Library
Lesson 111: Helaman 10


Lesson 111

Helaman 10

Pambungad

Ang pagsisiyasat para malaman ang pumaslang sa punong hukom ay nagtapos nang mapatunayang totoo ang ibinunyag ni Nephi tungkol sa pumatay. Dahil napatunayang mali ang akusasyon sa kanya, nakaligtas sa parusa si Nephi at umuwi na. Pinagbulayan niya ang mga ipinakita sa kanya ng Panginoon, at nanlumo dahil sa kasamaan ng mga tao. Sa sandaling ito ng pagbubulay-bulay at kalungkutan, narinig niya ang tinig ng Panginoon. Pinagkalooban siya ng Panginoon ng kapangyarihang magbuklod at iniutos sa kanya na patuloy na sabihan ang mga tao na magsisi. Kaagad na sinunod ni Nephi ang utos ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Helaman 10:1–11

Tumanggap si Nephi ng kapangyarihang magbuklod

Ipaalala sa mga estudyante ang ibinunyag ni Nephi tungkol sa pagpaslang sa punong hukom, na nakatala sa Helaman 8–9. Sabihin sa mga estudyante na isipin na sila kunwari si Nephi, noong matapos niyang ibunyag ang pumaslang sa punong hukom.

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo? Ano ang inaasahan ninyong reaksyon ng ibang tao?

  • Ano ang gusto ninyong sabihin sa mga tao?

  • Ano ang madarama ninyo kung hindi kayo pansinin ng mga tao at iwan kayong mag-isa?

Ipaliwanag na matapos mapatunayang walang kinalaman sa pagpaslang sa punong hukom, umuwi na si Nephi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 10:1–3, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ginawa ni Nephi habang papauwi. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang lahat ng salitang nagbubulay-bulay sa mga talatang ito.

  • Bakit “nanlulumo” si Nephi?

  • Ano ang nangyari habang nagbubulay-bulay si Nephi? (Nangusap sa kanya ang tinig ng Panginoon.) Ano ang pagkakaugnay ng pagbubulay-bulay at pagtanggap ng paghahayag?

Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Ang pagbubulay-bulay ng mga bagay na ukol sa Panginoon ay naghahanda sa atin sa pagtanggap ng paghahayag. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.

Sabihin sa mga estudyante kung may naiisip silang tala sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan kung kailan tumanggap ang mga tao ng paghahayag dahil pinagbulay-bulay nila ang mga bagay ng Panginoon. (Kasama sa mga halimbawa ang anak ni Lehi na si Nephi, na tumanggap ng pangitain matapos naising mamasdan ang mga bagay na nakita ng kanyang ama at “[magbulay-bulay] sa [kanyang] puso” [tingnan sa 1 Nephi 10:17; 11:1]; si Joseph Smith, na nakakita ng Unang Pangitain matapos niyang “paulit-ulit [na] pinagmuni-muni” ang Santiago 1:5 [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17];at si Joseph F. Smith, na tumanggap ng pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay pagkatapos pagbulayan at pag-isipan ang mga salita ng Panginoon [tingnan sa D at T 138:1–6, 11].)

  • Kailan kayo nakatanggap ng personal na paghahayag matapos magbulay-bulay? (Maaari mong banggitin na ang pagtanggap ng personal na paghahayag ay hindi laging kagilala-gilalas na tulad ng mga nababasa natin sa mga banal na kasulatan. Kadalasan ang mga paghahayag na natatanggap natin ay ang mga pagkakataong bigla tayong naliwanagan, tulad ng bigla nating naunawaan ang isang bagay na hindi natin dating maunawaan.)

  • Ano ang ilang pagkakataon o sitwasyon na angkop na angkop na pagbulayan ang mga bagay ng Panginoon? (Kabilang sa gayong mga pagkakataon ang oras ng sacrament meeting at pagkatapos nito, bago at pagkatapos ng personal na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkatapos makinig sa pangkalahatang kumperensya, habang nag-aayuno, habang naglilingkod sa templo, at habang pinagpipitagan ang Panginoon sa araw ng Sabbath.)

Hikayatin ang mga estudyante na maglaan ng oras na palaging magbulay-bulay. Sabihin sa kanila na isulat ang mga impresyong matatanggap nila kapag nagbulay-bulay sila.

Upang maihanda ang mga estudyante na patuloy na pag-aralan ang karanasan ni Nephi, sabihin sa kanila na kunwari ay may malayong pupuntahan ang kanilang kapitbahay at kailangan ng magbabantay sa bahay at ari-arian nito.

  • Sa palagay ninyo, anong klaseng tao ang gusto ng kapitbahay ninyo na magbantay sa bahay nila?

  • Paano ninyo maipapakita sa inyong kapitbahay na mapagkakatiwalaan kayo sa gayong mga responsibilidad?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 10:4–5, at alamin kung bakit pinagtiwalaan ng Panginoon si Nephi ng mga dakilang pagpapala at responsibilidad. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng walang kapaguran ay walang sawang magtrabaho o masipag.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano naipapakita ng walang kapagurang paglilingkod na maaari tayong pagtiwalaan ng Panginoon ng mga pagpapala at responsibilidad?

  • Paano makatutulong sa paghahanda natin sa magiging responsibilidad natin sa kaharian ng Panginoon ang pagtulad sa halimbawa ni Nephi na huwag matakot sa mga tao?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pariralang “hindi mo inalintana ang sarili mong buhay”?

Isulat sa pisara ang sumusunod: Ipinagkakatiwala sa atin ng Panginoon ang mga pagpapala at responsibilidad kapag . … Itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag na ito, batay sa natutuhan nila tungkol kay Nephi sa Helaman 10:4–5. Ang isang paraan na makukumpleto ng mga estudyante ang pahayag ay tulad ng sumusunod: Ipinagkakatiwala sa atin ng Panginoon ang mga pagpapala at responsibilidad kapag inuuna natin ang Kanyang kalooban kaysa sa kagustuhan natin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan o scripture study journal.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong at isulat ang kanilang sagot sa isa sa mga ito:

  • Ano ang nagawa ninyo sa inyong buhay nitong mga huli araw upang maipakita sa Panginoon na mas mahalaga ang Kanyang kagustuhan kaysa sa inyong sariling kagustuhan?

  • Ano ang isang aspeto ng buhay ninyo kung saan mas masusunod ninyo ang kagustuhan ng Panginoon?

Patotohanan ang kahandaan ng Panginoon na pagkatiwalaan tayo ng mas malalaking pagpapala kapag inalam natin ang Kanyang kagustuhan at sinunod ang Kanyang mga kautusan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Helaman 10:5–7, at alamin ang mga pagpapala at responsibilidad na ibinigay ng Panginoon kay Nephi. Habang nagbabasa ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod:

Talata 5

Talata 6

Talata 7

Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara, sa tabi ng kaugnay na numero ng talata, ang mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon kay Nephi.

Bigyang-diin na isa sa mga pagpalang ibinigay ng Panginoon kay Nephi ay ang kapangyarihang magbuklod. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang kapangyarihang magbuklod ay ang kapangyarihang pagbuklurin at paghiwalayin ang nasa lupa at gayundin sa langit. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 10:7.

Itanong sa mga estudyante kung may kilala sila maliban kay Nephi na nabigyan ng kapangyarihang magbuklod. Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na i-cross-reference ang Helaman 10:7 sa mga sumusunod na banal na kasulatan: I Mga Hari 17:1 (Elijah); Mateo 16:15–19 (Pedro); Doktrina at mga Tipan 132:46 (Joseph Smith).

Ipaliwanag na ang mga susi ng kapangyarihang ito ay hawak ngayon ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tulad ni Nephi, ang mga Pangulo ng Simbahan ay naglilingkod nang walang kapaguran at ipinapakita na mapagkakatiwalaan sila ng Panginoon ng malalaking pagpapala at responsibilidad. Karaniwang inuugnay natin ang kapangyarihang magbuklod sa pagbubuklod ng mga pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kapangyarihang magbuklod, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Ang mga templo, ordenansa, tipan, endowment, at pagbubuklod ay naipanumbalik, sa tumpak na paraan ayon sa propesiya. Ang mga ordenansa ng templo ay paraan ng pakikipagkasundo sa Panginoon at nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. Ang pagsunod sa mga sagradong tipan na ginagawa sa mga templo ay nagpapagindapat sa atin sa buhay na walang hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao” (“Maghanda Para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 42).

  • Sa anong mga paraan kayo napagpala dahil alam ninyo na maaaring magkasama-sama ang pamilya nang walang hanggan?

  • Ano ang gagawin ninyo para makamit balang araw ang mga pagpapalang dulot ng kapangyarihang magbuklod? (Maaaring kasama sa sagot ang paghahanda ng mga estudyante na makasal sa templo at paggawa ng temple at family history work ngayon na magtutulot sa kanila na mabuklod sa kanilang mga yumaong ninuno.)

Ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa mga pagpapala ng kapangyarihang magbuklod at ang kahalagahan ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo.

Helaman 10:12–19

Sinunod ni Nephi ang utos ng Panginoon na mangaral sa mga tao na magsisi

Itanong sa mga estudyante kung may ipinagawa ba sa kanila na hindi nila natapos sa oras. (Maaaring isama sa mga halimbawa ang hindi pagtapos ng gawaing bahay o ng assignment sa eskwelahan o trabaho.)

  • Ano ang maaaring isipin sa atin ng iba kapag hindi natin nagagawa sa oras ang ipinagagawa nila sa atin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 10:11–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ginawa ni Nephi nang iutos sa kanya ng Panginoon na mangaral sa mga tao na magsisi.

  • Ano ang ipinapakita natin sa Panginoon kapag mabilis tayong sumusunod sa Kanyang payo at mga kautusan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 10:13–14. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Helaman 10:15–17.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Nephi sa mga talatang ito?

  • Paano tinulungan ng Panginoon si Nephi?

Tulungan ang mga estudyante na makita na dahil sa katapatan ni Nephi, pinangalagaan siya ng Panginoon at pinagkalooban siya ng dakilang kapangyarihan. Determinado si Nephi na gawin ang misyon na ibinigay sa kanya ng Panginoon.

  • Paano ninyo maipapakita ang determinasyon ninyong paglingkuran ang Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan na magagawa nilang unahin ang kagustuhan ng Panginoon kaysa sa kanilang sariling kagustuhan at mabilis na sumunod. Patotohanan ang mga pagpapalang dumarating kapag sinusunod natin ang Panginoon.

scripture mastery iconPagrebyu ng Scripture Mastery

Ang haba ng lesson na ito ay maaaring magbigay ng oras para sa sumusunod na aktibidad sa pagrebyu ng scripture mastery.

Bigyan ang bawat estudyante ng isa sa mga sumusunod na scripture mastery verse na babasahin nila nang tahimik: 1 Nephi 3:7; 2 Nephi 2:27; 2 Nephi 31:19–20; Mosias 2:17. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang scripture passage na ibinigay sa kanila at isipin kung paano ito naaangkop kay Nephi at sa kanyang paglilingkod na nakatala sa Helaman 10. Pagkatapos ng sapat na oras, magtawag ng ilang estudyante na sasagot nito.