Lesson 156
Moroni 7:20–48
Pambungad
Itinala ni Moroni ang katapusan ng sermon na ibinigay ng kanyang ama, na si Mormon, sa sinagoga maraming taon na ang nakararaan. Sa sermon, itinuro ni Mormon sa mga nakikinig sa kanya kung paano “makakapanangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:20, 25). Ipinaliwanag niya ang pagkakaugnay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, at nagtapos sa paghihikayat sa kanyang mga tao na manalangin sa Ama nang buong lakas ng kanilang mga puso para sa kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 7:20–39
Itinuro ni Mormon na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:
Sa simula ng klase, bigyan ng isa o dalawang minuto ang mga estudyante para masagot ang tanong na ito sa notebook o scripture study journal. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang ilan sa mga bagay na inilista nila.
Basahin nang malakas ang Moroni 7:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pinagmulan ng lahat ng mabubuting bagay na dumating sa kanila.
-
Sino ang pinagmulan ng lahat ng mabubuting bagay na dumating sa inyo? (Maaaring magkakaiba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng mabubuting bagay ay dumating dahil kay Jesucristo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang itinuro sa Moroni 7:24, ipaliwanag na bilang mga inapo nina Adan at Eva, tayo ay “nahulog” at hindi nakatanggap ng anumang pagpapala sa ating sarili (tingnan din sa Alma 22:14; Eter 3:2; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala, “walang mabuting bagay ang darating sa [atin].” Lahat ng mabubuting bagay na natanggap natin mula sa ating Ama sa Langit ay dumating sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ipaliwanag na maraming pagpapala ang inilaan ng Ama sa Langit para sa atin. Nais Niya tayong “[manangan] sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:19), at nais Niyang ibigay sa atin ang lahat ng mayroon Siya (tingnan sa D at T 84:38).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang tanong ni Mormon sa Moroni 7:20. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:21–24 at alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano tayo makakapanangan sa bawat mabuting bagay.
-
Batay sa nabasa ninyo sa Moroni 7:21–24, paano ninyo sasagutin ang tanong ni Mormon sa Moroni 7:20? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay.)
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila “makakapanangan sa bawat mabuting bagay,” sabihin sa ilan sa kanila na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:25–26, 32–38. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin ang mga paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang mabubuting bagay na dumating sa atin dahil dito. (Kapag binasa ng isang estudyante ang talata 33, maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “kapaki-pakinabang sa akin” ay tumutukoy sa mga bagay na ayon sa kalooban ng Panginoon.)
Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong sabihin sa kanila na magsulat ng isang mithiin na tutulong sa kanila na lalo pang manampalataya kay Jesucristo at manangan sa lahat ng mabubuting bagay na nais ng Ama sa Langit na ibigay sa kanila. Patotohanan na dumarating ang mga dakilang pagpapala sa pamamagitan ng Tagapagligtas, ng Kanyang ebanghelyo, at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hikayatin ang mga estudyante na lalo pang manampalataya sa Kanya.
Moroni 7:40–43
Itinuro ni Mormon na ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkakaroon natin ng pag-asa para sa buhay na walang hanggan
Mag-drowing sa pisara ng isang upuan na may tatlong-paa (o magpakita ng upuan na may tatlong-paa).
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tatlong sagradong alituntunin ang bumubuo ng pundasyon na magiging batayan natin sa paghubog ng ating buhay. … Magkakasama itong nagbibigay sa atin ng suporta tulad ng mga paa ng upuan na may tatlong-paa” (“The Joy of Hope Fulfilled,” Ensign, Nob. 1992, 33).
Lagyan ng label na Pananampalataya kay Jesucristo ang isa sa mga paa ng upuan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang sinasagisag ng dalawa pang paa. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Moroni 7:40 para malaman kung ano ang sinasagisag ng pangalawang paa. (Ang pangalawang paa ay sumasagisag sa pag-asa.)
Basahin nang malakas ang sumusunod na pagpapahayag ng pag-asa. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang pagkakaiba ng dalawang pahayag na ito.
-
Umulan sana ngayon.
-
Umaasa ako sa ipinangako ng Panginoon kaya nakadarama ako ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagsisisi.
-
Sa paanong paraan nagkaiba ang mga pahayag na ito? (Tulungan ang mga estudyante na makita na sa unang halimbawa, ang salitang sana ay tumutukoy sa pag-asam nang walang katiyakan. Sa pangalawang halimbawa, ang salitang umaasa ay nagpapahayag ng pagtitiwala. Ito ay naghihikayat ng pagkilos, at nakasentro ito sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang salitang pag-asa tulad ng pagkakagamit nito sa mga banal na kasulatan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Ang pag-asa ay kaloob ng Espiritu. …
“Ang pag-asa ay hindi kaalaman, kundi, pagtitiwala na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Ito’y tiwala na kung mamumuhay tayo ayon sa mga batas ng Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta ngayon, tatanggapin natin ang hangad nating mga biyaya sa hinaharap. Ito ay paniniwala at pag-asang sasagutin ang ating mga dalangin. Makikita ito sa tiwala, magandang pananaw, sigla, at pagtitiyaga” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 21–22).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ni Mormon na dapat nating asahan. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, lagyan ng label ang pangalawang paa ng upuan ng pariralang Pag-asa na Magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan.
Bigyang-diin na ang Moroni 7:41 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang talatang ito sa paraan na madali nilang mahahanap.
-
Ayon sa Moroni 7:41, paano tayo magkakaroon ng pag-asa na maibangon tungo sa buhay na walang hanggan? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala na ibabangon tayo tungo sa buhay na walang hanggan.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mag-isa ang Moroni 7:42–43 at hanapin ang mga katangian na kailangan natin upang magkaroon tayo ng pag-asa at pananampalataya. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging maamo at may mapagpakumbabang puso ay maging mapagkumbaba, mabait, at masunurin sa kalooban ng Panginoon.)
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pagiging maamo at mapagkumbabang puso upang magkaroon ng pananampalataya at pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Paano nagbibigay ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ng pag-asa na magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan?
Moroni 7:44–48
Itinuro ni Mormon ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao
Tukuyin muli ang upuan na may tatlong-paa. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:44 at alamin kung ano ang ilalagay na label para sa pangatlong paa ng upuan. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, lagyan ng label ang pangatlong paa ng upuan ng mga salitang Pag-ibig sa Kapwa-tao. Sabihin sa kanila na ibigay ang kahulugan ng pag-ibig sa kapwa-tao gamit ang sarili nilang salita.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:45–47. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan at binigyang-kahulugan ni Mormon ang pag-ibig sa kapwa-tao.
-
Paano ipinaliwanag ni Mormon ang pag-ibig sa kapwa-tao sa Moroni 7:47? (“Dalisay na pag-ibig ni Cristo.”)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi kailanman magkukulang?
-
Sa inyong palagay, bakit wala tayong kabuluhan kapag wala tayong pag-ibig sa kapwa-tao?
Sabihin sa mga estudyante na pumili sa mga paglalarawan ng pag-ibig sa kapwa-tao sa Moroni 7:45 at ipaliwanag kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng mga paglalarawang iyon. Linawin ang kanilang mga paliwanag kung kinakailangan. (Halimbawa, ang ibig sabihin ng “nagtitiis nang matagal” ay matiyagang tinitiis ng isang tao ang mga pagsubok. Ibig sabihin ng “hindi palalo” ay mapagkumbaba ang isang tao. Ang “hindi naghahangad para sa kanyang sarili” ay naglalarawan ng ugaling pag-una sa Diyos at sa ibang tao bago ang sarili. Ang “naniniwala sa lahat ng bagay” ay naglalarawan sa isang tao na tinatanggap ang lahat ng katotohanan.)
Itanong sa mga estudyante kung paano sila tutugon sa bawat isa mga sumusunod na sitwasyon kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao. Pagkatapos ay itanong kung paano sila tutugon kung puspos sila ng pag-ibig sa kapwa-tao. (Maaari mong iakma ang mga sitwasyong ito ayon sa mga pangangailangan at interes ng mga estudyanteng tinuturuan mo.)
-
Pinagtatawanan ka o ang isang tao ng mga tao sa inyong paaralan.
-
May kapatid ka na madalas kang iniinis.
-
May kilala ka na nakagawa ng mabigat na kasalanan.
-
Mas gusto mo ang dating adviser mo kaysa sa bagong quorum o class adviser mo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kailangan nating gawin para mabigyan ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao. Kapag nakasagot na ang mga estudyante, tiyakin na malinaw ang sumusunod na alituntunin: Kung magdarasal tayo sa Ama nang buong lakas ng puso, at mamumuhay bilang mga tunay na mga tagasunod ni Jesucristo, mapupuspos tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao.
Bigyang-diin na ang Moroni 7:45, 47–48 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga talatang ito sa paraan na madali nilang mahahanap.
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan nating manalangin nang buong lakas ng ating puso para sa kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?
-
Kailan kayo nakakita ng halimbawa ng pag-ibig sa kapwa-tao? (Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)
-
Kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon na makadama ng higit na pag-ibig sa kapwa-tao?
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Moroni 7:45 at pumili ng isang aspeto ng pag-ibig sa kapwa-tao na kailangan nilang mas mapagbuti pa. Hikayatin sila na manalangin na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao habang sinisikap nila na mas mapagbuti pa ang aspetong ito. Patotohanan ang impluwensya ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao sa iyong buhay.