Pambungad sa Ang Aklat ni Moroni
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng aklat ni Moroni, mapapalakas sila ng matitinding halimbawa at mga turo ni Moroni at ng kanyang amang si Mormon. Malalaman nila ang tungkol sa mga pangunahing ordenansa at gawain ng Simbahan ni Jesucristo, ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti nang may tunay na layunin; ang paraan kung paano mahihiwatigan ang mabuti at masama; ang pagkakaugnay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao; at ang kaligtasan ng maliliit na bata. Mababasa rin ng mga estudyante ang payo ni Moroni na manalangin para malaman sa kanilang sarili kung totoo ang Aklat ni Mormon (tingnan sa Moroni 10:3–5) at “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Isinulat ni Moroni ang aklat na ito, na kinabibilangan ng kanyang mga salita, ng mga salita ni Jesucristo sa Kanyang labindalawang Nephitang disipulo (tingnan sa Moroni 2), at ng mga salita ng kanyang amang si Mormon (tingnan sa Moroni 7–9). Bago malipol ang mga Nephita, si Moroni ay naglingkod sa kanila bilang pinuno ng militar at ng Simbahan (tingnan sa Mormon 6:12; Moroni 8:1). Tulad ng ibang mga pangunahing manunulat at tagatipon ng Aklat ni Mormon, si Moroni ay isang saksi ng Tagapagligtas. Pinatotohanan niya, “Nakita ko si Jesus, at … nakipag-usap siya sa akin nang harap-harapan,” (Eter 12:39). Si Moroni ay tapat sa kanyang patotoo, at tumangging itatwa si Cristo sa panahong pinapatay ng mga Lamanita ang lahat ng mga Nephita na hindi magtatatwa sa kanya (tingnan sa Moroni 1:1–3). Noong 1823, mga 1,400 taon na ang nakaraan matapos makumpleto ang talaan ng Aklat ni Mormon, nagpakita si Moroni kay Propetang Joseph Smith bilang isang nilalang na nabuhay na muli at ipinaalam kay Joseph na nakalagak ang talaan sa burol malapit sa kanyang tahanan (tingnan sa Joseph Smith—kasaysayan 1:29–35). Mula noong panahong iyon at sa sumunod na apat na taon, itinuro ni Moroni kay Joseph Smith “kung ano ang gagawin ng Panginoon, at kung paano at sa anong paraan ang kanyang kaharian ay pangangasiwaan sa mga huling araw” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:54).
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Sinabi ni Moroni, “Ako ay susulat ng ilan pang bagay, na marahil ang mga yaon ay magiging mahalaga sa aking mga kapatid, na mga Lamanita, sa mga darating na araw” (Moroni 1:4; tingnan din sa Moroni 10:1). Ipinahayag din niya na siya ay nangungusap “sa lahat ng nasa mga dulo ng mundo,” nagbibigay ng babala na sa hukuman ng Diyos, lahat ay pananagutin para sa mga salitang isinulat niya (tingnan sa Moroni 10:24, 27). Bilang paghahanda para sa pangyayaring ito, inanyayahan ni Moroni ang lahat na “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:30, 32).
Kailan at saan ito isinulat?
Malamang na isinulat at pinaikli ni Moroni ang aklat na ito sa pagitan ng A.D. 401 at A.D. 421 (tingnan sa Mormon 8:4–6; Moroni 10:1). Hindi niya sinabi kung nasaan siya nang isulat niya ito—sinabi niya lang na siya ay nagpagala-gala para sa kaligtasan ng kanyang buhay (tingnan sa Moroni 1:1–3).
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Ang aklat na ito ay nagbibigay ng mga detalye hinggil sa mga tagubilin ni Jesucristo sa Kanyang labindalawang Nephitang disipulo nang ipagkaloob Niya sa kanila ang kapangyarihan ng paggagawad ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 2; tingnan din sa 3 Nephi 18:36–37). Kabilang din dito ang mga tagubilin sa Aklat ni Mormon hinggil sa pagsasagawa ng mga ordenasyon ng priesthood at ang mga panalanging ginamit sa ordenansa ng sakramento (tingnan sa Moroni 3–5). Ang iba pang natatanging katangian ng aklat na ito ay ang mga itinuro ni Mormon kung paano mahihiwatigan ang mabuti at masama (tingnan sa Moroni 7:12–19), ang paglilingkod ng mga anghel (tingnan sa Moroni 7:29–39), ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:44–48), at ang kaligtasan ng maliliit na bata (tingnan sa Moroni 8). Kabilang din dito ang paglalarawan ni Mormon ng matinding kasamaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita bago ang kanilang huling digmaan sa Cumorah (tingnan sa Moroni 9). Isinama ni Moroni ang kanyang sariling mga turo tungkol sa mga kaloob ng Espiritu (tingnan din sa Moroni 10:8–26). Nagsulat din siya ng isang paanyaya na matatagpuan sa Moroni 10:3–5, na nagbigay ng mahalagang ambag sa Aklat ni Mormon. Patungkol sa scripture passage na ito, ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang Aklat ni Mormon “ang tanging aklat na may pangako na sa tulong ng banal na kapangyarihan ay matitiyak ng mambabasa ang katotohanan nito” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 4).
Outline
Moroni 1–6 Habang si Moroni ay nagpagala-gala para sa kaligtasan ng kanyang buhay, itinala niya ang mga ordenansa at gawain sa Simbahan ni Jesucristo. Kabilang dito ang paggawad ng kaloob na Espiritu Santo, pagsasagawa ng mga ordenasyon sa priesthood, pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento, at mga kwalipikasyon para sa binyag. Tinalakay rin ni Moroni ang mga espirituwal na pangangalaga ng mga miyembro ng Simbahan gayon din ang mga layunin ng mga pulong sa Simbahan at kung paano pamumunuan ang mga ito.
Moroni 7 Itinala ni Moroni ang sermon na ibinigay ni Mormon, na nagturo tungkol sa Liwanag ni Cristo, ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti nang may tunay na layunin, paghiwatig sa kaibhan ng mabuti at masama, pagtangan sa bawat mabuting bagay, at pagkakaugnay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao.
Moroni 8–9 Itinala ni Moroni ang mga liham mula kay Mormon na nagpapaliwanag kung bakit hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata at inilarawan ang matinding kasamaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita.
Moroni 10 Pinayuhan ni Moroni ang lahat ng magbabasa ng Aklat ni Mormon na manalangin upang malaman ang katotohanan nito, huwag itatwa ang kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos, at lumapit kay Cristo at maging ganap sa kanya.