Lesson 79
Alma 14
Pambungad
Matapos marinig ang pangangaral nina Alma at Amulek, ilan sa mga tao sa Ammonihas ang naniwala at nagsisi. Karamihan sa mga tao ay nagalit at hinangad na patayin sina Alma, Amulek, at lahat ng naniwala sa kanilang mga salita. Sina Alma at Amulek ay dinakip, nilitis, at tuluyang ibinilanggo. Itinaboy palabas ng masasamang tao sa Ammonihas ang mga naniwalang kalalakihan at sinunog ang kanilang mga asawa, anak, at ang mga banal na kasulatan habang sapilitang ipinamalas kina Alma at Amulek ang pangyayaring iyon. Makalipas ang maraming araw, iniligtas ng Panginoon sina Alma at Amulek mula sa bilangguan at nilipol ang masasamang pinuno ng Ammonihas.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Alma 14:1–13
Sina Alma at Amulek ay ibinilanggo, at ang mga naniniwalang Ammonihahita ay itinaboy palabas o sinunog
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsubok na dinanas nila noon o dinaranas ngayon. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Iba’t iba ang pinagmumulan ng paghihirap. Kung minsan ay mahaharap kayo sa mga pagsubok dahil sa sarili ninyong kayabangan at katigasan ng ulo. Maiiwasan ang mga pagsubok na ito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay. Ang iba pang mga pagsubok ay likas lamang na bahagi ng buhay at maaaring dumating kahit matwid ang inyong pamumuhay. Halimbawa, darating sa inyo ang mga pagsubok sa oras ng pagkakasakit o kawalang-katiyakan o pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Kung minsan ay maaari kayong mahirapan dahil sa mga maling pasiya at masasakit na salita at ginawa ng ibang tao.
“Ang inyong tagumpay at kaligayahan, kapwa ngayon at magpasawalang-hanggan, ay nakasalalay nang malaki sa inyong pagtugon sa mga suliranin ng buhay” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 130).
Ipaliwanag na sa lesson ngayon, tatalakayin ng mga estudyante ang tala tungkol sa mga taong nakaranas ng matitinding pagsubok. Karamihan sa mga pagsubok na ito ay idinulot ng ibang tao. Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano naaakma sa kanila ang mga katotohanang tatalakayin nila sa lesson na ito, anuman ang mga pagsubok na mararanasan nila.
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 14:1–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbabasa, at alamin ang mga halimbawa ng mga paghihirap na naranasan ng mga taong nakasulat sa pisara.
-
Ano ang dinanas na paghihirap ng mga taong ito? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaliwanag na nang makita ni Amulek ang paghihirap ng mga kababaihan at mga bata na natutupok ng apoy, gusto niyang gamitin ang kapangyarihan ng priesthood para iligtas sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 14:11 at sabihin sa klase na alamin ang isinagot ni Alma sa kahilingan ni Amulek.
-
Bakit pinahintulutan ng Panginoon na masunog ang mga kababaihan at mga batang ito? (Itinulot ng Panginoon na magdusa ang mga tao upang ang kanilang kamatayan ay magsilbing saksi laban sa mga taong pumatay sa kanila. Tingnan din sa Alma 60:13.)
-
Ayon kay Alma, paano pagpapalain ang mga kababaihan at mga bata sa kanilang pagtitiwala sa Panginoon?
Maaaring kailangan mong bigyang-diin na sa partikular na pagkakataong ito, kalooban ng Panginoon na pahintulutang magdusa ang mga tao. Gayunpaman, hindi palaging ganyan ang nangyayari. Sabihin sa mga estudyante na sila ay mahal ng Panginoon at gusto silang maging maligaya at magkaroon ng kapayapaan sa kanilang buhay. Kung sila ay nasaktan o naabuso sa anumang paraan, dapat silang humingi ng tulong sa kanilang magulang o sa lider ng Simbahan para malutas nila ang problema.
-
Ano ang ilan pang dahilan na maaaring itulot ng Panginoon na magdusa tayo? (Maaaring kasama sa mga sagot na nais Niyang maunawaan natin ang mga ibubunga ng maling desisyon, na nais Niyang maging mapagpasensya tayo, na nais Niyang maramdaman natin ang nadarama ng ibang nagdurusa, at nais Niyang maunawaan natin na kailangan nating umasa sa Kanya.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagtitiwala tayo sa Panginoon, mapapalakas Niya tayo sa ating mga pagsubok. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 14:12–13.
-
Paano naipakita ng mga salita ni Alma na nagtitiwala siya sa Panginoon?
Maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang halimbawa nina Alma at Amulek ay nagpalinaw ng pang-unawa. Habang sinisikap na makagawa ng kabutihan sa mga tao ng Ammonihas, sila ay dinakip. Nagtiwala si Amulek sa kanyang mas bihasang kasama, si Alma, na nakahikayat sa kanya na higit na magtiwala sa Panginoon. Dahil sapilitang ipinamalas sa kanila ang pagkatupok sa apoy ng mga kababaihan at mga bata, sinabi ni Amulek, ‘Marahil tayo ay susunugin din nila.’ Sumagot si Alma: ‘Ito ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon’—isang napakahalagang alituntunin. ‘Subalit … ang ating gawain ay hindi pa natatapos; kaya nga, tayo ay hindi nila susunugin’ [Alma 14:12–13; idinagdag ang pagbibigay-diin]” (“To Be Healed,” Ensign, Mayo 1994, 8).
“Ang buhay na ito ay isang karanasan sa pagtitiwala nang lubos—pagtitiwala kay Jesucristo. … Ang ibig sabihin ng magtiwala ay sumunod nang kusa nang hindi nalalaman ang wakas mula sa simula (tingnan sa Kaw. 3:5–7). Upang makita ang bunga nito, dapat mas malakas at matibay ang inyong pagtitiwala sa Panginoon kaysa pagtitiwala ninyo sa inyong personal na nadarama at kaalaman” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17).
Ipaliwanag na sa Alma 14:14–29, marami pang makikita ang mga estudyante na mga halimbawa ng pagtitiwala nina Alma at Amulek sa Panginoon. Makikita rin nila kung paano sila pinalakas ng Panginoon upang magawa nila ang Kanyang gawain.
Alma 14:14–29
Iniligtas ng Diyos sina Alma at Amulek mula sa bilangguan at nilipol ang maraming masasamang pinuno ng Ammonihas
Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na basahing mabuti ang Alma 14:14–19 at ipabasa naman sa pangalawang grupo ang Alma 14:20–25. Sabihin sa dalawang grupo na alamin ang dinanas nina Alma at Amulek sa kamay ng masasamang pinuno ng Ammonihas. Kapag natapos na ang sapat na oras ng pagbabasa ng mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng “Alma at Amulek.”
-
Alin sa mga pagsubok na ito ang maaaring pinakamahirap para sa inyo? Bakit?
-
Kailan kayo nakakita ng mga taong dumaranas ng paghihirap kahit na nagsisikap sila na maging mabuti?
Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 14:25–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ginawa ng Panginoon upang mailigtas sina Alma at Amulek sa bilangguan. Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy at maunawaan ang mga alituntunin sa mga talatang ito, itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod:
-
Bakit nakatanggap sina Alma at Amulek ng kapangyarihan at lakas mula sa Panginoon? (Tingnan sa Alma 14:26, 28.)
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa karanasan nina Alma at Amulek sa bilangguan? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit kailangang makita sa mga ito ang katotohanan na kung tatawag tayo sa Panginoon nang may pananampalataya, tayo ay palalakasin niya sa ating mga paghihirap at ililigtas ayon sa Kanyang pamamaraan at panahon. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga parirala sa Alma 14:26, 28 na nagbibigay-diin sa alituntuning ito.)
-
Ano ang ilang paraan na maipapakita ng mga tao na nananampalataya sila kay Jesucristo sa oras ng mga pagsubok?
Sabihin sa estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung kailan nasaksihan nila ang kalakasang darating sa ating buhay kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo at mapagpakumbabang naghintay sa Kanya. Maaari silang magbahagi ng kanilang sariling mga karanasan o mga karanasan mula sa buhay ng mga taong kilala nila. Maaari ka ring magbahagi ng karanasan mula sa buhay mo o sa buhay ng isang kakilala mo.
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa kapangyarihan ng Panginoon na bigyan tayo ng lakas at iligtas tayo mula sa mga pagsubok sa Kanyang sariling pamamaraan at panahon. Tiyakin sa mga estudyante na kapag nagtiwala tayo sa kalooban ng Panginoon, daragdagan Niya ang ating lakas at kakayahan na matiis ang mga paghihirap.