Library
Lesson 42: 2 Nephi 33


Lesson 42

2 Nephi 33

Pambungad

Tinapos ni Nephi ang kanyang talaan sa pagpapahayag na ang kanyang mga isinulat ay nagpapatotoo kay Jesucristo at humihikayat sa mga tao na gumawa ng mabuti at magtiis hanggang wakas. Sinabi niya na bagama’t isinulat sa “kahinaan,” ang kanyang mga salita ay may “malaking kahalagahan” at “palalakasin” para sa mga taong magbabasa ng mga ito (tingnan sa 2 Nephi 33:3–4). Pinatotohanan niya na ang kanyang mga isinulat ay “mga salita ni Cristo” at pananagutan ng mga tao sa Diyos ang itutugon nila rito (tingnan sa 2 Nephi 33:10–15).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 33:1–2

Itinuro ni Nephi ang tungkol sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na magdala ng katotohanan sa ating mga puso

Idrowing sa pisara ang sumusunod na larawan:

Heart
  • Ano ang pagkakaiba ng mensaheng papunta sa puso ng isang tao at ng mensaheng pumasok na sa loob ng puso ng isang tao?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 33:1. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pagnilayan nang tahimik ang sumusunod na tanong.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na dinadala ng Espiritu Santo ang katotohanan papunta sa ating puso ngunit hindi sa loob ng ating puso?

Habang pinag-iisipan ng mga estudyante ang tanong na ito, basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na sa pahayag na ito, tinalakay ni Elder Bednar ang 2 Nephi 33:1.

Elder David A. Bednar

“Pansinin kung paanong ang kapangyarihan ng Espiritu ang nagdadala ng mensahe papunta sa puso at hindi kinakailangang sa loob ng puso. Ang isang guro ay maaaring magpaliwanag, magpatunay, makahikayat, at magpatotoo, at magagawa ito na may labis na espirituwal na lakas at bisa. Gayunman sa huli, ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig” (“Seek Learning by Faith” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 3, 2006], 1, si.lds.org).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Gerald N. Lund ng Pitumpu:

“Bakit sa puso lamang? Ang kalayaang pumili ng bawat isa ay napakasagrado kaya hindi kailanman pipilitin ng Ama sa Langit ang puso ng tao, kahit mayroon Siyang walang hanggang kapangyarihan. … Pinapayagan tayo ng Diyos na maging tagapag-alaga, o tagabantay, ng sarili nating puso. Dapat na kusa nating buksan ang ating puso sa Espiritu” (“Pagbubukas ng Ating Puso,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 33).

  • Paano malalaman kung pumapasok o hindi ang mensahe sa puso ng isang tao?

  • Kailan ninyo nadama na pumasok sa puso ninyo ang isang mensahe ng ebanghelyo? Ano ang sinasabi nito sa puso ninyo sa pagkakataong iyon?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 33:2 at ipatukoy kung paano tumutugon ang mga tao sa Espiritu Santo kapag pinatitigas nila ang kanilang mga puso. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga salitang “walang kabuluhan” ay “walang halaga.” Ang “ituring [ang mga salitang nakasulat] na mga bagay na walang kabuluhan” ay ang isipin na ang mga ito ay walang halaga.

  • Ano ang ilang pag-uugali at saloobin ng mga taong matitigas ang puso?

  • Para sa inyo, ano ang mensahe ng 2 Nephi 33:2? (Maaaring isagot ng mga estudyante na tayo ang nagpapasiya kung bubuksan o isasara natin ang ating mga puso sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Tiyaking nauunawaan nila na kapag binuksan natin ang ating mga puso, ang mga mensahe mula sa Espiritu Santo ay makakapasok sa ating mga puso.)

Bago magpatuloy sa lesson, bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na mapagnilayan ang nadarama ng kanilang puso at magpasiya kung tutulutan ba nilang makapasok ang mga mensahe ng katotohanan sa kanilang mga puso.

2 Nephi 33:3–15

Ipinaliwanag ni Nephi ang layunin ng kanyang talaan at na inaasam niya na maniniwala ang kanyang mga mambabasa kay Cristo

Isulat sa pisara ang sumusunod:

2 Nephi 33:3—Ako ay patuloy na dumadalangin para …

2 Nephi 33:4—Alam kong …

2 Nephi 33:6—Ako ay nagpupuri …

2 Nephi 33:7—Ako ay may …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 33:3–7 at alamin ang inaasam ni Nephi para sa mga magbabasa ng kanyang mga salita. Papuntahin sa pisara ang ilang estudyante at kumpletuhin ang mga pangungusap, gamit ang sarili nilang mga salita o ang mga salita ni Nephi. (Ang ilan sa mga parirala sa pisara ay maaaring mahigit sa isa ang sagot.)

  • Paano natin mapapalakas ang ating sariling patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

Sabihin sa limang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 2 Nephi 33:10–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga pariralang naglalahad ng pamamaalam ni Nephi na mahalaga sa kanila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan nila ang mga pariralang ito.

  • Alin sa mga parirala ang mahalaga sa inyo? Bakit?

  • Kung naniniwaIa ang mga tao kay Cristo, ano ang mararamdaman nila sa Aklat ni Mormon? (Tingnan sa 2 Nephi 33:10.)

  • Ano ang sinabi ni Nephi na mangyayari sa mga taong hindi maniniwala sa kanyang mga salita? (Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mo ring imungkahi na isipin din nila kung ano ang madarama nila sa harapan ng Panginoon kung pinaniwalaan at sinunod nila ang mga sinabi ni Nephi at ng ibang mga propeta.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 33:15 at pag-isipan ang mga huling salita ni Nephi na: “Kinakailangan kong sumunod.” Pagkatapos ay bigyan sila ng ilang minuto na balikan ang 1 Nephi at 2 Nephi, at alamin ang mga halimbawa ng pagsunod ni Nephi. Pagkaraan ng ilang minuto, ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila. Maaaring ibilang sa mga sagot ang pag-alis sa Jerusalem, pagbalik sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso, pagbalik muli sa Jerusalem para hikayatin ang pamilya ni Ismael, pag-iingat ng dalawang uri ng mga lamina, pagsunod sa direksyon sa Liahona, pagtatayo ng barko, paglalakbay patungo sa lupang pangako, paghiwalay kina Laman at Lemuel, at pamumuno nang mabuti sa kanyang mga tao. Habang nagbibigay ng mga halimbawa ang mga estudyante, maaari mong ilista ang mga ito sa pisara.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kinakailangan kong …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pangungusap na ito sa kanilang scripture study journal o class notebook. Sabihin sa kanila na naniniwala kang kaya nilang magpasyang sumunod. Ibahagi ang naiisip mo kung paano makatutulong ang mga salita ni Nephi na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at mapag-ibayo ang kakayahan nilang gumawa ng mabuti.

Pagrebyu sa 2 Nephi

Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na rebyuhin ang 2 Nephi. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, kapwa sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung kailangan, hikayatin sila na basahin ang 2 Nephi para matulungan sila na makaalaala. Sabihin sa kanila na maghanda na magbahagi ng isang bagay mula sa 2 Nephi na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nagpalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo, tulad ng sinabi ni Nephi (tingnan sa 2 Nephi 33:4). Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag tungkol sa responsibilidad natin na basahin ang Aklat ni Mormon at ang mga pagpapalang darating sa ating buhay kapag ginawa natin ang responsibilidad na ito:

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Sa tingin ko ang sinumang miyembro ng Simbahang ito ay hindi masisiyahan kailanman hangga’t hindi pa niya nababasa ang Aklat ni Mormon nang paulit-ulit, at masinsinan itong napag-isipan para mapatotohanan niya na ito talaga ay isang talaang may inspirasyon ng Maykapal, at ang kasaysayan nito ay totoo” (sa Conference Report, Okt. 1961, 18).

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na kung babasahin ng mga miyembro ng Simbahan ang Aklat ni Mormon, “darating sa [kanilang] buhay at sa [kanilang] tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan [nilang] sundin ang Kanyang mga utos at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 6).

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng personal na karanasan bilang patotoo na natupad sa buhay mo ang mga salita ni Nephi sa kabanatang ito.