Library
Lesson 120: 3 Nephi 11:1–17


Lesson 120

3 Nephi 11:1–17

Pambungad

Pagkatapos ng pagkawasak at tatlong araw na kadiliman na tanda ng kamatayan ng Tagapagligtas, mga 2,500 Nephita na binubuo ng mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata ang nagtipon sa palibot ng templo sa lupaing Masagana (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Habang nag-uusap sila, narinig nila ang tinig ng Ama sa Langit na ipinapakilala ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na nagpakita sa kanila. Inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na personal na patotohanan na Siya ay pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Isa-isa silang lumapit sa Kanya at hinipo ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

3 Nephi 11:1–7

Narinig ng mga Nephita ang tinig ng Ama na inihahayag ang pagpapakita ng Kanyang Anak

Habang pumapasok sa silid-aralan ang mga estudyante, patugtugin nang marahan ang isang sagradong musika o ipalabas ang pangkalahatang kumperensya—tama lang ang lakas ng tunog nito para marinig ito. Ihinto ito kapag magdarasal at magdaraos na ng debosyonal. Pagkatapos ng panalangin, tanungin ang mga estudyante kung narinig nila ang musika o ang pangkalahatang kumperensya. (Kung wala kang resources para magawa ang aktibidad na ito, maaari mong ipabasa nang marahan sa isang esbtudyante ang 3 Nephi 11 habang pumapasok sa silid-aralan ang mga estudyante. Kung ito ang pinili mo, mas mahusay itong magagawa kung ibinigay mo ang assignment na ito isang araw bago ang klase, marahil sa isang estudyante na maagang pumapasok.)

  • Ano ang dapat gawin ng isang tao para marinig at maunawaan ang marahang tinig?

  • Ano ang mensahe ng awitin (o mensahe ng pangkalahatang kumperensya o scripture passage) na pinatugtog o ipinalabas sa pagpasok ninyo sa silid-aralan ngayon?

  • Madali o mahirap bang marinig at maunawaan ang mga salita habang pumapasok sa silid-aralan ang lahat ng estudyante? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit nahirapan ang mga Nephita na makaunawa.

  • Paano inilarawan ang tinig sa 3 Nephi 11:3? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang paglalarawan sa tinig sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano ang naging epekto ng tinig sa mga nakarinig nito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 11:4–7 at alamin ang ginawa ng mga Nephita upang maunawaan ang tinig sa ikatlong pagkakataon na narinig nila ito.

  • Ano ang ginawa ng mga Nephita sa ikatlong pagkakataon na narinig nila ang tinig?

  • Batay sa nabasa ninyo sa 3 Nephi 11:7, kaninong tinig ang narinig ng mga tao? (Narinig nila ang tinig ng Ama sa Langit na ipinapakilala ang Kanyang Anak na si Jesucristo.)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin ang Helaman 5:30 at alamin ang isa pang paglalarawan sa tinig ng Panginoon.

  • Paano natutulad ang tinig na narinig ng mga Nephita sa mga pahiwatig na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Espiritu Santo ay kadalasang nangungusap sa ating damdamin o ipinapadama ito sa ating puso.)

  • Bakit mahalagang pagtuunan ng pansin ang inspirasyon na natatanggap natin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila nang madama nila ang inspirasyon ng Espiritu Santo sa kanilang isipan o puso. Ipalarawan sa kanila ang nadama nila. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Sabihin sa isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kailangan nating gawin para marinig at maunawaan ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo:

Pangulong Boyd K. Packer

“Hindi sumisigaw ang Espiritu para mapansin natin. Hindi Niya tayo niyuyugyog nang malakas. Ang Espiritu ay bumubulong. Napakarahan nitong mangusap kaya kung abala tayo maaaring hindi natin ito madama.

“Paminsan-minsan, sapat lang ang pag-antig ng Espiritu sa atin para makinig tayo; ngunit sa aking karanasan, kadalasan, kung hindi natin madarama ang banayad na damdamin, kung hindi natin pakikinggan ang inspirasyong iyon, lalayo ang Espiritu at maghihintay hanggang sa tayo na ang maghahanap at makikinig” (“How Does the Spirit Speak to Us?” New Era, Peb. 2010, 3).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa 3 Nephi 11:1–7 at mula kay Pangulong Packer? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag natutuhan natin kung paano makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mauunawaan natin ang ipinahihiwatig Niya sa atin.)

  • Ano ang nakatulong sa inyo para maihanda ninyo ang inyong isipan at puso na marinig at maunawaan ang mga bulong ng Espiritu Santo?

3 Nephi 11:8–17

Nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita at inanyayahan sila na isa-isa nilang hipuin ang mga bakas ng sugat sa Kanyang mga kamay, mga paa, at tagiliran

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung ano kaya ang madarama nila kung kasama nila ang mga Nephita sa panahong iyon. Ipakita ang larawang Nagturo si Jesus sa Kanlurang Bahagi ng Mundo (62380; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 82), at itanong:

Nagturo si Jesus sa Kanlurang Bahagi ng Mundo
  • Ano kaya ang maiisip at madarama ninyo kung kasama kayo ng mga Nephita nang dalawin sila ng Tagapagligtas?

Ipaalala sa mga estudyante ang kadiliman at pagkawasak na naranasan ng mga Nephita bago nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pagpapakita at pahayag na iyon ang pinakamahalagang bahagi, pinakadakilang sandali sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Iyon ay pagpapakita at pahayag na ipinabatid at nagbigay-inspirasyon sa lahat ng propetang Nephita sa nakalipas na anim na raang taon, bukod pa sa kanilang mga ninunong Israelita at Jaredita sa loob ng libu-libong taon bago ang pangyayaring ito.

“Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—at tunay ngang siya ay nagpakita. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinaliliwanag ang bawat gabing madilim ay dumating na” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250–51).

Ipaliwanag sa klase na ang susunod na bahagi ng lesson ay magtutulot sa kanila na personal na pagnilayan ang pagdalaw ng Tagapagligtas. Bago magklase, ihanda ang sumusunod na instruksyon at tanong sa isang handout para sa bawat estudyante (o isulat sa pisara o sa isang poster ang mga ito). Bigyan ng sapat na oras na mabasa ng mga estudyante ang 3 Nephi 11:11–17 at sabihin sa kanila na sundin ang mga instruksyon sa handout. Hikayatin sila na isiping mabuti ang ibig sabihin ng mga talatang ito habang pinag-aaralan nila ang mga ito.

  1. Basahin nang tahimik ang 3 Nephi 11:11–12. Alamin ang gusto ni Jesucristo na malaman ng mga tao tungkol sa Kanya at tungkol sa mga ginawa Niya sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo. Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:

    • Alin sa mga pahayag ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:11 ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?

    • Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin”? Bakit mahalagang malaman na palaging sinusunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit?

  2. Basahin ang 3 Nephi 11:13–15 at pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang paanyaya ng Tagapagligtas na gawin ng mga Nephita? Ano ang gusto Niyang malaman nila bilang resulta ng karanasang ito?

    • Ang mga tao ay “isa-isang nagsilapit [sa Tagapagligtas] hanggang sa ang lahat ay makalapit” (3 Nephi 11:15). Batid na may mga 2,500 katao na naroon (tingnan sa 3 Nephi 17:25), ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa nadarama ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin?

  3. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong notebook o scripture study journal:

    • Sa palagay mo, bakit nais ng Panginoon na “isa-isang” makita at mahipo Siya ng mga tao?

    • Paano kaya makakaapekto sa iyo ang paghipo mo sa mga sugat ng Tagapagligtas na natanggap Niya habang Siya ay nagbabayad-sala para sa iyong mga kasalanan?

  4. Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 11:11–15. Inaanyayahan ako ni Jesucristo na magkaroon ng sariling patotoo na Siya ang aking Tagapagligtas. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong notebook o scripture study journal:

    • Anong mga karanasan mo ang humantong sa pagkakaroon mo ng sariling patotoo na si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas?

    • Ano sa palagay mo ang gusto ng Panginoon na gawin mo para mapalakas mo ang iyong patotoo tungkol sa Kanya?

    • Kailan mo nadama na kilala ka ng Tagapagligtas at pinagpala ka Niya?

Matapos ang sapat na oras na makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 11:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ginawa ng mga tao pagkatapos nilang personal na makita at mahipo ang Tagapagligtas. Maaari mong ipaliwanag na ang hosana ay isang salitang Hebreo na ibig sabihin ay “mangyari pong iligtas kami” at ginamit sa buong banal na kasulatan bilang pagpapahayag ng papuri at pagsamo (tingnan sa Bible Dictionary, “Hosanna”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana,” scriptures.lds.org).

  • Sa iyong palagay, bakit sumigaw ng “hosana” ang mga tao matapos nilang makita at mahipo ang Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang 3 Nephi 11:15. Sabihin sa kanila na tukuyin ang ginawa ng mga tao pagkatapos nilang makita at mahipo ang mga sugat ng Tagapagligtas. (Ang mga tao ay nagpatunay, o nagpatotoo, na Siya nga si Jesucristo.)

  • Kailangan ba nating makita at mahipo ang Tagapagligtas para malaman na Siya ay buhay? (Tingnan sa Moroni 10:5.) Paano tayo “[magpa]patotoo” tungkol kay Jesucristo?

  • Paano natin maihahalintulad ang 3 Nephi 11:15 sa ating sarili? Ano ang dapat gawin ng bawat isa sa atin kapag nagkaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo? (Kapag nagkaroon tayo ng personal na patotoo kay Jesucristo, responsibilidad natin na magpatotoo tungkol sa Kanya.)

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magkuwento tungkol sa pagbabahagi nila sa iba ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo. Kung may oras pa, anyayahan ang lahat ng gustong magbahagi ng maikling patotoo tungkol sa Tagapagligtas at, marahil, ikuwento rin nila ang ginawa nila kaya sila nagkaroon ng patotoo. Kung may oras pa, maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng ilan sa mga isinulat o nadama nila sa pag-aaral nila ng 3 Nephi 11 sa araw na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

3 Nephi 11:3. “Isang maliit na tinig”

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naririnig ang tinig ng Espiritu Santo sa ating isipan at puso:

“Ang tinig ng Espiritu ay nararamdaman sa halip na naririnig. Matututuhan ninyo, tulad ng natutuhan ko, na ‘makinig’ sa tinig na iyan na nadarama sa halip na naririnig. …

“Ang kaloob na Espiritu Santo, kung tutulutan ninyo, ay gagabay at poprotekta sa inyo, at iwawasto rin ang inyong mga ginagawa. Ito ay isang espirituwal na tinig na dumarating sa isipan bilang kaisipan o damdamin sa inyong puso. …

“Hindi inaasahang hindi kayo magkakamali sa buhay, ngunit hindi kayo makagagawa ng malaking kasalanan nang hindi muna nababalaan ng mga paramdam ng Espiritu” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 17–18).