Library
Home-Study Lesson: Alma 33–38 (Unit 19)


Home-Study Lesson

Alma 33–38 (Unit 19)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Alma 33–38 (unit 19) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Alma 33–35)

Itinuro ni Alma sa mga Zoramita na patuloy nating masasamba ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Pagkatapos ay itinuro ni Alma na matatanggap natin ang awa ng Ama sa Langit, pati na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na ang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naglaan ng kaligtasan para sa buong sangkatauhan. Natutuhan din ng mga estudyante na upang matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.

Day 2 (Alma 36)

Mula sa ulat ni Alma tungkol sa kanyang pagbabalik-loob, nalaman ng mga estudyante na ang kasalanan ay maaaring humantong sa matinding pasakit at pighati. Bukod pa rito, natutuhan nila na kung mananampalataya tayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ililigtas Niya tayo mula sa pasakit ng ating mga kasalanan at pupuspusin tayo ng kagalakan. Tulad ni Alma, makatatanggap tayo ng malaking kagalakan kapag sinikap natin na madala ang iba kay Cristo.

Day 3 (Alma 37)

Inihabilin ni Alma sa kanyang anak na si Helaman ang pag-iingat at pangangalaga ng mga sagradong talaan. Sa pag-aaral ng mga salita ni Alma, natutuhan ng mga estudyante na upang maisakatuparan ang Kanyang mga walang hanggang layunin, ang Panginoon ay gumagawa sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay. Natutuhan din nila na kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay uunlad. Itinuro ni Alma sa kanyang anak na dapat tayong matuto sa ating kabataan na sundin ang mga kautusan ng Diyos at kung susundin natin ang mga salita ni Jesucristo, gagabayan tayo nito upang matanggap ang buhay na walang hanggan.

Day 4 (Alma 38)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang mga payo ni Alma kay Siblon, natutuhan nila na kapag nasimulan nila sa kanilang kabataan ang pagiging matatag at matapat sa pagsunod sa mga kautusan, magdudulot sila ng malaking kagalakan sa kanilang mga magulang. Nagpatotoo si Alma sa kanyang mga anak na ililigtas ng Diyos ang mga tao mula sa mga pagsubok, kaguluhan, at paghihirap kapag tiniis nila ang lahat ng bagay nang may tiyaga at tiwala sa Kanya. Nagpatotoo rin si Alma na upang matanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan at makadama ng kapayapaan sa ating kaluluwa, dapat tayong magsumamo na kaawaan tayo ng Panginoon. Sa huli, natutuhan ng mga estudyante na ang pagkakaroon ng mabubuting katangian ay naghahanda sa atin na magturo at maglingkod sa iba.

Pambungad

Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na ang Pagbabayad-sala ay “walang katapusan at walang hanggan” (Alma 34:10). Natutuhan ng mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang lingguhang pag-aaral, at ang lesson na ito ay magbibigay sa kanila ng dagdag na pagkakataon na maunawaan at mapahalagahan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 33–35

Itinuro nina Alma at Amulek sa mga Zoramita ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Itanong: Bakit si Jesucristo lamang ang makapagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan?

Ipaalala sa mga estudyante na, bilang bahagi ng kanilang mga weekly assignment, nabasa nila ang Alma 34:10–14 at minarkahan ang mga parirala na may mga salitang walang katapusan at walang hanggan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito, at pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pariralang natukoy nila.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol para matulungan sila na maunawaan kung bakit walang katapusan at walang hanggan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo:

“Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan—walang katapusan. Ito ay walang hanggan dahil maliligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang napakatinding pagdurusa. … Walang hanggan ang sinasaklaw nito—kailangang gawin ito nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang sa walang hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang hanggang bilang ng mga daigdig na Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan at hindi masusukat ng anumang panukat ng tao o mauunawaan ng sinumang tao.

“Si Jesus lamang ang makagagawa ng walang hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil natatangi ang pinagmulang angkan, si Jesus ay isang walang-hanggang Nilalang” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35).

Itanong: Paano nakatulong ang mga itinuro ni Amulek at ang pahayag ni Elder Nelson para maunawaan natin kung bakit si Jesucristo lamang ang makapagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan?

Ipabuod sa mga estudyante ang natutuhan nila mula sa Alma 34 tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipaliwanag na ang isang mahalagang alituntunin na matututuhan natin mula sa bahaging ito ay ginawang posible ng walang katapusan at walang hangang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kaligtasan para sa buong sangkatauhan.

Isulat sa pisara o sa isang papel ang sumusunod na parirala: Isipin ang buhay kung walang …

Ipakita ang isang bagay na pinahahalagahan ng maraming kabataan (tulad ng cell phone). Itanong: Ano kaya ang buhay kung wala ang bagay na ito?

Pagkatapos, ipakita ang isang bote o baso ng tubig (o isang bagay na kailangan para mabuhay). Itanong: Ano kaya ang buhay kung walang tubig?

Pagkatapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong na ito, kumpletuhin ang pahayag sa pisara: Isipin ang buhay kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang tingin ng mga tao sa buhay kung hindi nila alam ang tungkol kay Jesucristo o kung hindi sila naniniwala na may Diyos?

  • Sa inyong palagay, paano maiiba ang buhay kung walang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-isipan ang tanong na ito bago hingin ang mga sagot nila.)

Ipaliwanag na itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na kailangan nilang magsisi upang matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa kanilang buhay (tingnan sa Alma 34:15–17). Itanong sa mga estudyante kung naipagpaliban na nila noon ang pagsisisi dahil natakot silang ipagtapat ang kanilang mga kasalanan o natakot sila na hindi nila kayang magbago. Pagkatapos ay itanong: Bakit mapanganib na ipagpaliban ang pagsisisi?

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Alma 34:30–35, at alamin ang itinuro ni Amulek kung bakit hindi natin dapat ipagpaliban ang pagsisisi. Talakayin ang mga talatang ito sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Basahin ang Alma 34:32. Bakit kailangan nating magsisi ngayon? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, tulungan sila na maunawaan ang alituntuning ito: Ang buhay na ito ang panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos.)

  • Basahin ang Alma 34:33. Ano ang layunin ng buhay na ito? Ano ang mangyayari sa mga magpapaliban ng pagsisisi?

  • Basahin ang Alma 34:31. Ano ang ipinangako sa mga taong magsisisi ngayon?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi ninyo kailangang malaman ang lahat bago magkaroon ng epekto sa inyo ang Pagbabayad-sala. Manampalataya kay Cristo; magkakaroon ito ng epekto sa araw na humiling kayo!” (”Washed Clean,” Ensign, Mayo 1997, 10.)

Itanong: Ano ang itinuturo sa inyo ng pahayag na ito ni Pangulong Packer? Bakit makatutulong ito sa inyo?

Alma 36

Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Helaman

Napag-aralan ng mga estudyante mo ang mga payo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, na nakatala sa Alma 36, at nalaman ang tungkol sa nadamang kagalakan ni Alma nang taos-puso siyang magsisi ng kanyang mga kasalanan. Ipinabasa sa mga estudyante ang Alma 36:19–22 at ipinasulat sa kanilang scripture study journal kung ano ang itinuro ng mga talatang ito tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala (day 2, assignment 3). Ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila. Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang kagalakang nagmumula sa pagsisisi.

Susunod na Unit (Alma 39–44)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano kaya pagsasabihan ng nagmamalasakit at nagmamahal na magulang ang isang anak na lalaki o babae na nakagawa ng mabibigat na kasalanang seksuwal. Naharap si Alma sa ganitong sitwasyon at nagturo ng mahahalagang katotohanan sa kanyang anak na si Corianton, na nagkasala habang naglilingkod sa misyon.