Library
Pambungad sa Aklat ni Jacob


Pambungad sa Ang Aklat ni Jacob

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa pag-aaral ng aklat ni Jacob, matututuhan ng mga estudyante ang mahahalagang aral mula sa isang taong may di-natitinag na pananampalataya kay Jesucristo. Paulit-ulit na nagpatotoo si Jacob tungkol sa Tagapagligtas at inanyayahan ang kanyang mga tao at ang lahat ng magbabasa ng kanyang mga salita na magsisi. Itinuro at ipinakita niya ang kahalagahan ng masigasig na pagtupad sa tungkuling ibinigay ng Panginoon. Nagbabala siya sa kanyang mga tao laban sa panganib na dulot ng kapalaluan, kayamanan, at imoralidad. Binanggit rin ni Jacob ang talinghaga ng mga punong olibo ni Zenos at nagsalita tungkol dito, na naglalarawan ng walang kapagurang paggawa ng Tagapagligtas para mailigtas ang lahat ng mga anak ng Diyos at nagbigay ng buod sa mga pakikitungo ng Diyos sa sambahayan ni Israel. Sa kanyang pagharap kay Serem, na isang anti-Cristo, ipinakita ni Jacob kung paano tumugon nang mabuti sa mga taong nagdududa o pumupuna sa ating paniniwala.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Si Jacob, ang panlimang anak nina Saria at Lehi, ang sumulat ng aklat na ito. Isinilang siya sa ilang habang naglalakbay ang kanyang pamilya papunta sa lupang pangako. Sa kanyang kabataan, si Jacob ay “nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng [kanyang] mga kapatid” (2 Nephi 2:1). Gayunman, ipinangako ni Lehi kay Jacob na ang Diyos ay “ilalaan ang [kanyang] mga paghihirap para sa [kanyang] kapakinabangan” at iuukol niya ang kanyang mga araw “sa paglilingkod sa [kanyang] Diyos” (2 Nephi 2:2–3). Sa kanyang kabataan, namasdan ni Jacob ang kaluwalhatian ng Tagapagligtas (tingnan sa 2 Nephi 2:3–4). Itinalaga ni Nephi si Jacob na maging isang saserdote at guro ng mga Nephita (tingnan sa 2 Nephi 5:26) at kalaunan ay ipinagkatiwala sa kanya ang maliliit na lamina ni Nephi (tingnan sa Jacob 1:1–4). Bilang isang matapat na priesthood leader at guro, masigasig na hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na maniwala kay Cristo (tingnan sa Jacob 1:7). Nakatanggap siya ng mga paghahayag tungkol sa Tagapagligtas, nakaranas ng paglilingkod ng mga anghel, at narinig ang tinig ng Panginoon (tingnan sa Jacob 7:5), at nakita ang kanyang Manunubos (tingnan sa 2 Nephi 11:2–3). Si Jacob ang ama ni Enos na pinagkatiwalaan niya ng mga lamina bago siya mamatay.

Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?

Tinagubilinan ni Nephi si Jacob na magtala ng mga sagradong turo, mga paghahayag, at mga propesiya “alang-alang kay Cristo, at para sa kapakanan ng aming mga tao” (Jacob 1:4). Sinunod ni Jacob ang tagubiling ito at pinangalagaan ang mga tala na “inaakala [niyang] pinakamahalaga” (Jacob 1:2). Isinulat niya: “Masigasig kaming gumagawa upang maiukit ang mga salitang ito sa mga lamina, umaasang tatanggapin ang mga yaon ng aming mga minamahal na kapatid at aming mga anak nang may pasasalamat sa kanilang mga puso. … Sapagkat, sa layuning ito kaya isinulat namin ang mga bagay na ito, upang kanilang malaman na alam namin ang tungkol kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon bago pa ang kanyang pagparito” (Jacob 4:3–4). Ganito ang sinabi ni Jacob nang magsalita siya tungkol sa pangunahing tema ng kanyang mga isinulat, “Bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya … ?” (Jacob 4:12).

Kailan at saan ito isinulat?

Ang aklat ni Jacob ay tinatayang nagsimula noong 544 B.C., nang ipagkatiwala ni Nephi kay Jacob ang maliliit na lamina. Natapos ito noong malapit nang pumanaw si Jacob, nang ipasa niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Enos. Isinulat ni Jacob ang talaang ito habang naninirahan sa lupain ng Nephi.

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?

Ang aklat ni Jacob ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa pamahalaan ng mga Nephita pagkatapos ng kamatayan ni Nephi. Si Nephi ay nagtalaga ng isang lalaki na hahalili sa kanya bilang hari at pinuno ng mga tao, samantalang sina Jacob at Jose ay nagpatuloy sa kanilang tungkulin bilang mga espirituwal na lider ng mga Nephita. Ang isa pang kakaibang katangian ng aklat na ito ay ang pagkundena ni Jacob sa hindi awtorisadong pag-aasawa nang higit sa isa. Ang tanging scripture reference sa paksang ito sa Aklat ni Mormon ay matatagpuan sa Jacob 2. Kabilang sa aklat ni Jacob ang pinakamahabang kabanata sa Aklat ni Mormon, ang Jacob 5, na naglalaman ng talinghaga ni Zenos tungkol sa mga punong olibo. Bukod pa rito, nakatala sa aklat ni Jacob ang unang pagkakataon sa Aklat ni Mormon na ang propeta ay tuwirang nagbabala sa mga Nephita laban sa kapalaluan—ang kasalanan na magiging dahilan ng kanilang pagkawasak sa huli (tingnan sa Jacob 2:12–22; Moroni 8:27). Nakatala rin dito ang unang paglitaw ng isang anti-Cristo sa mga Nephita.

Outline

Jacob 1 Sinunod ni Jacob ang utos ni Nephi na mag-ingat ng sagradong talaan. Namatay si Nephi. Sina Jacob at Jose ay naglingkod sa mga tao, nagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos.

Jacob 2–3 Sa pagsasalita sa templo, nagbabala si Jacob sa mga Nephita laban sa kapalaluan, pagmamahal sa kayamanan, at imoralidad.

Jacob 4–6 Nagpatotoo si Jacob tungkol kay Cristo at binanggit ang talinghaga ni Zenos tungkol sa mga punong olibo. Hinikayat niya ang kanyang mga tao na magsisi, tanggapin ang awa ng Panginoon, at maghanda sa paghuhukom.

Jacob 7 Sa tulong ng Panginoon, nalito ni Jacob si Serem, isang anti-Cristo. Binanggit niya ang mga digmaan ng mga Nephita at mga Lamanita at ipinasa ang maliliit na lamina kay Enos.