Library
Lesson 41: 2 Nephi 32


Lesson 41

2 Nephi 32

Pambungad

Matapos ituro ang tungkol sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:18), nahiwatigan ni Nephi na pinagbubulayan pa ng kanyang mga tao kung ano ang dapat nilang gawin matapos nilang simulan na tumahak sa landas na iyon. Sinagot niya ang kanilang mga tanong sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” at “laging manalangin” (2 Nephi 32:3, 9). Tiniyak niya sa kanila na kung gagawin nila ang mga bagay na ito, tutulungan sila ng Espiritu Santo na malaman ang dapat nilang gawin.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 32:1–7

Pinayuhan tayo ni Nephi na hangaring mapatnubayan ng mga salita ni Jesucristo at ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na nagbigay sila ng direksyon ng pagpunta sa iba’t ibang lugar. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung madali o mahirap bang magbigay ng mga direksyong iyon.

Ipaalala sa mga estudyante na sa naunang lesson, pinag-aralan nila ang mga direksyon o tagubiling ibinigay ni Nephi sa kanyang mga tao. Matapos sabihin ang mga direksyong ito, sinabi niya, “Ito ang daan” (2 Nephi 31:21). Para matulungan ang mga estudyante na maalala ang napag-aralan nila, itanong ang mga sumusunod:

  • Kung susundin natin ang direksyon ni Nephi, saan tayo dadalhin nito? (Sa buhay na walang hanggan; tingnan sa 2 Nephi 31:20.)

  • Ayon sa 2 Nephi 31:17–18, paano natin sisimulan ang daan na patungo sa buhay na walang hanggan?

Ipaliwanag na ang 2 Nephi 32 ay karugtong ng mga itinuro ni Nephi sa 2 Nephi 31. Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa 2 Nephi 32:1 ang itinanong ng mga tao tungkol sa itinuro sa kanila ni Nephi. Sabihin sa ilang estudyante na gamitan ng sarili nilang mga salita ang tanong na ito. (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na pinagbulayan ng mga tao kung ano ang dapat nilang gawin matapos nilang simulan na tahakin ang landas patungo sa buhay na walang hanggan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 32:2–3. Sabihin sa klase na alamin ang sagot ni Nephi sa tanong ng mga tao. Ipaalam na ang 2 Nephi 32:3 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ito sa paraang madali nila itong mahahanap.

  • Anong mga salita sa 2 Nephi 32:3 ang naglalarawan ng dapat na pagtanggap natin sa salita ni Cristo? Ano ang pagkakaiba ng magpakabusog at kumain nang kaunti?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magpakabusog sa salita ni Cristo?

  • Ayon kay Nephi, ano ang mangyayari kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo?

  • Saan natin makikita ang mga salita ni Jesucristo? (Maaaring isama sa sagot ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta ngayon, at inspirasyon mula sa Espiritu Santo.)

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa atin ng mga bagay na dapat nating gawin.

Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan kung gaano sila nagpapakabusog sa mga salita ni Jesucristo, basahin ang sumusunod na listahan, at tumigil sandali matapos basahin ang bawat aytem. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang listahan sa kanilang scripture study journal o sa isang papel.

  1. Personal na pag-aaral ng banal na kasulatan

  2. Sacrament meeting

  3. Pangkalahatang kumperensya

  4. Pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya

  5. Seminary

  6. Family home evening

  7. Aaronic Priesthood quorum meeting o Young Women class

  8. Personal na panalangin

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano nila hinahangad ang mga salita ni Cristo sa bawat isa sa mga pagkakataong ito. Para sa bawat aytem, isulat kung nagpapakabusog, kumakain nang kaunti, o nagpapakagutom. Halimbawa, maaaring nagpapakabusog ang isang estudyante sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan pero kumakain lang nang kaunti sa pangkalahatang kumperensya. Ang estudyanteng hindi nakikinig sa mensahe sa sacrament meeting ay maaaring isulat ang salitang nagpapakagutom sa tabi ng aytem na iyon.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga aktibidad kung saan kasalukuyan silang “kumakain nang kaunti” o “nagpapakagutom,” at sabihin sa kanila na gumawa ng mga mithiin na tutulong sa kanila na mas “magpakabusog sa mga salita ni Cristo” sa pagkakataong iyon. (Maaari mo silang hikayatin na isipin ang kanilang mga mithiin sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad upang maiugnay sa mga mithiing ito).

Para mas maipaunawa sa mga estudyante na responsibilidad nilang humingi ng gabay mula sa Espiritu Santo, ipabasa sa kanila nang tahimik ang 2 Nephi 32:4–7. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang kapartner. (Maaari kang magbigay ng handout para sa mga tanong na ito o isulat sa pisara ang mga ito bago magsimula ang klase.)

  • Sa talata 4, ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “humihingi” o “kumakatok”? Ayon kay Nephi, ano ang mangyayari sa mga hindi humihingi o kumakatok?

  • Anong pagpapala ang ipinangako ni Nephi na mapapasaatin kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo?

  • Bakit nagdalamhati si Nephi para sa kanyang mga tao?

Sabihin sa mga estudyante na naniniwala ka na kapag nagpakabusog sila sa mga salita ni Cristo, tutulungan sila ng Espiritu Santo na matahak ang landas patungo sa buhay na walang hanggan.

2 Nephi 32:8–9

Pinayuhan tayo ni Nephi na laging manalangin

Ipaliwanag na pinagtuunan ni Nephi ang isang bagay na magagawa natin para matanggap ang mga salita ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 32:8 at alamin ang sinabi ni Nephi na dapat nating gawin. Kapag natukoy na nila ang sagot, itanong ang mga sumusunod upang tulungan silang mapagnilayan ang kahalagahan ng panalangin:

  • Sa palagay ninyo, bakit gusto ng Espiritu Santo na manalangin tayo?

  • Sa palagay ninyo, bakit ayaw ni Satanas na manalangin tayo? Sa paanong paraan maaaring tangkaing kumbinsihin ni Satanas ang mga tao na huwag manalangin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 32:9. Ipaalam na ang 2 Nephi 32:8–9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ito sa paraang madali nila itong mahahanap.

  • Gaano kadalas tayo dapat manalangin? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ”laging manalangin”?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Kung maaari, gumawa ng mga kopya ng pahayag na ito para makasabay sa pagbasa ang mga estudyante at makapagpokus sa mga salita ni Elder Bednar. Kung gagawa ka ng mga kopya, tingnan ang karugtong ng pahayag pagkatapos ng maikling talakayan. Isama mo rin ang bahaging iyan sa mga kopyang gagawin mo.) Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang payo ni Elder Bednar tungkol sa kung paano “laging manalangin.”

Elder David A. Bednar

“Maaaring may mga bagay sa ating pagkatao, ugali, o tungkol sa ating espirituwal na pag-unlad na kailangan nating isangguni sa Ama sa Langit sa panalangin sa umaga. …

“Sa buong maghapon, may panalangin tayo sa ating puso na patuloy tayong tulungan at gabayan. …

“Napapansin natin sa araw na ito na may mga pagkakataong karaniwan ay nakapagsalita na sana tayo nang masakit, at hindi naman; o nagalit pero hindi naman. Nahihiwatigan natin ang tulong at lakas mula sa langit at mapakumbabang kinikilala ang mga sagot sa ating dalangin. Maging sa oras na iyon ng pagkaunawa, umuusal tayo ng tahimik na pasasalamat” (“Laging Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 41–42).

Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang payong ito, itanong:

  • May naiisip ba kayong pangyayari ngayon o sa mga nakaraang araw na nasunod sana ninyo ang mungkahing ito ni Elder Bednar? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito nang tahimik sa halip na sumagot nang malakas.)

Ipagpatuloy ang pagbasa ng payo ni Elder Bednar:

“Sa pagtatapos ng araw natin, muli tayong lumuluhod at nag-uulat sa ating Ama. Iniisa-isa natin ang mga pangyayari sa maghapon at taos-pusong nagpapasalamat para sa mga pagpapala at tulong na natanggap natin. Nagsisisi tayo, at sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, natutukoy ang mga paraan para magawa nating magpakabait at magpakabuti kinabukasan. Sa gayon ang ating panalangin sa gabi ay nakasalig at nakaugnay sa ating panalangin sa umaga. At ang panalangin natin sa gabi ay isa ring paghahanda para sa makahulugang panalangin sa umaga.

“Ang mga panalangin sa umaga at gabi—at lahat ng panalangin sa pagitan nito—ay magkakaugnay at hindi magkakahiwalay na pangyayari; bagkus, magkakarugtong ang mga ito sa bawat araw at sa mga araw, linggo, buwan, at maging sa mga taon. Bahagi ito ng pagtupad natin sa payo ng mga banal na kasulatan na ‘laging manalangin’ (Lucas 21:36; 3 Nephi 18:15, 18; D at T 31:12). Ang gayong makahulugang mga panalangin ay kasangkapan sa pagtatamo ng pinakadakilang mga pagpapalang laan ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak” (“Laging Manalangin,” 42).

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang huling bahagi ng 2 Nephi 32:9, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang ilaan ay “pagtatalaga, gawing banal, o maging mabuti” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paglalaan, Batas ng Paglalaan,” scriptures.lds.org).

  • Bakit kailangan tayong manalangin sa tuwing “isasagawa ang anumang bagay sa Panginoon”?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng paglalaan ng Panginoon ng ginagawa natin para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa?

  • Paano nakatutulong sa atin ang payo ni Elder Bednar para mas mamuhay nang tapat at mabuti?

Magpatotoo na kapag lagi tayong nananalangin, magagawa natin ang lahat ng ipapagawa sa atin ng Panginoon para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa.

Elder Spencer J. Condie

Para maibuod ang mga tinalakay ng mga estudyante sa lesson na ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Spencer J. Condie ng Pitumpu:

“Maaaring kailanganin ninyong magpasiya tungkol sa pagmimisyon, magiging trabaho, at, sa huli’y pag-aasawa. Sa pagbabasa ninyo ng mga banal na kasulatan at pagdarasal para sa patnubay, maaaring di ninyo makita ang kasagutan sa mga nakasulat sa pahina, ngunit habang nagbabasa tatanggap kayo ng kakaibang damdamin, at paghihikayat, at, tulad ng ipinangako, ang Espiritu Santo ‘ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.’ [2 Nephi 32:5.]” (“Pagiging Malaking Pakinabang sa Ating Kapwa,” Liahona, Hulyo 2002, 45).

scripture mastery iconScripture Mastery—2 Nephi 32:3

Itanong sa mga estudyante kung gaano kaya nila katagal na maisasaulo ang 2 Nephi 32:3 kung bibigkasin nila ito sa tuwing kakain sila. Hikayatin sila na bigkasing muli ang banal na kasulatang ito—magpakabusog sa salita ni Cristo—tuwing oras ng kainan sa susunod na ilang araw. Matapos nilang maisaulo ang talata, sabihin sa kanila na iulat kung ilang kainan bago nila ito naisaulo.

scripture mastery iconScripture Mastery—2 Nephi 32:8–9

Itanong sa mga estudyante kung nasubukan na ba nilang manalangin sa kanilang puso sa buong maghapon o sa buong linggo. Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Sabihin sa klase na isipin ang mga paraan na magagawa nilang “laging manalangin” sa susunod na 24 na oras. Sabihin sa kanila na gawin ito at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa simula ng susunod na klase.

Paalala: Kung wala kang oras para gamitin ang mga ideyang ito sa pagtuturo sa lesson na ito, maaari mo itong gamitin na pang-rebyu sa mga susunod na lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

2 Nephi 32:2. Ano ang ibig sabihin ng magsalita sa wika ng mga anghel?

Maaaring may magtanong kung ano ang ibig sabihin ng “makapagsasalita sa wika ng mga anghel.” Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, na ang makapagsalita sa wika ng mga anghel ay “nangangahulugan lang na makapagsasalita kayo sa [pamamagitan ng] kapangyarihan ng Espiritu Santo” (“Ang Kaloob na Espiritu Santo: Ang Dapat Malaman ng Bawat Miyembro” Liahona, Ago. 2006, 50).

2 Nephi 32:3. Ano ang ibig sabihin ng magpakabusog sa salita ni Cristo?

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapakabusog ay nangangahulugan ng hindi lamang pagtikim. Ang pagpapakabusog ay paglasap. Nilalasap natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga ito [na may] malugod na pagtuklas at matapat na pagsunod. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, naiuukit ito sa mga ‘tapyas ng pusong laman.’ [II Mga Taga Corinto 3:3.] Nagiging mahalagang bahagi ang mga ito ng ating pagkatao” (“Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 17).

Ipinayo ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung kayo at ako ay magpapakabusog sa mga salita ni Cristo, kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan at matutuhan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito at paglalakip nito sa bawat iniisip at ikinikilos natin” (“Healing Soul and Body,” Ensign, Nob. 1998, 15).