Lesson 134
3 Nephi 28
Pambungad
Nang tanungin ni Jesucristo ang bawat isa sa Kanyang labindalawang Nephitang disipulo kung ano ang hihilingin nila sa Kanya, hiniling ng siyam sa kanila na kaagad silang makabalik sa Kanya kapag natapos na ang kanilang paglilingkod sa lupa. Tatlo ang humiling na manatili sa lupa para patuloy na makapagdala ng mga kaluluwa sa Kanya hanggang sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Kapwa ipinagkaloob ng Panginoon ang mabubuting kahilingang ito. Nagbigay si Mormon ng ilang detalye ng paglilingkod ng Tatlong Nephita, at ibinahagi rin niya kung ano ang inihayag ng Panginoon sa kanya tungkol sa pisikal na pagbabago na nangyari sa Tatlong Nephita upang manatili sila sa lupa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
3 Nephi 28:1–11
Ipinagkaloob ni Jesucristo ang mga kahilingan ng Kanyang mga Nephitang disipulo
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang isasagot nila kung magpakita sa kanila si Jesucristo at magtanong ng, “Ano ba ang [iyong] hihilingin sa akin?” Sabihin sa kanila na isulat ang kanilang mga sagot sa notebook o scripture study journal. Bigyan sila ng pagkakataon na maibahagi ang isinulat nila kung gusto nila.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 28:1–3, at alamin ang isinagot ng siyam na disipulong Nephita nang itanong ito sa kanila ng Panginoon. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:
-
Ano ang nadama ng Tagapagligtas sa kahilingan ng siyam na disipulong ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 28:4–9 at alamin ang hiniling sa Tagapagligtas ng tatlong natitirang disipulo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Makatutulong na ipatuon ang pansin ng mga estudyante sa sumusunod na pahayag sa 3 Nephi 28:9: “Ninais ninyo na kayo ay makapagdala ng mga kaluluwa ng tao sa akin.”)
-
Ano ang nadama ng Tagapagligtas sa kahilingan ng tatlong disipulong ito?
-
Ayon sa 3 Nephi 28:8–9, ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Tatlong Nephita upang matupad ang mabuti nilang kahilingan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 28:10 at sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa Tatlong Nephita.
-
Ano ang ipinangako ng Panginoon sa Tatlong Nephita? Kailan ninyo nakita na humantong sa kagalakan ang paglilingkod sa iba?
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa 3 Nephi 28:1–10? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante sa tanong na ito ang pinagpapala tayo ng Panginoon ayon sa ating mabubuting hangarin at nalulugod ang Panginoon kapag ninanais nating tulungan ang iba na lumapit sa Kanya.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng mabubuting hangarin, basahin ang mga sumusunod na pahayag:
Sinabi ni Elder Neal L. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Anuman ang palagi nating hinahangad, sa paglipas ng panahon, ay ang siyang kahihinatnan natin sa huli at matatamo sa kawalang-hanggan. …
“Kaya, dapat patuloy na magkaroon ng mabubuting hangarin” (“According to the Desire of [Our] Hearts,” Ensign, Nob. 1996, 21–22).
Itinuro ni Pangulong Brigham Young:
“Matutuklasan ng kalalakihan at kababaihan, na naghahangad na makatamo ng luklukan sa kahariang selestiyal, na kinakailangan nilang makibaka sa kaaway ng lahat ng kabutihan sa araw-araw” (“Remarks,” Deseret News, Dis. 28, 1864, 98).
-
Sa inyong palagay, bakit kailangan nating makibaka sa araw-araw upang magawa ang mabubuti nating hangarin?
-
Kailan ninyo nadama na napagpala kayo ng Panginoon dahil sa inyong mabubuting hangarin?
Hikayatin ang mga estudyante na tingnan ang mga kahilingan o hangaring isinulat nila sa simula ng klase. Sabihin sa kanila na sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa sisimulan nilang gawin ngayon upang matiyak na matutupad ang mabubuting kahilingan o hangaring iyon.
3 Nephi 28:12–35
Inilarawan ni Mormon ang paglilingkod ng Tatlong Nephita
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 28:12–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nangyari sa mga Nephitang disipulo matapos lumisan ang Tagapagligtas mula sa kanila. Ipaliwanag na ang mga disipulo ay nakaranas ng pagbabagong-anyo—isang pansamantalang pagbabago sa kanilang mga katawan.
-
Ayon sa 3 Nephi 28:15, ano ang isang dahilan kung bakit kinakailangang magbagong-anyo ang mga disipulo? (Upang “kanilang [magawang] mamasdan ang mga bagay ng Diyos.”)
Ipaliwanag na simula 3 Nephi 28:17, mababasa natin ang paglalarawan ni Mormon sa paglilingkod ng Tatlong Nephita. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 28:17 at alamin ang hindi alam ni Mormon tungkol sa pisikal na kalagayan ng Tatlong Nephita nang isulat niya ang talang ito. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kalaunan sa lesson na ito, marami pa silang malalaman tungkol sa pagbabagong naranasan ng Tatlong Nephita.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 3 Nephi 28:18–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang Tatlong Nephita upang maisakatuparan nila ang kanilang mabubuting hangarin.
-
Ano ang ginawa ng Tatlong Nephita upang matupad ang kanilang hangarin na madala ang mga tao sa Tagapagligtas?
-
Sa paanong mga paraan sila pinagpala ng Panginoon upang maisakatuparan nila ang kanilang hangarin?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 28:25–32 at alamin ang mga taong nakinabang at makikinabang pa sa paglilingkod ng Tatlong Nephita. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. (Pansinin na makikita sa 3 Nephi 28:27–28 ang isang dahilan kung bakit hindi tayo dapat maniwala at magbahagi ng mga kuwento mula sa mga taong nagsasabing nakita o nakausap nila ang Tatlong Nephita: sinabi ni Mormon na ang mga tao na pinaglingkuran ng Tatlong Nephita “ay hindi sila makikilala.”)
3 Nephi 28:36–40
Nalaman ni Mormon ang tungkol sa katangian ng mga taong nagbagong-kalagayan
Itanong sa mga estudyante kung may tanong ba sila tungkol sa ebanghelyo o kung may nabasa ba sila sa mga banal na kasulatan na hindi nila naunawaan. Ipaalala sa kanila na noong unang magsulat si Mormon tungkol sa pagbabagong-anyo ng Tatlong Nephita, sinabi niya na hindi niya lubos na naunawaan ang pagbabago sa kanilang pisikal na katawan sa kanilang paglilingkod sa lupa (tingnan sa 3 Nephi 28:17).
-
Kanino kayo karaniwang nagtatanong tungkol sa ebanghelyo o mga scripture passage? Bakit?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 28:36–37 para malaman ang ginawa ni Mormon para mahanap ang sagot sa kanyang tanong.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula kay Mormon tungkol sa paraan ng pagtanggap ng karagdagang kaalaman? (Bagama’t maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagkukulang tayo ng kaalaman, dapat tayong magtanong sa Ama sa Langit at tatanggap tayo ng patnubay.)
-
Ano ang ilang halimbawa na naglalarawan sa alituntuning ito?
-
Ano ang ilang sitwasyon na kakailanganin nating humingi ng dagdag na kaalaman at pag-unawa sa Ama sa Langit?
Basahin ang sumusunod na pahayag, kung saan binigyang-diin ni Pangulong Spencer W. Kimball ang ilang kalagayan na kailangan nating manalangin para matulungan tayo:
“Kailangang-kailangan ng bawat isa sa atin ang kanyang tulong kapag sinisikap nating malaman ang mga katotohanan ng ebanghelyo at pagkatapos ay ipinamumuhay ang mga ito, kapag hinihingi natin ang kanyang tulong sa malalaking desisyon sa ating buhay, mga desisyon tungkol sa pag-aaral, kasal, trabaho, paglipat ng tirahan, pagpapalaki ng ating mga anak, paglilingkod sa isa’t isa sa gawain ng Panginoon at paghingi ng kanyang kapatawaran at patuloy na patnubay at proteksyon sa lahat ng ating ginagawa. Ang listahan ng mga pangangailangan natin ay mahaba at tunay at taos-puso. …
“Sa pagdarasal ko sa buong buhay ko, alam ko ang pagmamahal at kapangyarihan at lakas na nagmumula sa tapat at taos-pusong panalangin. Alam ko ang kahandaan ng ating Ama na tulungan tayo sa ating buhay sa mundo, upang turuan tayo, gabayan tayo, at patnubayan tayo. Sa gayon, nang may dakilang pagmamahal, sinabi ng ating Tagapagligtas, ‘Kung ano ang sinasabi ko sa isa ay sinasabi ko sa lahat; manalangin tuwina.’ (D at T 93:49.)” (“Pray Always,” Ensign, Okt. 1981, 3, 6).
-
Paano ninyo mapapalakas ang inyong pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin? Kailan kayo nakatanggap at ang inyong pamilya ng mga sagot sa inyong mga panalangin?
Hikayatin ang mga estudyante na manalangin sa Ama sa Langit habang sinisikap nilang maunawaan ang ebanghelyo at harapin ang mga hamon ng buhay. Patotohanan ang mga pagpapalang dumating sa iyong buhay nang idalangin mo sa Ama sa Langit ang iyong mga problema at katanungan.
Ipaliwanag na ang naranasang pagbabago ng Tatlong Nephita ay tinatawag na pagbabagong-kalagayan. Ang ilan sa matatapat na lingkod ng Panginoon ay nagbagong-kalagayan upang patuloy silang makapaglingkod sa lupa. Nang patuloy na magtanong si Mormon tungkol sa pagbabagong ito, nalaman niya ang tungkol sa katangian ng mga taong nagbagong-kalagayan.
Isulat sa pisara ang Mga Taong Nagbagong-Kalagayan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 28:37–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa klase, at alamin ang nalaman ni Mormon tungkol sa pagbabagong nangyari sa mga katawan ng Tatlong Nephita.
-
Ano ang nalaman ni Mormon tungkol sa mga taong nagbagong-kalagayan? (Hilingin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase. Dapat kasama sa mga sagot na ang mga taong nagbagong-kalagayan ay hindi “makatitikim ng kamatayan,” hindi nila mararanasan ang sakit, at ang kalungkutan maliban sa kalungkutan na mararanasan nila dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan.)
-
Bakit kailangan ang pagbabagong ito sa kanilang mga katawan? (Maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang 3 Nephi 28:6–7. Ang pagbabagong ito ay kailangan para maisagawa nila ang kanilang mabubuting hangarin na manatili sa lupa at patuloy na magdala ng mga kaluluwa kay Cristo hanggang sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 3 Nephi 28:39–40 at hanapin ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga taong nagbagong-kalagayan. Sa pagbabahagi ng mga estudyante, tawagin ang isa pang estudyante na magsusulat sa pisara ng mga sagot ng kanyang mga kaklase. (Dapat kabilang sa mga sagot na ang mga taong nagbagong-kalagayan ay hindi matutukso ni Satanas, na sila ay ginawang dalisay at banal, at “ang mga may kapangyarihan sa lupa ay hindi makapipigil sa kanila.”) Maaaring kailangan mong ipaliwanag na bagama’t hindi daranas ng kamatayan ang mga taong nagbagong-kalagayan, hindi sila nabuhay na mag-uli. Hindi nila tatanggagapin ang “higit na malaking pagbabago” na iyan hanggang sa Araw ng Paghuhukom, kapag sila ay kaagad na mababago mula sa pagiging may kamatayan sa pagiging walang kamatayan—“sa isang kisap-mata” (tingnan sa 3 Nephi 28:8, 40).
Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang mga alituntunin at doktrina na tinalakay sa klase. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap nila mula sa Espiritu.