si Amalikeo kay Kapitan Moroni, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 46:11–18 at Alma 48:11–13, 17. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang hangarin ni Moroni. Sabihin sa kalahati pa ng klase na hanapin ang mga salita at parirala na naglalarawan kay Moroni. (Tulungan ang mga estudyante na makita ang pagkakaiba ng mabubuting hangarin ni Moroni at ng masasamang hangarin ni Amalikeo. Sinuportahan ni Moroni ang layunin ng kalayaan at kabutihan, samantalang gutom sa kapangyarihan si Amalikeo at hinangad na alipinin ang mga Nephita.)
-
Batay sa nabasa mo, paano ninyo ilalarawan si Kapitan Moroni? Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng ilang iba’t ibang alituntunin, kabilang na ang katotohanang ang isang mabuting tao ay maaaring makagawa ng maraming kabutihan.)
-
Ayon sa Alma 46:11–18, ano ang ipinagdasal ni Moroni? (Para sa mga pagpapala ng kalayaan na manatili sa mga Nephita at para sa “kapakanan ng mga Kristiyano” na maitaguyod ng Diyos.)
Ipinagdasal ni Moroni ang “kapakanan ng mga Cristiyano.” Ayon sa Alma 46:12, anong tatlong bagay ang naisip ni Moroni na dapat ipagtanggol at ipaglaban ng mga Kristiyano? (Tulungan ang mga estudyante na makita na tungkulin nating ipagtanggol ang ating pamilya, relihiyon, at kalayaan. Tingnan din sa Alma 43:45–48.)
-
Anong mga hamon ang umiiral ngayon laban sa mga pamilya, mga Kristiyano, at kalayaan? Ano ang ilang angkop na paraan na maipagtatanggol natin ang ating pamilya, relihiyon, at mga kalayaan?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 46:18–22, at alamin ang ipinagawa ni Moroni sa kanyang mga tao. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang makipagtipan, pakikipagtipan, tipan, at nakikipagtipan sa mga talatang ito.)
-
Ano ang ipinagkatipan ng mga tao na gagawin? (Pananatilihin ang kanilang mga karapatan at kanilang relihiyon; hindi tatalikuran ang Panginoon; hindi lalabag sa mga kautusan ng Diyos; at hindi mahihiyang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo.)
-
Ayon sa Alma 46:22, ano ang ginawa ng mga tao bilang palatandaan ng pakikipagtipan nila? (Pinunit nila ang kanilang mga kasuotan at inihagis ang mga piraso nito sa paanan ni Moroni.)
Itaas ang isang piraso ng tela, at punitin ito sa dalawa. Maaari mong ipaliwanag na sa pagpunit ng kanilang mga kasuotan, ipinapakita ng mga tao ang kanilang katapatan sa tipang ginawa nila.
-
Ayon sa Alma 46:21–22, ano ang sinabi ng mga tao na mangyayari sa kanila kung hindi nila tutuparin ang kanilang tipan?
-
Paano ito nakatulong sa inyo para maunawaan na napakabigat at napakahalaga ng mga tipang ginawa natin sa Diyos?
Ipaalala sa mga estudyante na si Moroni at ang kanyang mga tao ay nahaharap sa mga kaaway na gusto silang lipulin.
-
Ayon sa Alma 46:18, ano ang sinabi ni Moroni na magdadala ng pagkalipol sa kanyang mga tao?
Isulat sa pisara ang sumusunod: Kung tutuparin natin ang ating mga tipan, ang Diyos ay …
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag batay sa natutuhan nila sa Alma 46:18–22. Sabihin din sa kanila na magbigay ng halimbawa kung paano nila nalaman na totoo ang pahayag. Maaaring iba-iba ang isagot nila. Ibuod ang kanilang mga sagot sa pamamagitan ng pagkumpleto ng parirala na nasa pisara tulad ng sumusunod: Kung tutuparin natin ang ating mga tipan, pagpapalain tayo ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng katibayan na sumusuporta sa alituntuning ito sa pag-aaral nila ng mga natitirang kabanata sa Alma. Maaari mo ring ikuwento ang pagkakataong napagpala ka ng Panginoon dahil sa pagtupad mo sa iyong mga tipan.
Ibuod ang Alma 46:29–41. Ipaliwanag na natanto ni Amalikeo at ng kanyang mga tagasunod na kaunti lang sila, kaya nagpunta sila sa lupain ng Nephi, at hinangad na umanib sa mga Lamanita. Napigilan ng hukbo ni Moroni ang marami sa pangkat ni Amalikeo na makarating sa lupain ng Nephi. Marami sa mga tagasunod ni Amalikeo ang nakipagtipan na susuportahan ang kalayaan. Ang ilan sa hindi nakipagtipan ay pinatay. Nakatakas si Amalikeo at ang maliit na bilang ng kanyang mga tauhan at umanib sa mga Lamanita.
Alma 47
Dahil sa panlilinlang, si Amalikeo ay naging hari ng mga Lamanita
Sabihin sa mga estudyante kung ano ang madarama nila kung sila ay nasa isang kumpetisyon o iba pang paligsahan at nasa kanila ang isang aklat na naglalaman ng listahan ng balak gawin ng kanilang kalaban para manalo sa kumpetisyon. Sabihin sa mga estudyante na sa paghahalintulad ng Alma 47 sa ating buhay, matututuhan natin ang ilang mahalagang aral tungkol sa mga taktika ni Satanas para madaig tayo.
Ibuod ang Alma 47:1–6 sa pagsasabi sa mga estudyante na hindi sumuko si Amalikeo sa kanyang mithiin na magkaroon ng kapangyarihan sa mga Nephita. Gumawa siya ng isang tusong plano na agawan ng trono ang hari ng mga Lamanita at maging kanilang hari upang maudyukan niya ang mga Lamanita na makidigma sa mga Nephita. Nang umanib si Amalikeo sa mga Lamanita, natamo niya ang pagsang-ayon ng kanilang hari, at ibinigay sa kanya ang pamumuno sa isang bahagi ng hukbo ng mga Lamanita. Inutusan ng hari si Amalikeo at ang kanyang hukbo na tugisin ang sumuway na isang bahagi ng hukbo ng Lamanita, na pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Lehonti. Ang utos kay Amalikeo ay pilitin ang hukbo ni Lehonti na makipaglaban sa mga Nephita, pero may ibang plano si Amalikeo.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 47:7–19 na parang sila si Lehonti at si Amalikeo naman ay parang si Satanas. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 47:7–10, at alamin kung saan nagpunta si Lehonti para madepensahan ang kanyang hukbo at ano ang tinangkang ipagawa ni Amalikeo kay Lehonti.
-
Saan tinipon ni Lehonti ang kanyang hukbo para makapaghanda sa digmaan? Ano ang kalamangan ng isang hukbo kung ito ay nasa mas mataas na lugar kaysa sa kaaway nito?
-
Ano ang nais ni Amalikeo na gawin ni Lehonti? Ano ang ilang taktika na ginagamit ni Satanas para bumaba tayo mula sa mataas na lugar? (Kasama sa mga posibleng sagot ang pagtukso sa atin na ibaba ang ating mga pamantayan at akitin tayo sa mga lugar kung saan hindi tayo espirituwal na ligtas.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 47:11–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at isipin kung paano natutulad ang mga taktika ni Amalikeo sa mga taktikang ginagamit ni Satanas para wasakin tayo.
-
Sa paanong mga paraan natutulad ang mga taktika ni Amalikeo sa mga taktikang ginagamit ni Satanas para wasakin tayo? (Kasama sa mga posibleng sagot ay si Satanas ay mapilit, mapanlinlang, tuso, at malupit.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga paraan ni Satanas sa pagtatangka niyang lasunin tayo nang “unti-unti”?
Ibuod ang Alma 47:20–36 na ipinapaliwanag na patuloy na nanlinlang at pumatay si Amalikeo hanggang sa maging hari siya ng mga Lamanita. Bigyang-diin na ang mga hangarin at taktika ni Amalikeo ay halos katulad ng mga hangarin at taktika ni Satanas sa atin. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Hangad ni Satanas na wasakin tayo, at inuudyukan tayo nang unti-unti na ibaba ang ating mga pamatayan.
Alma 48
Hinikayat ni Kapitan Moroni ang mga Nephita na maging handa at tapat
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 48:7–10, at alamin ang ginagawa ni Moroni habang naghahangad ng kapangyarihan si Amalikeo sa mga Lamanita.
-
Ano ang ginagawa ni Moroni habang naghahangad ng kapangyarihan si Amalikeo sa mga Lamanita?
-
Ano ang ginawa ni Moroni para mapalakas ang kanyang mga tao at kanilang mga lunsod sa mga pagsalakay sa hinaharap? Anong mga partikular na lugar ang lalong pinagtuunan ni Moroni?
Bigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-isipan ang mahihinang aspeto sa kanilang buhay at ano ang gagawin nila para mapalakas ang mga aspetong iyon. Ipasulat ang naisip nila.
-
Ayon sa Alma 48:10, bakit lalong pinagsikapan ni Moroni na mapalakas ang kanyang mga tao laban sa mga pagsalakay ng kanilang mga kaaway? (Bigyang-diin na gusto ni Moroni na makatulong para mapanatili ng mga Nephita ang kanilang kalayaan sa relihiyon.)
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na itinuturo ng mga lider ng Simbahan ngayon para matulungan tayo na mapalakas ang mga aspeto sa ating buhay na mahina sa espirituwal?
-
Bakit lubos na nagsisikap ang mga lider ng Simbahan para espirituwal na mapalakas tayo?
Tiyakin sa mga estudyante na kapag sinusunod natin ang payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon, mapapalakas tayo laban sa mga tukso.
Hikayatin ang mga estudyante na alaming mabuti sa natitirang kabanata ng Alma ang mga alituntunin na tungkol sa kahalagahan ng pagtupad ng mga tipan at kahalagahan ng pagpapalakas ng ating sarili para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas.