Home-Study Lesson
Mosias 26–Alma 4 (Unit 14)
Pambungad
Ang lesson na ito ay nagtutulot sa mga estudyante na mapag-aralang muli ang mga alituntunin ng pagsisisi at mapag-isipang mabuti na kailangan nating magbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—tulad ni Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias. Manalangin na mapatnubayan para malaman mo kung paano mo higit na matutulungan ang mga estudyante na hangarin ang pagbabagong ito sa kanilang buhay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 26
Nakatanggap ng inspirasyon si Alma kung paano hahatulan ang mga nakagawa ng mabibigat ng kasalanan
Para masimulan ang lesson na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang chapter summary sa simula ng Mosias 26. Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon sa klase. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang magagawa nila para matulungan ang tao sa bawat sitwasyon.
-
Isang dalagita ang nakagawa ng mabigat na kasalanan, pero natatakot siyang sabihin ito sa kanyang bishop.
-
Isang binatilyo ang gustong magsisi, pero hindi niya alam kung paano.
-
Isang dalagita ang inulit ang kasalanang nagawa niya noon, at nag-aalala siya na hindi na siya patatawarin ng Panginoon.
-
Isang binatilyo ang nagpasiyang magsisi, pero ayaw niyang patawarin ang isang taong nagkasala sa kanya.
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference: Mosias 26:21–23, 29–31. Ipaliwanag sa mga estudyante na nakatala sa mga talatang ito ang paghahayag ng Panginoon kay Alma tungkol sa mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talatang ito at tumukoy ng kahit isang alituntunin na maaaring makatulong sa mga taong inilarawan sa mga sitwasyon sa itaas. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sagot at patotoo tungkol sa isang alituntunin na natagpuan sa Mosias 26.
Ipaalala sa mga estudyante na nagplano sila na ipamuhay ang isa sa mga alituntuning natutuhan nila sa Mosias 26 sa kanilang pagsisikap na magsisi. Hikayatin sila na gawin ang mga plano nila.
Mosias 27–28
Si Nakababatang Alma at ang mga anak ni Mosias ay nagsisi at isinilang na muli
Para mabigyan ang mga estudyante ng halimbawa ng isang taong nakaranas ng malaking pagbabago ng puso, sabihin sa ilan sa kanila na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng sumusunod na karanasan na ibinahagi ni Elder Keith K. Hilbig ng Pitumpu:
“Nakilala at naturuan [ng isang binatang elder na naglingkod sa Eastern Europe at] ng kanyang kompanyon ang isang lalaking katamtaman ang edad na nagngangalang Ivan. … Kakaiba ang pinagmulan ng kanilang investigator, tulad ng nakikita sa kanyang suot na lumang-lumang damit, maruming tingnan na balbas, at mahiyain. Naging mahirap at malupit ang buhay sa kanya.
“Dahil walang alam sa relihiyon, maraming kailangang baguhin si Ivan. Kailangang isantabi ang mga gawing hindi akma sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Kailangang tanggapin at gawing bahagi ng buhay niya ang mga bagong alituntunin. Gustong matuto ni Ivan, at sinikap niyang paghandaan ang kanyang binyag at kumpirmasyon. Puro sulsi pa rin ang kanyang damit at marumi pa ring tingnan ang kanyang balbas, ngunit nagawa na niya ang unang mga hakbang. Di nagtagal matapos mabinyagan si Ivan, nalipat ang misyonero. Umasa siya na magkikita silang muli ni Ivan.
“Makalipas ang anim na buwan idinestinong muli ng mission president ang batang elder sa kanyang dating branch. Bagama’t nagulat, sabik na bumalik ang elder na ito. Maaga silang dumating ng kanyang bagong kompanyon sa sacrament meeting sa kanyang unang Linggong pagbalik sa branch. …
“Nakilala ng elder ang halos lahat ng nasa maliit na kongregasyon. Gayunpaman, hindi niya maapuhap ang mukha ng taong bininyagan nila ng kanyang kompanyon anim na buwan na ang nakararaan. Nakadama ng pagkabigo at lungkot ang elder. …
“Biglang napawi ang takot at saglit na natigil ang pagninilay-nilay ng elder nang isang lalaking hindi niya kilala ang humahangos na lumapit para yakapin siya. Ang bagong ahit na lalaki ay may maaliwalas na ngiti at kabaitang kitang-kita sa kanyang mukha. Nakasuot ng puting polo at maayos na kurbata, siya ang nakatalagang maghanda ng sacrament para sa maliit na branch nang umagang iyon ng Linggo. Nang magsalita ang lalaki, noon lamang ito nakilala ng elder. Siya ang bagong Ivan, hindi ang dating Ivan na kanilang tinuruan at bininyagan! Nakita ng elder sa kanyang kaibigan ang himala ng pananampalataya, pagsisisi, at kapatawaran; nakita niya ang katunayan ng Pagbabayad-sala.
“… Nakaranas [si Ivan] ng ‘pagbabago ng puso’ (Alma 5:26) na sapat para siya mabinyagan at magpatuloy sa pagbabalik-loob” (“Pagdanas ng Pagbabago ng Puso,” Liahona, Hunyo 2008, 39–41).
Itanong: Anong katibayan ang makikita sa kuwento na nagbago si Ivan? (Tiyakin na nauunawaan na ang pagbabagong ginawa ni Ivan sa kanyang hitsura ay indikasyon ng mas malalim na pagbabago sa kanyang puso.)
Ipaalala sa mga estudyante na ang Mosias 27 ay naglalarawan ng isa pang karanasan tungkol sa pagbabago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Anyayahan ang isang estudyante na tumayo sa harap ng klase at ibuod ang Mosias 27. Kung mayroon, maaari ding ipakita ng estudyante ang larawang Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 77). Ipabasa sa isa pang estudyante ang Mosias 27:24–26. Pagkatapos ay sabihin sa klase na tukuyin kung sino ang dapat magbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, o “isilang sa Diyos.” Sa sagot ng mga estudyante, dapat makitang naunawaan nila ang sumusunod na katotohanan: Kailangan tayong maisilang na muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Itanong: Paano ninyo nakitang nagbago ang isang tao tungo sa kabutihan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang itinanong sa sarili ng missionary sa kuwento pagkatapos ng pagkikita nila ni Ivan: “‘Gaano ba kalaking “pagbabago ng puso” ang naranasan ko sa nakalipas na anim na buwan?’ … ‘Ako ba ay “isinilang na muli”?’” (sinipi sa Keith K. Hilbig, “Pagdanas ng Pagbabago ng Puso,” 41).
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 27:24, 28, at alamin kung ano ang ginawa ni Alma at kung ano ang ginawa ng Panginoon na nagpabago ng puso ni Alma. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit naniniwala sila na dapat may bahagi ang indibiduwal at ang Panginoon sa malaking pagbabago ng puso.
Ipaalala sa mga estudyante na pinunan nila ng mga parirala ang isang chart na nagpapakita ng kaibhan kay Alma bago at pagkatapos ng kanyang pagbabago ng puso (sa lesson para sa day 2). Sa assignment 2 para sa day 2, nagsulat ang mga estudyante sa kanilang scripture study journal ng isang parirala mula sa column na “Pagkatapos” na inaasam nilang maglalarawan sa kanila sa buong buhay nila at nagpaliwanag ng dahilan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Magpatotoo na posible ang malaking pagbabago ng puso para sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila nagbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga naisip, kung gusto nila. Maaari ka ring magbahagi kung paano ka nagbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
Hikayatin ang mga estudyante na pagsikapang magkaroon ng pagbabago ng puso upang mas mapalapit sila sa Panginoon at tulutang gumawa ng kaibhan ang Pagbabayad-sala sa kanilang buhay.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart bago magklase, o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante:
Paano nagbago si Alma at ang mga anak ni Mosias? Anong alituntunin ang natutuhan ninyo sa mga talatang ito? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang bahagi ng pagsisisi ang pagtutuwid ng ating kasalanan? |
Paano nagbago ang mga anak ni Mosias? Anong alituntunin ang natutuhan ninyo sa mga talatang ito? Anong mga karanasan sa buhay ninyo ang naghikayat sa inyo na ibahagi sa iba ang ebanghelyo? |
Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na sagutin ang mga tanong sa unang column ng chart at sa pangalawang grupo ang mga tanong sa pangalawang column. Pagawin nang mag-isa ang mga estudyante. Ipabahagi sa ilang estudyante sa bawat grupo ang kanilang mga sagot.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila maaaring gumawa ng pagtutuwid ng kanilang mga kasalanan at pag-ibayuhin ang kanilang hangarin na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Mosias 29–Alma 4
Pinagpala ng Diyos ang mga Nephita na nanatiling mabubuti sa panahong sila ay inuusig
Ipaalala sa mga estudyante na nakasaad sa mga unang kabanata ng Alma ang panahong puno ng kaguluhan at pang-uusig para sa mabubuting Nephita. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Alma 1:25, 27. Sabihin sa kanila na tukuyin ang ginawa ng mga Nephitang ito sa panahong sila ay inuusig.
Ipaliwanag na pinagpala ng Panginoon ang mabubuting Nephita kaya sila ay mas umunlad kaysa sa masasama (tingnan sa Alma 1:29–32). Sabihin sa mga estudyante na pagsikapang tularan ang halimbawa ng matatapat na Nephita na ito kapag nakaranas sila ng paghihirap sa kanilang buhay.
Susunod na Unit (Alma 5–10)
Paano ninyo malalaman kung kayo ay isinilang na muli? Ano ang ibig sabihin ng isinilang na muli? Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Alma 5–10, makakakita sila ng ilang tanong na magagamit nila para masuri nila ang kanilang sarili kung sila ay isinilang na muli at nakaranas ng malaking pagbabago ng puso. Bukod pa rito, lalo nilang mauunawaan ang kahalagahan at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.