Library
Lesson 65: Mosias 25


Lesson 65

Mosias 25

Pambungad

Nakatala sa Mosias 25 ang katapusan ng tala tungkol sa mga tao ni Zenif (tingnan sa Mosias 7–24). Ang mga tao ni Limhi at ang mga tagasunod ni Alma ay bumalik sa Zarahemla at nagsama-sama nang ligtas sa ilalim ng pamumuno ni Haring Mosias. Pagkatapos makarating ang mga pangkat na ito, si Limhi at ang kanyang mga tao ay nabinyagan. Binigyan ni Haring Mosias ng awtoridad si Alma na magtatag ng mga simbahan sa buong lupain at pangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan ng Diyos sa mga tao ni Nephi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 25:1–13

Ang mga natipon sa Zarahemla ay nagkaisa at nakilala bilang mga Nephita

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pangyayaring nabasa o narinig nila na naglalarawan kung paano tinulungan ng Panginoon ang isang tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng patnubay, lakas, proteksyon, o kalayaan. Maaari mong imungkahi na isipin nila ang mga nakatala sa mga banal na kasulatan, kasaysayan ng Simbahan, o mga pangyayari sa buhay ng kanilang pamilya o mga kaibigan. Bilang halimbawa, ibahagi ang sumusunod na kuwento ng isang dalagita na nauna sa kanyang grupo at naglakad pababa sa isang burol sa isang aktibidad ng ward nila na ginanap sa labas ng simbahan:

“Isang tinig na nagbababala, mariin pero banayad, ang nagsabing ‘Bumalik ka.’ Hindi ko ito pinansin, pero narinig ko itong muli. Sa pagkakataong ito, pinakinggan ko na ito at bumalik sa grupo. Nang pababa na kaming muli, nakakita kami ng dalawang malaking itim na toro na mabilis at sumisingasing na umaakyat sa burol. Nagsimulang isudsod ng pinakamalaking toro ang mga paa sa lupa habang nakatitig sa amin. … Mabuti na lang at nailihis ng priesthood leader namin ang atensyon nito, at ligtas kaming nakaakyat sa bakod.

“Nang nakabalik na kami sa kampo, napag-isip ko na kung hindi ako nakinig sa babala ng Espiritu, siguro ay nasugatan ako nang malubha o baka napatay pa. Alam ko na personal na nagmamalasakit sa akin ang Ama sa Langit at pinanatili akong ligtas. Nagpapasalamat ako nang lubos sa Panginoon sa babalang iyon. Ang karanasang ito ay nagpalakas ng aking patotoo at lalong nagpalaki ng aking pagmamahal sa Panginoon” (“Turn Back,” New Era, Nob. 2010, 47).

Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kuwentong naisip nila na nagpapakita ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa buhay ng ibang tao. Itanong sa klase:

  • Paano nakatutulong ang naririnig ninyong mga halimbawa ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa buhay ng ibang tao?

Ibuod ang Mosias 25:1–6 na ipinapaliwanag na pagkatapos makatakas ang mga tao ni Limhi at mga tao ni Alma (lahat sila ay mga inapo ng mga tao ni Zenif) mula sa pagkaalipin at nakiisa sa mga tao na naninirahan sa Zarahemla, binasa ni Haring Mosias ang kanilang mga talaan sa lahat ng tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 25:7, at alamin ang reaksyon ng mga tao sa mga tala tungkol sa pakikipag-unayan ng Diyos sa mga tao ni Zenif. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman niya.

Isulat ang sumusunod na chart sa pisara. Ipaliwanag na sa Mosias 25:8–11, nalaman pa natin ang reaksyon ng mga tao sa mga tala ng mga tao ni Zenif at mga tao ni Alma. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa mga scripture reference ang narinig ng mga tao at ano ang nadama nila tungkol dito. Ang mga sagot sa unang scripture reference ay nakapanaklong bilang halimbawa.

Mga narinig ng mga tao

Nadama ng mga tao

Mosias 25:8

(Narinig nila kung paano napalaya ang mga tao ni Limhi mula sa pagkaalipin.)

(Napuspos sila ng labis na kagalakan.)

Mosias 25:9

Mosias 25:10

Mosias 25:11

Kapag nagkaroon na ng sapat na oras ang mga estudyante sa pag-aaral ng mga scripture reference, anyayahan ang ilan sa kanila na isulat sa pisara ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila mula sa Mosias 25:8–11 sa pamamagitan ng paglalahad ng mga alituntunin mula sa scripture passage na ito na maipamumuhay nila. Kapag sumagot ang mga estudyante, tulungan sila na maunawaan na sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga talaan ng pakikitungo sa iba ng Diyos, makadarama tayo ng galak at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. (Kapag binasa ng mga estudyante ang mga talatang ito, maaaring mapansin din nila ang kalungkutan at kapahamakan na idinulot ng kasalanan.)

  • Saang materyal o sources natin malalaman ang tungkol sa mga karanasan ng iba pang mga tao na nakaranas ng kabutihan ng Diyos? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kabilang dito ang mga banal na kasulatan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, mga magasin ng Simbahan, mga talambuhay ng mga lider ng Simbahan at iba pa, at mga kasaysayan ng pamilya.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga panahon na nalaman nila ang kabutihan ng Diyos sa ibang tao mula sa mga materyal o sources na nakasulat sa pisara.

  • Paano nakabuti sa inyo na nalaman ninyo ang kabutihan ng Diyos sa ibang tao mula sa isa sa mga materyal o sources na ito?

  • Ano sa inyong palagay ang matinding epekto nito sa isang tao na palaging nalalaman ang kabutihan ng Diyos sa Kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao?

Hikayatin ang mga estudyante na maglaan ng oras sa pagpili ng isa sa mga materyal o sources na nakasulat sa pisara at maghanap dito ng mga nagbibigay-inspirasyong kuwento ng kabutihan ng Diyos.

Mosias 25:14–24

Itinatag ni Alma ang Simbahan ng Diyos sa buong lupain ng mga Nephita

Upang ihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng organisasyon at mga turo ng Simbahan sa mga Nephita, itanong:

  • Kailan kayo dumalo sa ibang ward o branch ng mga Banal sa mga Huling Araw maliban sa sarili ninyong ward o branch? Anong mga pagkakatulad ang napansin ninyo sa home ward o branch ninyo at sa ward o branch na binisita ninyo?

  • Paano nakatulong sa inyo ang malaman na ang organisasyon at mga turo ng Simbahan ay magkakapareho sa lahat ng ward o branch ng Simbahan?

Ibuod ang Mosias 25:14–17 na ipinapaliwanag na matapos magsalita at magbasa si Mosias sa mga tao, inanyayahan niya si Alma na magturo sa kanila. Pagkatapos ay hiniling ni Haring Limhi at ng kanyang mga tao na binyagan sila. Bininyagan sila ni Alma at sinimulang itatag ang Simbahan sa buong lupain.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 25:18–22. Sabihin sa klase na alamin kung paano itinatag at pinangasiwaan ang Simbahan sa mga Nephita sa panahon ni Alma. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagtatatag ng Simbahan ay tumitiyak na matatanggap ng lahat ng miyembro ang katotohanan, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano natutulad ang Simbahan ng mga Nephita sa Simbahan ngayon? (May mga ward at branch tayo na katulad ng “iba’t ibang pangkat” na binanggit sa Mosias 25:21. Ang mga branch president, bishop, at stake president ay katulad ng mga saserdote at guro na nangangasiwa sa Simbahan sa panahon ni Alma.)

  • Ayon sa Mosias 25:15–16, 22, anong mga katotohanan ang binigyang-diin ng mga saserdote at mga guro ng Simbahan sa panahon ni Mosias? (Maaari mong ipaliwanag na ang Panginoon ay nagbigay ng gayon ding tagubilin sa mga magulang, lider ng Simbahan, at mga missionary sa mga huling araw. [Tingnan sa D at T 15:6; 19:31; 68:25.])

  • Bakit mahalagang patuloy na magturo ng pagsisisi at pananampalataya sa Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 25:23–24, at hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga pagpapalang natanggap ng mga sumapi sa Simbahan ng Diyos.

  • Paano napagpala ang mga tao nang magpabinyag sila at sumapi sa Simbahan ng Diyos?

  • Paano kayo napagpala ng Panginoon dahil naging miyembro kayo ng Simbahan?

Isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag tinaglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at namuhay nang matwid, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa atin.

Magpatotoo sa mga estudyante na ang mga pagpapalang natanggap nila bilang mga miyembro ng Simbahan ay madaragdagan kapag tinupad nila ang kanilang mga tipan at tinanggap ang Espiritu.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mosias 25:17–22. Ang awtoridad ng priesthood sa mga Nephita

Hindi isa-isang idinetalye sa Aklat ni Mormon ang priesthood na hawak ng mga propeta at ng iba pang mga kalalakihan sa mga Nephita at mga Lamanita. Gayunman, ang pagbanggit sa mga ordenansa at sa pamamaraan ng pangangasiwa sa Simbahan ay nagbibigay ng sapat na katibayan na hawak nila ang Melchizedek Priesthood. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “ang priesthood na hawak [ng mga Nephita] at kung saan sa pamamagitan nito ay nakapagsasagawa sila ay ang Priesthood o Pagkasaserdote ng banal na orden, ang orden ng Anak ng Diyos [tingnan sa Alma 13:1–20]. Maisasagawa ng mas mataas na pagkasaserdote o priesthood na ito ang lahat ng ordenansa ng ebanghelyo” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:87).

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa awtoridad ng priesthood sa Aklat ni Mormon, tingnan ang Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon para sa Mosias 18.