Library
Lesson 49: Enos


Lesson 49

Enos

Pambungad

Matapos pag-isipan ang mga salita ng kanyang ama, nanalangin si Enos para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at siya ay napatawad sa kanyang mga kasalanan. Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang espirituwal na kapakanan ng mga Nephita at mga Lamanita at iniukol ang kanyang buhay sa pagtulong na matamo nila ang kaligtasan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Enos 1:1–8

Matapos pag-isipan ang mga salita ng kanyang ama, nanalangin si Enos at napatawad sa kanyang mga kasalanan

Isulat sa pisara ang mga salitang ang aking kaluluwa ay nagutom. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naramdaman nilang gutom na gutom sila.

  • Anong mga salita ang gagamitin ninyo para ilarawan ang inyong nararamdaman kapag nagugutom kayo? (Maaaring ilarawan ng mga estudyante ang pagkagutom na walang laman ang tiyan, masakit, nakapanghihina, o gustong makakain.)

  • Ano ang maaaring ibig sabihin ng “ang aking kaluluwa ay nagutom” sa isang tao? (Nakadarama ng espirituwal na kahungkagan, sakit, o panghihina o gustong mabusog sa espirituwal na paraan.)

Nananangin si Enos

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nagutom ang kanilang kaluluwa. Ipaliwanag na sa araw na ito ay pag-aaralan nila ang tungkol sa isang tao na ang kaluluwa ay nagutom. Idispley ang larawang Nananalangin si Enos (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 72).

  • Ano ang alam ninyo tungkol sa tao na nasa larawan? (Kung hindi tiyak ng mga estudyante, ipaliwanag na larawan ito ni Enos, na apo nina Lehi at Saria at anak ni Jacob. Ipinagkatiwala sa kanya ang maliliit na lamina bago namatay ang kanyang ama [tingnan sa Jacob 7:27].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Enos 1:1, 3. Sabihin sa klase na alamin kung paano naimpluwensyahan ni Jacob si Enos. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang nalaman nila.

Idispley ang sumusunod na chart sa pisara. (Para makatipid sa oras, maaari mong idikit ang chart sa pisara bago magklase.) Ang chart ay nilayong tulungan ang mga grupo ng mga estudyante na magtuon sa iba’t ibang detalye sa karanasan ni Enos sa pag-aaral nila ng Enos 1:2–8.

Ang ninais ni Enos

Ang ginawa ni Enos

Mga resulta ng ginawa ni Enos

Enos 1:2

Enos 1:3

Enos 1:2

Enos 1:4

Enos 1:8

Enos 1:5

Enos 1:6

Enos 1:8

Ipaliwanag na habang iniisip ni Enos ang mga itinuro ng kanyang ama, nakadama siya ng espirituwal na damdamin na umakay sa kanya na gumawa ng mga partikular na bagay, na nagbunga ng mga pagpapala sa kanyang buhay.

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Basahin nang malakas ang Enos 1:2–8. Habang nagbabasa ka, ipahanap sa unang grupo ang mga parirala na tumutukoy sa ninanais ni Enos. Ipahanap sa pangalawang grupo ang ginawa ni Enos. Ipahanap sa pangatlong grupo ang mga resulta ng ninanais at ginawa ni Enos. (Ituro na ang mga talata na nakalista sa chart ay naglalaman ng impormasyon hinggil sa assignment ng bawat grupo.)

Pagkatapos mong basahin ang Enos 1:2–8, anyayahan ang mga estudyante sa unang grupo na ibahagi ang mga pariralang nahanap nila tungkol sa ninanais ni Enos. Kapag nabanggit ng mga estudyante ang mga pariralang ito, ipasulat sa kanila ang mga ito sa pisara. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan. Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang mga pariralang tulad ng “natanggap ang kapatawaran ng aking mga kasalanan,” “buhay na walang hanggan,” at “ang kagalakan ng mga banal.”

Matapos mapunan ang unang column, ipabasa nang mabilis sa klase ang simula ng Enos 1:4. Ipatukoy sa kanila ang naranasan ni Enos nang ang mga salita ng kanyang ama, “hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa [kanyang] puso (Enos 1:3). Dapat mapansin ng mga estudyante ang pariralang “at ang aking kaluluwa ay nagutom.” (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Bakit ang pagninilay o pag-iisip nang mabuti sa mga turo ng propeta hinggil sa buhay na walang hanggan, at kagalakan ng mga Banal, ay nagiging dahilan para magutom ang kaluluwa ng tao? (Makatutulong ito sa tao na magnais na maging karapat-dapat para makasama ang Panginoon at naisin ang kaligayahan na nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo.)

Ituro na ninais din ni Enos na mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Ipaliwanag na ang pariralang “ang aking kaluluwa ay nagutom” ay maaaring magpahiwatig ng espirituwal na kahungkagan dahil sa kasalanan. Maaari ring magpahiwatig ito ng pagnanais ng isang tao na mas mapalapit sa Panginoon at matuto sa Kanya.

  • Bakit nakadarama tayo ng espirituwal na kahungkagan dahil sa kasalanan? (Ang kasalanan ay nagpapalayo sa atin sa Espiritu Santo at sa Panginoon.)

Para matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang karanasan ni Enos sa kanilang sarili, sabihin sa kanila na tahimik na isiping mabuti kung nadama na rin nila ang espirituwal na pagkagutom na inilarawan ni Enos.

Upang matulungan ang klase na makita ang ginawa ni Enos para matugunan ang espirituwal na pagkagutom, sabihin sa pangalawang grupo na ibahagi ang kanilang nahanap at isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Dapat kabilang sa mga sagot ang mga sumusunod: “pakikipagtunggali … sa harapan ng Diyos,” “nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin,” at “[nanampalataya] kay Cristo.”

  • Paano inilalarawan sa pariralang “pakikipagtunggali … sa harapan ng Diyos” ang pagsisikap ng tao na makatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan? (Ipaliwanag na hindi nakipagtunggali si Enos sa Diyos, kundi sa harapan ng Diyos sa panalangin. Ipinakita sa pakikipagtunggaling ito ang pagsisikap ni Enos na ipakita sa Ama sa Langit ang katapatan ng kanyang naisin at ang kahandaan niyang magsisi sa pamamagitan ng pagawa ng mga kinakailangang pagbabago sa kanyang buhay.) Bakit ang salitang pakikipagtunggali ay magandang salita para ilarawan ang ating pagsisikap na magsisi?

  • Sa Enos 1:4, anong katibayan ang makikita ninyo na tapat si Enos sa paghingi niya ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan? (Maaaring kailangang tulungan mo ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng salitang nagsumamo ay humiling nang mapagkumbaba at may matinding pagnanais.)

  • Sa paanong paraan natin maipapakita ang ating katapatan sa paghingi natin ng kapatawaran sa Panginoon? (Maaari mong ipaliwanag na ang ating mga panalangin ay maaaring hindi naman kailangang kasinghaba ng kay Enos, ngunit dapat ay taimtim ang mga ito.)

Upang matulungan ang klase na makita ang mga ibinunga ng ginawa ni Enos, sabihin sa pangatlong grupo na ibahagi ang kanilang nahanap at isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Dapat kabilang sa sagot ang mga sumusunod: “ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na,” “ang aking pagkakasala ay napalis,” at “ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mapapagaling ay madalisay mula sa kasalanan.)

  • Ayon sa Enos 1:7–8, ano ang dahilan kung bakit napatawad at napagaling si Enos? (Ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo.)

  • Anong mga aral ang matututuhan natin mula kay Enos tungkol sa proseso ng pagtanggap ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan? (Bukod pa sa iba pang mga katotohanan na maaaring mabanggit ng mga estudyante, tiyaking naunawaan nila na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, mapapatawad ang ating mga kasalanan at mapapagaling tayo.) Bakit kailangan natin ang pananampalataya kay Jesucristo para matanggap ang mga pagpapalang ito? (Si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan lamang ng kanyang Pagbabayad-sala tayo mapagagaling.)

  • Ayon sa Enos 1:5–6, paano nalaman ni Enos na napatawad na siya? (Maaari mong ituro na ang tinig na nabanggit sa Enos 1:5 ay isang tinig na napasa isipan ni Enos [tingnan sa Enos 1:10].)

  • Paano ninyo malalaman na napatawad na kayo sa inyong mga kasalanan?

Bilang bahagi ng talakayan sa huling tanong sa itaas, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

“Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pag-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 101).

  • Bakit makatutulong na malaman na aalisin ni Cristo ang bigat ng pag-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan pagkatapos nating tunay na magsisi?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Kailan ninyo nadama na napatawad na ng Panginoon ang inyong mga kasalanan?

  • Paano ninyo ipinapakita ang pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Paano ninyo nalaman na napatawad na kayo?

  • Nadama ba ninyo ang pagmamahal ng Panginoon nitong mga huling araw?

Magpatotoo na mapapatawad tayo kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tunay na nagsisi ng ating mga kasalanan. Dahil sa Tagapagligtas, ang ating kasalanan ay maaalis at tayo ay mapagagaling.

Enos 1:9–27

Nanalangin si Enos para sa espirituwal na kapakanan ng mga Nephita at mga Lamanita at iniukol ang kanyang buhay sa pagtulong na matamo nila ang kaligtasan

Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram. Ipaliwanag na matapos manalangin ni Enos para sa kanyang sarili, nanalangin pa siya upang magsumamo para sa kapakanan ng iba. Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa mga estudyante sa bawat magkapartner na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Enos 1:9–14. Sabihin sa kanila na alamin ang dalawang grupo ng mga tao na ipinagdasal ni Enos at ano ang idinasal niya para sa bawat isa. Kapag nasabi na ng mga estudyante ang nalaman nila, idagdag ang mga salitang mga Nephita at mga Lamanita kapalit ng mga tandang-pananong sa diagram.

diagram ng panalangin
  • Ayon sa Enos 1:14, ano ang intensyon ng mga Lamanita sa mga Nephita?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol kay Enos mula sa panalangin niya para sa mga Lamanita?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter. Sabihin sa klase na pakinggan ang kaugnayan nito sa karanasan ni Enos:

“Sa tuwing madarama natin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa ating buhay, hindi natin maiwasan na hindi mag-alala sa kapakanan ng iba. …

“Ang malaking palatandaan ng personal na pagbabalik-loob ng isang tao ay ang hangarin na ibahagi ang ebanghelyo sa iba” (The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams [1997], 248–49).

  • Paano nauugnay ang pahayag na ito sa karanasan ni Enos? (Ipinakita ni Enos na kapag nararanasan natin ang mga pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hahangarin nating tulungan ang iba na magtamo ng kaligtasan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Enos 1:12, 15–20, na inaalam ang paglalarawan ni Enos sa kaugnayan ng panalangin, pananampalataya, at pagsusumigasig.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng manalangin nang may pananampalataya?

  • Ayon sa Enos 1:12, 19–20, paano ipinakita ni Enos ang kanyang pagsusumigasig habang nagdarasal siya at pagkatapos niyang magdasal?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ni Enos? (Dapat maunawaan ng mga estudyante na sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin ayon sa ating pananampalataya at pagsusumigasig.)

Para matulungan ang mga estudyante na makaisip ng paraan na matularan ang halimbawa ni Enos, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag o gawin itong handout at ipamigay sa kanila. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang pahayag at sagutin ito sa kanilang scripture study journal.

  1. Tulad ni Enos, nais ko ring makatanggap ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Ipapakita ko sa Panginoon na tapat ako sa ninanais kong ito sa pamamagitan ng …

  2. Tulad ni Enos, gusto kong tulungan ang aking mga kapamilya at kaibigan na lumapit kay Jesucristo. Isang tao na gusto kong tulungan ay si … Tutulungan ko ang taong ito sa pamamagitan ng …

  3. Ipinagdasal ni Enos ang mga Lamanita, na maituturing na kanyang mga kaaway. Tulad ni Enos, gusto kong ipakita ang pagmamahal ng Panginoon sa mga taong hindi mabait sa akin. Ang isang paraan na magagawa ko ito ay …

Matapos magsulat ng mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang Enos 1:26–27. Sabihin sa klase na alamin ang katibayan ng kagalakan na naranasan ni Enos dahil sa kanyang mga ginawa. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, hikayatin sila na gawin ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal. Magpatotoo na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, makararanas tayo ng kapatawaran at kagalakan, at titindi ang ating pagnanais na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Enos 1:2. “Natanggap ang kapatawaran ng aking mga kasalanan”

Hindi binanggit ni Enos ang uri o laki ng kasalanan niya, sa halip ay inilarawan niya ang proseso ng pagsisisi na dapat gawin ng bawat isa sa atin upang matanggap ang kapatawaran ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball:

“Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang kuwento tungkol kay Enos, na malaki ang pangangailangan. Tulad nating lahat—dahil wala ni isa sa atin ang perpekto—siya ay naligaw ng landas. Kung gaano kabigat ang kanyang mga kasalanan ay hindi ko alam, ngunit isinulat niya, ‘Sasabihin ko sa inyo ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos, bago ko natanggap ang kapatawaran ng aking mga kasalanan’ [Enos 1:2]. …

“Napakalaking pagpapala at kagalakan para sa bawat isa sa atin na malaman na buhay ang ating Ama at minamahal niya tayo, na pinapatawad niya tayo kapag ginagawa na natin ang pagsisisi, na handa siyang tumulong kailanman at magbigay ng pagmamahal sa kanyang mahal na mga anak” (“Pray Always,” Ensign, Okt. 1981, 6).