Lesson 18
1 Nephi 17
Pambungad
Matapos maglakbay nang walong taon sa ilang, nakarating ang pamilya ni Lehi sa isang lugar na malapit sa dalampasigan na tinawag nilang Masagana. Matapos mamalagi sa lupain ng Masagana, inutos ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat. Nang malaman ng kanyang mga kapatid ang gusto niyang gawin, kinutya nila siya at pagkatapos ay nagreklamo at tumangging tumulong. Itinuro ni Nephi sa kanyang mga kapatid na bagama’t hinangad ng Panginoon na mangusap sa kanila sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu, ang kanilang kasamaan ay nakahadlang sa kanila na madama ang Kanyang mga salita. Sinaway niya sila sa kanilang kasamaan at hinikayat silang magsisi.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
1 Nephi 17:1−51
Naglakbay ang pamilya ni Lehi patungo sa Masagana, kung saan inutos kay Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat
Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ang buhay nila sa kasalukuyan ay masasabi nilang madali o mahirap, at bakit. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pag-usapan nila ng kanilang kapartner ang kanilang mga sagot. O sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang sagot. Paalalahanan sila na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 17:1, 4, 6. Sabihin sa klase na habang binabasa niya ang mga talata, hanapin nila ang mga salita o parirala na nagsasabi kung madali o mahirap kay Nephi at sa kanyang pamilya ang panahong sila ay nasa ilang.
-
Itinuring ba ni Nephi ang buhay nila sa ilang na madali o mahirap? Anong mga salita ang nagsasabi na mahirap ito?
Ipaliwanag na pinagpala rin nang lubos si Nephi at ang kanyang pamilya sa panahong iyon. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang 1 Nephi 17:2, 5, 12–13 at alamin ang ilang paraan na napagpala si Nephi at ang kanyang pamilya sa kanilang paglalakbay. Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila.
Sabihin sa mga estudyante na itinuro ni Nephi ang isang alituntunin na nagpapaliwanag kung bakit mapagpapala ang kanyang pamilya sa mahirap na panahong iyon. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 1 Nephi 17:3 at ipatukoy ang alituntunin na nagsisimula sa salitang kung. Maikling ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang mga alituntunin kung minsan ay makikita sa pormat na “sanhi at epekto.” Ang sanhi ay naglalarawan ng isang gawain o pagkilos, at ang epekto ay nagsasaad ng kinahihinatnan (mabuti o masama) ng gawain o pagkilos na iyon.
Bagama’t hindi makikita sa 1 Nephi 17:3 ang mga salitang kung gayon, naglalarawan ito ng isang gawain o pagkilos kasama ng ilang pagpapala na nagiging resulta nito. Sabihin sa mga estudyante na ilahad ang “sanhi at epekto” ng alituntuning natukoy nila. Dapat maipahayag nila ang tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan, tayo ay palalakasin ng Panginoon at magbibigay Siya ng paraan upang magawa natin ang iniuutos Niya. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.) Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katibayan tungkol sa alituntuning ito sa pag-aaral nila ng karanasan ni Nephi at habang pinag-iisipan nila ang sarili nilang buhay.
Magbigay ng handout na naglalaman ng mga sumusunod na tanong (o isulat sa pisara ang mga tanong bago magklase):
-
Ano ang inutos ng Panginoon kay Nephi? (1 Nephi 17:7−8) Paano tumugon si Nephi? (1 Nephi 17:9−11, 15−16) Paano tumugon ang kanyang mga kapatid? (1 Nephi 17:17−21)
-
Paano tinulungan ng Panginoon si Moises na magawa ang iniuutos Niya? (1 Nephi 17:23−29)
-
Paano nahahalintulad ang mga kapatid ni Nephi sa mga anak ni Israel? (1 Nephi 17:30, 42)
-
Ano ang iniutos ng Panginoon na mahirap para sa akin?
-
Paano ako tutugon gaya nina Nephi at Moises? Paano ko maiiwasang gawin ang mga pagkakamali ng mga kapatid ni Nephi at ng mga anak ni Israel?
Bago ipasagot ang mga tanong sa itaas, ipaliwanag na ang mga ito ay tutulong sa mga estudyante na makita kung paano patuloy na ipinamuhay ni Nephi ang alituntunin sa 1 Nephi 17:3 matapos siyang makarating sa lupain ng Masagana. Ang mga tanong ay tutulong din sa mga estudyante na maiugnay ang alituntunin sa kanilang mga sarili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 17:7–8. Sabihin sa klase na tukuyin ang iniutos kay Nephi. Ipasulat sa mga estudyante ang sagot sa ilalim ng tanong 1 sa handout o sa kanilang scripture study journal.
-
Sa paanong paraan maaaring mahirap na utos ito para kay Nephi?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 17:9−11 at sa isang estudyante ang 1 Nephi 17:15–16. Bago sila magbasa, sabihin sa klase na pakinggan ang tugon ni Nephi sa utos na gumawa ng sasakyang-dagat.
-
Ano ang hinangaan ninyo sa tugon at ginawa ni Nephi?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang buod ng tugon ni Nephi sa ilalim ng tanong 1 sa handout o sa kanilang scripture study journal.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 17:17−21. Ipahanap sa klase ang mga salita at mga parirala na nagpapakita ng ugali nina Laman at Lemuel. Ipasulat sa mga estudyante ang buod ng tugon nina Laman at Lemuel sa utos na gumawa ng sasakyang-dagat. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang buod na ginawa nila.
Ipaliwanag na bilang tugon ni Nephi sa pagrereklamo ng kanyang mga kapatid, ipinaalala niya sa kanila na tinulungan ng Panginoon si Moises na magawa ang mahirap na gawain na palayain ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin. Inihalintulad din ni Nephi ang katigasan ng puso ng kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga scripture passage at isulat ang kanilang mga sagot sa tanong 2 at 3. Depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, maaari mong ipagawa ang mga ito sa bawat isa o nang may kapartner.
Matapos masagot ng mga estudyante ang mga tanong 2 at 3, itanong:
-
Paano tinulungan ng Panginoon si Moises na magawa ang iniuutos Niya?
-
Sa palagay ninyo, paano nakatulong kay Nephi ang halimbawa ni Moises?
-
Paano nahahalintulad ang mga kapatid ni Nephi sa mga anak ni Israel?
Ituro na kapag binigyan tayo ng Panginoon ng mahihirap na gawain o kautusan, maaari nating piliing tumugon tulad ni Nephi, o tumugon tulad nina Laman at Lemuel. Ipaliwanag na bagama’t hindi iniuutos ng Diyos na gumawa tayo ng sasakyang-dagat o hatiin ang Dagat na Pula, binibigyan Niya tayo ng mga kautusan at iniuutos sa atin na gawin ang mga bagay na para sa ilang tao ay mahirap gawin. Halimbawa, iniuutos Niya sa atin na magkaroon ng mabuting pag-iisip at panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Inaasahan Niyang gagawin natin ang mga tungkulin natin sa Simbahan (gaya ng pagiging quorum o class president) at paglilingkuran ang iba. Inaasahan din Niya na tutuparin natin ang ating mga tipan at mananatiling aktibo sa Simbahan, kahit nakararanas tayo ng mga pagsubok. Bigyan ng oras ang mga estudyante na maisulat ang mga sagot sa mga tanong 4 at 5. Hikayatin sila na sagutin ang tanong 4 na sumusulat tungkol sa anumang bagay na iniutos ng Panginoon na parang mahirap para sa kanila.
Pagkatapos mabigyan ng sapat na oras na makapagsulat ang mga estudyante, basahin nang malakas ang pagpapahayag ng pananampalataya ni Nephi sa 1 Nephi 17:50. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 1 Nephi 17:51 at isiping mabuti kung paano nila ito maipamumuhay. Hikayatin sila na ilagay ang kanilang pangalan pagkatapos ng salitang ako at palitan ang pariralang gumawa ng sasakyang-dagat ng isang gawain o kautusan na mahirap para sa kanila. Maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng gustong magbahagi na basahin nang malakas ang 1 Nephi 17:51 kasama ang ipinalit nila dito. Patingnan muli ang nakasulat na alituntunin sa pisara.
-
Ano ang naranasan ni Nephi sa alituntuning ito na nagbigay sa kanya ng tiwala na tutulungan siya ng Panginoon na magawa ang anumang kautusan?
-
Ano ang mga naranasan ninyo na nagbigay sa inyo ng tiwala na tutulungan kayo ng Diyos na magawa ang iniuutos Niya sa inyo?
Magpatotoo na kapag sinunod natin ang mga kautusan, palalakasin tayo ng Panginoon at magbibigay Siya ng paraan na magawa natin ang mga bagay na iniuutos Niya.
1 Nephi 17:45−55
Sinaway ni Nephi ang kanyang mga kapatid dahil sa kanilang kasamaan
Idispley ang larawang Sinusupil ni Nephi ang Mapanghimagsik Niyang mga Kapatid (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 70). Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang nangyayari sa larawan. Kung walang sagot ang mga estudyante, sabihin sa kanila na hanapin ang sagot sa 1 Nephi 17:48, 53–54.
-
Ayon sa 1 Nephi 17:53, bakit pinanginig ng Panginoon ang mga kapatid ni Nephi? [NO TRANSLATION]
Ipaliwanag na ang pagpapanginig na ipinadama kina Laman at Lemuel ay isa lamang sa maraming paraan ng Panginoon para maiparating ang mensahe Niya sa kanila. Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 17:45 at ipatukoy ang ilan sa mga paraan na ginawa noon ng Panginoon para maiparating kina Laman at Lemuel ang mensahe Niya sa kanila.
-
Ano ang ilang paraan ng Panginoon para maiparating Niya ang Kanyang mensahe kina Laman at Lemuel? Alin sa mga ito ang paraan ng Panginoon na madalas Niyang gamitin para maiparating Niya ang Kanyang mensahe sa atin?
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang sumusunod na pahayag sa 1 Nephi 17:45: “Siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig.” Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa tinig na madarama ninyo kaysa maririnig. Ito ay inilalarawan bilang ‘marahan at banayad na tinig’ [D at T 85:6]. At kapag pinag-uusapan natin ang ‘pakikinig’ sa mga bulong ng Espiritu, kadalasan ay inilalarawan ng isang tao ang espirituwal na paghihikayat sa pagsasabing, ‘Naramdaman ko …’” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 60).
Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang sumusunod na katotohanan sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 17:45: Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa marahan at banayad na tinig na mas madarama natin kaysa maririnig. (Para mabigyang-diin ang alituntuning ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 8:2–3.)
-
Kailan ninyo nadama na nangusap sa inyo ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo?
-
Ano ang ginagawa ninyo na nakatutulong sa inyo na madama at makilala ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo?
Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mo silang hikayatin na markahan ang sumusunod na parirala sa 1 Nephi 17:45: “Datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.” Ipabasa sa mga estudyante ang unang pangungusap ng 1 Nephi 17:45 at ipatukoy ang dahilan kung bakit naging “manhid” sina Laman at Lemuel. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
-
Bakit ang “mabilis sa paggawa ng kasamaan” ay naging dahilan para maging “madhid” sina Laman at Lemuel?
-
Paano nakakaapekto ang ating mga kasalanan sa ating kakayahan na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo?
Matapos sumagot ang mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust, na naglingkod bilang miyembro ng Unang Panguluhan:
“Cellphone na ang gamit sa maraming komunikasyon sa ating panahon. Gayunman, paminsan-minsan ay napupunta tayo sa lugar na walang signal ang cellphone. Nangyayari ito kapag ang gumagamit ng cellphone ay nasa tunnel o kuweba, o may iba pang sagabal.
“Gayon din sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. … Kadalasan tayo’y nasa lugar na patay sa espirituwal [spiritual dead spots]—mga lugar at sitwasyong hadlang sa mga banal na mensahe. Kabilang sa mga ito ang galit, pornograpiya, kasalanan, pagkamakasarili, at mga sitwasyong hindi angkop sa Espiritu” (“Nakuha Ba Ninyo ang Tamang Mensahe?” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 67).
Sa pagtatapos ng lesson, sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga mensaheng nais iparating sa kanila ng Panginoon nitong mga huling araw. Hikayatin silang pag-isipang mabuti kung may anumang “lugar na patay sa espirituwal” o spiritual dead spot na nakahahadlang sa kanila na matanggap ang gayong pagpaparating ng mensahe. (Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang tungkol dito sa kanilang scripture study journal.) Magpatotoo na ang Espiritu Santo ay nangungusap sa marahan at banayad na tinig na mas madarama natin kaysa maririnig. Magpatotoo rin na mararanasan natin ang pakikipag-ugnayang ito kapag pinagsikapan nating maging karapat-dapat sa marahang mga pahiwatig na ito.