Lesson 53
Mosias 3
Pambungad
Sa pagpapatuloy ng kanyang mensahe sa kanyang mga tao, sinabi ni Haring Benjamin ang salita ng isang anghel na kumausap sa kanya tungkol sa ministeryo ni Jesucristo. Nagpatotoo si Haring Benjamin na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, ang mga nagkasala ay makatatanggap ng kaligtasan. Itinuro din niya na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang taong nagbibigay-daan sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu ay “[hinuhubad] ang likas na tao at [nagiging] banal” (Mosias 3:19).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Kung sa nakaraang lesson ay hinikayat mo ang mga estudyante na isaulo at gawin ang Mosias 2:17, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga karanasan sa araw na ito. Huwag mag-ukol ng napakaraming oras sa pagrerebyung ito. Magtira ng sapat na oras para matalakay ang mga doktrina at mga alituntunin sa Mosias 3.
Mosias 3:1–10
Ipinahayag ni Haring Benjamin ang mga salita ng isang anghel tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Magpakita ng isang basong walang laman at isang lalagyan na may tubig. Anyayahan ang isang estudyante na ipakita kung gaano karami ang ilalagay niyang tubig sa baso ng isang tao na gusto lang tumikim ng tubig. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na ipakita kung gaano karami ang ilalagay niyang tubig sa baso ng isang tao na gustong mapawi ang uhaw. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Kung ang tubig ay sumasagisag sa kagalakan, gaano karami ang gusto ninyong ilagay sa inyong baso?
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga itinuro sa Mosias 3 ay tutulong sa kanila na makita kung paano sila mapupuspos ng kagalakan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 3:2–5. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang pinagmulan ng mensahe ni Haring Benjamin sa Mosias 3.
Bigyang-diin na ang Mosias 3 ay naglalaman ng pagpapahayag ng “masayang balita ng dakilang kagalakan” (Mosias 3:3) ng isang anghel. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 3:5–10. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salita o mga kataga na tutulong sa kanila na mas mapahalagahan ang misyon ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita at mga pariralang ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga salita at mga parirala na nahanap nila.
-
Ano ang ipinaunawa sa inyo ng Mosias 3:7 tungkol sa misyon ng Tagapagligtas?
-
Sa inyong palagay, bakit sinabi ng anghel na ang mensaheng ito ay magdadala ng dakilang kagalakan?
Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang Mosias 3:5–10 sa isang pangungusap at isulat ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Pagkatapos ng sapat na oras na nakasulat na sila, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang isinulat nila. Dapat makita sa mga buod ng mga estudyante na naunawaan nila na itinuturo ng anghel na si Jesucristo ay nagdusa upang maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.
Maaari mong itanong ang sumusunod pagkatapos magbahagi ng mga estudyante:
-
Ano ang nadama ninyo nang pag-isipan ninyo ang ginawa ng Tagapagligtas para sa inyo?
Para matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim pa ang kanilang pagkaunawa sa pagdurusa ng Tagapagligtas, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagdurusa ni Cristo sa halamanan ay hindi masasayod ng isipan ng tao, kapwa ang tindi at layon nito. … Naghirap Siya at dumaing sa pasakit na hindi kayang isipin o maunawaan ng sinumang nilalang na nabuhay sa mundo. Hindi lamang hirap ng katawan, ni pagdadalamhati ng isipan, ang naging sanhi ng pagdanas Niya ng gayon katinding pagpapahirap kaya’t nilabasan ng dugo ang bawat butas ng Kanyang balat; kundi iyon ay isang espirituwal na pasakit ng kaluluwa na tanging Diyos lamang ang may makadarama. … Sa sandaling iyon ng hapis at dalamhati hinarap ni Cristo at dinaig ang lahat ng paninindak na magagawa ni Satanas, ‘ang prinsipe ng sanglibutan.’ … Sa ilang paraan, na lubhang totoo bagama’t hindi kayang maunawaan ng tao, inako ng Tagapagligtas ang bigat ng kasalanan ng sangkatauhan mula kay Adan hanggang sa katapusan ng daigdig” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 613).
Mosias 3:11–27
Nagpatotoo si Haring Benjamin na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mahuhubad natin ang likas na tao at magiging mga banal
Sabihin sa mga estudyante na ibinahagi ni Haring Benjamin ang paglalarawan ng anghel sa iba’t ibang grupo ng mga tao at kung paano magagamit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa bawat grupo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 3:11–13, 16, at hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito. (Para matulungan sila na masagot ang unang tanong, maaari mong ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 137:7–10. Para matulungan sila na masagot ang pangatlong tanong, maaari mong ipabasa sa kanila ang Moroni 8:8, 17 at Doktrina at mga Tipan 29:46–47.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa epekto ng Pagbabayad-sala sa lahat ng anak ng Ama sa Langit:
“Nabasa … natin na ‘ang kanyang dugo ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng mga yaong … nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, o kung sino ay walang malay na nagkasala’ (Mosias 3:11). Gayundin, ‘ang dugo ni Cristo ay nagbayad-sala para sa [maliliit na bata]’ (Mosias 3:16). Ang mga turong ito na para sa lahat ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na buhaying muli at linisin ang tao ay taliwas sa [paniniwalang] iilang piling tao lamang ang maliligtas sa biyaya ng Diyos. Ang Kanyang biyaya ay para sa lahat. Ang mga turong ito ng Aklat ni Mormon ay nagpapalawak ng ating pananaw at pang-unawa sa malaking pag-ibig ng Diyos at sa epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa lahat ng tao sa lahat ng dako” (“Lahat ng Tao sa Lahat ng Dako,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 77).
-
Anong alituntunin ang nalaman natin mula sa Mosias 3:12 tungkol sa paraan kung paano tayo maaaring makinabang sa Pagbabayad-sala? (Maliligtas tayo mula sa ating mga kasalanan kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi.)
-
Ayon sa talatang ito, ano ang mangyayari sa mga taong piniling hindi manampalataya kay Jesucristo at magsisi?
Ituro na ang Mosias 3:19 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap. Ituon din ang pansin ng mga estudyante sa paggamit ng anghel sa pariralang “likas na tao” sa Mosias 3:19. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang ito, basahin ang sumusunod na paliwanag mula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan:
Ang likas na tao ay “isang tao na pumapayag na mahikayat ng mga silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at damdamin ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang taong ganito ay nakauunawa ng mga pisikal na bagay subalit hindi ng mga espirituwal na bagay. Lahat ng tao ay makamundo, o may kamatayan, dahil sa pagkahulog nina Adan at Eva. Bawat tao ay nararapat na isilang na muli sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Likas na Tao,” scriptures.lds.org).
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga tanong habang binabasa nila nang tahimik ang Mosias 3:19.
Ituro na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang isang tao ay hindi lamang tumitigil sa pagiging “likas na tao.” Siya ay “[nagiging] banal.” Bukod pa sa pagliligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan, binabago tayo ng Tagapagligtas at ginagawang mas mabuting tao na hindi natin makakaya kung tayo lang sa sarili natin. Tinutulungan Niya tayo na maging higit na katulad Niya. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapwa malilinis na kamay at dalisay na puso ang kailangan para makaahon sa bundok ng Panginoon at makatayo sa Kanyang dakong banal [tingnan sa Mga Awit 24:3–4].
“Hayaan ninyong imungkahi ko na nalilinis ang mga kamay sa paghuhubad ng likas na tao at pagdaig sa kasalanan at masasamang impluwensiya sa buhay natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang mga puso ay napapadalisay kapag tinatanggap natin ang Kanyang nakapagtitibay na kapangyarihang naghihikayat sa ating gumawa ng mabuti at maging mas mabuti. Lahat ng ating makabuluhang hangarin at magagandang gawain, kahit kinakailangan ito, ay hindi kailan man makapagbubunga ng malilinis na mga kamay at dalisay na puso. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang makapagbibigay ng kapwa nakalilinis at nakatutubos na kapangyarihan na tumutulong sa atin na makapanaig sa kasalanan at nakapagpapabanal at nakapagpapatibay na kapangyarihan na tumutulong sa atin na maging lalong mabuti kaysa sa makakaya nating gawin kung aasa lamang tayo sa sariling lakas natin. Ang walang katapusang Pagbabayad-sala ay para sa makasalanan at banal sa bawat isa sa atin” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 82).
Para matulungan ang mga estudyante na maibuod ang mga doktrinang natutuhan nila mula sa Mosias 3:19, itanong:
-
Ano ang ilang katotohanan ng ebanghelyo na nahanap ninyo sa Mosias 3:19?
Maaaring makasulat ang mga estudyante ng ilang doktrina mula sa talatang ito, kabilang ang mga sumusunod:
Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos.
Kapag nagbigay-daan tayo sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, hinuhubad natin ang likas na tao.
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, mahuhubad natin ang likas na tao at magiging mga banal.
Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase, gawin handout at ibigay sa klase, o dahan-dahang basahin ang mga tanong para maisulat ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang scripture study journal.)
-
Ano ang maaari ninyong gawin para mas lalo ninyong mabigyang-daan ang “panghihikayat ng Banal sa Espiritu”? Ano ang inyong gagawin sa susunod na linggo para mas mapagbuti ang aspetong ito sa inyong buhay?
-
Anong katangian ng isang bata na nakasulat sa Mosias 3:19 ang pinakakailangan ninyong mapagbuti? Ano ang gagawin ninyo sa susunod na linggo para mas mapagbuti ang katangiang iyon?
Para matulungan ang mga estudyante na mas lalong mapahalagahan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, basahin ang Mosias 3:23–26 sa kanila. Ipaliwanag na ang pariralang “saro ng poot ng Diyos” sa talata 26 ay tumutukoy sa pagdurusa sa huli ng mga taong sinasadyang gumawa ng kasalanan at hindi nagsisisi. Pagkatapos ay ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang salitang saro sa talata 18.
-
Ano ang ginawa ni Jesucristo upang hindi na natin kailangang uminom “mula sa saro ng poot ng Diyos”? (Siya na mismo ang uminom sa sarong iyon, inako sa Kanyang sarili ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan. Kung tunay tayong magsisisi, hindi na natin daranasin ang kaparusahang iyon.)
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito.