Library
Lesson 43: Jacob 1–Jacob 2:11


Lesson 43

Jacob 1Jacob 2:11

Pambungad

Matapos ang kamatayan ni Nephi, ang mga Nephita ay nagsimulang “[m]agpasasa … sa masasamang gawa” sa ilalim ng pamumuno ng bagong hari (Jacob 1:15). Si Jacob at ang kanyang kapatid na si Jose ay itinalaga ni Nephi bilang mga saserdote at guro ng mga tao, at masigasig silang gumawa para hikayatin ang mga tao na magsisi at lumapit kay Cristo. Sinunod ni Jacob ang utos ni Nephi na itala ang mga sagradong turo, paghahayag, at mga propesiya sa maliliit na lamina.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Jacob 1:1–8

Itinala ni Jacob ang mga sagradong katotohanan at masigasig na gumawa upang tulungan ang iba na lumapit kay Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga halimbawa ng titulo ng mga priesthood leader. (Maaaring kabilang sa sagot ang mga propeta at mga apostol, mga General Authority, stake president, bishop, at mga quorum president.) Sabihin sa ilang estudyante na maikling ibahagi ang ilang paraan na napagpala ang kanilang buhay ng paglilingkod ng mga priesthood leader.

Ipaliwanag na itinalaga ni Nephi ang kanyang mga nakababatang kapatid na sina Jacob at Jose bilang mga saserdote at guro ng mga tao (tingnan sa 2 Nephi 5:26; Jacob 1:18). Nang malapit nang magwakas ang buhay ni Nephi, nagbigay siya ng kautusan kay Jacob tungkol sa mga lamina na naglalaman ng talaan ng kanilang mga tao.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 1:1–4. Sabihin sa kanila na tukuyin ang iniutos ni Nephi na isusulat ni Jacob sa mga lamina, at bakit. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga tagubilin ni Nephi kay Jacob.) Matapos magkaroon ng sapat na oras na makapagbasa ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang nalaman nila.

Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, ituro ang huling parirala sa Jacob 1:4—“para sa kapakanan ng aming mga tao.”

  • Ano ang ibig sabihin ng pariralang “para sa kapakanan ng aming mga tao”? (Para sa kanilang kapakinabangan at ikabubuti.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 1:5–6. Ipatukoy sa klase ang inihayag ng Panginoon kina Jacob at Jose na makatutulong sa pagtuturo nila sa mga tao. (Maaari mong ipaliwanag na ang “labis na pag-aalaala” ay tumutukoy sa labis na pagmamalasakit nila sa mga tao.)

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon kina Jacob at Jose? (Ipinakita Niya sa kanila ang mangyayari sa mga Nephita sa hinaharap, at inihayag Niya ang mga detalye tungkol sa pagdating ni Cristo.)

  • Paano nakatulong kina Jacob at Jose ang kaalaman sa mga bagay na ito sa pagtuturo nila sa kanilang mga tao?

Isulat sa pisara ang salitang mahikayat. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 1:7–8, na inaalam ang nais nina Jacob at Jose na mahikayat ang mga tao na gawin. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.) Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang isang bagay na nalaman nila.

Mula sa nakalista sa pisara, sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isa o dalawang parirala na gusto pa nilang mas maunawaan. Kapag natukoy na ng mga estudyante ang mga pariralang ito, itanong kung may mga estudyante na gustong tumulong sa pagpapaliwanag nito. Sa talakayang ito, makatutulong ang mga sumusunod na paliwanag:

“Makapasok sa kanyang kapahingahan”—Ang ibig sabihin ng pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon ay pagkakaroon ng kapayapan sa buhay na ito at pagkakaroon ng “kaganapan ng kaluwalhatian [ng Diyos]” sa kabilang buhay (D at T 84:24).

“Isaalang-alang ang kamatayan [ni Cristo]”—Isang kahulugan ng isaalang-alang ay bigyang-pansin o unawaing mabuti. Nang isulat ni Jacob na gusto niyang hikayatin ang mga tao na “maniwala kay Cristo, at isaalang-alang ang kanyang kamatayan,” maaaring ang ibig niyang sabihin ay gusto niyang unawain nilang mabuti ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maunawaan ang kahalagahan nito, at magkaroon ng personal na patotoo tungkol dito.

“Batahin ang kanyang krus”—Ang pariralang ito ay tumutukoy sa kahandaan nating itanggi sa ating sarili ang kasamaan at mga makamundong pagnanasa at sundin ang mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26 ; Lucas 9:23; 2 Nephi 9:18). Tumutukoy rin ito sa kahandaan nating magtiis at magsakripisyo sa pagsunod natin sa Tagapagligtas.

“Tiisin ang kahihiyan ng sanlibutan”—Ang pariralang ito ay tumutukoy sa pagsunod sa mga kautusan sa kabila ng impluwensya, pagpapahiya, at oposisyon ng mundo na kadalasang dumarating sa mga disipulo ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila mula sa Jacob 1:1–8 tungkol sa mga responsibilidad ng mga priesthood leader. Habang nagbabahagi ng kanilang ideya ang mga estudyante, bigyang-diin na ang mga priesthood leader ay masigasig na gumagawa upang tulungan tayo na lumapit kay Cristo. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ginagawa ng mga priesthood leader natin upang matulungan tayo na lumapit kay Cristo?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na maisulat sa kanilang scripture study journal ang tungkol sa mga paraan na natulungan sila ng mga propeta o ng iba pang mga priesthood leader sa isa o dalawang bagay na natukoy nila sa Jacob 1:7–8. Ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila. (Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)

Jacob 1:9–2:11

Nagbabala si Jacob sa mga tao tungkol sa kanilang kasamaan

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong sa natitirang bahagi ng lesson:

  • Bakit binabalaan tayo ng mga lider ng Simbahan laban sa kasalanan?

Itinala ni Jacob na matapos pumanaw ang kanyang kapatid na si Nephi, ang mga tao ay nagsimulang magpasasa sa ilang masasamang gawain. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 1:15–16. Sabihin sa kanila na tukuyin ang tatlong bagay na inaalala ni Jacob. (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang imoralidad, kamunduhan, at kapalaluan.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jacob 1:17–19, na inaalam kung ano ang ginawa nina Jacob at Jose para matulungan ang kanilang mga tao. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipasulat sa isang estudyante ang kanilang mga sagot sa pisara.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tumanggap ng “tungkulin mula sa Panginoon”? (Jacob 1:17). (Malaman ang nais ipagawa ng Panginoon sa atin.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan kung paano inaalam ng mga lider ng Simbahan ang nais ng Panginoon kapag naghahanda silang magturo sa pangkalahatang kumperensya:

Elder Jeffrey R. Holland

“Marahil ay alam na ninyo (ngunit kung hindi pa ay dapat ninyong malaman) na maliban sa iilan, na hindi inaatasan ng paksa ang sinumang lalaki o babaeng nagsasalita [sa pangkalahatang kumperensya]. Bawat isa ay kailangang mag-ayuno at manalangin, mag-aral at maghanap, isulat muli’t muli ang kanyang mensahe hanggang sa tiwala na siya na para sa kumperensyang ito, sa oras na ito, ang paksang napili niya ang gustong ipalahad sa kanya ng Panginoon kahit may iba siyang gusto. … Bawat isa ay umiyak, nag-alala, at taos na humiling ng patnubay sa Panginoon na gabayan ang kanyang isipan at pagpapahayag” (“Isang Sagisag sa mga Bansa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 111).

  • Ano ang ginagawa ng mga magsasalita sa pangkalahatang kumperensya para malaman nila ang nais ng Panginoon na sabihin nila?

  • Bakit mahalagang maunawaan na hinahangad ng mga lider ng Simbahan na ituro sa atin ang nais ng Panginoon na malaman natin? Paano makaiimpluwensya sa ating saloobin ang pagsasaisip nito kapag pinakikinggan natin sila na magturo?

  • Ayon sa Jacob 1:19, ano ang mga responsibilidad nina Jacob at Jose? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na: ang mga priesthood leader ay may banal na responsibilidad na ituro ang salita ng Diyos at magbabala laban sa kasalanan. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Bakit isang pagpapala ang magkaroon ng mga magulang at mga lider ng Simbahan na nagbibigay ng babala at pinagsasabihan tayo sa masasama nating ugali at asal?

  • Anong mga salita ang ginamit ni Jacob para ilarawan kung paano sila dapat magturo? Ano ang mangyayari kung hindi nila gagawin ang kanilang mga responsibilidad?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang madarama nila kung, tulad ni Jacob, ay mabigyan sila ng katungkulan sa pamumuno at nabigyang-inspirasyon na manawagan sa mga tao na magsisi sa kanilang imoralidad, kamunduhan, at kapalaluan. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magsalitan sa pagbasa ng Jacob 2:1–3, 6–7, 10–11. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga parirala na naglalahad ng nadarama ni Jacob tungkol sa kanyang tungkulin na manawagan ng pagsisisi sa kanyang mga tao. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinahihiwatig ng mga pariralang ito tungkol sa nadarama ni Jacob sa kanyang tungkulin na manawagan ng pagsisisi sa kanyang mga tao? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na bagama’t nadama ni Jacob na mahirap ang responsibilidad na ito, tinupad pa rin niya ito dahil nagmamalasakit siya sa mga tao at gusto niyang sundin ang utos ng Diyos.)

Isiping gamitin ang segment na ito mula sa Mga Video ng Aklat ni Mormon kapag itinuro mo ang bahaging ito (tingnan sa Mga Video ng Aklat ni Mormon: Mga Tagubilin sa Seminary Teacher).

Bilang pagtatapos sa lesson, sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal ang tungkol sa (1) mga huling bagay na itinuro sa kanila ng mga lider ng Simbahan at kung paano nila ito maipamumuhay o (2) kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila sa araw na ito sa kanilang mga tungkulin sa class o quorum presidency, sa kanilang mga responsibilidad bilang home teacher, o sa iba pang mga tungkulin sa pamumuno. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga instruksyong ito.) Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang payo ng mga priesthood leader. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning naituro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Jacob 1:18. “Itinalagang mga saserdote at guro”

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang ibig sabihin ng pariralang “itinalagang mga saserdote at guro” sa Jacob 1:18:

“Ang mga Nephita ay nanungkulan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood mula sa panahon ni Lehi hanggang sa panahong nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas. Totoong ‘itinalaga [ni Nephi] sina Jacob at Jose’ nang sa gayon ay maging mga saserdote at mga guro sila sa buong lupain ng mga Nephita, ngunit ang katotohanan na maramihan ang paggamit sa salitang mga saserdote at mga guro ay nagpapahiwatig na hindi tumutukoy ang alinman sa mga ito sa isang partikular na katungkulan sa priesthood, kundi ito ay tungkulin para sa lahat na magturo, gumabay, at magpayo sa mga tao” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 1:124).

Jacob 1:19. “Tinupad namin ang aming mga tungkulin sa Panginoon”

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson ang ibig sabihin ng pagtupad sa tungkulin:

“Ano ang ibig sabihin ng gampanan [o tuparin] ang tungkulin? Ibig sabihi’y bigyan ito ng dignidad at halaga, gawin itong marangal at kalugud-lugod sa mga mata ng lahat ng tao, palawakin at patatagin ito, ipakita sa iba ang impluwensya ng langit sa ating tungkulin.

“At paano ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa [paggawa lamang ng] paglilingkod na [nauukol] dito. Ginagampanan ng elder ang tungkulin ng elder sa pag-alam sa mga tungkulin niya bilang elder at pagsasagawa ng mga ito. Ganoon din ang dapat gawin ng deacon, teacher, priest, bishop, at bawat lalaking may tungkulin sa priesthood” (“Ang Sagradong Tawag na Maglingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 54).

Jacob 1:19; 2:2. “Pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo”

Ang mga may tungkulin sa pamumuno sa Simbahan ay may matinding responsibilidad. Itinuro ni Jacob na kapag nagpabaya ang mga lider at hindi nagturo ng salita ng Diyos sa mga tao na tungkulin nilang pamunuan, kabilang sila sa mga mananagot para sa mga kasalanan ng mga tao. Sa pagsasalita sa kalalakihan ng priesthood, ipinaliwanag ni Pangulong John Taylor ang responsibilidad na inilarawan ni Jacob:

“Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong mga tungkulin, papanagutin kayo ng Diyos sa mga maaari sana ninyong nailigtas kung ginawa ninyo ang inyong tungkulin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 197).

Sinabi kalaunan ni Pangulong Hugh B. Brown ng Unang Panguluhan tungkol sa pahayag ni Pangulong Taylor:

“Ito ay isang matinding pahayag. Kung dahil sa kasalanan ko ay mawala sa akin ang matatamo ko sana sa kabilang buhay, ako mismo ay magdurusa at, tiyak, pati na ang mga mahal ko sa buhay. At kung hindi ko gagawin ang aking tungkulin bilang bishop, stake president, mission president, o isa sa mga General Authority ng Simbahan—kung sinuman sa atin ang hindi magturo, gumabay, pumatnubay at tumulong na masagip ang mga tao na ating pinamumunuan at sakop ng ating tungkulin, kung gayon papanagutin tayo ng Panginoon kung sila ay mawala dahil sa ating kapabayaan” (sa Conference Report, Okt. 1962, 84).

Jacob 2:8. Ang “salita ng Diyos … [ay] humihilom sa sugatang kaluluwa”

Kapag nakalilito o nakababahala ang bagong impormasyon sa mga nag-aaral ng ebanghelyo, mas makabubuti para sa kanila na humingi ng sagot sa Diyos, na nakaaalam ng lahat ng bagay, kaysa magsaliksik sa Internet o sa mga materyal na anti-Mormon. Ang paghingi ng sagot sa Diyos ay nagpapakita ng ating pananampalataya sa Kanya at dahil dito ay makatatanggap tayo ng mga sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dapat din tayong bumaling sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga apostol at propeta sa mga huling araw, na makasasagot sa mahihirap na tanong at makapagpapahilom ng mga sugatang damdamin. Ang mga sumusunod na banal na kasulatan ay magtuturo sa atin kung saan tayo dapat bumaling at kung ano ang dapat nating gawin kapag may mahihirap na tanong o problema:

Jacob 2:8—Ang “salita ng Diyos … [ay] humihilom sa sugatang kaluluwa.”

Santiago 1:5–6—“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, … at ito’y ibibigay sa kaniya. Nguni’t humingi siyang may pananampalataya.”

Moroni 10:5—“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”