Lesson 88
Alma 30
Pambungad
Pagkatapos ng matinding digmaan sa pagitan ng mga Nephita at mga Lamanita, nagkaroon ng kapayapaan sa buong lupain. Mga dalawang taon kalaunan, isang lalaking nagngangalang Korihor ang nagsimulang mangaral na walang Diyos, na hindi magkakaroon ng Cristo, at walang kasalanang umiiral. Nilait niya ang mga pinuno ng Simbahan at sinabing nagtuturo sila ng mga hangal na kaugalian. Dahil sa kanyang mga maling turo maraming tao ang nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Si Korihor ay iniharap kay Alma, na nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at itinuro na ang lahat ng bagay ay nagpapatotoo sa isang Kataas-taasang Tagapaglikha. Sa huli, si Korihor ay napipi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at napaniwala sa katotohanan. Gayunman, nang magsumamo siyang ibalik ang kanyang tinig, hindi ito pinagbigyan ni Alma at sinabing magtuturo siyang muli ng maling doktrina kapag bumalik ang tinig niya. Sa nalalabing sandali ng kanyang buhay, si Korihor ay nanlimos para may makain. Siya ay niyapak-yapakan hanggang sa mamatay ng isang pangkat ng mga tumiwalag na Nephita na tinatawag na mga Zoramita.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 30:1–18
Si Korihor, ang anti-Cristo, ay kinutya ang doktrina ni Cristo
Bago magsimula ang klase, butasan nang maliit ang ibabaw ng lata ng softdrinks at patuluin ang laman. Ipakita ang lata sa klase nang hindi sinasabi na wala itong laman. Itanong kung sino ang may gusto at hanggang magkano nila gustong bayaran ito. Palapitin ang isang estudyante, pahawakan at patingnang mabuti ang lata, at sabihin sa klase kung ano ang nasa loob. (Sa halip na lata ng softdrinks, puwede ka ring gumamit ng walang lamang kahon, bag, o pambalot na karaniwang naglalaman ng isang bagay na magugustuhan ng mga estudyante.)
-
Paano maitutulad sa latang ito ang mga maling turo? (Kadalasan na kaakit-akit ang mga ito sa labas pero sa loob naman ay walang laman.)
Ipaliwanag na sa lesson ngayon, pag-aaralan nila ang tungkol sa isang tao na nagngangalang Korihor. Sa pag-aaral nila ng Alma 30, hikayatin sila na isipin kung bakit walang naibigay na espirituwal na lakas ang mga turo ni Korihor sa mismong sarili niya at sa ibang taong naniwala sa kanya.
Ikuwento sa mga estudyante na matapos ang pakikidigma sa mga Lamanita, ang mga tao ni Ammon (ang mga Anti-Nephi-Lehi) at ang mga Nephita ay nagsimulang makaranas ng kapayapaan. Ngunit ginambala ni Korihor ang kapayapaang ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 30:6, 12 at hanapin ang salitang naglalarawan sa taong ito. (Ang salita ay Anti-Cristo. Ipaliwanag na ang isang kahulugan ng salitang ito ay “sinuman o anumang bagay na nanghuhuwad sa totoong ebanghelyo ng plano ng kaligtasan at hayagan o lihim na sumasalungat kay Cristo” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anti-Cristo,” scriptures.lds.org].)
(Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung sino si Korihor at kung ano ang kanyang mga itinuro, maaari mong ipanood ang isang segment ng video na, “All Things Denote There Is a God” [time codes 0:00 hanggang 1:14]. Habang pinapanood ng mga estudyante ang video, sabihin sa kanila na pakinggan ang itinuro ni Korihor na laban kay Cristo. Pagkatapos ay ipagawa sa mga estudyante ang sumusunod na aktibidad.)
Ihanda ang sumusunod na exercise, gawin itong handout o isulat sa pisara bago magklase. Kung isusulat o ilalagay mo ito sa pisara, sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Makatutulong ito sa kanila na makita kung paano gumagamit si Satanas at ang mga naglilingkod sa kanya ng mga maling doktrina para maakit tayong magkasala.
Mga Maling Turo ni Korihor, ang Anti-Cristo
Maling Turo |
Mensahe |
---|---|
a. Hindi mo maaaring malaman na totoo ang isang bagay hangga’t hindi mo ito nakikita. Kung gayon, hindi mo maaaring malaman na magkakaroon ng isang Cristo. | |
2. Alma 30:15 |
b. Walang ganoong bagay na tinatawag na kasalanan. Walang pamantayan para sa buong daigdig tungkol sa kung ano ang tama o mali. |
3. Alma 30:16 |
c. Ang mga tao ay umuunlad sa sarili nilang pagsisikap. Walang pagbabayad-sala. |
4. Alma 30:17 (simula sa “bawat tao ay namumuhay …”) |
d. Imposibleng malaman ang tungkol sa bagay na mangyayari sa hinaharap, kaya hindi ka dapat maniwala kay Cristo o sundin ang mga salita ng mga taong nagsasabi na sila ay mga propeta. |
5. Alma 30:17 (simula sa “ano mang gawin ng tao …”) |
e. Ang pagpapatawad ng kasalanan ay isang kahangalan na nagmula sa mga maling tradisyon. |
6. Alma 30:18 |
f. Walang buhay pagkatapos ng kamatayan, kaya walang paghuhukom na dapat ipag-alala pagkatapos ng buhay na ito. |
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa kanila nang sabay-sabay ang Alma 30:12–18. Sabihin sa kanila na itugma ang maling mga turo ni Korihor, na nasa kaliwa ng exercise, sa mga mensahe ng mga turong iyon, na nasa kanang bahagi. (Mga sagot: 1–d, 2–a, 3–e, 4–c, 5–b, 6–f.)
Para matulungan ang mga estudyante na masuri ang mga turo ni Korihor at ipamuhay ang natutuhan nila, itanong ang mga sumusunod:
-
Anong mga turo ang mga narinig o nabasa ninyo na katulad ng mga turo ni Korihor?
-
Ayon sa Alma 30:18, ano ang ginawa ng mga tao dahil sa mga turo ni Korihor?
-
Sa palagay ninyo bakit nagpadaig sa tukso ang mga tao dahil sa mga turong ito?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga panganib na dulot ng mga maling doktrina? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Si Satanas ay gumagamit ng mga maling doktrina para mahikayat tayong gumawa ng kasalanan.)
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nangyari sa kanila ang sumusunod na sitwasyon:
Inimbitahan kayo ng kaibigan ninyo na pumunta sa party. Nang dumating kayo sa bahay ng kaibigan ninyo, nakita ninyo na karamihan sa mga bisita ay mahalay ang suot na damit, hindi nararapat ang pinapatugtog na musika, at gumagamit ang mga bisita ng mga bagay na labag sa Word of Wisdom. Nang nag-alangan kayong manatili pa sa party, itinanong ng kaibigan ninyo kung bakit gusto ninyong umalis.
-
Ano ang sasabihin ninyo? (Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante na labag sa mga pamantayan ng kanilang pananampalataya ang mga ginagawa at kapaligiran sa party.)
-
Kung kinutya kayo ng kaibigan ninyo o ang mga pinaniniwalaan ninyo, at sinabing nililimitahan nito ang inyong kalayaan, ano ang isasagot ninyo?
Alma 30:19–60
Humingi ng palatandaan si Korihor mula kay Alma at siya ay pinarusahan at naging pipi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos
Ibuod ang Alma 30:19–30 na ipinapaliwanag na nagturo si Korihor ng mga maling doktrina sa tatlong magkakaibang lunsod ng mga Nephita. Kalaunan, siya ay iniharap sa punong hukom ng lupain at kay Alma, na pinuno ng Simbahan. Maaari mong ipaliwanag na isa sa malalaking argumento ni Korihor ay ang pagsasabing inalipin ng mga pinuno ng Simbahan ang mga tao—na inalis ng kanilang relihiyon ang kalayaan sa mga tao. Pinaratangan din niya na pinapakinabangan ng mga pinuno ng Simbahan ang mga pinagtatrabahuhan ng mga tao.
(Sa halip na ibuod ang Alma 30:19–30, maaari mong ipanood ang isa pang segment ng “All Things Denote There Is a God” [time codes 1:14 to 5:22]. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang mga dahilang ibinigay ni Korihor sa pagtuturo ng mga bagay na ito sa mga tao.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 30:31 at alamin ang mga ipinaratang ni Korihor kay Alma at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 30:32–35 para malaman kung paano sinagot ni Alma si Korihor.
-
Paano ninyo nakita ang katotohanan ng sagot ni Alma sa mga buhay ng mga lider ng Simbahan?
Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa kanila na basahin nang malakas ang Alma 30:37–45, na isa sa kanila ang magbabasa ng mga sinabi ni Alma at ang isa naman ang magbabasa ng mga sinabi ni Korihor. Sabihin sa iba pa sa klase na alamin ang sinabi ni Alma na katibayan na may Diyos.
(Sa halip na papuntahin sa harapan ang dalawang estudyante para basahin ang Alma 30:37–45, maaari mong ipanood ang isa pang segment ng “All Things Denote There Is a God” [time codes 5:22 hanggang 7:30]. Sabihin sa iba pa sa klase na alamin ang sinabi ni Alma na katibayan na may Diyos.)
-
Ano ang mga ibinigay na katibayan ni Alma na may Diyos? (Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga ito sa kanilang banal na kasulatan. Bilang bahagi ng talakayang ito, bigyang-diin na ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos.)
-
Paano napasinungalingan ni Alma ang mga maling turo ni Korihor?
-
Sa mga katibayang iniisa-isa ni Alma, alin ang pinakamalakas ang epekto sa inyo? Bakit?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para magsulat. Sabihin sa kanila na isulat ang mga katibayang nakita nila na “nagpapatunay na may Diyos” (Alma 30:44). Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga inilista nila.
-
Paano kayo naimpluwensyahan ng mga katibayang ito? Sa paanong mga paraan napalakas nito ang inyong pananampalataya at patotoo?
Ibuod ang Alma 30:46–50 na ipinapaliwanag na si Korihor, na hindi pa rin tinatanggap ang mga palatandaan na ibinigay sa kanya, ay hiningan si Alma ng palatandaan na nagpapatunay na may Diyos. Bilang tugon, si Korihor ay napipi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
(Sa halip na ibuod ang Alma 30:46–50, maaari mong ipanood ang isa pang segment ng “All Things Denote There Is a God” [time codes 7:30 hanggang 11:17]. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang pinili ni Korihor at ano ang naging resulta nito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang paliwanag ni Korihor sa Alma 30:51–53. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isinulat ni Korihor tungkol sa dahilan ng pangangaral niya nang laban sa Diyos Ama at kay Jesucristo.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Korihor sa sinabi niya na nagturo siya ng mga bagay na “kasiya-siya … sa makamundong isipan”? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga turo ni Korihor ay nakakaakit sa mga makamundong hangarin ng mga tao sa halip na sa kanilang mabubuti at espirituwal na hangarin.)
Ibuod ang Alma 30:54–59 na ipinapaliwanag na nagsumamo si Korihor kay Alma na ipanalanging mawala ang sumpa sa kanya. Kung minsan binibigyan ng Panginoon ang Kanyang mga anak ng pagkakataong tumanggap ng katotohanan (tingnan sa Alma 15:1–12). Gayunman, sa pangyayaring ito nahiwatigan ni Alma na kung makakapagsalitang muli si Korihor, magtuturo siyang muli ng maling doktrina sa mga tao. Si Korihor ay itinaboy, at nagpalibut-libot sa bahay-bahay na nanlilimos ng pagkain. Kalaunan ay nagpunta siya sa mga Zoramita, na mga taong inihiwalay ang sarili sa mga Nephita, at niyapak-yapakan nila siya hanggang sa mamatay.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 30:60 at tukuyin ang alituntuning itinuro ni Mormon.
-
Anong alituntunin ang itinuro ni Mormon? Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: “Hindi itataguyod ng diyablo ang kanyang mga anak [kanyang mga tagasunod] sa huling araw.”
-
Paano ito naiiba sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa atin? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Alma 36:3.)
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo at ng mga estudyante sa lesson na ito.