Lesson 90
Alma 32
Pambungad
Matapos masaksihan ang maling pagsamba ng mga Zoramita, sinimulan ni Alma at ng kanyang mga kasama ang pangangaral ng salita ng Diyos sa mga Zoramita. Nagsimula silang magkaroon ng tagumpay sa mga maralita na itinaboy palabas ng kanilang sinagoga. Sa paghahambing sa salita ng Diyos sa isang binhi, itinuro ni Alma sa mga tao kung paano tanggapin ang salita ng Diyos at dagdagan ang kanilang pananampalataya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 32:1–16
Ipinakita ng mga mapagkumbabang Zoramita na handa silang makinig sa salita ng Diyos
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isa kang kaibigan na nagtatanong sa kanila kung paano mo malalaman na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Itanong kung ano ang sasabihin nila para matulungan kang makatanggap ng patotoo.
Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, isulat sa pisara Paano tumanggap at magpalakas ng patoo. Sabihin sa mga estudyante na sa buong lesson, isusulat ninyo ang mga alituntunin at kaalaman na matutuklasan nila tungkol sa paano tumanggap at magpalakas ng patotoo.
Ipaalala sa mga estudyante na nakita ni Alma at ng kanyang mga kasama ang maling pagsamba ng mga Zoramita, isang pangkat ng mga tumiwalag na Nephita. Dahil nalungkot sa kasamaan ng mga tao, nanalangin siya na panatagin at palakasin siya upang maturuan sila. (Tingnan sa Alma 31.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 32:1–3. Sabihin sa klase na alamin kung aling pangkat ng mga Zoramita ang nagpakita ng interes sa mensahe ng mga misyonero. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa Alma 32:3, bakit itinuring na maralita ang mga taong ito? (“Dahil sa sila ay kapos sa mga bagay ng daigdig; at gayundin sila ay may mababang-loob.”)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mababang-loob”?
Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, sabihin sa ilan sa kanila na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 32:4–12. (Maaaring isagot ng mga estudyante na ang mababang-loob ay mapagkumbaba, handang magsisi at makinig sa salita ng Diyos.)
-
Paano naipakita ng tanong sa Alma 32:5 na may mababang-loob ang mga Zoramita?
-
Paano naging pagpapala ang kahirapan sa pangkat na ito ng mga Zoramita?
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagtanggap at pagpapalakas ng patotoo? (Habang nagbabahagi ng iba’t ibang alituntunin ang mga estudyante, isulat ang mga ito sa ilalim ng heading sa pisara. Tiyakin na matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang pagpapakumbaba ay naghahanda sa atin upang matanggap ang salita ng Diyos.)
-
Bakit mahalaga ang pagpapakumbaba sa pagtanggap at pagpapalakas ng patotoo?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 32:13–16. Sabihin sa klase na alamin ang dalawang magkaibang paraan na maaaring maging mapagkumbaba ang mga tao. (Maaaring piliin ng mga tao na magpakumbaba, o kaya’y mapilitan sila na magpakumbaba.)
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpapakumbaba mula sa mga talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: mas pinagpapala tayo kapag pinipili nating magpakumbaba kaysa napipilitan tayong magpakumbaba.) Sa palagay ninyo bakit mas mabuti na piliing magpakumbaba?
-
Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba ng inyong sarili “dahil sa salita”? (Alma 32:14). Paano ito naaangkop sa ipinapakita nating ugali sa simbahan, seminary, o sa pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan?
Alma 32:17–43
Itinuro ni Alma sa mga Zoramita kung paano palakasin ang kanilang pananampalataya
Ipaliwanag na nakita ni Alma na mali ang pagkaunawa ng maraming tao tungkol sa pagkakaroon ng patotoo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 32:17–18 habang inaalam ng iba pa sa klase ang maling pagkaunawang ito.
-
Ano ang maling pagkaunawa ng maraming tao tungkol sa pagkakaroon ng patotoo?
-
Ano ang mali sa paghingi ng palatandaan bago maniwala? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang halimbawa ni Serem sa Jacob 7:13–16 at ang halimbawa ni Korihor sa Alma 30:43–52. Maaari mo ring ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 63:9 upang bigyang-diin sa kanila na ang mga palatandaan ay bunga ng pananampalataya, hindi isang bagay na kailangan nating hingin bago tayo manampalataya.)
Ipaliwanag na itinuro ni Alma sa mga tao kung ano ang pananampalataya. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 32:21 at alamin ang depinisyon ni Alma ng pananampalataya. Ipaalam sa kanila na ito ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ito sa paraang madali nila itong mahahanap.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 32:22 at alamin ang ipinayo tungkol sa pagtanggap at pagpapalakas ng patotoo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Idagdag ang Tandaan na maawain ang Diyos at Maniwala sa salita ng Diyos sa listahan sa pisara.
-
Bakit mahalagang gawin ang mga ito para magkaroon tayo ng pananampalataya?
Ipaliwanag na para matulungan ang mga Zoramita na maunawaan kung paano maniwala sa salita ng Diyos, iminungkahi ni Alma na subukan nila ito o mag-eksperimento.
-
Bakit nagsasagawa ang mga tao ng eksperimentong pangsiyensya? (Para malaman kung ang isang teorya o ideya ay totoo.)
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang mga esksperimentong ginawa nila sa science class o sa iba pang pagkakataon. Tulungan sila na maunawaan na kailangan sa eksperimento ang pagkilos at hindi basta panghuhula ng isang taong nagsasaliksik. Kailangan ding kumilos para matanggap o mapalakas ang patotoo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 32:27. Sabihin sa klase na alamin ang pagsubok o eksperimento na sinabi ni Alma na gawin ng mga Zoramita. Idagdag ang Pagsubok sa salita sa listahan sa pisara.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Alma nang sabihin niya na “pagsubok sa [kanyang] mga salita”?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Alma nang sabihin niya na “[gisingin] at [pukawin] ang inyong kaisipan”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang kaisipan ay tumutukoy sa ating kakayahang kumilos at magsagawa ng mga bagay-bagay. Inanyayahan ni Alma ang mga tao na gawin ang mga sinabi niya. Maaari mong idagdag ang Gisingin at pukawin ang inyong kaisipan sa listahan sa pisara.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “gumamit ng kahit bahagyang pananampalataya”?
Para matulungan ang mga estudyante kung paano nila sisimulang gawin ang eksperimentong ito sa kanilang buhay, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Alma 32:28.
-
Saan inihalintulad ni Alma ang salita ng Diyos? (Sa isang binhi.)
-
Ano ang ilang pinagmumulan ng salita ng Diyos? (Kabilang sa mga sagot ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo.)
-
Ano ang sinabi ni Alma na dapat nating gawin sa “binhing” ito?
Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaari mong isulat ang mga ito sa ilalim ng Pagsubok sa salita, na isinulat mo kanina. Maaaring kasama sa listahan ang mga sumusunod:
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nabasa nila tungkol sa eksperimento, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano maihahalintulad ang salita ng Diyos sa isang binhi na maitatanim sa ating puso? (Maaaring kabilang sa sagot na maaari itong lumago, na maaari tayong palakasin nito, at kailangan nating alagaan ito.)
Sa pagtalakay ng mga estudyante sa pagkakatulad ng salita ng Diyos sa isang binhi, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Alma 33:22–23. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na alamin ang paliwanag ni Alma tungkol sa “salitang ito.” Tulungan sila na makita na tinutukoy nito si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “magbigay-puwang” upang ang salita ay maitanim sa ating mga puso? (Tingnan sa Alma 32:28. Maaaring kabilang sa sagot na kailangan nating buksan ang ating puso at kailangan nating bigyan ng puwang sa ating buhay ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng madama ang “paglaki” ng salita ng Diyos sa inyong puso? Kung ang salita ng Diyos ay lumalaki sa inyong puso, kung gayon ano ang nangyayari sa inyong patotoo at pananampalataya?
-
Kailan pinalaki ng salita ng Diyos ang inyong kaluluwa at pinagliwanag ang inyong pang-unawa?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa ng Alma 32:29–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan ng natutuhan natin tungkol sa salita ng Diyos. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga salita at mga parirala na nahanap nila at ipaliwanag kung bakit nila pinili ang mga ito. Itanong:
-
Bakit hindi pa magiging ganap ang ating pananampalataya matapos gawin ang pagsubok o eksperimentong ito? Sa inyong palagay, ano pa ang kailangan nating gawin para magkaroon ng matibay na patotoo sa ebanghelyo?
-
Paano maitutulad ang pag-aalaga ng punungkahoy sa pagpapalakas ng patotoo?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 32:35–40. Sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ni Alma tungkol sa paraan ng pagkumpleto sa eksperimento.
-
Ayon sa Alma 32:37–40, ano ang dapat nating gawin upang patuloy na lumago ang ating pananampalataya sa salita ng Diyos? (Idagdag ang Alagaan ang salita sa listahan sa pisara.)
-
Ano ang magagawa natin para maalagaan ang salita? (Maaaring kasama sa sagot ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagdarasal na magabayan habang nag-aaral, paghahanap ng paraan na maipamuhay ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at pagbabahagi ng mga natutuhan natin.)
-
Ano ang nangyayari kapag pinapabayaan natin ang punungkahoy o hindi ito inaalagaan? Ano ang nangyayari kapag pinapabayaan natin ang salita ng Diyos na nakatanim sa ating puso?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang natutuhan nila sa Alma 32 tungkol sa paraan ng pagtanggap at pagpapalakas ng patotoo. Maaari mo ring imungkahi na isulat nila ang mga buod na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Alma 32:37–43.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Sa pagbabahagi nila, tiyakin na naipahayag nila na kung masigasig nating aalagaan ang salita ng Diyos sa ating puso, lalago ang ating pananampalataya at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 32:41–43 at alamin ang paglalarawan ni Alma sa punungkahoy at sa bunga.
-
Saan pa makikita sa Aklat ni Mormon ang paglalarawan sa isang punungkahoy na may bungang “pinakamatamis sa lahat ng matamis”? (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang paglalarawan ng punungkahoy ng buhay sa 1 Nephi 8:11–12 at sa 1 Nephi 11:9–24.)
-
Sa pangitain nina Lehi at Nephi tungkol sa punungkahoy ng buhay, ano ang sinasagisag ng punungkahoy at ng bunga? (Ang punungkahoy ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang bunga ay sumasagisag sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Tingnan ang lesson 12 sa aklat na ito.)
-
Sa pangitain nina Lehi at Nephi, paano nakarating sa punungkahoy ang mga tao? (Sa paghawak sa gabay na bakal, na sumasagisag sa salita ng Diyos.) Paano ito maitutulad sa paghahambing ni Alma sa salita ng Diyos sa isang binhi?
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila tinularan ang eksperimentong inilarawan sa Alma 32. Itanong sa kanila kung paano nito naimpluwensyahan ang kanilang buhay. Maaari mo ring ibahagi ang mga naranasan mo nang madama mo ang kapangyarihan ng salita ng Diyos.